That Thing Called Forever

723 12 1
                                    

That Thing Called Forever

"Ate, naniniwala ka ba sa forever?"

Huminto ako sa paglalakad sa kahabaan ng Session Road. Gaisang guhit ang aking kilay na napalingon kay Maiah, "Seryoso ka riyan sa tanong mong iyan?" Tango lamang ang sagot niya.

Napamura ako at ipinagpatuloy ang naudlot kong paglalakad. Lumiko ako pakaliwa nang muli ko na naman narinig ang pagtawag niya sa akin kaya naman sa pangalawang pagkakataon ay huminto ako't nilingon siya. Bakas sa mukha ko ang pagkairita.

‘Pag naririnig ko ang salitang ‘Forever’, nababdtrip na ako kaagad. Idagdag pa ang makulit na kasama, e ‘di double badtrip na! Hindi ko tuloy mapigilang hindi siya taasan ng kilay.

Bahagya naman siyang ngumiti at napakamot pa sa ulo bago nagsalita, "E survey lang po iyon para sa assignment ko. Pakisagot naman 'te o," bakas sa kanyang mata at tinig ang pakikiusap.

Napabuntung-hininga na lamang ako at na-guilty sa inasal ko kani-kanina lang. "Ano-ano ba iyang mga tanong na kailangan mo?" tanong ko sa kanya habang tinutungo ang hagdaang malapit sa kinatatayuan namin.

"Kung naniniwala ka ba sa forever at bakit iyon ang paniniwala mo." Sabay kaming umupo sa pangalawang baitan ng hagdanan.

            “Forever,” ulit ko sa salitang bukambibig niya. Humugot muna ako ng malalim na paghinga bago ko inumpisahang sagutin ang mga tanong niya.

            “Ang pagkain, nag-eexpire. Ang gadget, kahit anong ingat mo, nasisira pa rin. Ang bitiun, they travel and shine for billions of years pero they still explode. Ang mga halaman, hayop at maging tayo, namamatay. Forever’s definition is something that last and it will never end pero ang lahat sa paligid natin, may hangganan. So dapat ko bang paniwalaan ang forever na iyan?” lintaya ko.

           

            Kimi siyang ngumiti, “E ate, in terms of relationship po? Naniniwala ba kayo sa forever?”

            “Mas lalong hindi!” Agad-agad kong wika sa may kalakasang tono.

            “Bakit naman po?”

           

            “Based on experience, hindi nag-eexist ang forever sa pag-ibig na iyan. Iyang mag-jojowa na iyan,” sabay turo ko sa mga couple na nakikita namin sa kalsada, “Magbre-break din ang mga iyan. Walang forever e. Wala!” Tuluyan nang napalakas ang boses ko.

            “Ang bitter niyo naman po, ‘te!” narinig kong wika niya. Awtomatikong tumaas ang kilay ko roon, “Hindi ako bitter Maiah, nagsasabi lang ako ng totoo. Iyang mga lalaking iyan, puro pangako e. Pangako na mamahalin ka forever, pangako na hindi ka ipagpapalit pero hindi mo lang ibigay ang gusto, maghahanap na ng iba. O sa’n napunta ang pangako? Nasa’n ang forever?”

            Nakita kong nagkibit-balikat lamang si Maiah sa pahayag ko at nanahimik na lamang. Akma na akong tatayo nang muli siyang nagtanong sa akin, “Ate, last na. Kung tao si Forever, ano ang gusto mong sabihin sa kanya?”

            “Simple lang, patunayan niya iyong depinisyon niya,” maikli kong wika. May sasabihin pa sana si Maiah nang marinig namin ang pagtunog ng caller alert tone ng cellphone niya. Dali-dali naman niya itong sinagot. Makalipas ang ilang sandali ay ibinulsa niya ito at humarap sa akin.

           

            “Si mommy iyong tumawag ‘te, pinapauwi na niya ako. Sorry po, ‘di na tayo makakapag-Starbucks,” may himig ng kalungkutan sa kanyang tinig.

            “Sige, umuwi ka na. May next time pa naman e, ikumusta mo na lang ako sa kanya at kay Kuya.”

            Habang pinapanood ko ang paglakad ni Maiah palayo sa akin ay nakaramdam ako ng pagtapik sa aking kanang balikat. Nalingunan ko ang isang matandang babae nagbebenta ng Sampaguita.

            “Hindi ako bibili, manang. Wala sa budget e,” wika ko.

            Nakita ko siyang ngumiti, “Hindi naman kita binebentahan Ine. Narinig ko kasi iyong usapan niyo kanina…”

            “You’re eavesdropping us?” putol ko sa nais niya pang sabihin. Pinanlakihan ko siya ng mata.

            “E medyo malakas kasi ang boses mo Ine,” hindi pa rin nawawala ang kanyang ngiti.

            Pinagkrus ko naman ang aking dalawang kamay sa harap ng aking dibdib, “O e, ano naman po ang masasabi niyo ro’n sa naging usapan namin?” may kagaspangan kong saad.

            “May forever sa pag-ibig Ine,” saad niya. Nakita kong may ituro siya kaya naman sinundan ko ang direkyon ng kanyang kanang hintuturo.

            “Pa’no naman magkakaro’n ng forever sa simbahan, manang?” natatawa pa ako habang nagsasalita.

            “Puntahan mo para alam mo,” wika niya at pagkatapos ay naglakad na palayo.

Muli akong lumingon sa simbahan. Kusang naglakad ang aking mga paa patungon ro’n. Sa unang hakbang ko papasok sa loob ay sinalubong ako ng kalmadong ihip ng hangin na tila tinatangay palayo sa akin ang lahat ng poot na nasa dibdib ko. Sa pangalawang hakbang ko’y gumaan na ang pakiramdam ko’t nakaramdam na pagyapos ng kung ano man sa akin. Tumingin ako sa altar kung sa’n naroon ang imahe ni Kristo na nakapako sa krus. Sa baba nito ay may nakasulat na;

            ‘Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay Niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.’

            Bigla na lamang pumatak ang luha ko. Kasunod no’n ang pagsasariwa ko sa nakaraan – ang pang-iiwan sa amin ng aming magulang, ang pagtratraydor sa’kin ng aking matalik na kaibigan, ang panloloko sa akin ng aking naging kasintahan – mga pangyayaring naging dahilan kung bakit hindi na ako naniniwala sa pag-ibig at sa walang hanggan. Ang pag-ibig mula sa magulang, sa kaibigan at sa kasintahan ay naglaho lahat. Naging masalimuot ang buhay ko’t napuno ng hinanakit. Natabunan ako ng pagkamuhi. Naniwala akong lagi na lamang akong iniiwan, na wala ng pag-ibig na walang hanggan. Nagkamali ako. Sa lahat ng dumaang unos sa buhay ko, mayro’n palang hindi nang-iwan, mayro’n palang umiibig pa rin sa akin,  iyon ay ang Diyos – ang siyang may pag-ibig na walang hanggan.

            At do’n ko napagtantong mayro’n palang forever.

            Matapos akong umusal ng panalangin ay napagdesisyonan kong puntahan si Maiah. Hindi pa naman niya siguro nagagawa ang assignment niya tungkol sa ‘Forever’. May oras pa para baguhin ko ang sagot ko sa tanong niya.

END

           

            

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon