Fifth Element

784 8 1
                                    

Fifth Element

By: DeathStar34

“Kompleto na sila!” paulit-ulit na sigaw ni Marcus, kitang-kita ang mga ugat sa leeg niya sanhi ng malakas ng boses. Halos isang libong pares ng mata ang gumawi sa kanya habang papatakbo siya sa pinaka-kabisera ng bulwagan. Humahangos na huminto ito ilang metro ang layo sa pinuno ng lupong yaon. Yumuko ito bilang respeto at pagkatapos ay ipinaalam niya sa matandang pinuno ang balitang nasagap.

“Magkakasama na po ang apat na bata.” Walang reaksyon ang pinuno, nanatili itong nakamasid kay Marcus, hinihintay ang karagdagang impormasyong sasabihin niya. “Mula sa apat na direksyon ng Odnum, napagbuklod na ang apat na batang magliligtas sa atin mula sa pagkawasak ng sangkatauhan. Anumang sandali'y...”

Naudlot ang pagsasalita nito nang muling bumukas ang malaking pintuan, iniluwa nito ang dalawang nakabaluting kawal na dire-diretsong naglakad patungo sa kinaroroonan nila. Pumagitna sa dalawa ang isang lalaking nakadamit ng purong itim, abuhan ang medyo may kahabaang buhok at natatakpan ng bilugang piraso ng itim na tela ang kaliwang mata. Matikas ang pangangatawan nito't tuwid maglakad. Siya si Wyatt, ang siyang namumuno sa mga mandirigma sa buong Odnum.

Tulad ni Marcus, yumuko siya sa kanilang pinuno. “Primus Jaxon, sa mahigit isang linggong paglalakbay sa iba't ibang panig ng Odnum, napag-isa ko na ang iyong pinapahanap, ang apat na batang may taglay na kapangyarihan.” Tumigil ito sa pagsasalita at lumingon sa pinanggalingan. Mula sa nakabukas na pintuan ay magkakasabay na pumasok ang apat na batang tinutukoy ni Wyatt.

Ang lahat ng paningin ng tao ay nabaling sa apat na batang nagmamartsa papunta sa kinatatayuan ni Wyatt. Bawat isa sa kanila ay may hawak na sandata. Pawang nakasuot sila ng kulay itim na damit. May nakapatong na baluti sa kanilang dibdib at pare-pareho silang may suot na kristal na kwintas na kulay puti, asul, berde at pula-ang apat na kulay na sumisimbolo sa apat na elemento.

Huminto ang apat nang makahilera na kila Marcus at Wyatt. Ang batang lalaking may kulay pulang buhok ang unang lumuhod kay Primus Jaxon at pinakilala ang sarili. “Mahal na Primus, ako si Foc, isang mamamana mula sa timog na bahagi ng Odnum na siyang pinakalooban ng namayapang haring Stapan ng kapangyarihan ng apoy.” 

Dahil si Foc ang pinakapanganay sa apat, siya ang tumayong lider ng mga ito. Pinakilala na din niya ang tatlong kasama niya na sina; Vizuana , ang salamangkerang bata mula sa hilaga na may hawak ng kapangyarihan ng lupa;  Maree na mula sa kanluran, ang batang may kapangyarihan ng tubig at ang bihasa sa paggamit ng sandatang punyal at ang huli'y si Cer mula sa silangan, isang batang bihasa sa paggamit ng espada't may kapangyarihan ng hangin.

Matapos silang ipakilala ay tinipon sila ng Primus sa isang pribadong silid. Kasama din sa pulong na yaon sina Marcus at Wyatt.

Nang makaupo na ang lahat sa silyang nakalaan para sa kanila'y nagsimula nang magsalita ang Primus, “ Dalawang linggo na rin ang nakakaraan nang magsimula ang delubyo rito sa Odnum. Maraming komyunidad ang nawasak at maraming buhay ang kinitil ng mga dyablo, ang ilan nama'y sumapi na sa kasamaan kapalit ng kanilang buhay. Halos otsenta porsyento ng kabuuang populasyon natin ay wala na, iilan na lamang tayong natitira rito. Kaya ko kayo tinipon ay para humingi ng tulong,” tumigil ito sandali at isa-isang tinignan ang mga taong naroroon partikular ang apat na bata, “ Alam kong mga musmos pa kayo, sa kabila ng panghahasa sa inyo sa pakikipaglaban, alam kong mas nanaisin niyo pa ring maglaro katulad ng normal na bata. Ngunit, sa kasalukuyang nagaganap ngayon, kailangan namin ang inyong pinagsama-samang kakayahan at kapangyarihan. Kayo, higit kanino man ang siya lamang makakapagligtas sa Odnum. ”

Nang umupo ang Primus sa pinakabisera ay tumayo naman si Marcus at nagsalita, “ Dahil sa kakulangan ng mandirigma at sa patuloy na paglakas ng kapangyarihan ng mga dyablong Olbayd, hindi na kaya pa ng natitirang mga kawal na sugpuin ang mga kalaban. Kung ganito lamang ang mangyayari'y masasakop na ng kasamaan ang buong Odnum. Maghahari na ang lagim, ang pinakamasaklap pa'y wawasakin ng Olbayd ang sangkatauhan. Ayon sa propesiya, maisasalba lamang ang pagkawasak ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pinagbuklod-buklod na kapangyarihan ng haring Stapan. At dahil sa inyong apat naipagkaloob ang apat ng elementong kapangyarihan ng namayapang hari,malamang sa hindi, kayong apat ang magliligtas sa buong Odnum.”

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon