Hot Intruder

7.6K 269 8
                                    

PIGIL ang hininga na dahan-dahang inabot ni Diwa ang switch ng lampshade. Salamat sa bed sheet at kumot ni Rique na dark blue lahat, itinago siya sa taong nangahas na pumasok.

Sinakop ng malamlam na liwanag ang kuwarto.

Malamlam na liwanag, na naging sapat para makita niya ang pigurang nakaitim! Sabay lang ang pagkagulat ni Diwa at ng taong nasa loob ng kuwarto. Hindi na siya gaanong nag-isip, nakatalon agad si Diwa galing sa kama—tinakbo ang main switch.

Nagliwanag ang buong kuwarto—at nalantad sa kanya ang kabuuan ng matangkad na akyat-bahay. May itim na telang takip sa kalahati ng mukha. Noo at mata lang ang nakikita niya. Itim lahat ng suot, sing itim ng buhok nitong wavy, medyo mahaba at parang nagulo ng hangin.

Napamaang si Diwa sa estranghero. Sa lumang pelikulang pinagtitiyagaan niyang panoorin ang mga ganoong eksena na may nakawan. Hindi naisip ng dalaga na magiging tauhan siya sa parehong eksena.

Ang lalaki naman ay halatang nagulat. Base sa mga mata—na visible sa mukha nito, hindi inaasahang may tao sa kuwarto. Dark blue kasi ang bed sheet at comforter ni Rique—humalo ang itim niyang suot sa comforter at sa dilim. Ang lapad kasi ng kama, nagmukha lang siguro siyang unan na natakpan ng comforter.

Hindi napansin ng akyat-bahay!

Huling-huli ni Diwa ang kamay ng lalaki na nasa aktong pagbubukas ng drawer sa may paanan ng kama. Kita na niya ang ebidensiya. Magnanakaw ang lalaki at naroon ito para tangayin ang mga mga valuables sa bahay ni Rique. Hindi pala ang inaabangan niyang multo ang dapat na pinaghandaan ni Diwa. Magnanakaw pala ang dapat katakutan ni Rique. At sa suot nitong pure black, sa pagtatago ng mukha at sa katotohanang napasok ang bahay nang wala siyang kahit anong narinig, sigurado si Diwa na sanay magnakaw ang masamang loob na ito!

Matagal na nagtama lang ang mga mata nila. Pakiramdam ni Diwa, tinatantiya rin ng akyat-bahay ang sitwasyon. Hinuhulaan kung ano ang una niyang gagawin. Pilit nag-isip si Diwa nang mabilis. Kung hindi niya pagaganahin ang utak, isang maling kilos ay baka bangkay na siya bukas. Sa malamig na tingin ng magnanakaw, sigurado si Diwa na walang lugar sa puso nito ang awa.

Naging witness siya bigla sa kasalanan nito. At ang witness, 'pag nahuli ng kalabang kampo, hindi na nagagawang tumestigo. Pinapatahimik na para walang problema. May kutob si Diwa na katapusan na rin niya kung wala siyang gagawin.

Mas tumiim ang titig ng lalaki sa kanya. Iniisip na yata kung paano siya dedespatsahin!

Pilit tinatagan ni Diwa ang loob. Inisip na lang niyang isa ang sandaling iyon sa mga eksenang nahaharap siya sa multo at wala siyang choice kundi maging matapang at tapusin ang 'meeting'. Hindi multo ang kaharap niya pero parehong tapang ang kailangan niya para makaalpas ng buhay sa sitwasyong iyon.

Pakiramdam ni Diwa, napalapit siya ng dalawang hakbang sa kamatayan. Kailangan niyang sagipin ang sarili. Hindi pelikula ang buhay niya na may leading man na darating at ililigtas siya. Sarili lang ang aasahan niya sa sitwasyong iyon. Kailangan niyang mag-isip. Mag-isip ng mabuti.

Sinamantala ni Diwa ang hindi pagkilos ng lalaki. Tinitigan lang siya nito. Kung nag-iisip rin sa susunod na gagawin, hindi sigurado ni Diwa. Nag-focus na siya sa sariling kaligtasan. Pinagana agad niya ang utak. Mahal niya ang buhay. Lalaban siya hanggang sa huli.

Ang baril ni Rique ang naisip ni Diwa. Metro ang layo ng lalaki sa kanya. Kung bibilisan ni Diwa ang pagkilos, mabubuksan niya ang drawer. Magagamit niya ang baril para ipagtanggol ang sarili. Hindi na mahalaga kung wala siyang alam sa baril. Itututok lang niya. Ipapanakot sa akyat-bahay. Pero kung wala na siyang pagpipilian kundi iputok—kakalabitin niya ang gatilyo nang walang pagsisisi.

Nang umakto ang lalaki na kikilos, agad sinabayan ni Diwa. Mabilis pa sa kidlat na nakatalon siya sa kama, nakalipat sa kabila bago siya nahuli nito. Diretsong binuksan ng dalaga ang drawer ng bedside table at kinuha ang baril. Dalawang hakbang ang layo ng lalaki sa kanya, naka-freeze na ito—naitutok na kasi niya ang ang baril.

Babatitiin ni Diwa ang sarili na hindi nanginginig ang kamay niya.

Don't panic, Diwa. Kalma lang. Kalma...

Paulit-ulit ang bulong niya sa sarili. Steady ang kamay sa baril. Ang daliri, nasa gatilyo. Ang mga mata, nakatutok sa mga mata ng akyat-bahay na hindi rin kumukurap habang nakatitig sa kanya.

Mas kinakabahan si Diwa na kalmado lang ang lalaki. Parang walang anuman dito na nakatutok ang baril sentro sa puso. Wala man lang ni katiting na bahid ng takot sa mga mata. Ang lamig ng tingin nito. Parang walang pakialam kalabitin man niya ang gatilyo.

"Taas kamay!"

Hindi tuminag ang lalaki. Nakatutok lang sa kanya ang malamig na tingin. Nagpigil lang si Diwa na mapalunok. Siya ang may hawak ng baril pero sa hula niya, sa kanilang dalawa, siya ang kinakabahan.

"Taas kamay sabi, eh!" mas malakas niyang ulit, inayos kunwari ang daliri sa baril. "Baba mo 'yang takip sa mukha mo!" singhal pa niya, kunwari ang tapang. "Aakyat-akyat ka ng bahay, magtatago ka naman ng mukha! Ano, nahiya kang malaman ng iba ang raket mo?"

Ang medyo pag-angat lang ng kilay ang reaction nito.

"Tanggal na!" singhal niya uli.

Hinablot ng lalaki pababa ang itim na tela.

Napanganga si Diwa.

ROGUE (PREVIEW)Where stories live. Discover now