"Fantastic ka talaga, Jackson! Fantastic ka sa paggawa ng kalokohan!" nanginginig sa galit na sigaw ni mama.

"Hindi nga po ako ang pasimuno. Niyaya lang din ako!" katuwiran ko.

"Wala ka bang utak para tumanggi?! Alam mo namang hindi tama iyon!"

"K-kaibigan ko kasi sila . . . ." Hindi ko alam kung tama pa bang sabihin iyon pagkatapos nila akong ilaglag nang mag-isa.

"Kung talagang kaibigan ang mga iyon hindi ka nila hahatakin na gumawa ng mga bagay na ikapapahamak mo! Sa susunod pipiliin mo ang sasamahan mo, naiintindihan mo ba?!" Walang imik akong tumango.

Mayamaya ay dumating si Janus na galing sa eskuwelahan. Kung paano siya umalis kanina ay ganoon na ganoon pa rin ang hitsura niya ngayon; malinis na polo, maayos na buhok . . . Ibang-iba sa akin na mukhang nanggaling sa imbakan ng basura dahil sa itim ng uniform na hinuhubad ko at inilalapag lang kung saan-saan bago maglaro. Pinasadahan niya ako ng tingin bago naglakad palapit kay mama at yumakap mula sa likuran.

"Ang bango mo, Ma. Bagong cologne ba iyang gamit mo?" tanong niya.

"Tigilan mo ako, Janus. Inilulusot mo na naman iyang kuya mo," kunwaring pambabale-wala ni mama sa sinabi ng kapatid ko.

"Nasa hagdan pa lang ako naaamoy ko na iyong bango. Sabi na sa iyo iyon e."

Pasimpleng inamoy ni mama ang manggas ng suot niyang blouse. "Mabango ba talaga? Sinubukan kong gawing pabango iyong fabric conditioner na hinaluan ko ng tubig."

Lumaki ang mga mata ni Janus, kunwari ay nagulat. "Talaga?! Akala ko mamahaling pabango!"

Sinamantala ko ang pagkakataon na tumalilis. Pababa pa lang ako ng makasalubong ko si ate na paakiyat, bitbit ang plastic na may lamang isda. Bakit ba napakamalas ko ngayon?

"Saan ka sa tingin mo pupunta?" harang niya sa akin.

"Sa labas. Kaya nga ako bababa e."

Akala ko hahambalusin niya na naman ako pero hindi. Sa halip, pagod niya lang akong tinignan at pinagsalitaan, "Ano ba talaga ang gusto mong mangyari? Maging kasing-dilim ng balat mo iyang kinabukasan mo?"

Bumilog ang labi ko. "Ano ang problema mo sa maitim? Ikaw rin naman a. Mas light ka nga lang."

"Wala akong problema sa maitim pero sa iyo malaki. Dise-siete ka na, Jackson! Dapat nga nasa kolehiyo ka na pero iyang utak mo pang-elementary pa rin!" Nakapikit siyang nagpakawala ng mabigat na hangin saka ako tinabig. "Matanda ka na kaya mag-isip ka. Walang mangyayari sa iyo kung puro kalokohan lang iyang alam mo."

* * *

Bumalik na si ate sa Manila at ako naman ay sa eskuwelahan. Mediyo kinakabahan ako dahil wala akong balita kung ano na ang nangyayari sa klase namin. Siguradong marami akong na-missed at hindi ko alam kung nasaang bahagi na kami ng lesson. O kung magagawa ko bang masundan at maintindihan ang mga iyon. Nasa hagdan pa lang ako ng third floor ng maramdaman ko ang mabigat na paghawak sa backpack ko. Nang lingunin ko kung sino iyon, nakita ko si Jerick na malawak ang ngisi.

"Papasok ka? 'Tang-inang iyan. Bakit?" natatawa niyang tanong. "May bagong tambayan akong nakita. Mediyo malayo iyon dito kaya siguradong hindi na tayo mahuhuli ni Ma'am Gomez."

"Hindi na ako ulit sasama sa inyo, pahamak naman kayo e. Sa akin ninyo ibinagsak ang lahat ng sisi sa kalokohang sama-sama naman nating pinlano."

Nalukot ang noo niya kasabay ng pag-angat ng labi. "Parang iyon lang. Ano naman? Hindi ka naman na-kick-out a."

Nagpantig ang tenga ko dahil sa sinabi niya. "Paano kung na-kick-out pala ako? Ano ang gagawin ninyo?"

Nanikip ang dibdib ko dahil sa pagpuno ng galit. Bago pa man ako makapagsalita ng hindi maganda, tinalikuran ko na sila. Pero hindi ko pa man naihahakbang ang mga paa ko paakiyat, natigilan ako dahil sa pahabol niyang sinabi, "Wala ka palang kuwenta e."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon