Chapter 5

80K 2.1K 198
                                    

FINA

"DIYAN NA LANG ho sa tabi." Kinalabit ni Fina ang tricycle driver sabay abot dito ng bayad niya.

Alas-onse ng gabi na siya nakauwi. Tinapos pa kasi nilang magkaka-klase ang research project nila. Antok na antok na tuloy siya ngayon sa sobrang pagod, mabuti na nga lang at wala siyang klase bukas.

Pagkababa ng tricycle, dumiretso na kaagad siya sa gate ng bahay. Pero bago niya pa iyon mabuksan ay bigla na lang may taong nagtakip sa bibig niya!

Hindi niya nagawang makapalag agad dahil inunahan siya ng takot. Ang bilis pa siya nitong kinaladkad papunta sa madilim na sulok ng kalye! Hahambalusin na nga sana niya ito ng shoulder bag niya kahit na kinakabahan siya, kaso bigla niyang nakilala ang gamit nitong pabango.

"J-Jett?"

Diyos ko, gusto yata nitong atakihin siya sa puso nang wala sa oras!

Tinulak niya agad ito palayo sa kanya. "A-ano ka ba, tinakot mo ako!"

"Kanina pa ako naghihintay," sabi naman nito. "Bakit ngayon ka lang?"

Kumunot ang noo niya. Parang gusto niyang matawa nang pang-asar sa sinabi nito. "E bakit ka kasi nanghihintay? Tsaka bakit ka nagpunta rito? Hinila mo pa ako. Akala ko ba hindi mo ako kilala?"

Aba, kahit na ilang araw na ang nakalipas, hindi niya pa rin nakakalimutan ang ginawa nito sa kanya sa cafeteria, ha.

Bigla naman siyang hinawakan ni Jett sa braso. "Bakit mo ako iniiwasan sa campus?"

Binawi niya rin naman kaagad ang braso niya. "Bakit, kailangan pa ba kitang pansinin? Umuwi ka na nga. Inaantok na ako e, late na."

"Bakit mo ba ako pinauuwi? Kinakausap nga kita." Biglang lumambing ang boses nito.

Hindi niya nakikita nang maayos ang mukha nito dahil patay ang ilaw sa ilang mga poste, pero sigurado siyang malalim na naman ang titig nito sa kanya.

"Ikaw kasi," sabi niya na lang. "Hindi kita maintindihan."

Oo, iniiwasan niya si Jett sa school. Sa tuwing nakakasalubong niya ito, lumiliko siya at nag-iiba ng daan. 'Pag pupunta naman siya sa cafeteria at nakita niyang nandoon ito kasama sila Gio, hindi na siya tumutuloy ng pasok. Pati nga si Ellie minsan nagtataka na sa pag-iwas niya.

May isang beses pa, 'pag labas niya ng C.R, nagulat siya dahil nando'n si Jett sa tapat, nag-aabang. Dineadma lang niya. Hindi niya pinansin kahit pa hinabol siya nito.

"Bakit mo kasi sinabi sa mga kaibigan mo na hindi mo ako kilala?" Patuloy niya. "Eh kilala mo naman ako, ah. Dalawang beses mo pang inulit sa kanila. Tsaka hindi mo rin naman ako pinapansin sa university, e. Syempre nahihiya rin naman ako. Tapos ngayon magpapakita ka rito sa amin. Tinakot mo pa ako, akala ko hold-upper ka."

"'Yon ba ang dahilan kaya mo ako iniiwasan? Gumaganti ka ba sa'kin?"

"Oo, 'yon ang dahilan. Hindi mo ako kilala, e 'di hindi rin kita kilala. Madali naman akong kausap."

Bigla itong natahimik.

Ang tagal bago ito nakapagsalita ulit. "Sorry na. H'wag ka nang magalit. Ayoko nang nagagalit ka sa'kin."

Nanghina yata ang mga tuhod niya sa paraan lang ng pagkakasabi nito sa 'sorry na'.

Napatingin siya nang diretso rito. Why is he like this? Bakit ganito ito magsalita? Bakit parang isang sorry lang nito, tanggal na ang inis niya?

Tiningnan pa siya nito tapos inipit ang ilang hibla ng kulot niyang buhok sa likod ng tenga niya, sabay ngiti nito nang matamis.

Pagkatapos, umatras na ito at tumalikod. Ipinasok nito ang magkabilang kamay sa bulsa ng suot na uniform. "May dahilan ako kung bakit ko 'yon ginawa. Pero hindi ko pa sasabihin kung ano sa ngayon."

Napakunot siya ng noo. "Papaano ko maiintindihan kung hindi mo naman pala sasabihin?"

"Basta. Masyadong komplikado."

Naguguluhan siya. Anong rason naman kaya ang meron 'tong lalaking 'to at hindi nito magawang sabihin.

Nagpakawala na lang siya ng buntong hininga, tapos inayos ang pagkakasabit ng bag sa balikat niya. "Bakit ka pa nagpunta rito kung wala ka rin pa lang malinaw na sasabihin?"

She sighed deeply again. "Sige. Kung ang gusto mong mangyari e 'wag tayong magpansinan sa loob ng university dahil meron kang sariling rason, e 'di okay. Wala namang kaso sa'kin 'yon. Isa pa, hindi naman talaga kita kakilala para magpansinan tayo oras-oras. O siya, sige na, umuwi ka na kasi gabi na at baka maabutan ka pa ulit ng ulan."

Babalik na sana siya sa bahay, pero bigla siya nitong hinawakan sa balikat. "Bakit aalis ka na?"

"Jett, anong oras na. 11 P.M na. Inaantok na ako."

"H'wag muna, mamaya na. Ngayon na nga lang kita makakasama ulit. Pwede mo ba akong pagbigyan?"

"Ang gulo mo. Hindi mo ako pinapansin sa campus tapos ngayon gusto mo akong makasama. Ano ba kasi talaga 'yang rason mo? Hindi ko ba talaga pwedeng malaman?"

"Hindi. Hindi ko pa kayang sabihin sa'yo. Pero gusto kong intindihan mo 'tong setup na'tin."

"S-setup?"

Napaiwas ito ng tingin.

"Anong setup?" ulit niya. "Hindi talaga kita naiintindihan. Ano ba 'yon? Hindi tayo magpapansinan kapag nasa campus, pero ganito tayo kapag nasa ibang lugar. Kapag walang nakakakita? Parang secret? Bakit may ganon-ganon pa? Hindi ba pwedeng normal lang?"

Hinintay niya itong sagutin kahit isa man lang sa mga tanong niya, pero wala. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya.

"Hay naku bahala ka na nga," pagsuko niya na lang. Pagod na talaga ang utak at katawan niya para isipin pa ang mga gusto nitong mangyari. "Kung hindi magpapansinan, e 'di hindi magpapansinan. Wala namang problema sa 'kin, 'yon. Pero Jett, pwede mo na ba akong pauwiin? Inaantok na kasi talaga 'ko eh."

Bumuntong hininga ito. "Sige. Late na rin naman talaga. Pero may itatanong muna ako bago ka umuwi."

"Ano 'yon?"

"Interisado ka ba sa 'kin?"

Nagulat siya. Para bang biglang nawala ang antok niya sa tanong nito. "A-ano?"

"Tinatanong ko kung interisado ka sa 'kin."

Halos matawa na lang siya. "Hindi, 'no. Bakit mo naman 'yan naitanong."

"Sigurado ka? Hindi ka interisado?"

"Hindi nga."

"So kung aalokin kitang kumain sa labas kasama ako, tatanggihan mo ako?"

Hindi siya nakapagsalita. Nanglaki na lang ang mga mata niya sa sinabi nito. Kumain sa labas? Parang date ba? Hindi niya alam kung anong dapat i-react!

Si Jett naman biglang tumawa. Ang pogi nitong pakinggan kapag tumatawa ito nang may tunog.

"Sabi ko na eh," he said. "5pm bukas. Susunduin kita dito. Goodnight, Fina."

Inabot pa nito ang isa niyang kamay para halikan bago ito tumalikod para puntahan na ang nakaparada nitong kotse.

Siya? Ayon, tulala.

TO BE CONTINUED

Thanks for reading! Kindly share your thoughts or feedback via Facebook and Twitter. And please don't forget to include #MendingFina or #MF in all your posts/tweets.

Mending Fina [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon