KABANATA 24

30.8K 744 52
                                    

Mitch's P.O.V.

Habang lumalapit ang mga yabag ni Lucio-na para bang nangungutya pa sa dahan-dahan nitong pagpapatunog sa kanyang pagyapak sa bawat baytang, hindi ko malaman kung magpapatiwakal na lang ako sa paglalakad sa gitna ng mga ahas, o hahayaan ko na lang na maabutan ako ni Lucio at maging bihag na lang n'ya habang buhay.

Alin nga ba ang mas tamang desisyon?

Ang magpakamatay upang makabalik sa dating buhay, o ang sumuko na lang upang habang buhay na maging bilanggo?

Nasa katumabas na siya ng isang palapag, nang nagsimulang umalingaw-ngaw ang kanyang halakhak.

"Pa'no Michelle," anya, mula sa itaas. "Akin ka na ba?"

Tila naiihi ako na hindi mapakali. Ano na? Sa kanya na nga lang ba ako? Mas gugustuhin ko bang mabuhay ako upang habambuhay niyang maging preso? O ang mamatay na lumalaban makalaya man ako o hindi?

Bahala na. Bahala na talaga. Mas mabuti na nga sigurong mamatay na lang ako, kaysa ang maging habambuhay na maging bilanggo.

Benj... Benj. Miss na miss na kita. Kahit babaero ka, makulit at isip bata, mahal na mahal kita. Kung mabigo man ako at hindi na ako makawala rito, sana'y alalahanin mong mas mahalaga para sa 'kin ang buhay mo, kaysa sa buhay ko.

Mga sampung talampakan na lang ang layo ni Lucio—mula itaas hanggang sa tinutungtungan ko nang pikit-matang tumalon na ako sa gitna ng nakapangingilabot na mga ahas. Iba't-iba ang kanilang laki, kulay, hugis at haba. Ang pagmasdan silang gumagapang ay tunay namang nakakabahala.

Mga sampung metro mula sa pinanggalingan ko'y nakapagtatakang unti-unti silang naglalaho. Nawala na lamang ang mga ito na tila naging guni-guni ko lang na sila'y naroroon. Napalingon ako sa likod upang malaman kung nasaan na si Lucio. Wala na ito ro'n. Kaya laking gulat ko nang sa pagpihit ko ay nabulaga n'ya ako sa harapan ko.

"Huli ka." Aniya, sabay dakma sa magkabilang bewang ko—nakangisi.

"Bitiwan mo ako, Lucio." Nagpupumiglas ako, umiiyak. "Dinaya mo ako, demonyo ka!" Saka ko ito pinaghahataw sa dibdib. "Mandaraya ka! Pinaglaruan mo lang ako!" Nagwawala ako.

Humalakhak ito na tila nakakaloko. Pinagtatawanan nito ang bawat hataw ko. Bagaman pinababayaan lang n'ya akong magwala hanggang sa paghupa ng lakas ko.

Kumpirmado. Puro ilusyon lang ang mga nakita ko. 'Yung dragon, 'yung mga paniki at mga ahas. Oo Lahat 'yon, ginawa n'ya, para may dahilan siyang paglaruan ako at pagtawanan.

"Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit mas minabuti na lang ni Senda ang mapalayo sa 'yo," nanginginig na sabi ko. "Nakasisiguro ako na tulad niya, mas mabuti pang mamatay na lang ako kaysa ang makasama mo!" Itinulak ko s'ya pero wari'y pader sa tibay ang dibdib n'ya. Hindi rin ako makawala sa pagkakahawak n'ya sa aking balakang.

Matapos kong sabihin ang mga katagang 'yun ay nagbago ang ekpresyon ng kanyang mukha. Mula sa nakakaasar na ngisi, bigla itong nalungkot. Kasabay nito ang unti-unti n'yang pagbitaw sa aking balakang hanggang sa tuluyan na niya akong nabitawan.

Hindi ko alam kung maiinis ba ako sa kanya o maawa. Naiinis ako sa ginawa niya, pero naawa naman ako sa itsura niya. Daig pa nito ang nalugi at nagmistulang isang batang naagawan ng kendi.

Walang KawalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon