Jacket, Fruit Basket and Rogue

7K 287 11
                                    

NAGTAKA si Diwa nang pagmulat ay makitang nasa tabi niya si Rogue. Busy ang lalaki sa pagkagat at pagnguya ng hindi binalatan na mansanas.

Bigla siyang umayos ng upo—may nalaglag galing sa katawan niya. Agad niyuko iyon ni Diwa.

Jacket ni Rogue?

Nalaglag ang itim na jacket sa tabi niya sa sofa. Saan galing 'yon? Sa katawan ko?

Ilang segundong napatitig siya sa jacket. Medyo magulo pa ang utak niya. Pinilit niyang alalahanin ang mga eksena bago siya nakatulog.

Tama. Hindi panaginip lang na nasa tabi niya si Rogue at kumakain ng mansanas. Dumating talaga ang lalaki na naka-all black na naman. Ginamitan ng skill ang pinto, nakapasok nang hindi niya kailangang pagbuksan. Sobrang antok na siya at tinulugan niya ang lalaki.

Paggising niya, heto pa rin at nasa tabi niya ang sangganong guwapo. Kumakain ng mansanas!

Nag-angat ng mukha si Diwa—nagtama ang mga mata nila ni Rogue. Nakatingin na pala ito sa kanya. Pumitlag na naman ang puso niya. "I-Ilang oras akong tulog?"

"Walang tatlong oras," kaswal na sagot nito, kumagat ng mansanas. "Fruits o," dagdag ni Rogue. "Kumain kang marami niyan. Mukhang kailangan mo."

Napatingin si Diwa sa kaharap nilang coffee table. May fruit basket. Galing doon ang mansanas na kinakain ni Rogue. Bumalik sa lalaki ang tingin niya. Naka-black T-shirt na lang ito. Ang jacket na suot ay nasa sofa lang sa tabi niya. Inabot iyon ni Diwa. Naghubad ng jacket si Rogue para gawing 'kumot' niya?

"Hindi ka ba umalis?" Hindi naisip ni Diwa na puwede naman pala silang mag-usap na hindi nagkakasagutan.

"Umalis ako. Bumili ng prutas. Tulog ka pa pagbalik ko."

Tumingin ito sa mga mata niya. Medyo matagal siyang tinitigan kaya nagka-rambol na naman sa dibdib ni Diwa. Inabot niya rito ang jacket. Hindi niya alam kung ano ang tamang sabihin tungkol sa jacket kaya nanahimik na lang si Diwa.

"Ba't nandito ka pa?" iyon na na lang ang sinabi niya.

"Sabi mo, mag-aaway pa tayo."

Hindi siya dapat ngingiti pero napangiti si Diwa. Naalala niya ang sinabing iyon bago siya nakatulog.

"Nag-recharge na ako bago ka pa magising," dagdag pa ni Rogue. Napatingin siya rito. Bakit pati pagnguya nito ng mansanas parang ang sexy? Gustong batukan ni Diwa ang sarili. "Ano'ng pag-aawayan natin?"

"Nagbago'ng isip ko," sabi niya naman. "Gusto ko pang matulog. 'Alis ka na lang, Rogue."

"Gusto ko nang away."

"Next time na lang. May problema ako, 'wag ka nang dumagdag."

"Halata nga," sabi rin nito. "Mukhang sumuko ka na, ah? Lagas na ba'ng lakas at kapangyarihan? Tinulugan mo na ang kaaway. Malaking ekis 'yan."

"Lutang na nga ako," siya naman. "Lubayan mo muna ako ngayon, please. Sige na, Rogue!"

Tiningnan lang si Diwa ni Rogue. Parang robot lang na nakatutok sa kanya ang tingin. Blangko ang mukha at mga mata.

"Hindi ako nagsalita. Wala akong planong magsumbong sa pulis. Pati si Rique, walang alam. Sumusunod ako sa usapan!" Kinapa niya sa bulsa ang cell phone at inabot sa lalaki. "Yan na, o! Delete mo lahat ng pictures mo diyan para wala na akong ebidensiya. Basta, 'wag mo na akong guluhin. Please lang. Ang dami ko nang iniisip. Mababaliw na ako 'pag dumagdag ka pa!"

Ilang segundong tinitigan lang siya ng lalaki. Naawa rin yata na mukha siyang zombie, inabot ang cell phone. Naging abala na ito sa gadget. Binura na nga yata ang pictures. Nanghinayang si Diwa. Wala na siyang tititigan pero okay na rin. Mas mahalaga ang kahimikan niya.

Inabot rin nito sa kanya ang cell phone.

"O 'yan, ah? Tantanan mo na ako!" Pagkaabot sa cell phone ay sabi ni Diwa. Walang reaksiyon si Rogue, tumitig lang. Wala pa rin siyang lakas makipag-argumento kaya nanahimik na lang ang dalaga. Naghintay siyang umalis ang sangganong guwapo.

Pero ilang minuto na, nasa sofa pa rin ang lalaki at inuubos ang mansanas na hawak.

"Rogue!" malakas na sabi niya. "Umalis ka na!"

Saka lang ito tumayo. "Ubusin mo 'yan." Itinuro nito ang prutas bago siya iniwan.

Napabuga ng hangin sa ere si Diwa.

ROGUE (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon