Chocolates

7.4K 316 28
                                    

ILANG beses nang huminto sa paghakbang si Diwa para lumingon. Ilang beses na rin siyang lumipat ng section sa supermarket para itaboy ang kakaibang pakiramdam. Kung may civilian guards na nag-iikot, siguradong iisipin nang may nakikita siyang hindi nito nakikita. Lingon kasi siya nang lingon para maghanap ng taong nakatingin sa kanya.

Okay naman si Diwa pagpasok niya sa supermarket kanina. Nag-enjoy pa nga siyang maghanap ng mga kailangan niyang bilhin. Nasa section siya ng mga de lata nang makaramdam siya ng kakaiba.

Parang may mga matang nakatingin sa kanya.

Kilala ni Diwa ang sarili. Hindi unang beses niyang naramdaman iyon. At kahit minsan, hindi nagkamali ang pakiramdam niya. Alam niyang may nagmamasid sa kanya. May mga matang sumusunod sa kanya. Pero kung dati, nahahanap niya ang kaibigan o kakilala, nang sandaling iyon ay walang pamilyar na mukha.

Pinilit itaboy ni Diwa ang pakiramdam. Mas binilisan na niya ang paglalagay ng groceries sa push cart. Mas mabilis matapos, mas mabilis siyang makakaalis sa lugar. Mapapanatag lang ang pakiramdam niya kapag nasa apartment na siya ni Maya.

Nasa section na siya ng mga tinapay nang may dumaang pigurang nakaitim. Busy siya sa pagkuha ng tinapay. Wala lang dapat sa kanya iyon pero kumabog ang puso ni Diwa. Hindi niya alam kung bakit. Kung may naalala siya sa itim na damit o dahil parang naamoy na niya ang parehong scent ng pabango, hindi sigurado ng dalaga.

Bigla siyang lumingon—likod na lang ng lalaki ang naabutan ng mga mata niya. Nakalipat na ito sa kabilang section. Agad itinulak ni Diwa ang push cart—wala na ang lalaki. Tulak uli siya sa push cart para silipin ang kabilang section—wine section ng supermarket.

Parang na-freeze si Diwa sa nakita. Naroon ang lalaki, nakatalikod sa direksiyon niya at inaabot ang bote ng alak—huminto ang kamay nito. Parang naramdaman ang pagtitig niya. Hindi na kinuha ng lalaki ang alak. Inayos na lang ang suot na itim rin na sombrero. Nahulaan na niyang lilingon sa direksiyon niya ang lalaki. Biglang umatras si Diwa, itinulak ang push cart palayo sa section na iyon.

Ang mga sumunod na minuto ay para na siyang hinahabol ng multo sa pagkuha ng mga items. Mga pagkain na lang ang inuna niyang kunin. Babalik na lang siya sa ibang araw para sa iba pang kailangan. Hindi na siya dapat magtagal sa lugar na naroon ang akyat-bahay!

Hindi siya binibiro lang ng mga mata—si Rogue ang nasa wine section!

At sigurado si Diwa na hindi nagkataon lang na naroon din ang lalaki. Sinusundan siya nito. Seryoso ang akyat-bahay na subaybayan siya!

Hindi na natahimik ang heartbeat ni Diwa hanggang nasa cashier na siya. At lalo nang kumabog ang puso niya nang makitang nasa kabilang cashier ang lalaki, nakatungo kaya natatakpan ng sombrero ang mukha.

Nag-angat ng mukha ang lalaki—huli na para magbawi ng tingin. Nagtama ang mga mata nila. Literal na hindi huminga si Diwa nang titigan lang siya nito. Bago nabawi ng dalaga ang tingin, nakita na niya ang misteryosong ngisi ni Rogue. Nag-skip yata ng pintig ng puso niya!

Hanggang naglalakad na siya papunta sa sakayan ng taxi, hindi na natahimik ang puso ni Diwa. Medyo humupa lang ang kabog sa dibdib nang pasakay na siya ng taxi. Makakauwi na rin siya sa apartment. Pinanood niyang ilagay ng driver sa likod ang mga grocery bags bago siya pumasok sa backseat.

Napabuga siya ng hangin nang pumasok na ang driver. Makakauwi na rin siya sa wakas.

"Ma'am, o," ang driver na nilingon siya. Inaabot nito sa kanya ang box ng tsokolate. "Chocolates mo."

Nagtaka si Diwa. "Chocolates ko ho?" balik niya sa driver na hula niya ay malapit nang mag-singkuwenta.

"Inabot no'ng kaibigan mo. Naiwan mo daw sa cashier kanina."

Sa ikalawang pagkakataon, nagpigil na naman siya ng hininga. Bigla siyang tumingin sa labas para maghanap ng pamilyar na mukha.

Nakita niyang nasa dulo ng pila si Rogue, nakahawak sa sombrerong suot na parang mas ibinaba para takpan ang mukha.

"Umalis na tayo, Manong," sabi ni Diwa sa driver. "Sa inyo na ho 'yang tsokolate—"

"Kung 'di mo daw kukunin 'to, sampu ang kapalit at siya mismo ang magdadala."

Napalunok si Diwa. Inabot bigla ang tsokolate. "Tara na ho! Sige na, Manong. Pakibilisan."

Nang umusad na ang taxi, napasandal na lang si Diwa sa puwesto at napahagod sa buhok.

Husko, Lord!

Wala pa siyang isang buwan sa Maynila, may sangganong stalker na siya?

ROGUE (PREVIEW)Where stories live. Discover now