Banyuhay

374 4 0
                                    

Banyuhay

            Isang maliit na paru-parong itim na may bahid ng dilaw na mga tuldok ang pakpak ang lumipad patungo sa ‘kin at dumapo sa hawak ko na lilang bulaklak. Nadagdagan tuloy ang palamuti ko at ang aking kagandahan.

            Maganda nga ba talaga ako?  May ilang klase ng bulaklak akong hawak. Ang kabuan ko’y nakulayan ng rosas na siyang nagbigay ng kaaliwasan sa ‘kin. Ngunit sa likod ng pagiging kaakit-akit, ako’y may madilim na lihim.

            Mabuti pa nga iyong paru-paro, may kabutihang naidulot ang kanyang pagbanyuhay. E ako? Kasama ba sa pagbabagong-anyo ko itong bagong papel ko sa mundo?  Payak akong napatawa. Kung gayon, mas nanainisin ko pang bumalik ako sa aking nakaraan- kung sa’n ang tungkulin ko ay para sa kabutihan.

            Nagmula ako sa panahon ni Noah at siya ang kauna-unahang taong lumikha sa akin. Mula sa malalaking troso ng mga sinaunang puno ay pinagdikit-dikit niya ang mga 'to at itinali gamit ang mga baging. Nagsilbi akong dingding ng ginawa niyang malaking barko na siyang gagamiting tahanan ng mga iba't ibang klase ng hayop at ng pamilya niya para sa nalalapit na bagyo.Sa panahon ng malawakang pagbaha ay prinoteksyonan ko ang mga buhay na nasa loob ng barko sa pamamagitan ng paghadlang sa malakas na alon ng tubig sa pagpasok sa loob nito. Masaya akong nakatulong para mapanatili sa daigdig ang iba't ibang uri ng likha ng Panginoon na may buhay.

        Muli akong nagamit noong panahon ng mga pharaoh kung sa'n ako'y yari na sa pinatigas na buhangin. Ginawa akong pananggalang sa paglusob ng ibang lupon sa kaharian. Sa angking kong taas at lakas, hinahadlangan ko ang pagsalakay ng mga kaaway sa aming kaharian.

        Sa panahong iyon din nagsimula nang gumawa ng kabahayan ang mga tao na hindi na yari sa kulandong. At do'n nagsimula ang tungkulin kong hindi lamang ang nasasakupan ng buong kaharian ang aking prinoproteksyonan kundi maging ang mga tahanan ng mga taong naninirahan dito. Nagbibigay ako ng init sa panahon ng lamig.Pinipigilan ko rin ang pagpasok ng alikabok  at buhangin sa loob ng kabahayan. Ako rin ang siyang naging sandata para hindi mapasok ng mga peste ang loob ng mga tahanan.

        Lumipas ang ilan pang taon ay nadiskubre ng tao ang proseso para ako'y mapatibay. Ang apog o dyipsum ay dinudurog at ito'y hinahalo sa buhangin at tubig. Mula roon ay nabubuo ako. Ang katawan ko'y may kagaspangan. Gayumpama'y nararamdaman kong mas malakas ako ngayon kumpara noon

             Sa pagdaan ng taon, ginamitan din ng iba't iba pang uri ng bato ang pagpapatayo sa 'kin gayundin ng ladrilyo. Sa pag-usbong ng teknolohiya'y may mga kemikal na ring inihalo sa mga sangkap para ako'y mabuo. At totoong ngang sa paglipas ng ilang milenyo ay patibay na ako ng patibay. Naging panghadlang ako sa malalakas na bagyo. Pinipigilan ko ang pagpasok ng baha sa mga tahanan. Sa yanig ng lupa'y, hindi na ako madaling mabiyak. Hindi na rin ako natutupok ng apoy. Sadyang matatag na ako! 

        At para ako’y maging kapansin-pansin, binigyan ako ng kulay at disenyo sa pamamagitan ng pagpahid ng pintura sa aking kabuuan. Naging kaakit-akit ako sa mata ng tao at lubos ko iyong ikinatuwa noon, ngunit hindi na ngayon.

            Sapat na sa akin iyong maging malakas ako’t matatag. Kaysa naman iyong ganito nga ako kaganda, may baho naman akong itinatago.

             Tunog ng sasakyan ang nagpatigil sa aking pagbabalik nakaraan. Iniluwa nito ang isang matangkad na lalaki. Nawala ang ngiti ko habang nakatingin ako sa kanya.

 Lumakad siya papunta sa kinaroroonan ko at pinagmasdan niya ang kabuuan ko. Pagkatapos ay lumapit siya sa akin at hinaplos niya ako. Dumantay ang init ng kanyang palad sa nanlalamig kong kulay rosas na katawan. Lumapat sa kanyang labi ang isang nakakalokong ngisi na nakapagpaka sa akin. Alam ko na ang ibig ipahiwatig niyon. Sasaktan na naman niya ako!

            Kailanman ang taong ‘to ay hindi naging mabuti sa akin. Bata pa lamang siya ay sinisira na niya ako. Sinusulatan niya ng walang katuturan ang aking katawan. Sinusuntok niya ako at minsan ay binabato niya sa ‘kin ang bote ng alak kapag nakakaramdam siya ng galit. Hinahayaan niya ring maipon ng basura ang aking tabi. At iniihian niya ako’t hinahayaang umalingasaw ang mapanghi kong amoy.

            Oo nga’t pinaganda na niya ako ngayon. Kaakibat naman nito ang paglilihim ko sa kanyang kasamaan.

                        Sa bawat pagdapo ng maso sa ‘kin ay unting-unti akong nawawasak. Napapaungol man ako sa sakit ay hindi niya iyon alintana. Patuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa hanggang sa kalahati ng lapad ko ang kanyang nagiba.

Ito ang kalimitan niyang ginagawa sa ‘kin. Ito ang silbi ko sa kanya.

“Ayan. Pwede na siguro ito,” wika niya sa kanyang sarili at itinapon na lamang niya sa lupa ang maso. Iniwan niya ako saglit at sa kanyang pagbabalik ay may hinihila siyang maitim na supot.

‘Sinasabi ko na nga ba.’

Ayoko man nitong nais niya ay wala akong magagawa. Tungkulin ko ang maging isang taga-proteksyon at sa ganitong paraan ko siya maproproteksyonan.

“Dito ka nababagay.” Ipinasok niya sa giniba niyang parte ko ang hinihila niyang supot. Nang maayos niya ito’y muli niya akong binuo. Muli rin niya akong kinulayan. Wala man lang bakas na may nakasilid sa akin. Wala ring makakaalam na sa katawan ko nakatago ang mga bangkay na kanyang pinapatay.

Oo! Ginagawa niya akong sisidlan ng mga taong kinikitilan niya ng buhay. Ito ang silbi ko sa kanya –proteksyonan siya para hindi siya mahuli sa krimeng ginagawa niya.

Ayoko ng ganito! Labag ‘to sa kalooban ko! Pero ano nga bang magagawa ko? Isa lang akong pader,  walang bibig para makapagsalita’t tumanggi sa nais niya, walang mga kamay para itulak siya palayo nang sa gayo’y pigilan siya sa ginagawa niya.

Hanggang kailan ako magiging ganito? Na maging kasabwat niya sa pagpaslang?

Hindi ko alam…

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon