Worldbuilding

771 39 0
                                    

Tulad ng iba't ibang uri ng lagayan, may mga kuwentong hindi magkakasya sa garapon, sa maleta, o maging sa isang kontinente lamang. Ang setting ay nagbabago—lumalaki o lumiliit, lumalawak o sumisikip, umuurong sa nakaraan o umuusad sa hinaharap—depende sa pangangailangan ng kuwento. Ito ay hindi laging pare-pareho, hindi laging lohikal, at hindi laging tulad ng reyalidad.

May mga kuwentong humihingi lamang ng ilang tiyak na panahon at iilang payak na mga lugar. May mga kuwentong kasya sa garapon at botelya. At may mga kuwento namang humihingi ng isang panibagong mundo bago magpasulat.

Halimbawa, may maiikling kuwento na hindi kailangan ng komplikadong tagpuan sapagkat karamihan ay ibinabatay sa reyalidad ng buhay. Ang mga tauhan nito ay madalas ding tulad nating nabubuhay sa mundo at panahong umiiral. Gayundin naman ang mga contemporary romance novel na nakasulat sa umiiral na panahon, lipunan, at reyalidad.

Ngunit kung kailangang bumuo ng isang panibagong mundo para sa tauhan at kuwento, mayroong tinatawag na worldbuilding. Ito ang masusing pagmamapa at pagdedetalye ng isang nababagay na story world kung saan gagalaw, hihinga, at mabubuhay ang mga tauhan.

HOW TO WORLDBUILD?

Ang pagbuo sa isang mabusising story world ay pagdedetalye sa lahat ng elemento ng setting.

Kailangang isaalang-alang ang mga sumusunod:

1. Mapa ng locale at heyograpiya– landscapes, kontinente, isla, kaharian, karagatan, at maging ang mga angkin nitong katangian gaya ng klima, infrastructure, transportation, halaman, hayop, atbp.

Karaniwang may sariling mapa ang mga nobelang may mundo ng pantasya at sci-fi. May sarili rin silang species classification.

2. List of civilizations and species– tao, tribo, lahi, kultura, tradisyon, paniniwala, lifestyle, practices, pananamit, lengguwahe, atbp. Dahil dito kung kaya may sariling character classes at character designs ang ilang mga kuwento. May pagkakaiba ang bawat lahi at kultura. May sariling identidad o identity ang bawat isa ayon sa lugar, panahon, at kapangyarihang umiiral.

3. Politics, Laws, Religion, and Government – mga batas, pamahalaan, at relihiyong umiiral.

4. Scope and Delimitations of Powers – lawig at limitasyon ng mga kapangyarihang umiiral o pinaniniwalaan sa kuwento.

5. Scope and Delimitations of Technology – lawig at limitasyon ng teknolohiya at siyensiyang umiiral.

6. History at chronology – back story o kasaysayan ng mga nakalista sa itaas, kasama ang panahon ng pag-iral ng bawat isa. Kasama rin dito ang mga alamat at mito na pinaniniwalaan sa kuwento.

Sa Lord of the Rings ni Tolkien, may sariling lengguwahe ang mga elves. Sa A Song Of Ice And Fire, may sariling mapa ang bawat kontinente ng The Known World. Sa Hogwarts, may klasipikasyon ang muggles at wizards at maging halaman at mga creatures.

Tandaan na ang lalim, lawak, at busisi ng worldbuilding ay nakabatay rin sa lalim, lawak, at busisi ng pangangailangan dito ng kuwento.

Ang mundong binubuo natin para sa ating kuwento at sa ating tauhan ay upang mas mapalitaw at maudyukan nito ang usad ng mga pangyayari at ang tunggalian sa pagitan ng mga tauhan. Ibig sabihin, hindi natin kailangang bumuo ng isang komplikadong mundo at magdagdag ng mga komplikadong detalye sa isang mundo na hindi naman makatutulong sa pag-unlad ng tauhan at pag-usad ng kuwento.

DAGDAG NA TIPS

1. Bagamat interesante ang pagbuo ng isang bagong mundo, maagang tukuyin ang micro setting. Ang micro setting ay maaaring ang nayon o lungsod o probinsiya kung saan nakatira ang tauhan at kung saan magaganap ang karamihan sa mga eksena.

2. Bigyan ng sariling identidad ang bawat lugar at lahi sa mundong bubuuin. Ang story world ay dapat na sumasalamin sa kung gaano ka-diverse ang mga uri ng tao at lugar at paniniwala. Ang diversity ay nagdadagdag sa ganda at credibility nito.

3. Maging maingat sa pagbatay ng mga lugar o tauhan sa tunay na mundo. Ang bawat mundo ay dapat na may world logic na tinatawag, kung saan dapat na consistent ang pangkalahatang detalye (general details) na ipinepresenta.

4. Siguruhing maglagay ng parehong limitasyon at liberasyon sa bawat lugar, lahi, kapangyarihan, o tauhan ng bagong mundong bubuuin.

5. Itanong sa iyong sarili kung kinakailangan ba ang detalyeng iyong binubuo o hindi. Kung kinakailangan, magpatuloy sa paglikha ng mga bagong batas, paniniwala, kultura, atbp. Kung hindi naman, piliin lamang ang mga detalyeng magpapatingkad sa tauhan o pangyayari sa iyong kuwento.

ANG MABUTING BALITA:

Ang setting ay isang buhay na entidad sa pagbuo ng kuwento. Depende sa pangangailangan, marami itong elemento na maaaring gamitin para sa interes ng ating isinusulat. May mga kuwentong nangangailangan lamang ng payak na tagpuan habang ang iba naman ay nangangailangan ng isang mabusising story world.

Ang isang tagpuan na pinaglaanan ng panahon ng manunulat ay magbibigay-buhay at magbibigay-rikit pa sa kuwentong isisilang.

Pagsulat ng Kuwento 101 (Published under PSICOM PUBLISHING)Where stories live. Discover now