A Love Behind the Mask 24

3 1 0
                                    

-shyra dyan-

Lumingon ako sa likod, hindi ko inaasahan na kung sino pa ang hinahanap ko ang siyang nakakita pa sa akin. Hindi muna ako humarap, inayos ko ang aking sarili at pinunasan ang pisngi. Nakita niya ba ako habang umiiyak? Naramdaman ko naman ang paglapit niya sa likod ko.

"Umiiyak ka ba?" hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at hinarap sa kanya. Mabilis akong yumuko at umiling. Hindi naman siguro mapula ang mata ko. Inangat niya ang mukha ko kaya nagtama ang paningin namin. Siya na ang nagpunas sa basa kong pisngi.

"Hindi daw, ikaw talaga. Sino nagpaiyak sayo?" piningot naman niya ako sa ilong. Bakit hindi ka galit sa akin?

"Teka nasaan ang face mask mo? Ikaw talaga!" agad siyang dumukot sa bulsa niya ng panyo saka isinuot sa akin.

"May extra ako sa kotse doon na lang natin paltan iyan, pagtiyagaan mo muna yang panyo ko" tumango naman ako saka inamoy ang panyo niya. Amoy panlalaki, amoy ni JV.

"Kanina ka pa hindi nagsasalita, hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko" napansin niya pala iyon?

"Alin ba doon ang gusto mong sagutin ko" napakamot naman siya sa kanyang batok.

"Kung bakit ka nandito? Paano ka napunta dito? At ano ang dahilan bakit ka umiiyak?" ang dami naman niyang tanong, napailing ako habang lihim na napangiti. Inaasahan ko talaga ay magagalit siya.

"Ikaw, ikaw ang nagpaiyak sa akin" hindi pa man ako tapos sumagot ay nag-react na siya.

"Anong ginawa ko? Teka wala akong maalala, ano iyon? Sabihin mo please" natawa ako ng bahagya, alalang-alala talaga siya.

"Pinaghanap mo kasi ako" saka ako yumakap sa kaniya. Mukhang nagulat siya dahil biglaan pero agad din naman siyang yumakap pabalik.

"Paano ka napunta dito?" bulong niya sa akin habang magkayakap.

"Sinundan ka" mas lalo kong isiniksik ang sarili sa kanya. Namimiss ko ang bagay na ganito.

"Sa burol na ito kakaunti lang ang nakakapasok at ang mga nakalibing dito ay mga dating prestihiyosong tao. Tamang-tama ipapakilala kita" napa-angat ang tingin ko sa kanya. Una, hindi ko alam ang bagay na iyon at lalo na sa ipapakilala niya.

"Kanino naman?" ngumiti lang ito sabay dampi ng labi niya sa tungki ng ilong ko.

"Ang pinaka-importanteng babae sa akin" nagtaka ako kung sino ang tinutukoy niya. May ibang importanteng babae si JV bukod sa akin? Agad niya akong hinila kung saan, nagpatianod lang ako sa kanya.

Dinala niya ako sa medyo mataas na parte ng burol. Magkakahiwalay kasi ang mga nitso dito. Sabi niya nga ay nagmula sa sikat at mayayaman na pamilya sa lugar na ito ang nakalibing dito. Ibig sabihin sikat pala ang importanteng babae sa buhay ni JV? Hindi ako nag-isip ng kung anong bagay, hindi pa namin napag-uusapan yung nangyari. Hangga't maaari ay hindi ako gumagawa ng konklusyon sa utak ko na alam kong aking ikaiinis. Tumigil kami sa harap ng isang nitso na gawa sa itim at puti na marmol. Doon nakaukit ang pangalan nito. Mukhang dito siya galing base sa bulaklak na nakita kong bitbit niya na ngayo'y nakapatong sa harap nito.

"Nay, ito nga pala si Shyra Dyan, SD ko. Alam kong di kaaya-aya ang naging tawag ko sa kanya pero mabait siya. Nanghihinayang ako dahil sana nakapaghintay pa kayo ng isang taon para makita at makilala mo siya. SD ipinapakilala kita sa Nanay ko" noong una nagtaka ako, pero unti-unti ay nalinawan din. Base sa araw na nakaukit ay ngayon ang araw ng kamatayan nito.

"Kamusta po, ako si Shyra. Nagpapasalamat po ako dahil ibinigay niyo po sa akin si JV. Pinatawad ko na po iyan sa lahat ng kalokohan niya sa akin. Natutuwa po ako na makilala kayo" katulad ng nakagawian, ibinaba ko ang panyo sa mukha ko saka lumuhod ako sabay yuko sa harap nito para magbigay galang.

"Teka hindi mo na kailangan gawin iyan, baka dalawin ako ni Nanay mamaya at isipin na pinahihirapan kita" tinulungan naman akong umupo ni JV ng maayos sa harap nito. Ibinalik niya rin ang panyo sa mukha ko.

Hindi ko inaasahan ang ganitong sitwasyon. Ngunit nagliligaya ang puso ko sa tuwa. Ang ipakilala ang babae mo sa iyong yumaong magulang, pinahiwatig lang sa akin ni JV na kaya niyang ipakita at ibukas ang kanyang buhay sa akin. Kailan ko kaya magagawa iyon? Ang sabihin sa kanya ang lahat. Kung maaari lang na ngayon na.

*

"Hindi ko tunay na ina si Mama Katty, asawa siya ni Tatay. Unang asawa, naanakan ni Tatay si Nanay kahit kasal na ito ngunit wala pang anak. Itinago nila ang tungkol sa amin hanggang sa dumating ang araw na ipinakilala kami ni Tatay sa asawa niya. Tatlong taon ako noon at buntis si Mama Katty kay Marlon. Hindi naman siya nagalit dahil alam naman ni Mama Katty na si Nanay ang first love ni Tatay. Ikinasal lamang sila dahil sa kasunduan sa negosyo. Lumaki ako kasama ang pamilya ni Tatay at hiwalay kay Nanay, pero hindi ibig sabihin niyon ay nagkulang na siya sa akin. Kahit hindi kami tumitira sa isang bubong, nagampanan niya pa rin ang pagiging ina sa akin. Hindi naman ako minaltrato ni Mama Katty bagkus naging magkaibigan pa sila ni Nanay" ikinuwento niya ang buhay niya sa akin habang pabalik kami sa kotse at magka-hawak ang kamay. Hindi naman ako nagtanong tungkol sa pamilya niya, basta lang siya nagsalita.

"Arcilla ang gamit ko kahit gusto ni Tatay na gamitin ko ang pangalan niya na Pereño. Kahit si Mama Katty gusto rin iyon, tutal anak naman ako ni Tatay Polly. Pero mas gusto kong gamitin ang kay Nanay. Kahit papaano may ipagpapatuloy ko ang lahi ng Arcilla. Kaya ayon nakilala akong bastardo sa kumpanya" natawa naman ako ng bahagya.

"Anong ikinatatawa mo?" napalingon siya sa akin siguro'y narinig ako. Umiling lang ako ng umiling pero mapilit talaga siya.

"Paano ka magiging bastardo? Hindi ka naman anak dahil sa aksidente. Ginawa ka talaga nila dahil mahal nila ang isa't-isa" parehas kaming nagulat dahil sa sinabi ko.

Yung totoo Dyan, iniisip mo pa ba ang sinasabi mo? Tinapik-tapik ko ang aking pisngi, ito talaga ang epekto ni JV. Nang marinig kong patawa na siya ay mabilis ko siyang sinamaan ng tingin, tinakpan niya ang kanyang bibig kahit may mask na nakaharang sa kanya. Pinagkakatuwaan ba ako ng lalaking ito?! Mabilis akong naglakad at bumitiw sa hawak niya. Kaya ayoko ng magsalita! Pinagtatawanan lang ako! Nakalayo na ako sa mapang-asar na lalaki.

"Teka SD! Hintayin mo ko!" tatawa-tawa akong tumakbo papalayo. Naririnig kong isinisigaw niya ang pangalan ko, mas lalo akong napangiti. Nagiging maganda sa pandinig ko ang aking pangalan sa tuwing si JV ang bumabanggit.

Medyo nakalayo ako sa kanya at laking pagtataka ko na hindi na niya isinisigaw ang pangalan ko. Biglang naging mabagal na din ang takbo hanggang sa hindi ko na naririnig ang mga hakbang niya. Napakunot ako ng noo, hindi ko napigilan ang sarili ko na mapalingon ng marinig ko siya. Mabilis na namuo ang nagbabadyang luha sa aking mga mata. Patakbo akong lumapit sa kanya. Anong nangayari?

"JV!"

*cough *cough

++++++++++++++++++++++++++++++++

A Love behind the MaskTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon