Kabanata VII : Saklolo (1/2)

11.7K 277 90
                                    

"Kailan ako nanaginip?" Yan ang unang tanong na pumasok sa isip ko nang magmulat ako ng mga mata. Hindi ko maalala kung saang tagpo ako nakatulog o naidlip man lang. Hindi ko alam kung saang parte ng huling alaala ko ang simula ng panaginip na yun. Wala akong matandaan... Wala sa hinagap ko na nakatulog pala ko.

"Ok ka lang ba, Elias...?" ulit na tanong ni Marta

Walang kaugnayan, pero ang mga tanong na yun ay para bang katagang nagpaalala sa akin na ang buhay ay sadyang maikli - na kung inaakala mong marami ka nang nagawa sa buhay mo, na marami ka nang naranasan, ay nararapat lang na maisip mo rin na kung gaano kahaba ang inilagi mo sa mundo, ay kabaliktaran nito ang bilis kung paano ka mawalan ng pulso. Bakit? Dahil sa isang iglap, sa bilis ng mga pwedeng mangyayari, ay maaaring patay ka na bago mo malaman na patay ka na nga.

Nanlamig ang buo kong katawan. Ang mga balahibo ko sa braso ay nagsisitayuan. Kalaunan, di ko na rin mapigilan ang panginginig ng aking mga kamay. Niyakap ko ang sarili ko. Pakiramdam ko ay kumalas ang kaluluwa ko't at nagbalik lamang matapos mamatay sa loob ng panaginip na yun. Sobrang makatotohanan. May mga talim pa rin akong nararamdaman sa balat ko. Nangyayari rin pala na ang damdamin ay di magawang kalimutan ang isang panaginip - kahit na ang damdaming ito ay dulot lamang ng paglalaro ng isipan.

Ang lahat ng nangyaring yun ay isang malaki at napakahabang panaginip - ang bagyo, ang Quiapo, ang gutom, ang panlulumo, at ang mga nilalang na pumatay sa akin. Lahat ng yun ay nangyari sa isang maikling sandali nang makatulog ako. Sinasabi ng utak ko na ang lahat ay isang mahabang ilusyon subalit iba naman ang idinidikta ng katawan ko. Ramdam ko pa rin sa sistema ko ang takot at pangamba na baka totoo ngang nabubuhay ako ngayon sa isang lugar na pinaglalagakan ng mga kaluluwang kamamatay pa lamang. Gaya ng inaakala ni Penny, maaari rin naming isipin na baka nga kami ay totoong namatay na at kasalukuyang nasa purgatoryo. At ang napakasamang panaginip na yun ay isa palang pangitain o hindi kaya ay isang paalala - na kahit anumang pagpupumilit naming hanapin ang sagot ay di rin namin masusumpungan.

Nandito pa rin kami sa loob ng 7-eleven. Nandito pa rin pala ako ako - tulala sa isang kwarto, na kung tutuusin ay napakaliit lang pero walang hanggan ang hiwaga. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong maisip na tuwirang dahilan kung ano ba talaga ang ginagawa namin dito. Hanggang sa puntong ito ay wala pa rin akong makuhang pahiwatig kung ano ba talaga ang nangyayari...

Tulala akong nakatingin sa kadiliman nang tumama ang isang liwanag sa isang basong tubig na napansin kong nasa harapan ko pala. Nag angat ako ng ulo at naaninag ko ang mukha ni Marta.

"Uminom ka muna..." mahina nyang boses. Iniabot sa akin ni Marta ang isang plastic na baso. Sa sobrang lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayang may tao palang kumakausap sa akin.

Ininom ko ang tubig. Ang bawat pagdaloy nito sa lalamunan ko ay siya ring unti unting pagkapanatag ng katawan ko. "Grabe ka pala bangungutin..." pagpapatuloy ni Marta. Bahagya itong ngumiti at umupo sa tabi ko"...para kang anak kong babae, kapag matindi tulog, lalo na kapag ganyang umuulan, sigurado puyat ako."

Sa sinabi nyang yun ay naalala ko rin ang nagiisa kong anak. Sa dami ng mga gumulo sa akin ay nawaglit sya sa utak ko. Ilang araw na nga ba ang lumipas mula nung nakulong ako dito? Walang dudang nagaalala na rin sya sa akin.

"Ok ka na?" muling tanong ni Marta. Kinuha nito ang baso mula sa akin nang maubos ko ang laman. Kahit sa ibang direksyon nakatutok ang liwanag ay naaaninag ko pa rin ang itsura nya. Ang mga mata nya... na namumula mula at hindi pa rin nawawalan ng mga butil ng luha. Kapagdaka ay pinupunasan, pinunasan para lamang palitan ng mga bagong luha...

Gusto kong ibalik ang tanong na yun sa kanya... Sa kanya at sa lahat ng iba pa naming kasama. "Ok pa ba kayo?" yan ang mga katagang gusto kong bigkasin sa bawat isa sa kanila. Sa puntong ito ay maaaring hindi lang ako ang nangangailangan ng presensya ng kasama. Hindi lang ako ang nalulungkot. Nakakabaliw ang kadiliman sa loob nitong 7-eleven at baka nga ang bangungot ko kanina ay isa sa mga unang epekto ng pagkasira ng ulo. Masasabi kong ang panaginip na yun ay hindi talaga karaniwan dahil hanggang ngayon, kahit pa man alam kong panaginip nga yun, ay patuloy ko pa ring nararamdaman ang mabilis na pagpasok ng dalawang patalim sa katawan ko.

Saan Kami Pupunta?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon