Chapter 10

60.1K 1.8K 250
                                    

FINA

Nagmadaling kinuha ni Fina ang kanyang cellphone mula sa bulsa ng suot na hoodie jacket nang mag-vibrate 'yon.

Si Jett na naman pala ang nag-text. Napairap na lang siya sabay bura agad sa message kahit hindi niya pa naman nababasa nang buo. She slid her phone back into her pocket, at nagpatuloy na uli sa paglalakad sa hallway papunta sa kanilang classroom.

Ilang araw na niyang hindi pinapansin si Jett. Mas matindi pa yata sa sama ng loob ang nararamdaman niya ngayon. Palagi nga itong nagte-text at tumatawag sa kanya, pero hindi niya sinasagot. Minsan pinapatay niya na lang ang cellphone niya para tumahimik na ito. Para sa'n pa kasi kung makikipag-usap siya, 'di ba? Ang pinaka-ayaw niya sa lahat ay 'yung pinaaasa siya sa wala. Ayaw niya sa mga lalaking walang ibang alam kung 'di ang mang-trip ng mga babae.

Ni hindi niya nga maalala nang buong-buo kung paano siya nakaalis sa apartment ni Jett no'ng gabing nagtapat siya at natanggihan. Basta ang alam niya, hinang-hina siya no'ng sinabi nitong hindi pwedeng maging sila. Pakiramdam niya nasupalpal siya.

Isang tanong agad ang pumasok sa utak niya: Ba't hindi pwede?

Pagkatapos nitong maging malambing at maalaga sa kanya, pagkatapos nitong kunin ang first kiss siya, pagkatapos nitong hila-hilain siya kung saan-saan, hindi naman pala pwedeng maging sila? What the hell!

Gustong-gusto niyang itanong no'ng gabing 'yon kung bakit, pero nawalan na siya ng gana. Isa pa, ayaw niya na ring mas lalo pang masaktan kapag narinig na niya ang dahilan nito. Sa tingin niya, sapat na ang nalaman niya. Tama na. Kaso ang sakit lang talaga na siya na nga 'tong nag-lakas loob na umamin ng nararamdaman niya, siya pa 'tong pahiyang-pahiya dahil tinanggihan siya ni Jett. Pinaasa lang pala siya nito. Parang wala na tuloy siyang mukhang maihaharap. Basag na basag siya sa nangyari.

No'ng gabing 'yon, walang gana lang siyang bumangon sa kama ni Jett. Inayos niya ang sarili niya at ang mga gamit niya nang hindi man lang umiimik. Pakiramdam niya pa nga, umuusok na ang mga pisngi niya dahil sa sobrang kahihiyan.

Hinabol pa siya ni Jett no'ng bigla na siyang lumabas ng apartment. Nag-sorry ito sa kanya, pero walang epekto. Tiningnan niya lang ito nang masama. Gustong-gusto na nga niyang maiyak that very moment dahil sa sobrang sakit ng dibdib niya, pero parang kahit na mga luha niya nawalan na din ng ganang tumulo dahil sa ginawa ni Jett.

Simula no'n, iniiwasan na niya ito.

Kung pwede nga lang sanang hindi na siya pumasok para hindi na niya ito makita, eh. Pero siyempre 'di niya pwedeng gawin 'yon. Grabe lang kasi, parang naramdaman niya na ang feeling ng nangligaw at na-busted. Nakaka-durog naman pala talaga. Knowing na siya pa ang babae, ha?

Kapag nakakasalubong niya nga si Jett sa campus, siya na ang unang umiiwas. Yuyuko na lang siya at biglang mag-iiba ng daan. Obvious na obvious talagang umiiwas siya. Kapag nasa cafeteria o library naman siya, at biglang papasok si Jett kasama ang tropa nito, agad na siyang lalabas. Alam naman niyang hindi siya tatawagin o hahabulin ni Jett dahil hindi nga nito pinagsasabi ang tungkol sa kanila.

Ilang araw na rin tuloy siyang malungkot. Ilang gabi na siyang umiiyak. Wala pa siyang mapag-labasan ng sama ng loob. Ang hirap pala kapag sinosolo ang problema.

Si Pierre kasi, busy sa practice dahil malapit na ang laban. Si Ellie naman, abala sa nalalapit na kasal ng kuya nito. Sa klase na nga lang niya ito nakakasama, e. Hindi naman siya makapag-kwento sa Ate Martha niya dahil baka sermonan lang siya no'n.

Heto nga't ngayon ang first day ng prelim exams nila pero hindi man lang siya nakapag-aral nang matino.

Paano naman nga kasi siya makakapag-aral? E palagi niyang naa-alala ang hayop na Jett na 'yon. Tapos maya't maya pa kung mag-text sa kanya. Kung anu-anong pinagsasabi na sorry daw, na sana mag-usap naman daw sila kahit saglit lang, na sana 'wag naman daw siyang umiwas. Wow, parang ang dali-daling gawin 'yon, ah? Ano ba'ng tingin nito sa kanya? Bato? Walang pakiramdam? Ineexpect ba nito na magiging katulad pa rin sila ng dati? Na tuloy pa rin ang setup nila? Wow lang.

Mending Fina [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon