Chapter 5

2 1 0
                                    

KAIBIGAN

"Parang close na kayo ni Joaquin, ah? Ano'ng mayroon?"

Bahagya akong napatalon sa pagkakaupo dahil sa gulat kay Chesa. Sinamaan ko siya ng tingin bago ibalik ang atensyon sa cellphone para mag-type ng reply kay Joaquin.

Mamaya na lang, Joaquin. Friends time!

Tinago ko sa bulsa ang cellphone at lumingon kay Chesa na may mapanlokong tingin. Bumuntong hininga ako at kumuha ng ilang piraso sa kinakain niyang Moby.

"Friends lang kami."

"Friends! 'Yong friends sa'yo parang may something!"

Hindi ko na siya pinansin dahil alam kong magtatatalak nanaman siya ng mga bagay-bagay na 'di naman totoo. Oo, close na kami ni Joaquin. Maski ako hindi makapaniwala.

In-add niya ako sa Facebook saktong pagkauwi ko noong una kaming nagkausap. Noong una'y hindi ko siya pinapansin sa chat pero dumating sa punto na nilalapitan na niya ako sa personal kaya wala akong choice kundi pansinin siya.

Masaya naman siya kausapin, nakaka-enjoy. Minsa'y hindi namin namamalayan na umabot na ng madaling araw ang usapan. Isa siya sa mga lalaki na komportable akong kausapin. Syempre si Pacifico 'yong pinaka-komportable ako.

Teka, nasaan ba ang isang 'yon?

Nilibot ko ng tingin 'yong canteen at wala akong makitang matangkad na nakasalamin at naka-gel ang buhok. Lunch na namin at nagugutom na ako!

"Nakita mo si Pacifico?" tanong ko kay Chesa na nilalabas ngayon 'yong sariling baon.

"Nakasalubong ko kanina no'ng papunta ako rito. Akala ko nagkita na kayo?"

Kumunot ang noo ko. Hindi ko pa naman siya nakikita. Ilalabas ko na sana 'yong phone ko para i-text siya pero saktong tumama ang tingin ko sa pintuan ng canteen.

Tumaas ang kilay ko nang makita si Pacifico na may kasamang babae at seryosong nakikipag-usap. Kinalabit ko si Chesa nang paulit-ulit at tinuro si Pacifico.

"Ayon siya. May kasamang babae."

"Nako! Ang ganda," taas-baba ang kilay ni Chesa habang nakatingin sa akin.

Tumango ako. "Cute siya. Sino kaya 'yon?"

Pinanood namin silang dalawa na pumunta sa counter. May biniling pagkain si Pacifico na binigay niya sa babae. Naghiwalay din sila at dumiretso siya sa table namin.

"Sino 'yon?" 'di ko mapigilang mag-usisa. Ngayon ko lang kasi siya nakitang may kasamang babae na hindi ko kilala!

"Ha? Eh..." naupo siya sa harap namin habang kinakamot ang ulo. "Nabangga ko sa labas ng cafeteria. Ayon, natapon pagkain niya kaya binilhan ko ng bago."

"Namantsahan pa nga polo ko, bwisit," tinuro niya 'yong parte na may tapon ng juice ata o softdrink. "Luwalhati oh, may mantsa."

"Anong gagawin ko? Labhan mo."

Binigay na niya sa akin 'yong lunch box na agad ko namang tinanggap. Pinagbuksan din niya ako ng bote ng tubig kaya tahimik na kaming kumain.

Nag-vibrate 'yong phone ko sa bulsa kaya pasimple ko itong kinuha at binuksan. Si Joaquin.

Happy friends time!

Napailing ako at tinabi na agad 'yong phone. Bahagyang nanlaki 'yong mata ko no'ng makitang nakatingin sa akin si Pacifico. Nagtaas siya ng kilay bago umiling at nagpatuloy sa pagkain.

Tingin, LuwalhatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon