Hindi ka na ba talaga titino? Grabe naman iyang tanong nila. Ganoon ba talaga ako katarantado sa paningin nila? Hindi na ako nagsalita. Ano pa ang sasabihin ko? Kahit ano namang ikatuwiran ko wala akong panama sa kaniya e. Akala ko tapos na siya ng manahimik siya at ilapag ang bag sa upuang malapit sa akin nang bigla kong maramdaman ang malakas na pagdapo ng kamao niya sa likod ng ulo ko.

"Strike!" malakas na sigaw ni Jeremy habang tumatawa.

Hawak ang parteng tinamaan, nanlalaki sa magkahalong gulat at sakit ang mga mata kong tumingin kay ate na tinaasan lang ako ng kilay.

"Bakit? Ano ang akala mo, makakaligtas ka?" tanong niya.

"Mukha ba?" matabang kong sagot.

Dinaig ko pa ang kidlat sa bilis ng umamba siyang uulitin niya na naman ang ginawa niya. Ayaw ko na ng strike two.

"Sasagot ka pa?"

Nabahag ang buntot kong sumagot, "Hindi na nga e."

"Bakit pala napaaga ang uwi mo, ate?" basag ni Janus sa katahimikang panandaliang bumalot sa amin.

Oo nga. Bakit ba napaaga ang uwi niya? Tuwing Sabado at Linggo lang naman siya dapat nandito a. Tinamaan tuloy ako. Nakaligtas nga ako kay mama, siya naman ang bumawi. Tiyanggalang buhay iyan.

"Hindi ko rin alam. Basta sabi ng pakiramdam ko umuwi muna ako ngayon." Tumingin siya sa akin. "At buti na lang umuwi talaga ako. Wala kang ligtas sa akin, Jackson."

Sa Manila siya nag-aaral at nagtatrabaho dahil gustong magpaka-independent. Ilang taon din siya roong naghanap-buhay bago nakatagpo ng mabait na among tumulong sa kaniya para makabalik-eskuwela. At itong school year nga na ito ang unang subok niya sa kolehiyo. Ako ang sumunod sa kaniya pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong plano sa buhay. Ni hindi ko nga alam kung ano ang kursong kukuhain ko sa kolehiyo. O kung mag-aaral pa ba ako.

Itinali niya papusod ang mahaba niyang buhok na ang sarap sabunutan para makabawi man lang ako kahit papaano sa lahat ng pang-aaping ginawa niya sa akin. Ano kaya kung ukain ko iyon habang tulog siya? Hindi ko pa man nabubuo nang kongkreto sa isip ko kung paano iyon gagawin nang hindi niya napapansin ay tinawag niya na naman ako at pinasunod sa kaniya.

Lumapit siya sa bintana at dumungaw, tinatanaw ang wala namang iba kundi ang dikit-dikit na mga bahay ng kapit-bahay naming walang ibang ginawa kundi ang mag-umpukan sa labas at mag-chismisan, na akala mo ay iyon ang tanging nagpapanatili sa kanilang buhay. Mamamatay kaya sila kapag hindi nila iyon nagawa sa isang araw?

Tumabi ako sa kaniya at ginaya ang posisyon niya. Ilang minuto ang lumipas pero hindi pa rin siya nagsasalita. Usap daw tapos walang bukahan ng bibig? Ano ang gusto niya telepathy? Nang mainip ako at hindi na matiis ang mabigat na presensiyang inilalabas niya, ako na ang bumasag sa katahimikan. Tiyanggala kasi, para siyang villain sa mga napapanood kong anime noon sa TV5 na naglalabas ng maitim at masamang aura.

"May sasabihin ka ba, ate? Sabi mo kasi usap tayo tapos hindi ka naman nagsasalita."

Nahagod ko ang malambot at bagsak kong buhok na namana ko kay mama, pareho kami ng mga kapatid ko. Pati kulay namin iisa lang e—kayumanggi. Pilipinong-Pilipino ang dating na kay papa naman namin nakuha. Pero sa akin ang pinakamaitim ang pagkaka-shade at kay ate naman ang pinaka-light—na siguro ay nag-light lang kahit papaano dahil nanunuluyan siya sa bahay ng amo niya na may aircon.

Humarap siya sa akin, walang bakas ng kahit kaunting pagkatuwa ang hitsura. "Ano ang balak mo sa buhay mo?" malaman niyang tanong. "Dalawang beses ka ng umulit ng fourth year high school, hindi ba? Gusto mo pa ba ng pangatlo, pang-apat hanggang pang-isang libo?"

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon