Epilogo

4.3K 244 129
                                    

Epilogo

PINUNASAN ni Eugene ang pawis na tumatagaktak mula sa kanyang noo saka bumuntong-hininga. Ilang minuto na siyang nakatayo sa tapat ng isang bahay pero natatakot siyang pumasok o kumatok man lang. Alas sais na ng gabi at hindi siya sigurado kung tutuloy pa siya. Maraming beses na naman niya 'yong ginawa ngunit hindi siya masanay-sanay. Palaging may baong kaba sa dibdib niya tuwing iniisip ang posible niyang makita kapag pumasok siya sa loob. Nagpalipas pa siya ng ilang minuto bago nagdesisyong kumatok. Nang iangat niya ang kamay at binawi rin niya ito dahil may babaeng lumabas mula sa bahay.

"Oh, Eugene? Bibisita ka?"

Ngumiti siya rito. "Oo sana. Okay lang ba?"

Tumango-tango ito saka tinapik ang balikat niya. "Paalis na din ako, hinihintay na ko ng asawa ko. Pasok ka na! Ikaw talaga, napakamahiyain mo." Ngumisi ito sa kanya bago siya tinalikuran.

Napakamot na lang siya sa batok habang pumapasok sa loob ng bahay. Luminga-linga siya at agad nakita ang kanyang pakay na nakaupo sa sofa at nanonood ng TV. Napasimangot siya nang hindi ito lumingon sa kanya.

"Chelsey, bakit ka bumalik? 'Di ba hinihintay ka na ni Peterio?" Doon lamang ito nagbaling ng tingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito kaya natawa siya. "Eugene?"

Yumuko siya. "Bibisita lang," bulong niya na ikinatawa ng kausap.

"Araw-araw talaga ang pagbisita? 'Di pwedeng time out naman muna? Apat na taon ka nang gan'yan, sawa-sawa rin."

"Yhinn," pagkontra niya rito.

Ngumiti naman ito sa kanya. "Yhinn, hindi nga ako magsasawa na gawin 'to. Hangga't hindi mo 'ko sinasagot." Pinalalim nito ang boses at pilit ginaya ang pagsasalita niya.

"Alam mo naman pala, eh. Gusto kong ipaalala sa'yo na simula nung napunta tayo sa Ab Initio..." Napahinto siya nang makita ang pagngiwi ng babae nang banggitin niya ang lugar na 'yon. "Sorry," bulong niya.

Alam naman niyang hindi pa rin nito nakakalimutan ang lahat at gano'n din naman siya. Paano niya malilimutan kung kahit apat na taon na ang lumipas ay nakaukit pa rin ito sa alaala niya na parang kahapon lang iyon nangyari? Paano niya malilimutan na minsan ay nawalan siya ng tiwala sa sarili at inisip niyang hindi na niya mapoprotektahan ang babaeng nasa harap niya? Paano niya malilimutan ang pagkamatay ng hindi lang isa, kundi lima sa kanyang mga kasama?

Apat na taon, siguro'y iisipin ng iba na matagal na panahon na 'yon, sapat para makalimot. Pero para sa kanya at para sa mga taong kasama niya roon ay kulang ang apat na taon sa pagbaon ng mga mapapait na alaala. Siguro nga'y kulang maging ang habambuhay. Napapitlag siya nang hawakan ni Yhinn ang braso niya.

"Natatakot ka pa rin ba kapag naaalala ang lahat? Natatakot ka rin ba, tulad ko?" bulong nito.

Tumango siya. "Oo. Lalo na kapag naaalala ko na muntik na nang mawala sa'kin, sa amin." Napapikit siya. Iyon na siguro ang pinakanakakatakot na karanasan niya, ang makita ang taong pinoprotektahan niya na duguan at walang malay habang sa tabi nito ay ang kriminal na walang habas na sumasaksak dito.

Sinisi niya si Divina dahil nalinlang siya nang pangalan nito. Sinisi niya si Zaira na hindi agad nagsabing may attic ang villa. Sinisi niya si Anya dahil bara-bara ito kung kumilos. Sinisi niya si Ulyses at Gerard dahil hindi siya agad nito tinulungan nang dambahin niya si Grace palayo kay Yhinn. Sinisi niya si Mikaella at Neo dahil hindi nagpakita at tumulong sa kanila ang dalawa. Sinisi niya ang lahat hanggang sa wala na siyang ibang masisi kundi ang sarili niya. Nagpadalos-dalos siya. Hindi nag-isip nang mabuti. At pinagbayaraan niya iyon nang makitang nakapikit at waring nagpapahinga na mula sa sakit si Yhinn.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon