KABANATA 23

30.9K 725 91
                                    

Mitch's P.O.V.

"Tumuloy ka na, Michelle." Boses ni Lucio.

Nakapagtatakang hindi pa man din lumalapat ang aking mga daliri sa knob, alam na n'yang nasa labas ako ng kanyang kuwarto.

Kinabahan ako. Pa'no kaya niya nalaman?

Marahan ko nang binuksan ang pinto, at nakita ko s'yang nakatayong paharap sa sa may pinto.

"Anong sadya mo?" seryoso ang ekspresyon ng mukha niya, bagamat tila nakangisi naman ang kanyang mga mata.

"W-wala. G-gusto ko lang..."

Ano ba ang sasabihin ko. Ano ba 'to? Nagblangko yata ang utak ko.

"Kung ipinadala ka rito ni Alyssa, para kunin ang susi dito sa kwintas ko, kalimutan mo na." Nagdiin ang kanyang mga panga.

Lalong tumindi ang kaba ako. Alam kong namumutla na rin ako.

"Hindi ko alam kung bakit may mga tao pa rin dito sa aking teritoryo, na hindi makaintindi na alam ko kung ilang beses kayong humihinga sa bawat minuto! Alam kong gusto mo ring makatakas dito." Habang lumalapit ito sa akin, "at alam ko rin kung ano ang ipinunta mo rito." Ngumisi ito. Ngising demonyo. "Tutuksuhin mo ako, para makuha ang susing ito?" habang ipinakikita niya, ang susing nakalawit sa kanyang mahabang kuwintas.

Hindi ako makapagsalita. Nanginginig sa takot. Sino ba naman ang hindi matatakot, sa taong alam ang iyong pinaplano at ginagawa?

"Alam kong nag-aalinlangan kang sumama kay Alyssa, dahil alam kong..." napahinto ito at nagkatitigan kami. "Alam kong..." tila hirap na hirap itong sabihin. "Alam kong may nararamdaman ka na para sa akin." Naiiyak ako dahil tila kinukurot n'ya ang puso ko. "Kung itong susi ang gusto mo," tumulo na ang isang luha sa kanyang kabilang mata, "heto, ibibigay ko na sa 'yo." Hinubad n'ya ang kuwintas, at saka n'ya ito iniabot sa akin. "Pero ikaw lang ang palalayain ko. Ikaw lang ang patatakasin ko."

"P-pero, bakit? Anong kapalit?"

"Isa lang..."

"Ano 'yon?"

"Ang hayaan mo akong makita kitang muli, nang hindi pinipilit, sa labas."

Ako naman ngayon ang naluluha.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

"Kamukhang-kamukha mo talaga si Senda." Nagtuloy-tuloy na ang pag-agos ng luha niya, "dahil sa 'yo, naalala ko siya."

Lumapit ako sa kanya upang yakapin ito. Niyakap din naman n'ya ako bago ito tuluyang humagulhol.

"Pero hindi ikaw si Senda kaya kailangang pakawalan kita." Kinalas muna n'ya ang pagkakayakap sa akin bago ito umupo nang nakayuko sa kanyang kama.

Hindi ko mapaniwalaan na may malambot na bahagi pala ang kanyang tunay na pagkato. Si Senda? Si Senda lang ba ang dahilan kung bakit s'ya naging masama?

"Si Senda ba ang—"

"Hindi! Wala pa sa mundong ito si Senda, ganito ako."

Biglang naalala kong, mahigit sa isang libong taon na nga pala ang edad nito. Samantalang si Senda'y kailan lamang ipinanganak, malayong kasunod lang ng kapanganakan ng tatay ni Helga.

"Pero nang dahil sa kanya, ginusto kong magbago." Pagtutuloy n'ya, "Pero hindi talaga siguro para sa akin ang mag-bago, nang—"

Tumayo ito at tumalikod sa akin. Matagal itong nanahimik; pilit itinatago ang mukha sa akin.

"Umalis ka na Michelle, bago mag-bago ang isip ko."

"Pero..."

"Alis na Michelle."

Walang KawalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon