Chapter 28: Happy birthday bunso!

605 8 0
                                    

“Bayani ka ba?” tanong ng katrabaho.

            “Bakit?” tanong ko pabalik.

            “Para kang rebulto. Hindi ka nagsasalita o kumikibo. Kulang na lang sa’yo guwardiya sibil, pwede ka ng ilagay sa Luneta!” Sabay tawa na halos kami lang ang nakakarinig, may kasama pang talsik ng laway. Saglit lang ako nangiti. Hindi ko naman magawang tumawa dahil wala namang dahilan.

            Tipikal na araw sa trabaho. Wala na naman sigurong magawa kaya pati pananahimik ko, napuna pa. Nanawa na kakakanta, kayo ako naman ngayon ang napagbalingan ng pagkaburyong. Yung katabi niya, naubusan na rin ng pwedeng reaksyon sa mga kwento niya kaya nanahimik na rin. Sabagay, hindi ako sanay kapag hindi ko naririnig ang boses niya sa maghapon. Para siyang talkshow host na sinapian ng dj at frustrated videoke king. Itinuring ko na rin siyang instant radyo dahil sa walang tigil na kakakomento sa lahat ng makita, pagkukuwento ng kung ano-ano at manaka-nakang pagkanta na ewan kung saang songhits niya nabasa ang mga lyrics. Pero maniwala ka, maligayang-maligaya naman siya sa sarili niyang programa.

            Bahagya akong tinulak sa balikat. “Ano ba? May sakit ka ba? Ilang araw ka ng parang na-dengue. Okey ka lang p’re?”

            “Mukha bang hindi?” sagot ko ng hindi man lang siya nililingon.

            “Oo p’re! Nanghihinayang ako sa laway mo! Gamitin mo naman!”

            “Sige mamaya pagka-out idudura ko sa damit mo para souvenir…”. Medyo nagtawanan naman ang mga nakarinig.

            “Yuck kadiri!” at bumanat na lang ulit siya ng panibagong kanta.

            Oo nga, ilang araw na kong parang robot na naubusan ng baterya. Nakakapanibago na parang hindi ko na pag-aari ang sarili kong katawan. Ilang araw na kong walang gana. Ilang araw na kong nagsasalita sa utak. Pakiramdam ko bukas katapusan na ng mundo. Yung mga lumipas na araw sa’ken, walang kwenta. Walang magandang naidulot sa buhay ko. Napaglipasan ako ng mga araw na sana nagamit ko pa sa mas productive na gawain. Gaya ng paghahanap ng nawawalang tao. Mahalagang tao.

            Ilang araw ko ng napapaniginipan ang presensiya ni Hannah. Minsan nagigising na lang ako na matamlay at wala sa sarili. May mga oras na nakatingin lang ako sa kawalan, o kaya nakapalumbaba habang kumakain. Nawalan ng gana sa maraming bagay na hindi naman normal sa’ken. Pati yung kaligayahan kong kumain, nadale pa. Lahat ng pagkaing dumadaan sa dila ko, parang walang vetsin. Walang lasa. Konti na lang, masisiraan na ko ng bait. Kelan lang napagtanto ko kung ano ang silbi niya sa’ken. Ang nakakasama lang ng loob, ni wala man lang paalam o paramdam kung ano na ang kahihinatnan naming dalawa. Kahit man lang isang text.

            Pero hindi nga kayo. Paulit-ulit yun pinapaalala ng diwa ko. Di ko rin alam kung bipolar na ko. Nagmo-monologue ako mag-isa, at napapadalas yun lalo na sa mga oras na nag-iisa lang ako. Wag naman sana. Napakababaw ng dahilan ko para makulong sa isang lugar kung saan bawal magtanong ng ‘bakit’ at may kanya-kanyang ‘imaginary friend’.

            Inaantay ko na nga lang na matanggap ko na sa sarili ko na hindi ko na talaga siya makikita. May ilang boses na sumisigaw sa subconscious mind ko na kailangan ko ng closure, para mapanatag na ang kakarampot kong utak. Pero ilang beses ko ng kinukumbinsi ang sarili ko na hindi ko kelangan ng closure. Anong klaseng closure? Kapatid ng peace of mind? At ano ang kasunod? Dapat na mag-move on? Tsaka hindi naman lahat yun e pwede kong i-apply sa sarili ko. Para saan ang closure? Ano ang dapat kong i-move on?

            “Nag-aalala lang ako sa’yo p’re, baka napano ka na. Alalahanin mo, magastos maging baliw, sige ka.” Banat ulit ng katabi na para bang concern na concern siya sa kalagayan ko.

Ang Babae sa Kabilang PintoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon