Pamisa para sa kaluluwa

5.1K 116 30
                                    

Parte ng buhay ng tao ang kamatayan. Ang ating katawan ay nabubulok pero hindi ang kaluluwa. Kung ganoon saan napupunta ang kaluluwa ng tao kapag ito'y namatay na?

Ang sabi ng mga naka-usap ko na pari ang mga kaluluwa raw ay napupunta sa purgatoryo. Doon nililitis ang kaluluwa ng mga namayapa na. Kapag ang kaluluwa ay sobrang makasalanan hindi ito makakatawid sa kabilang buhay.

Para makatawid ang mga ito kailangan may mag-alay ng dasal para sa kanila.

Ito rin ang dahilan kung bakit may pamisa para sa kaluluwa ang binabanggit kada misa para makabawas iyon sa kanilang mga kasalanan at pamamalagi sa purgatoryo.

Madalas silang nasa simbahan, kumbento, seminaryo, at retreat House.

Kung saan may nagdarasal.

May kaibigan akong seminarista na madalas magkuwento sa akin nang tungkol sa mga naranasan niya. Itatago ko siya sa pangalang Calvin.

Mayroong kaibigan si Calvin na ang pangalan ay Bryan. Isa rin itong seminarian na nakakakita ng mga multo. Kung minsan nilalapitan at binubulungan ito ng mga kaluluwa na gustong magpadasal.

Kuwento niya, nasa Baguio sila noon para sa isang formation.

Ang lugar ng formation ay isang mansion na binigay sa congregation nila nang dating nagmamay-ari nito. Hindi nabanggit ni Calvin kung ano ang history ng mansion at kung bakit ito ibinigay sa kanila ng Ginang.

Sabi ni Calvin magkakasama sila sa isang malaking kuwarto ni Bryan at nang isa pang semarian na hindi nakakakita ng multo. Isang gabi habang kasarapan ng kanyang pagtulog bigla siyang nagising dahil kay Bryan.

"Calvin, gising may bata sa may paanan mo."

Bumangon si Calvin at hinagilap ang image ni St. Benedict at maliit na libro para basahan ng isang dasal. "Tanungin mo kung anong pangalan?"

"Ayaw magsalita."

"Ano raw gusto?"

"Wala. Nakangiti lang."

"Ano bang itsura niya?" Muling tanong ni Calvin na noong mga oras na iyon ay handa na sa kanyang panalangin.

"Maaliwalas ang kanyang mukha. Guwapo rin ito."

Dahil hindi naman nagsasalita ang bata kung kaya dinasalan na lang ni Calvin ang batang lalaki. Umabot iyon ng tatlumpong minuto.

Hanggang sa may nakita si Bryan na liwanag na ikinalingon ng bata. Naglakad ito palayo sa kanila upang sundan ang nakakasilaw na liwanag. "Nawala na 'yung bata Calvin." pagkumpirma ni Bryan.

Kinabukasan nakita nila si Aling Using na nagluluto ng kanilang pagkain. Isa siya sa mga Nanay na nagboluntaryong maging tagaluto sa kanilang congregation.

"Nay, ang sarap ng niluluto niyo ah!" Lumapit si Calvin dito.

"Ah, oo para sa tanghalian niyo mamaya."

May nais ikumpirma si Calvin sa ginang dahil ayon kay Bryan halos magkamukha sila nang batang nakita nito noong gabing iyon. "Nay, may itatanong lang po sana ako kung ayos lang sa inyo?"

"Ano iyon?"

"Ilan po ang anak ninyo?"

Nag-umpisang magbigay ng impormasyon si Aling Using hanggang sa nakuwento nito ang namayapa niyang anak. Naglabas ito ng litrato mula sa kanyang wallet. "Ito ang mga Anak ko."

Dumaan sa likuran nila si Bryan at naaninag ang litrato na pinakita ni Aling Using kay Calvin.

May tinuro si Aling Using na isang batang lalaki.

"Ito 'yung namatay kong anak dahil sa sakit sa Baga."

Pagkaturo nito, sumenyas si Bryan kay Calvin na iyon ang batang nakita niya kagabi sa kuwarto nila.

Isa lang iyon sa mga kaluluwang naiingkuwentro nila sa mansion.

Isa pang naranasan ni Bryan dahil siya lang ang pinakamalinaw ang 3rd eye, ay noong gabing nagdarasal sila,  bigla siyang napalingon at nakita ang napakaraming multo na hindi alam kung ano ang dapat gawin.

Sabi ni Bryan hindi alam nang iba sa kanila na maaring mabawasan ang kanilang pananatili sa kawalan kung ipagdarasal sila.

Ngunit, may ilang multong lumapit sa kanya at binubulungan siya.

Nagtaka si Calvin kung bakit tila natataranta si Bryan na makahanap ng papel at ballpen. Pagkatapos bigla na lang itong nagsulat, kaya hindi na sila nakapagdasal ng maayos. Nang halos mapuno ang papel ay agad itong binigay kay Calvin.

Nalaman niya na listahan pala ito ng mga kaluluwang humihingi ng dasal.

Ito ang isa sa mga kaluluwang bumulong kay Bryan:

Isang binatilyong duguan ang mukha ang lumapit kay Bryan. "Ako po si Totoy nakatira lang po ako riyan sa may taas. Naaksidente po ako sa may tapat ng mansion, kung maari po sana ay ipagdasal ninyo ako ng makatawid na po ako." Pagkatapos noon ay umalis na ang binatang multo.

Isang umaga nagtanong si Calvin sa mga nanay kung may naaksidenteng binata sa tapat ng mansion.

Si Aling Rowena ang nagsalita "Mayroon nga! Pero mga 3 taon na 'yun nangyari. Nagbibisikleta lang 'yung binata tapos may dumaang sasakyan, hindi napansin 'nung binata kaya nahagip siya ng kotse. Hindi rin naman huminto 'yung kotse tinakasan lang ang aksidente."

Tumingin si Calvin kay Bryan, senyales na maaring ito ang binatang bumulong sa kanya.

"Paano mo nalaman?" Tanong ni Aling Rowena.

Hindi na lang nagsalita si Calvin tungkol sa mga kaluluwang bumubulong kay Bryan.

Marami pa silang naranasan na nakakatakot sa mansion na iyon. Siguro sa susunod ko na lang ibabahagi sa inyo. Sa ngayon kung may mga kakilala o isa sa pamilya ninyo ang namayapa na, huwag niyong kalilimutang ipagdasal sila dahil hindi natin tiyak kung nakatawid na nga ba ang kanilang kaluluwa.

Kung bigla na lang silang magparamdam sa inyo maaaring ninanais nilang humingi ng dasal mula sa kanilang pamilya, kamag-anak o kaibigan. Maari rin sa mga taong malapit sa Panginoon at palagiang nagdarasal.

Sabi ni Calvin ang mga namatay ay wala ng kakayahang ipagdasal ang kanilang sarili kaya ang tanging pag-asa ng kanilang kaluluwa ay tayong mga nabubuhay.

Wakas...

Paranormal True Stories- Ang malikot na imahinasyonOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz