La Tigra

417 5 2
                                    

La Tigra 

Pebrero. Ika-labing pito at anim-na-pu't tatlong dantaon.

        Madilim ang kalangitan. Wala ang buwan, gayundin ang mga bitiun. Tanging ang maliit na siga mula sa nasusunog na mga sanga ng puno ang siyang nagbibigay liwanag sa lupon na naroroon sa baba ng burol. Ang siga ring iyon ang siyang nagbibigay init sa balat ng ilan sa mga giniginaw na walang naidalang kasuotang panlamig. May kalakasan ang ihip ng hanging amihan ng gabing iyon kaya malamig sa buong kapaligiran lalo na sa parteng kinaroroonan nila.

        Alas onse ng umaga ang napagkasunduang oras ng pulong ngunit sa kadahilanang ang iba sa mga kasapi sa lupong iyon ay nanggaling pa sa karatig probinsya at naglakad lamang patungo sa kanilang tagpuan sa isang baryo sa bayan ng Vigan ay inabutan na sila ng dilim. 

        Isa si Josefa sa mga maagang nagpunta roon. Taga roon lang kasi siya sa Vigan kaya naman maaga palang sa itinakdang oras ay nakarating na siya sa baba ng burol. Dapit hapon na ng dumating ang nakakarami sa kanilang kasamahan.

        Nabibilang lamang sa mga naroroon ang kanyang mga kakilala - na halos ay kalugar niya at dati ng niyang kasama. Ang iba ay dayuhan na sa kanyang paningin. Gayumpaman ay nginitian niya ang mga ito, kinamayan at kinausap. Habang naghihintay sila sa pagsisimula ng pulong ay nakipagsalamuha na muna siya sa mga naroroon na. Nais niyang makilala na ang ito't makagaanan ng loob. Iisa lang naman ang mithiin ng lupon, kaya  nararapat na sila'y may maayos na pagkakakilanlan sa bawat isa. Paano nga ba sila magkakaisa kung hindi nila kasundo ang kanilang mga kasamahan, hindi ba? At saan nga ba nagsisimula ang mabuting samahan kundi sa matiwasay na pagkikilanlan.

        Nais ni Josefa, na tulad niya'y buo ang paghahangad ng bawat isa. Hindi iyong sumapi lamang sila sa rebolusyon dahil sa hinimok sila ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan. Nais niyang malaman ang totoong mithiin ng bawat isa sa pakikianib sa binuo nilang samahan.

        Mithiin. Bahagya siyang ngumiti nang maisip ang salitang iyon. Ilang taon na ba ang lumipas mula ng nabuo sa isip at puso niya ang kanyang nag-iisang hangarin na siyang nagtulak sa kanya para sumama sa pag-aalsa na kinabibilangan niya ngayon?

        Bata pa lamang siya, isa lang ang hangad niya.

~

        Sakop na ng bansang Espanya ang Pilipinas nang ipinanganak si Josefa. Ang ama niya’y may lahing Kastila at ang kanyang ina naman ay isang katutubo mula sa Abra. Maagang namatay ang kanyang ina dala ng isang malalang sakit. Ang kanyang ama naman ay isang mangangalakal na palaging umaalis sa kanilang bayan at nagpupunta sa mga karatig probinsya. Dahil sa uri ng trabaho ni Anselmo ay hindi niya naalagaan ng husto si Josefa kaya naman ibinilin niya ang pangangalaga sa kanyang anak sa mga prayleng naninirahan sa simbahan sa kanilang bayan.

            Naging maayos naman ang pamumuhay ni Josefa kasama ang mga prayle. Pinag-aral siya ng mga ito ng elementary kapalit ng kanyang paninilbihan sa kanila. Nais pa sana niyang makapag-aral ng sekondarya ngunit hindi na siya pinayagan ng mga prayle, tama na raw iyong nakapagtapos siya ng elementarya. Mas bigyang halaga raw niya ang kanyang pagtulong sa mga taong kumupkop sa kanya.

 Walang nagawa si Josefa kundi sundin ang nais ng mga prayle. Nanilbihan siya sa simbahan at sa mga ito. Bawat utos nila ay ginagawa niya. Bawat sabihin nila’y sinasang-ayunan niya. Sa loob ng halos dalawampung taon ay naging sunud-sunuran siya sa mga ito.

Laking tuwa niya nang dalawin siya ni Anselmo sa simbahan at ipinagpaalam sa mga prayle na kukunin na niya ito. Akala niya, magiging maayos na ang buhay niya – na wala nang magdidikta sa kanya at malaya na niyang magagawa ang nais niya. Nagkamali siya ng akala.

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon