VIII. Setting

778 37 0
                                    

May Hogwarts ang Harry Potter ni J.K. Rowling, Middle-earth ang Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien, at The Known World (unofficial name) ang A Song Of Ice And Fire ni George R.R. Martin. Ang pagbubukas sa isang kuwento ay pagbubukas din ng pintuan patungo sa mundo kung saan nabubuhay ang mga tauhan.

Ang mundong ito ng libro ang tinatawag na story setting.

Ang setting o tagpuan ay ang panahon at lugar na pinangyayarihan ng kuwento.

Ayon kay Eudora Welty:

Every story would be another story, and unrecognizable if it took up its characters and plot and happened somewhere else ... Fiction depends for its life on place. Place is the crossroads of circumstance, the proving ground of, What happened? Who's here? Who's coming?

Marami ang may palagay na ang tagpuan ay dekorasyon o backdrop lamang ng kuwento. Ngunit higit sa palamuti, ito ay kultura, kasaysayan, lengguwahe, at atmospera ng kuwento. Ang mga elemento nito ay laging may impluwensiya sa mga tauhan at sa kanilang pagdadaanan.

Ang tagpuan ay kasabay na humihinga ng tauhan. Kung ituturing ng bawat manunulat na entidad o entity ang tagpuan, magagamit natin ang hininga nito upang magbigay-buhay pa sa ating isinusulat.

ElEMENTS OF SETTING

Ang isang buhay na tagpuan ay mayroong:

OBJECTS

Ano ang nasa paligid ng tauhan? Ano ang gamit niya sa pagpapahinga? Sa pagtulog? Sa pagtatrabaho?

Ang mga kagamitan, kasangkapan, o maliliit na bagay na nahahawakan o nagagamit ng tauhan ay parte ng tagpuan. Ang mga ito ay dapat na may interaksyon sa tauhan.

Think about horror stories. Sa mga horror stories, ang pagpapalit ng puwesto o pagkawala ng ilang mga partikular na bagay o gamit ay may ipinahihiwatig.

LOCALE

Saan nakatira ang tauhan? Saan siya madalas magpunta? Saan siya bumibisita?

Ang pinakamaliit na lugar (sakahan, baryo, nayon, atbp) hanggang sa pinakamatao (lungsod, bar, kabayanan, atbp) at pinakamalawak (probinsiya, bansa, planeta, kalawakan), ay mga locale kung saan maaaring maganap ang kuwento. Ito ay maaari ring ang bangka, barko, o eroplano kung nasaan ang mga tauhan.

Ang kondisyon ng locale ay may direktang impluwensiya sa kuwento.

Think about a kidnapping story. Sa ganitong kuwento, ang pinaglalagakan sa biktima ay nagdadagdag ng suspense sa tsansa ng kanyang ligtas na pagtakas.

GEOGRAPHY

Ano ang anyo ng tagpuan? Ito ba ay bulubundukin o patag? Ito ba ay mabato o mabuhangin? Ito ba ay mapuno o madamo?

Ang tagpuan ay mayroong heyograpiya— mga uri ng anyong-lupa o anyong-tubig na pumapalibot, kasama ng mga halaman, puno, bato, at iba pang likas na yaman.

Ang heyograpiya, tulad ng locale ay may direktang impluwensiya sa kuwento.

Think about a mountain survival story. Sa ganitong kuwento, ang tarik, sukal, at kayamanan o kasalatan ng bundok ay nagiging kamatayan o kaligtasan ng tauhan.

CLIMATE

Ano ang lagay ng panahon sa kuwento? Tag-ulan ba o tag-init? Mahangin ba o maulap? May pagdating ba ng bagyo?

Ang tagpuan ay mayroong sariling klima na makaaapekto sa mga pangyayari sa kuwento.

Think about a natural disaster story. Ang ganitong kuwento ay nakasalalay sa pagngangalit o pagkalma ng klima.

POLITICS

Ano ang kalagayan ng politika sa tagpuan? Anong uri ang gobyerno? Ano ang mga batas na umiiral?

May politika sa tagpuan na nakaaapekto sa pangkalahatang kalagayan ng lipunan sa kuwento.

Think about a war story. Sa ganitong kuwento, ang magkakalabang interes at kapangyarihan ng politika ay maaaring pumatay o magligtas sa mga tauhan.

POPULATION

Gaano kalaki o kaliit ang bilang ng tao?

Mayroong mga lugar na maliit ang populasyon at mayroong likas na matao. Ang populasyon sa tagpuan ay nakaaapekto sa daloy ng pangyayari.

Think about a zombie story. Sa ganitong kuwento, ang dami ng tao sa isang partikular na lugar at ang laki ng populasyon ay magdadala ng kaligtasan o kamatayan sa mga tauhan.

CULTURE

Paano namumuhay ang mga tao? Ano ang kanilang mga paniniwala at pamahiin? Ano ang kanilang ritwal at relihiyon?

Ang kultura ay nakaaapekto sa pangkalahatang kalagayan ng lipunan sa kuwento.

Think about class division stories. Sa ganitong kuwento, pinipigilan ng kinalakhang kultura at paniniwala ang maaaring tagumpay at kaligayahan ng mga pangunahing tauhan.

ELAPSED TIME

Gaano katagal ang lumipas na panahon mula sa umiiral na panahon? Gaano kalayo ang nakaraan sa kasalukuyan?

Ang tagpuan ay mayroong sukat ng mga oras na lilipas, lumilipas, at lumipas na. Ang reference sa mga oras na ito ay nagbibigay-linaw sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kuwento.

Think about time travel stories. Sa ganitong kuwento, ang eksaktong sukat ng mga oras na lumipas at sinusubukang balikan ay batayan ng tagumpay at kabiguan ng tauhan.

ERA

Sa anong panahon o epoch naganap ang kuwento?

Ang tagpuan ay mayroong era o umiiral na panahon. Maaaring ito ay sa nakalipas, sa kasalukuyan o sa hinaharap. Ang bawat era ay may sari-sariling katangian at kalagayan na nakaiimpluwensiya sa kuwento.

Think about slavery stories. Sa ganitong kuwento, ang era ay may direktang impluwensiya sa kaligtasan at kalayaan ng mga tauhan.

HISTORY

Ano ang kasaysayan ng tagpuan? Saang parte ng kasaysayan nakasulat ang kuwento?

May kasaysayan ang tagpuan. Parte ng kasaysayan ang tagpuan.

Think about adventure and fantasy stories. Sa ganitong kuwento, ang bawat lugar na pinupuntahan ng mga tauhan ay may iba't ibang kasaysayan na pagsasaligan ng tagumpay ng kanilang paglalakbay.

Think about historical fiction stories. Sa ganitong kuwento, ang daloy ng kasaysayan ay kasamang hinahabi ng kuwentong ating isinusulat at nagiging saligan ng paborableng katapusan.

MOOD AND ATMOSPHERE

Ano ang bitbit na atmospera ng tagpuan? Ito ba ay maliwanag at maaliwalas? Ito ba ay madilim? Ito ba ay marumi?

Ang tagpuan ay may mood at atmosphere. Nagdadagdag ito sa kabuuang larawan ng eksena o kabanata. Nagdadagdag din ng detalye sa posibleng kalagayang mental, emosyonal, o pisikal ng tauhan.

Think about serial killer stories. Sa ganitong kuwento, ang inilalarawang atmospera ng tagpuan at ang mga pagbabago nito ay indikasyon ng papalapit na kapahamakan sa tauhan.

Sa madaling salita:

Ang isang buhay na tagpuan ay laging may impluwensiya sa magiging daloy ng kuwento at may ambag sa balakid o tagumpay nito. Depende sa pangangailangan, ang mga elemento ng tagpuan ay maaaring palakihin, palalain, at palalimin upang itulak pa ang galaw ng mga pangyayari. 

Pagsulat ng Kuwento 101 (Published under PSICOM PUBLISHING)Where stories live. Discover now