Kabanata III : Avenida (2/3)

12.5K 209 52
                                    

"The true mystery of the world is the visible, not the invisible"

- Oscar Wilde

Unti unti kong hinila pataas ang overhead door. Ramdam ko ang kaba ng lahat. Bawat langitngit ng bakal na pinto ay napapapitlag ang bawat isa. Napapaatras, napapailag kahit wala namang dapat ilagan. Si Hesus ay pahigpit nang pahigpit ang hawak sa lalagyanan. Si Penny naman ay nakaready ang rebolber. Nasa kagitnaan na ako ng pagangat nang mapansin naming parang may kakaiba sa hamog.

"Bakit hindi pumapasok yang hamog dito sa loob?" nasabi ni Annabelle. Yakap nito ang anak sa kanyang tagiliran "I mean, di ba dapat parang usok yan? Parang sa freezer di ba?"

Yun din ang napansin ng lahat. Dapat ay may pumasok na na hamog. Nagkatinginan kami. Tinignan ko si Penny at Hesus. Alam nilang pipigilan ko na naman silang lumabas.

"Lahat naman ng nangyayari ngayon eh hindi natin mapaliwanag. Ngayon pa ba tayo magtataka dyan?" si Hesus. "Todo mo na Elias" utos nito sa akin. Tinignan ko si Penny para malaman kung ano ang desisyon nya. Sumenyas ito at tuluyan ko nang itinaas ang overhead door.

Malakas ang naging ingay ng pintong bakal nang tuluyan ko ito maitaas. Maingay dahil walang iba pang maririnig kundi ito. Maingay dahil ang atensyon naming lahat ay nakatutok lang talaga sa pintong bakal - sa pintong tanging nagiging garantiya namin na kami ay ligtas sa loob nitong 7-eleven.

Tulad ng inaasahan, wala kaming makita sa labas dahil sa kapal ng hamog. Ang tanging naaaninag lang namin ay yung ilang bagay na hindi lalayo sa isang metro. Anumang bagay na mas malayo pa roon ay binalot na ng hamog.

"Hindi ito hamog" bulong ko sa sarili ko. Isa itong patunay na ang nangyayari sa amin ay hindi talaga pangkaraniwan. Hinawakan ko ang usok. Hindi nga ito hamog. Hindi ko maramdaman ang bigat ng hangin. Parang wala akong hinawakan. Wala akong naramdaman. Akala ko ay manlalamig ang mga kamay ko nang hawakan ko ito - pero hindi. Ipinaypay ko ang mga kamay ko sa hamog pero wala rin. Hindi talaga gumagalaw. Parang lang itong isang pader na hindi nakikita. Naputol ang aming pagmamasid nang buksan ni Rudy ang hawak na flashlight. At sa isang iglap, naging malinaw ang mga bagay na nasa labas.

Gaya ng nadiskubre namin kahapon, kapag tinatamaan ng ilaw ang hamog ay makikita mo ang mga tinatakpan nito. Nakakakamangha pero nakakatakot din. Ngayon lang talaga ako nakakita ng ganito.

"Rudy," muling bungad ni Hesus. "Tutok mo lang sa amin lagi. Wag na wag mong itututok sa iba yang flash light. Sa amin lang lagi ok?" mabigat na paaalala nito.

Umoo naman si Rudy.

"Pahiram nga muna," kinuha ni Penny ang flashlight mula kay Rudy. Ibinaling ang ilaw sa kaliwa at saka itinutok sa kanan. "Nakikita mo yun?" sabi nito kay Hesus "May limang jeep. dito sa kanan.. sa papuntang Carriedo, parang mga anim na jeep chaka taxi."

Mas maraming pwedeng kuhaan ng diesel sa kaliwang kalye dahil mas maraming jeep pero nagkalat duon yung mga basura at ilang sasakyan. May mga sidecar din na nakahambalang kaya nagpasya silang dalawa na yung mga jeep sa kanan na lang ang unahin.

Pagkabalik ng flashlight kay Rudy, si Hesus at Penny ay lumabas na. Lahat ng atensyon namin ay nakatutok sa kanila, Naunang naglakad si Hesus. Sa likod nito ay si Penny na hawak ng dalawang kamay ang baril. Isang isang paghakbang ang naging kilos nila. Tutok na tutok ang flashlight ni Rudy. Palingon lingon din sila Hesus at Penny sa aming lokasyon.

"Ok lang ba kayo?" malakas na tanong ni Rudy sa dalawa.

"Ok lang" sagot ni Penny. "Talaga palang yung tinatamaan lang ng ilaw ang nakikita din namin." sigaw rin nito na palinga linga sa paligid. Gayundin si Hesus. Sinusuri nito ang lahat ng naaabot ng liwanag pero mababatid mong wala rin namang iba pang nakikita bukod sa dinadaanan nila at ilang mga nakahambalang doon.

Saan Kami Pupunta?Where stories live. Discover now