Kabanata 1

7.9K 268 103
                                    

Kabanata 1: Death

NAPASIGAW si Yhinn dahilan para magtinginan sa kanya ang mga kaibigan niya. Narinig niyang humagikhik si Chelsey, ang pinakamakulit sa mga kaibigan, saka siya itinuro na parang nababaliw na siya. Ramdam niya ang malamig na pawis na tumutulo mula sa noo niya pero hindi siya nag-abalang punasan 'yon, sa halip tiningnan niya lang ang tumatawang si Chelsey habang ang iba ay nagsibalikan na ang atensyon sa TV screen.

"What the heck! Epic 'yung mukha mo, girl!" natatawang sabi ni Chelsey. "Akala ko ba napanood mo na 'to? Bakit wagas kung makasigaw ka d'yan? Sana sinabi mo agad na takot ka, edi sana hindi na tayo nag-movie marathon na puro horror." Humagalpak pa ito ng tawa kaya napailing siya.

"Shh, ang ingay naman!" saway ng iba pa nilang kasama pero hindi nagpapigil si Chelsey at tuloy pa rin ito sa pang-aasar.

Isip-bata talaga kahit kailan, anang isip ni Yhinn patungkol sa mapang-asar na kaibigan. Hindi siya makapaniwalang katulad niya ay tatlumpung taong gulang na rin ito. Kung umakto kasi 'to ay daig pa ang bata. Naaalala niya tuloy ang ugali niya noon, gano'n din kasi siya--magulo, makulit at madaldal. 'Yun nga lang ay nang um-edad ay nag-mature rin siya pero ang sa kaibigan niya yata ay hindi uso ang salitang maturity.

Huminga siya nang malalim bago nagkamot ng ulo. Gusto niyang sabihin dito na hindi sa pinanonood nila siya natatakot kundi sa masamang panaginip niya, pero wala rin namang saysay kung magpapaliwanag siya kaya ipinagkibit-balikat na lang niya 'yon. Hindi rin naman niya kasi napansing nakatulog na pala siya habang nasa kalagitnaan ng movie marathon nilang magkakaibigan.

Pumikit si Yhinn habang inaalala ang napanaginipan. Naaalala niya ang unang parte ng panaginip pero hindi ang huli. Isa iyong pangyayari sa buhay niya na ayaw na niya sanang maalala. Isang pangyayari na gusto na niyang ibaon sa limot--ang paglakad palayo kay Grace, ang babaeng mahal niya. Babae siya... pero babae rin ang mahal niya.

Noong una nga'y halos mabaliw siya sa kaisipang mahal niya ang best friend niyang si Grace nang higit pa sa kaibigan. Pero kalauna'y tinanggap niya rin, niyakap ang buong pagkatao niya. Tinangka niyang aminin sa kaibigan ang nararamdaman niya pero sa mismong araw ding 'yon ay sinabi nitong ikakasal na ito. Gumuho ang mundo niya nang malaman ang balita. Kaya naman nagpasya siyang lumayo. Bumuntong-hininga siya at umiling.

"Drew, pakipatay ang electric fan tapos buksan mo 'yung bintana. Mukhang malakas ang hangin, para tipid kuryente."

Bumaling si Yhinn sa nagsalita at nakita ang nakangising si Joanne habang nakatingin sa boyfriend nitong si Drew. Sunod niyang narinig ang pagrereklamo ni Chelsey na mukhang uulan ng malakas kaya wag daw buksan ang bintana pero huli na. Tumayo kasi agad si Drew at sinunod ang utos ng nobya.

"Bahay 'to ni Joanne, siya ang masusunod." Nakita niya ang pagsimangot ni Chelsey sa sinabi ni Peter.

"Pwede naman kasing sa'min na lang tayo nag-movie marathon. Next week sa amin naman, ha?"

"Oo na lang, Chelsey. Liit-liit ng bahay n'yo, kung makapagyaya ka d'yan." Hinampas ni Chelsey si Peter pero hindi ito natinag. Natawa na lang si Yhinn habang pinagmamasdang magtalo ang dalawa. "Teka naman, tama na ang panghahampas! Sa inyo na nga tayo next week. Pero sa ngayon hayaan mo munang si Joanne ang masunod," ani Peter nang biglang umihip ang malamig na simoy ng hangin.

Tiningnan ni Yhinn ang mga kaibigan mula sa salamin na katabi ng TV. Napangiti siya nang makitang tutok na tutok ang mga ito sa screen at paminsan-minsan ay nagsisigawan kapag may nangyayaring nakakatakot sa palabas. Napansin niyang nakatingin din pala sa kanya si Joanne kaya ngumiti siya. Ang mga ito ang tumanggap sa kanya noong mga panahong walang-wala siyang malalapitan. Alam ng mga ito kung ano siya pero tanggap ng lahat ang pagkatao niya. Hindi man lang nagdalawang-isip ang mga itong makipagkaibigan sa kanya. Masaya siyang nakilala niya ang mga ito.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon