Kabanata 2

4.8K 233 66
                                    

Kabanata 2: First

PANAY ang iwas ni Yhinn kila Vince dahil naiinis siya sa ginawa ng mga itong panloloko sa kanya. Hindi siya matatakutin pero nang sabihin ni Nigel na patay na sila ay halos atakihin siya sa puso. Hindi rin naman siya gullible pero nadala siya sa kaseryosohan nito. Nalaman niya lang na pinagti-trip-an siya ng mga 'to noong sa kauna-unahang pagkakataon ay magsalita ang babaeng katabi niya.

"Wag kang maniwala sa kanila. Ang ibig nilang sabihin, nabangga tayo ng isang toy car, kung bangga man ang tawag dun. By the way, I'm Ivy," sabi nito bago muling ibinalik ang tingin sa libro.

Kaya nga mula nang marating nila ang Ab Initio Beach Resort ay pinili na lang ni Yhinn na mag-solo. Mas mabuti na 'yun kaysa makipag-usap sa mga lalaking mahilig man-trip. Huminga siya nang malalim at tinapunan ng tingin ang paligid. Maganda ang resort, para itong isang buong bahay na may magagarang kagamitan. Sa labas ay may malaking pool at sa tapat ay matatanaw ang karagatan. Mayroon ding videoke hub at tree house sa malapit. Nakita niya 'yon kanina nang makarating sila. Gusto nga niyang balikan pero panira naman ang ulan.

Kanina pa nga umuulan kaya kahit sinabi ni Divina na pwede silang mamasyal muna at bumalik na lang kapag handa na ang hapunan ay hindi naman niya tuluyang magawa. Balak niya sanang sulitin ang araw na wala siyang ginagawa. Parating pa lang din ang ibang staff at maging ang may-ari ng kompanya at bukas pa opisyal na magsisimula ang training nila.

"Ano ba naman 'yan. Tama pa yata si Chelsey, may bagyo nga yata," bulong niya habang nakasilip sa labas mula sa bintana ng kwarto niya. "Tawagan ko nga si Chelsey-mangot."

Kinuha niya ang cell phone at halos matawa dahil hindi na pala niya kailangang tumawag dahil tumatawag na pala si Chelsey.

"Hello, Chels."

"Gaga ka! Kanina pa 'ko tumatawag! Ano, kamusta? Maganda ba d'yan? Ang lakas ng ulan dito! Naulan ba d'yan?" Humagikhik siya habang patuloy sa pagtatanong ang kaibigan. "Tawa ka nang tawa d'yan!" hirit pa nito.

"Teka naman, naka-silent po ang phone ko kaya 'di ko nasagot agad. Okay lang ako. Maulan din dito. Kayo ba, kamusta?"

"Yhinn! Pasalubong!" Narinig niyang sigaw ni Peter.

"Manahimik ka nga, Peter!" bulyaw naman ni Chelsey na nagpatawa sa kanya. "Okay lang kami, Yhinn. Malayo ba ang byahe? Bibisita ako d'yan kapag sinipag."

"Apat na oras ang byahe. Lubak-lubak kasi ang daan kaya siguro natagalan kami. Tama nga si Peterio, liblib 'yung lugar. Nandito lang ako sa kwarto ko. Hindi pa 'ko nakakapaglibot dahil sa ulan," mahabang litanya niya.

"Sariling kwarto? Sosyal!"

"Yup, pero maliit lang 'yung kwarto. Isang kama tapos may maliit na lamesa. Mas malalaki raw ang kwarto sa third floor. Teka, magkakasama pala kayo? May trabaho kayo, ah? 'Di kayo nagsipasok?" takang tanong niya.

Suminghap naman si Chelsey sa kabilang linya. "Masama kasi pakiramdam ko kaya 'di ako pumasok. Ito namang si Peter--"

"Hindi na rin pumasok para samahan ka? Wow, sweet. Grabe si Peterio, patayuan na 'yan ng monumento." Inilayo niya ang cell phone nang pasigaw na murahin siya ni Chelsey. Narinig niya ring nagmumura si Peter kaya natawa siya. "Loud speaker pa, Chels? Parang mag-asawa lang."

Tuwang-tuwa siya sa pang-aasar sa dalawa. Pero alam niyang galit na ang mga ito kaya bago pa man umulan ng mura ay ibinaba na niya ang tawag. Kahit nang may kumatok sa pinto at buksan niya ito ay hindi pa rin mawala ang ngiti niya. Pero nalusaw ang ngiting 'yon nang tumambad sa kanya ang mukha ni Isaac, Vince at Nigel.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon