EPILOGO

32.7K 682 97
                                    

"Totoo po bang may mga ganyang nilalang?" tanong ng isang binatilyong taga-baryo, sa Misyunaryong nangangaral sa kanila.

"Aling mga nilalang ang tinutukoy mo?"

"Ang mga kalahating Anghel at kalahating tao po." Sagot nito.

"Oo, at itong nakasaad sa banal na kasulatan, ang makapagpapatunay rito."

"Ano po ba ang hitsura nila?" tanong ng isang dalagita.

"Ang mga nauna sa kanilang lahi'y mga higante." Sagot ng Misyunaryo. "Mga higanteng may mga kakaibang lakas at kapangyarihan."

"Pero nasaan na po ba sila?" tanong naman ng isang bata, na katabi ng kanyang Ama.

"Halos lahat sila'y nalipol sa bahang resulta ng poot ng Diyos sa kapanganakan nila (1)" Sagot nito. "Hindi kasi pinahihintulutan ng Diyos ang pagniniig ng mga imortal na mga Anghel at ng mga mortal na mga tao." Matyagang pangangaral pa rin ng Misyunaryo.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Mayroon itong balabal sa ulo na bahagyang tumataklob sa palibot ng kanyang mukha at palibot ng leeg.

"Halos lahat? Ibig po bang sabihin, may mga natitira pa?"

"Oo."

"Ganoon pa rin po ba ang mga hitsura nila?"

"'Yung mga orihinal na supling, na nakaligtas sa baha, Oo. Pero yaong mga mas nahaluan na ng dugo ng lahing tao'y mukhang kagaya na rin lang ng mga ordinaryong tao, bagama't mayroon pa rin silang taglay na lakas at kapangyarihan ng tulad ng mga nauna sa kanila."

"May natitira pa sa mga nauna? Kung gayun, ay nasaan na ba sila?" tanong isa sa mga matatandang mga babae.

"Sila'y naglilibot sa mga liblib na lugar sa buong mundo. Mga matatangkad na lalaking dumadayo, upang manginain ng mga tao."

"Kumakain po sila ng tao? Mga kanibal?" gulat na gulat na tanong ng isang lalaki.

"Yaong mga purong lahi...yaong mga ipinanganak mismo ng mga babaeng nakipagtalik sa mga Angel noong unang panahon. Oo. Kumakain sila ng tao."

"Para po pala silang mga Aswang," sabi ng isang bata. "Nakakatakot naman po." Kinikisikis nito ang kanyang magkabilang braso, habang nagbubulung-bulungan namang kasabay noon ang iba pang mga taong naroroon.

"Ito'y sapagkat ang mga Aswang ay sa kanilang lahi rin nagmula."

"Naku," sabi ng isang dalagitang babae, "Liblib po itong lugar namin. Pa'no po kung dito susunod na mapadpad ang mga Aswang, at ang mga kanibal na Higante?!"

"Hinding-hindi mangyayari 'yun hangga't ako'y naririto."

"Po? Talaga po?" sabi ng isang binatilyo, "Pero pa'no naman po kayo nakasisiguro? At, siyanga po pala. Ano nga po palang pangalan niyo? Kanina pa po namin gustong itanong," kakamot-kamot ito, "nahihiya lang po kaming magtanong."

Pinalis ng Misyunaro ang kanyang belo, mula sa kanyag tuktok, papunta sa likod ng kanyang ulo. Bahagyang inilantad ng ginawa n'yang 'yun ang nahilom nang mga pilat ng animo'y nasunog n'yang balat. "Rosenda. Ako si Rosenda. Tawagin niyo na lang akong Senda."

***

Footnotes

(1) Genesis 6 and 7: The wrath of God and the great flood.

[KATAPUSAN]

Walang KawalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon