Chapter Thirty-Two - Bullet

12.1K 365 17
                                    

        Nagkubli pa sana ako pero nakita rin ako ni Ryu. Lumapit siya sa amin ng kanyang ama.

        "Pinapunta kita sa Nagoya para mag-aral hindi para makipagtagpo ka kung kani-kanino diyan," naiinis niyang sita sa akin. Nakita kong parang nasaktan ang kanyang ama sa sinabi niyang yon. Nagkunwari na lang akong nabigla nang makita siya.

        "Ryu! Ikaw pala."

        Naningkit ang kanyang mga mata. "Bakit? May inaasahan ka pa bang iba?"

        Hinila ko ang isang bakanteng upuan sa kabilang mesa at sinabihan ko siyang maupo at magkape na rin. Tiningnan niya lang ang silya at bumalik ang atensyon niya sa akin.

        "Tumayo ka na riyan. Uuwi na tayo," utos niya sa akin.

        "Hindi ko pa nauubos ang kape ko. Mamaya na," at hinagud-hagod ko pa ang braso niya. Naaawa na ako sa papa niya. Wala siya talagang balak kahit na i-acknowledge man lang ang presence nito.

        "Yan lang ba ang inaalala mo?" Dinampot niya ang mug ko at tinungga ang natitirang kape. "O hayan, ubos na. Halika na."

        Umasim ang mukha ko. Tiningnan ko siya ng masama.

        "Ubos na ang kape mo. Wala ka nang dahilan na manatili pa rito. Umalis na tayo rito bago pa masagad ang pasensya ko sa yo."

        Napabuntong-hininga ako. Hinarap ko ang kanyang ama at humingi dito ng dispensa.  Tumangu-tango ito. Wala daw akong dapat ihingi ng paumanhin dahil naiintindihan naman daw niya.

        "Sige na, Mara-chan. Saka na lang tayo mag-usap ulit."

        "Sige po, Papa. Pasensya na po talaga," at tumayo na rin ako.

        "Papa?  Ganyan ka ba ka-desperada magkaroon ng ama? Nakikipapa ka na rin sa taong di mo kilala? Baliw ka ngang talaga!"

        "Ryu!" saway ng kanyang ama pero ni hindi man lang ito tiningnan ni Ryu. Hinawakan niya lang ang kamay ko at basta na lang akong hinila palayo sa kanyang ama. Lumingon pa ako sa papa nya at kumaway.  Tinapunan na naman ako ng masamang tingin.  Nang nasa loob na kami ng kotse niya galit na galit niya akong sinita.

        "Di ba nag-usap na tayo tungkol sa kanya? Di ba sinabi ko sa yo nang ilang ulit na ayaw na ayaw kong nakikipagkita ka sa mamang yon?  Walang kwentang tao yon!  Hindi ka dapat nagtitiwala!"

        "Ama mo siya, Ryu. Ba't di mo siya hayaang magpaliwanag?"

        "Patay na si Papa. Kailanman hindi na siya babalik pa. Dapat yan din ang tinatatak mo diyan sa utak mo. Napaka-slow mo talaga kahit kelan!"

        Hindi na lang ako kumibo. Mukhang sarado na talaga ang isipan niya tungkol sa ama. Imbes na makipagdiskusyon sa kanya, tumingin na lang ako sa labas ng bintana habang naglilitanya siya sa akin. Tumahimik na rin siya nang magsawalang-kibo ako.  Pinaandar na niya ang kotse.  Nang makita kong hindi papunta sa bahay namin sa Nagoya ang direksyong tinatahak ng sasakyan, binalingan ko siya at tinanong.

        "May tse-tsekin lang tayo," sagot niya sa mahinang boses.

        Hindi na ako nang-usisa pa.  Naghintay na lang ako kung saan kami titigil. Mayamaya pa, lumiko ang sasakyan sa isang malaking flower shop. Kumunot ang noo ko.  Lalo akong naguluhan nang pumasok ang kotse sa parking lot nito.

        "Baba na," utos niya sa akin.

        "Anong gagawin natin dito?" tanong ko.

YUUKI NO HANA BOOK 2 (FLOWER OF COURAGE - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon