12th Chapter

100K 2.3K 143
                                    

**revised chapter**

***

“A-andrew?”

Patuloy lang siyang naglalakad palabas ng ospital habang ako ay nakatingin lang sa likod niya. Hindi niya ako narinig. Masyado kasing mahina at nanginginig yung boses ko.

Anong ginagawa niya rito? Bakit siya nasa ospital? Bakit siya nandito?

Napaupo na lang ako sa bench dito sa may garden habang napapaligiran ako ng mga nurse at mga pasyente. Napapatingin pa sila sa akin dahil puro dugo yung damit ko. Pero hindi ko na lang pinansin. Gusto ko lang makahinga nang maayos.

Nagrereplay na naman sa isip ko yung pagkakasagasa kay Kyle. Napayakap tuloy ako sa katawan ko dahil nangilabot ako. Naiinis rin ako sa sarili ko dahil hindi ko man lang natandaan yung plate number ng kotseng yun. Ang bilis-bilis niyang magpatakbo at ni hindi man lang siya huminto kahit alam niyang may nasagasaan siya.

Bigla namang may tumabi sa akin na babae. Siguro kasing-edad ko lang rin at nakatulala lang siya. Parang wala nang buhay yung mata niya. Ilang minuto kaming tahimik lang pero nabasag ang katahimikan na yun nung bigla na lang siyang umiyak.

Ewan ko pero parang naramdaman ko yung sakit na nararamdaman niya. Katulad ko rin kaya siya? Nandito ba siya dahil naaksidente ang mahal niya sa buhay? Yung kanina ko pang pinipigilan na luha ay biglang bumagsak ulit.

Kinuha ko sa bulsa ko yung panyo ko. Ni hindi ko ‘to nagamit kanina kahit na ang dungis-dungis na ng mukha ko. Inabot ko yun sa kanya pero hindi ko siya tinignan. Nakatingin lang ako sa harap ko. Naramdaman ko namang kinuha niya yun.

“Thank...you,” sabi niya habang humihikbi siya.

“Alam ko...y-yang nararamdaman mo,” saka ako tumingin sa kanya. Sobrang mugto at pula na ng mata niya. Napansin ko rin na may bakas rin ng dugo yung damit niya.

“S-sobrang sakit,” tapos hinawakan niya nang mahigpit yung panyong binigay ko sa kanya. “Sobra. Hindi ko na alam...kung anong gagawin ko.”

“Anong...nangyari?”

“A-after of 12 hours operation...h-he’s dead.”

“Sorry.”

Hindi ko na ulit siya kinausap dahil alam kong nahihirapan rin siyang magsalita. Tahimik na lang siyang umiyak doon habang ako ay kinakalma ko pa rin yung sarili ko.

Sana maging okay si Kyle. Sana walang mangyaring masama sa kanya. Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag...kapag...

Kinuha ko sa bag ko yung diary ko at naglabas ako ng ballpen. Sobrang bigat na ng pakiramdam ko at kailangan ko ‘tong ilabas.

Ganito ba talaga ako kamalas? Bakit lahat na lang ng mahal ko, kinukuha sa akin? Ayaw niyo ba talaga akong maging masaya? Nawala na si Andrew sa akin, pati ba naman kapatid ko?

Hindi ko makakaya kapag may nangyaring masama sa kanya. Kaya parang awa niyo na, iligtas niyo siya. Gagawin ko lahat. Kung pwede lang na sa akin na lang nangyari eh. Kung pwede lang na ako na lang ang nasagasaan kaysa siya. Sobrang bata niya pa.

Kaya kung totoo kayo, o kung may Diyos talaga, parang awa mo na, iligtas mo ang kapatid ko. Aaminin kong hindi ako pala-dasal pero kahit ngayon lang, kahit ngayon lang, pakinggan niyo ako. Please.

“Sinong...nandito ngayon?” Napasarado agad ako sa diary ko at tinignan ko yung babae. Mukhang medyo kumalma na siya.

“Kapatid ko,” saka ako napayuko.

“Kamusta na?”

“H-hindi ko alam. Nasa ER pa rin siya.” Bigla naman siyang tumayo at humarap sa akin.

“Don’t worry, ipagdadasal ko siya. At thank you dito,” sabay taas niya sa panyo ko. “Sana masoli ko ‘to sa’yo balang araw.” Ngumiti siya sa akin pero halata namang pinipilit niya lang. Naiintindihan ko naman siya. Alam kong hindi niya pa kayang maging masaya.

Umalis na siya at nakatingin lang ako sa kanya habang naglalakad palayo. Bigla ko tuloy naalala si Andrew kanina. Kahit gusto ko siyang tanungin kung anong ginagawa niya rito, alam kong hindi naman niya ako papansinin. Nagbago na rin siya ng number kaya hindi ko alam kung pano siya ico-contact.

After ilang minutes, napagdesisyunan kong bumalik na sa loob at nakita ko doon si Mama habang nakaupo. Tinabihan ko kaagad siya.

“K-amusta na raw po si Kyle?”

“Stable na raw yung paghinga niya pero kailangan pang tahiin yung mga hiwa sa ulo niya,” saka nagpakawala ng butung-hininga si Mama.

Para naman akong nabunutan ng tinik sa dibdib nung narinig ko yun. Thank you, God.

Stable na ang paghinga niya. Pero hindi pa ako pwedeng makampante. Ongoing pa ang operation kaya kailangan kong maging matatag para kay Kyle at Mama.

“Umuwi ka muna, Lei at magpahinga ka na. Ako na lang ang magbabantay dito.”

“Pero Ma—”

“Sige na,” sabay tingin niya sa akin. “Alam kong pagod ka na. Dito at dito,” sabay turo niya sa dibdib ko pati na sa ulo ko. Bigla naman akong kinabahan. Alam kong tahimik lang si Mama pero marami siyang nalalaman sa akin kahit hindi ko sabihin.

“Alam niyo na?” Nung tinuro niya kasi yung dibdib ko, alam kong iba ang ibig sabihin nun.

“Alam ko ang itsura mo kapag nasasaktan ka. Nung umuwi ka sa’tin, yun ang itsura mo. Kaya tinanong ko kina Francine at Alleine. Sinabi nila sa akin kung anong nangyari.”

Pagkasabi nun ni Mama ay naiyak na naman ako. Nakakainis naman eh. Ayoko na ngang umiyak pero pilit akong pinapaiyak ng sitwasyon. Niyakap ulit ako ni Mama at pinunasan niya yung luha ko.

“Umuwi ka na. Magpahinga ka.”

“Mmm,” sabay tango ko at saka ako tumayo.

Mukhang kailangan ko na ngang magpahinga. Nabablangko na rin ang isip ko at sobrang sakit na ng nararamdaman ko.

Ayoko na ng ganitong pakiramdam. Ayoko nang masaktan. Ayoko na.

***

Getting Over You (Over, #1)Where stories live. Discover now