Kabanata 8

3K 161 44
                                    

Kabanata 8: Again



TAHIMIK na tinipon ni Yhinn ang lahat sa living room ilang minuto pagkatapos makita ang bangkay ni Isaac sa sarili nitong kwarto. Alam niyang kahit papaano ay may kasalanan ang bawat isa dahil masyado silang nakampante na makakauwi na sila ng ligtas. Masyado silang nagpakasaya. Pero agad nilang pinagsisihan ang mga naging kilos nila.

Lumunok si Yhinn habang pinatatahan si Anya na kanina pa umiiyak. Kumurap siya nang ilang ulit at pilit pinagana ang utak niya. Ano'ng pwede naming gawin? paulit-ulit na sambit ng utak niya. Isa-isa niyang tinapunan ng tingin ang mga kasama sa gitna ng liwanag ng kandilang nagsisilbing ilaw nila. Si Zaira, Eugene at Nigel ay magkakatabi sa sofa at pawang tulala. Si Grace ay kagat-kagat ang labi at halatang balisa. Si Mikaella at Neo ay parehong nakatayo habang si Ulyses at Divina ay magkatabi at magkahawak ang kamay. Hindi niya alam kung nagkaayos na ang dalawa pero sa tingin niya'y gano'n na nga.

Napapikit siya nang mariin sa kaisipang maaaring isa sa mga ito ang pumatay at patuloy na pumapatay. Sinapo niya ang ulo nang maalala ang biglaang pagkawala na naman ni Manang Fely. Tama, sa ikalawa o ikatlong pagkakataon ay nawawala na naman ang matanda. Hindi niya alam kung kailan at paano. Basta pagkatapos ng nangyari kay Isaac, hindi na nila muling nakita ni anino ni Manang. Hinanap nila ito sa buong villa pero bigo silang makita ito. Sumagi sa utak ni Yhinn ang naging pag-uusap nila ni Eugene. Paano kung tama ito? Pero ginamot ni Anya ang mga sugat ng matanda. Imposibleng hindi nito mapansin na peke ang mga sugat kung gano'n nga ang sitwasyon.

Mabilis siyang nag-isip. Sino ba talaga ang salarin? Salarin nga ba o mga salarin? Isa pa'y ano'ng ibig sabhin ng dg2x? Sabi ni Anya ay baka raw dugdug ang ibig sabihin nito, tibok ng puso. Nang marinig niya 'yon ay gusto niyang mapa-facepalm. Sa totoo lang ay gusto niyang magtiwala sa iba pero kung ganito nang ganito ay mas mabuti kung wala siyang ibang pagtitiwalaan kundi ang sarili niya at si Grace na matalik niyang kaibigan--dating matalik na kaibigan.

Kinapa niya ang cell phone at napasimangot. Wala pa ring signal. Mabilis niyang tiningnan ang inbox at napabuntong-hininga na lang nang makita ang huling text message na nabasa niya bago maging magulo ang lahat.

Yhinn, mag-ingat ka d'yan! Mag-text ka agad 'pag may nangyaring masama. Susugod kami d'yan nila Peter para sa'yo. Hahaha. Teng ene, parang super hero peg namin. Basta mag-ingat ka!

Napailing na lang siya. Si Chelsey talaga. Miss na miss na niya ang mga kaibigan niya. Ang bangayan ni Chelsey at Peter, ang ka-sweet-an ni Drew at Joanne, lahat 'yun na-mimiss na niya. At walang kasiguraduhan kung magkikita-kita pa ulit sila. Napasinghap siya nang maalala ang papel na listahan ng mga pangalan nila.

"Zaira, nasa'n 'yung envelope? Pwede ko bang kunin saglit?" aniya.

Tumango naman ito at nagmamadaling ibinigay sa kanya ang hinihingi niya. Pagkakuha niya rito ay umupo siya sa pinakamalapit na upuan at inilabas ang mga papel. Napailing siya nang makitang hindi na mabasa ang huling parte ng listahan dahil nga nabasa ito. Sunod niyang tiningnan ang dating blangkong papel na ngayon ay hindi na blangko dahil may mga sulat na. Maraming nakasulat dito pero may ilang tumatak sa kanya.

"MikaNeo? DivUly? ZaiRard? YhiGene? Teka, ano 'to? Ito ang nabuo n'yo?"

Ibinaling ni Yhinn ang tingin kay Zaira na ngayon ay masama na ang tingin kay Anya. Si Mikaella naman ay nakangiti kahit na bakas ang pagod sa mga mata nito. Tumikhim siya at naghintay ng paliwanag.

"Hindi ako! 'Yung mga matitinong words ang sa'min, si Anya gumawa n'yang mga MikaNeo na 'yan," nakalabing sagot ni Zaira.

Nagkamot naman ng ulo si Anya. "Sorry, nabuo ko 'yang love team names nang hindi sinasadya. Masyado nga yata akong masaya kanina kasi... kasi akala ko makakauwi na tayo." Bumuntong-hininga ito.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon