Kabanata 4

3.7K 220 40
                                    

Kabanata 4: Trust

"KAILANGAN nating mag-isip ng plano," ani Divina sa mga kasamahan. Tumingin siya sa orasang nakasabit sa dingding at bumuntong-hininga. Alas sais na ng umaga pero hindi pa rin humuhupa ang ulan. "Kung merong may plano sa inyo, please ngayon pa lang sabihin n'yo na."

Nagtaas naman ng kamay si Nigel. "Hindi 'to plano, pero kahapon pa 'ko nagtataka kung bakit pinauwi n'yo 'yung mga driver pagkatapos nila tayong ihatid."

Hinilot ni Divina ang kanyang sentido. "That's a company order. Kailang bumalik sa kompanya ang mga company van within the same day kung kailan ito lumabas. Babalik lang ulit sila Mang Baldo after a week para sunduin tayo," bulong niya.

"Iyon ay kung buhay pa tayo," mahinang usal ni Yhinn.

Lumunok si Divina. Tama, 'yun ay kung buhay pa sila pagkaraan ng isang linggo. Ngayon ay nagsisisi siya kung bakit nauso pa ang patakarang iyon. Pwede sana nilang suungin ang malakas na ulan at hangin basta't may sasakyan lalo na ngayong hindi na naman masyadong madilim sa labas. Pero dahil wala nga ang company van na naghatid sa kanila at itinakas pa ni Grace ang kotse nito para sa pansariling kapakanan ay wala silang magawa kundi maghintay ng himala. Tiningnan niya ang cell phone sa pag-asang bumalik na ang signal pero wala pa rin. Mula nang mag-brown out kaninang alas kwatro ay nawalan na rin ng signal sa buong lugar.

"Bwisit kasi si Grace," aniya. Wala na siyang ibang masisi kaya ang taong kinaiinisan niya ang napagbuntunan niya.

Kumunot naman ang noo ni Yhinn. "Hindi bwisit si Grace."

"Kung pinakinggan lang sana natin si Ma'am Grace, kung sumunod lang sana tayo sa gusto niya, siguro nakaalis na tayo rito. Hindi sana namatay si Ivy," sabat ni Isaac. "Nakita n'yo na ba kung gaano kalaki ang baha sa labas? Kahit may sasakyan tayo, hindi na din tayo makakaalis."

Tumayo siya at tumakbo patungo sa veranda. Napasapo siya sa bibig nang makita kung gaano na kataas ang baha. Masyado ngang mataas ang tubig! Hindi niya agad napansin dahil nakatuon ang atensyon niya sa pag-iisip ng kung anu-ano. Pero dahil ayaw na ayaw niyang ipinapamukha ang pagkakamali niya'y imbes na humingi ng paumanhin sa mga kasama ay ngumisi pa siya.

"Hindi ba tama lang ang ginawa ko kanina? Walang ibang sasakyan kundi 'yung kotseng 'yon! Bukod sa malakas ang ulan, tingin mo ba kasya tayo sa maliit na kotse ng kaibigan mo? Magpapatayan tayo para malaman kung sino ang karapat-dapat na sumakay paalis?" Umirap siya sa kawalan. Sa ganitong pagkakataon ay hindi niya mapigilang lumabas ang natural niyang ugali. Noong una ay kaya niya pang magbait-baitan, sa pagkakataong ito ay isa lang ang nasa isip niya.

Mamamatay ang mahihina.

Hindi naman umimik si Isaac. Tahimik lang ding nanood sa kanila ang iba. Malas, ako na lang yata ang nag-iisip dito, sa isip-isip ni Divina. Maging ang mga empleyadong nagpakasasa sa alak ay gising na pero pawang wala naman sa sarili. Natawa siya nang maalala kung paano naghisterikal ang mga ito matapos makita ang bangkay ni Ivy. Hinimatay pa si Zaira nang ikwento niya ang nangyari kay Barry.

Bumuntong-hininga muli si Divina at isa-isang tinitigan ang mga kasama. Yhinn, Eugene, Isaac, Nigel, Vince, Neo, Anya, Zaira, Gerard, Mikaella. Sino sa mga ito ang pumapatay? At ano'ng motibo?

"Teka, nasa'n si Manang Fely?" tanong niya nang mapagtantong nawawala na naman ang matanda. "Saka 'yung ibang kasama natin dito sa resort? 'Yung mga cook? Bakit ba palagi silang nawawala?" bulyaw niya.

Nagkibit-balikat naman ang mga ito. Napasimangot siya at mariing nag-isip ngunit agad napangiti nang umupo sa tabi niya si Ulyses at hawakan ang kamay niyang kanina pa nilalamig. Alam niyang nakatingin ang iba sa kanila pero wala siyang pakialam. Sumandal lang siya sa nag-iisang taong kaya niyang pagkatiwalaan at pilit nag-isip ng paraan.

Ab InitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon