"Pag-isipan muna natin ang gagawin natin Victoria." Sabi nito sa akin, habang nakakubli kami at pasilip-silip sa mga piitang gusto naming puntahan. "Maraming bantay ngayon. Mahihirapan tayong makalusot."

Dahil do'n, humanap muna kami ng pinakamalapit--ngunit pinakakubling silid, upang do'n muna magtigil at magtago, upang mapagplanuhan naming mabuti ang aming gagawin.

"Nakita ko ang Mama mo Nathaniel. Isa ito sa kanila." Umiiyak na bulong ko sa kanya, habang sumisiksik kami sa isang sulok.

"Alam ko."

"Alam mo?! Kailan pa?"

"Kailan lang." Nanlulumo ito,"ilang araw matapos tayong ikasal."

"Ha? Pero bakit hindi mo man lang sinabi sa 'kin."

"Hindi pa kasi ako masyadong sigurado noon." Sagot nito, "kaya ang unang naging hakbang ko'y ang mailabas ka muna sa hacienda para mailayo kita sa kanya."

"Mailayo? Pero ba--"

"Nahuli kong dinadasalan ka ni Mama ng orasyon habang ika'y natutulog." Pagputol nito sa sasabihin ko sana,"'yun ang dahilan kung bakit palala ng palala ang kalagayan mo no'n. Ayoko namang malaman nito na alam ko na ang sikreto niya, kaya pinaniwala ko ito na gusto ko lamang na maipagamot ka sa labas."

"Naguguluhan ako Nathaniel. Hindi ba't siya itong hindi naniniwala sa mga sinasabi mo sa kanya tungkol sa tunay na nangyari sa kapatid mo?"

Makailang beses itong nagbuntong-hininga. Umiyak din ito saglit na lumipas din naman agad.

"Naguguluhan din ako no'ng una."Matapos ang pagtahan nito. "Pero nang tumagal na, lalo na nang nakapag-isip akong mabuti habang ako'y nakakulong. Napagtagni-tagni ko rin ang lahat-lahat ng pangyayari sa aming pamilya."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Na si Mama, at hindi si Papa ang tunay na nagdala ng kamalasan sa aming Pamilya. Na mas una pa itong naging kasapi ng samahang ito. Kasabwat nito ang Papa mong si Eduardo, sa pang-aakit ni Mama kay Papa, upang ito ang maging asawa nito mahigit dalawampu't siyam na taon na ang nakalilipas. Pinlano nila ito, upang mapasakamay ng Mama at ng kanilang samahan ang buong Hacienda ni Papa. Wala akong ebidensya, pero malakas ang kutob kong si Mama rin ang may pakana at nanabutahe sa rituwal ng Papa, kaya hindi na nakabalik pa ang kaluluwa ni Papa sa katawan nito." Tinitigan ako ni Nathaniel, "Isang mangkukulam ang aking Mama, Victoria. S'ya rin ang may pakana ng mga kababalaghan sa aming Hacienda. S'ya rin mismo ang pumapatay sa mga hayup na pag-aari ng aming mga tauhan. Kinukuhanan n'ya ng dugo ang mga ito upang magamit sa pangkukulam bilang alay at sakripisyo n'ya sa pinapanginoon n'yang diyablo."

"Nahuli ko silang nagtatalik ng kaibigan kong si Marco." Mahinang sumbong ko kay Nathaniel. "Hindi ko alam kung paano sila nagkakilala ng Mama mo."

"Ang totoo. Kilala ko talaga si Marco."

Nagulat ako sa kanyang tinuran.

"Alam mong may relasyon sila ng iyong Mama."

"Hindi." Sagot nito. "Pero hindi na ako nagugulat kung mayro'n nga."

"Pero pa'no mo nakilala si Marco?"

Matamang tiningnan ni Nathaniel ang mga mata ko.

"Kapatid mo si Marco."

'Yun ang kagimbal-gimbal na rebelasyong hindi ko malaman kung pa'no ko tatanggapin ngayon.

"Paanong--"

"Anak s'ya ni Eduardo sa asawa ng isang mayamang negosyante. Sinasadya talaga ni Eduardo na puntiryahin ang mga asa-asawa ng mayayamang lalaki, upang makuha nito ang kanilang mga kayamanan. 'Yun ang paraan nito para patuloy nitong mapondohan ang kanilang samahan."

"Sinasabi mo bang alam ito Marco sa simula't-simula pa?"

"Hindi ko alam, Victoria." Umiiling-iling na sagot n'ya, "Pero hindi na ako nagtataka, kung maging ang pakikipagkaibigan n'ya sa iyo ay kasama sa kanilang mga plano."

"Hindi ko pa rin talaga maintindihan ang relasyon nila ng Mama mo, Nathaniel." Mangiyak-ngiyak na ako.

"May mga bagay talaga na mahirap intindihin, lalo pa't limitado ang anggulong nakikita natin. Hindi ko alam na may relasyon sila. Ngayon ko lang ito narinig, pero hindi na ako nagtataka kung pagnasaan man ng Mama ang mga lalaking di hamak na mas nakababata sa kanya."

"Bakit, may kilala ka bang iba pang mas bata kay Marco na pinagnasaan ng Mama mo?"

"Oo."

"Kilala mo?"

"Oo."

"Sino?"

"Ako."

Napanganga ako sa aking narinig.

"Kadugo mo s'ya hindi ba? Totoong nanay mo s'ya hindi ba?"

"Oo."

"Eh bakit gan'on?"

"Walang sinasanto ang mga kampon ng demonyo, Victoria. Kung ano ang mas bawal at karumaldumal sa Diyos, 'yun ang mas gusto nilang gawin. Kasama na roon ang pakikipagtalik sa mga kaanak (1) at mga hayup (2)."

"'Yun ba ang dahilan kung bakit hindi ka nagtititigil sa inyong Hacienda?"

"Oo. Lalong-lalo na nang nawala na si Papa." Yumuko ito; pansamantalang ikinubli ang mukha. "At ikaw?" Biglang pagbaling nito sa akin, "Sa tingin mo, ano ang kailangan ni Eduardo 'yo?"

Hindi ako nagsalita. Hindi ko rin naman kasi alam ang isasagot.

"Gusto ka n'yang angkinin, Victoria." Isa na namang nakakagulantang na rebelasyon nito, " pero hindi bilang isang anak, kundi bilang isang babae (1)."

***

Footnotes:

(1) Biblical prohibition of Incest (the crime of having sexual intercourse with a parent, child, sibling, or grandchild.) Leviticus 20:11-14,

(2) Biblical prohibition of Bestiality (sexual intercourse between a person and an animal.): Leviticus 20:15-16, 17-21

[Itutuloy]

LagimWhere stories live. Discover now