Kabanata 6

3.4K 190 43
                                    

Kabanata 6: Names

WALANG patid ang iyak ni Zaira habang tinitingnan si Divina na walang malay. Kahit hindi niya aminin ay talagang nagi-guilty siya sa nangyari rito. Bigla na lang kasi itong dinugo matapos nilang magkasagutan at ilang saglit pa'y nawalan na ng malay.

"Buntis siya," mangiyak-ngiyak na bulong ni Ulyses habang nakayakap kay Divina.

Umawang naman ang labi ni Zaira, hindi malaman ang sasabihin. Hindi niya sinasadya, hindi niya alam na buntis ito. Kung alam niya sana'y pinigilan niya ang sarili na magalit nang husto. Pero wala na ring saysay kahit magsisi siya ngayon. Alam niyang siya na ang sinisisi ng iba at sinisisi niya rin ang sarili niya.

"Hindi ko talaga alam. Sorry." Humagulgol siya sa harap ng lahat. Niyakap siya ni Anya at naramdaman niyang gumaan kahit papaano ang pakiramdam niya. "Anya, hindi ko alam." Tumango-tango ito.

"Hindi mo kasalanan," bulong ng kaibigan niya.

Habang umiiyak siya ay dinala na pala ni Ulyses sa kwarto nito si Divina. Gusto niya sanang sumama para masigurong ayos lang ito at ang bata pero pinigilan siya ng iba. Mas mabuti raw kung si Ulyses muna ang bahala rito. Hindi na siya nakipagtalo pa. Ilang minuto rin ang lumipas bago siya tuluyang kumalma. Tinapunan niya ng tingin ang mga kasama at napagtantong bukod kay Divina at Ulyses ay wala rin sina Eugene at Yhinn. Nang tanungin niya si Anya ay sinabi lang nitong sinamahan daw ng mga ito si Grace na maligo at makapagpahinga.

"Nand'yan si Ma'am Grace?" takang-tanong niya.

Tumango si Gerard. "Oo, ang saklap ng sinapit ni Ma'am. Hindi din pala sila nakalayo kasi baha na sa labasan. Iyak nga nang iyak, nabagsakan daw kasi ng puno 'yung sinasakyan nila."

Huminganang malalim si Zaira. "Umuwi na tayo, please." Nanginginig ang labi niya kaya kinagat niya iyon. "Please."

Nagtaka siya nang hindi sumagot ang dalawa. Nang tapunan niya ng tingin ang mga ito ay napansin niyang sa may bandang kusina nakatuon ang atensyon ni Anya at Gerard. Nilingon niya ang kusina, nang wala siyang makitang kakaiba ay muli niyang ibinaling ang tingin sa mga kaibigan.

"Anya, nakita mo ba 'yung nakita ko?" biglang tanong ni Gerard kay Anya na nagpakunot sa noo niya.

"Oo, Ge. Si Manang Fely ba 'yun?" sagot ni Anya.

Tumaas ang isang kilay ni Zaira. "Manang Fely? Nakita n'yo? Kanina pa siya nawawala, ah? Pati 'yung ibang staff nitong beach resort?" Lumingon sa kanila si Nigel at Isaac na mukhang naagaw ang atensyon dahil nabanggit ang pangalan ng matanda.

"Pero nakita ko siya, duguan... pero nakangiti," pabulong na sabi ni Anya.

Tumikhim naman si Nigel at lumapit sa kanila. "Sigurado ka ba?"

Umiling-iling naman si Anya. "H-hindi..."

"Sigurado, nakita ko din," pagputol ni Gerard dito.

Mabilis namang kumilos si Nigel at sumunod na rin si Isaac. Maingat na tinungo ng dalawa ang kusina. Higit-higit ni Zaira ang hininga habang pinapanood ang kilos ng mga lalaki. Makailang-ulit siyang lumunok nang makita niyang nagkakagulo ang dalawa. Napaatras siya habang tumakbo naman si Gerard para tingnan ang nangyayari.

"Manang Fely!" Malakas na sigaw ni Isaac ang umalingangaw sa paligid.

Napakapit si Zaira sa damit ni Anya para pigilan ang panginginig niya. Matapang namang humawak sa kamay niya ang dalaga at hinatak siya patungo sa kusina. Pero bago pa man makalapit ay sumalubong na sa kanila si Nigel at Gerard na magkatulong na nagbubuhat sa matanda. Mabilis itong inihiga sa sofa ni Nigel. Napansin niyang duguan ito at puno ng pasa ang buong katawan. May hawak itong envelope sa kaliwang kamay pero agad ding nawala ang atensyon niya roon nang sikuhin siya ni Anya.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon