Chapter Two - Sleepover

14.9K 397 31
                                    

        Matagal akong niyakap ni Ryu. Damang-dama ko ang init ng kanyang pagmamahal kaya kahit may pagdududa pa rin, naibsan ang aking mga alalahanin. Hinagkan-hagkan pa niya ang aking buhok at binulungan ako ng mga sweet nothings.

        Nang tumahan na ako, saka pa lang niya ako binitawan. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at pinahiran ang aking mga luha.

        "Ilang ulit ko bang dapat sasabihin sa yo na wala kang dapat ipagseselos? Iyong-iyo ako. I will always be yours," malumanay nitong sabi.  "Just have faith, okay? Trust me."

        Tumangu-tango ako. Nawala na ng tuluyan ang pagdududa ko. Marahil ay sobra lang akong affected ng mga pang-aalaska ni Haruka. Kaya siguro masyado na naman akong nag-isip.

        Umalis sa tabi ko si Ryu at nagpunta sa kitchen niya. Hindi kalakihan ang condo kaya kitang-kita ko pa rin siya habang naghahanda ng lulutuin niya para sa amin. Ito ang pinakagusto ko kay Ryu. Sa kabila ng nakagisnang karangyaan, marunong pa rin kahit simpleng luto lang. Hindi siya kagaya ng karaniwang anak-mayaman sa Japan na masyadong umaasa sa pagkain sa labas.

        "Okay lang ba sa yo ang yakiniku (grilled meat)?" tanong nito sa akin habang naghuhugas ng karne sa lababo.

        "Oo. Tulungan na nga kita dyan," pagboboluntaryo ko sabay lapit sa kanya.

        Inabot niya sa akin ang chopping board at kutsilyo. Maghiwa daw ako ng green pepper, onions, cabbage, at carrots dahil sabay naming igi-grill yon sa karne. Habang hinahanda namin ang iihawin, tumunog ang cell phone niya. Dinampot niya yon agad sa lamesa at iniwan niya sa akin ang paghahanda sa hapunan namin. Lumayo siya ng kaunti sa akin habang kinakausap ang kung sino man sa kabilang linya. Napansin kong hininaan pa niya ang boses. Mayamaya'y binuksan pa niya ang sliding door na papunta sa veranda at lumabas. Dun niya kinausap ang tumawag.

        Umiral na naman ang pagiging doubting Thomas ko. Naisip ko agad, bakit kailangan pa niyang lumabas para kausapin ang kung sino mang Herodes na tumawag kung hindi yon babae? At kung ordinaryong babae lang yon, bakit ayaw niyang iparinig sa akin ang pag-uusap nila sa telepono?

        Bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Kinakabahan na naman ako. Malakas ang kutob kong babae ang tumawag. At hindi lang yon basta babae. Baka may espesyal na kaugnayan iyon kay Ryu.

        Bumuntong-hininga ako. Kailangan kong kontrolin ang sarili. Nangako na ako sa kanya na hindi ko na siya pagdudahan. Na I will have faith in him. Pero ganunpaman, hindi ko makontrol ang bilis ng tibok ng puso ko. Tinampal tampal ko ang dibdib para pakalmahin ang sarili pero ganun pa rin. Huminga uli ako nang malalim. Pinilit ko ang sarili na magconcentrate na lang sa paghahanda ng hapunan.

        Pagpasok niya sa loob, nahugasan ko na lahat ang mga gulay at karne at inayos ko na ang pagkakalagay sa plato. Dinala ko iyon sa mesa kasama ang electric grill niya. Wala akong imik habang nag-aayos ng mesa. Pero masama ang loob ko. Pinipilit ko lang magmukhang okay pa rin.

        Lumapit ako sa refrigerator at kumuha ng inumin. Naghahanap ako ng canned juice pero halos puro alcoholic drinks lang ang nandoon. Sari-saring brand ng beer tsaka kung anu-ano pang di ako pamilyar. Napakunot ang noo ko. Ang alam ko, di pa sana allowed uminom ng alcoholic drinks si Ryu dahil tulad ko, nineteen pa lang siya. Napailing-iling ako.

        "Ikuha mo nga ako ng beer," pakiusap nito sa akin.

        Dinampot ko ang lata ng Ebisu at kumuha na rin ako ng cartoon ng apple juice. Pagkalapag ko nun sa mesa, kumuha ako ng dalawang baso para salinan namin ng inumin. Nagsalin siya ng beer sa dalawang baso.

YUUKI NO HANA BOOK 2 (FLOWER OF COURAGE - COMPLETED)Where stories live. Discover now