Kabanata 3

4.1K 329 62
                                    

Kabanata 3: Book



"KUNG walang ambulansya, ako mismo ang magdadala sa asawa ko sa ospital!" gigil na gigil na sabi ni Grace habang humahagulgol. Walang nagtatangkang lumapit sa kanya dahil paangil niyang itinataboy ang mga ito. Lumunok siya at humikbi habang tinitingnan ang asawa niyang ngayon ay nababalutan na ng puting kumot. Inilipat nila ang bangkay ng asawa sa kwartong hindi ginagamit at do'n din nila napiling magtipon-tipon.

"Grace, tama na. Mamaya dadalhin natin si Barry, Sir Barry, sa morgue," ani Divina.

Nagpanting ang tainga ni Grace sa narinig. Nilapitan niya si Divina at sinampal. "That's bullshit! Bakit mamaya pa kung pwede namang ngayon na? Aalis na tayo sa lugar na 'to ngayon! May pumatay sa asawa ko." Narinig niyang nagsinghapan ang mga kasama sa ginawa niya pero wala siyang pakialam. Huminga siya nang malalim bago tumingala.

"May pumatay sa amo n'yo! Hindi ba dapat tumatakbo na tayo palayo sa punyetang resort na 'to?! May pumapatay!"

Hindi maintindihan ni Grace kung paano nagagawang kumalma ng mga ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw pa ng mga itong umalis sa lugar na 'yon. Tinapunan niya ng tingin ang mga kasama sa kwarto. Pawang nakayuko ang mga ito maliban kay Divina na matapang siyang tinitingnan sa mga mata. Wala ang iba dahil nasa tree house raw ang mga ito at tulog dahil sa kalasingan. Tinitigan niya rin ang caretaker ng resort at naabutan itong nakangisi. Nilapitan niya ito at hinawakan sa balikat.

"Ikaw! Ikaw ang pumatay kay Barry, hindi ba? Sa kwarto mo siya nakita! Ikaw ang pumatay sa kanya!" Niyugyog niya ito hanggang sa pinigilan na siya ni Isaac at Vince. Si Manang Fely naman ay mabilis na umatras at yumuko. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang namumulang kamay ng matanda. Muli niya itong nilapitan at hinigit ang kaliwang kamay nito.

"Ano 'to?" Sinuri niya ito at nanlaki ang mga mata niya sa nakita. "Bakit may paso ka sa kamay?" bulong niya.

Mabilis namang kumalas sa pagkakahawak niya si Manang Fely at tumakbo palayo. Humakbang siya palapit dito pero hinigit ni Vince ang damit niya.

"Ano ba? Bitiw!" singhal niya.

"Ma'am, t-tama na po. M-matanda na si Manang Fely, hindi naman siguro siya gagawa ng gano'n," sabi ni Isaac sa nanginginig na boses.

Napabuga si Grace ng hangin sa kaalamang hindi lang pala siya ang natatakot sa mga nangyayari. "Sino bang kinukumbinsi mo? Ako o ang sarili mo?" tanong niya. Nag-iwas ito ng tingin. "Aalis na tayo. Kung gusto n'yo pang mabuhay, aalis na tayo ngayon." Tinitigan niya nang masama si Manang Fely pero nag-iwas lang din ito ng tingin.

"Pero tulog at lasing na lasing sila Anya, Zaira, Neo, Mikaella at Gerard," bulong naman ni Divina.

Nagtaas si Grace ng kilay rito. "Sino ba kasing walang utak ang nagpainom sa kanila? Ha? Hindi bakasyon ang ipinunta n'yo rito kundi trabaho! Ngayon, sumunod kayo sa'kin o maiwan kayo rito!" sigaw niya.

"For your information, si Sir Barry mismo ang nagpainom sa'min! Sabi niya kahit si Ulyses na lang daw muna ang bahala sa training ng mga baguhan! Gano'ng klaseng amo si Barry, mahalaga ang mga empleyado para sa kanya. And I'm sorry to disappoint you, Grace, pero hindi kita kinikilala bilang boss kaya bakit kita susundin? Dave Barry Ong lang ang pangalan ng boss ko. Asawa ka lang niya at hindi ikaw ang nagpapatakbo ng kompanya."

"Tama na 'yan, Div," pag-awat ni Ulyses pero nagpumiglas ito.

Napakurap naman si Grace. Hindi niya akalaing may malakas ang loob na magsasabi sa kanya ng gano'n, na magpapamukha sa kanyang asawa lang siya ng isang mayamang negosyante at wala nang iba. Alam niyang may matinding galit sa kanya si Divina pero ngayon lang ito naglakas ng loob magsalita. Lalapitan na niya sana ito pero napaatras siya nang lumandas ang luha sa pisngi nito.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon