Chapter 23: Anatomy of Bestfriend

855 7 0
                                    

Paputok pa lang ata ang araw ng magsimula na kaming bumyahe pauwi. Hindi ko alam ang saktong dahilan ng pagbangon namin ng pagkaaga-aga. Basta ang alam ko lang, tinawagan si Gemma ng erpat niya kaninang madaling-araw, kaya dali-dali kaming binulabog para magayos at magligpit. Medyo badtrip dahil nagsisimula pa lang ako makakuha ng tulog ng marinig ko na mag-ring ang cellphone niya. Ang akala ko alarm lang. Kaya ayun, para kaming nagmamadaling zombie kumilos. Ligpit dito, ayos dun. Hindi na rin namin nagawang maligo. Sepilyo at hilamos lang. Ni hindi ko man lang nailublob ang paa ko sa hot spring. Nalaman ko lang pala na hot spring yung nasa dulong pool kani-kanina lang. Sayang. Pati yung mga itinapon na pagkain, sobrang sayang. Ang dami pa naman nun. Gustuhin ko man maguwi, tinatamad naman akong magbalot. Pakiramdam ko mina-magnet pa ko ng higaan. Pati sa biyahe, halos wala ng kibuan. Pagkasalampak ng mga gamit, wala ng pansinan. Hindi na inalala kung may matatapon man o masisira sa mga bagahe. Diretso lahat sa likod ng sasakyan. Saka itinuloy ang nabiting tulog. Si ate Precy na driver, pinuwersa ang diwa sa paginom ng dalawang tasa ng kape. Pagdating sa SLEX, nakanganga na ang lahat maliban kay ate Precy na abala ang mata sa daan at si Gemma na abala naman sa cellphone. Hindi na rin makatingin sa’ken si Gemma. Hindi rin ako kinikibo. Nag-flashback tuloy yung eksena namin kanina.

            Ikinuwento naman ni Diego yung huling eksena sa inuman. Hindi na rin nila naubos yung alak. Pare-pareho na din daw silang wala sa wisyo. Halos isang oras lang daw ang pagitan nung tumakas ako nang tapusin na nila ang session. Naging topic pa ko sa kanila. Inasar-asar kay Gemma. Sa sama ng loob, dinaan na lang ulit sa tungga. Yung pagiging childish at maldita, napalitan daw ng seryoso. Wag daw siyang aasarin lalo na sa’ken. Seryoso ang pananalita, kahit mapungay na ang mata. Nung tumagal, lumalakas na din ang boses. Iginiit naman ni ate Precy na wala naman masama sa ganun. Hindi naman daw ikabubuwag ng tropa kung ano man ng nararamdaman niya para sa’ken. Pero gaya ng showbiz, todo deny lang ang bata at wala naman daw talagang katotohanan ang bintang nila. Kinulit-kulit lang nila ang bata, na halos hindi nila namamalayan na nakikipagsabayan na pala sa tagayan. Kaya nabasag din. Pero nakapaglakad pa ng maayos, diretso sa kwarto. Sinubukan namang alalayan ni Bino, tumanggi daw. Kaya si ate Precy na lang ang pinagtulungan nilang buhatin papunta sa kwarto, sa tabi ni ate Leny at Gemma.

            Hindi nila alam na nasa tabi ko si Gemma.

            Wala na kong maalala sa biyahe. Hindi ko na rin namalayang nakatulog ako. Nagising na lang akong nagpapaalam na si Gemma. Nagmamadali. Mauna na daw siya. Hindi na nagpahatid. Nagpababa na siya sa terminal ng tricycle malapit sa kanila. Kinalabit na lang ako sa hita para magpaalam. Walang eye contact. Pagkababa at mabilisang paalam, sibat agad yung sasakyan.

Swerte pa nga at naihatid pa ko dito mismo sa bahay. Baka daw san pa ko pulutin kaya mas mabuting ihatid na ko. Pabor syempre sa’ken. Ilang hakbang na lang, makakapagpahinga na rin ng maayos. Pagkapaalam ko, pinaandar na rin agad yung sasakyan.

            Pagkabukas ng gate, sinilip ko yung cellphone. Sampung minuto bago mag alas-nuwebe. Kaya pala medyo umiinit na rin. Sana makatulog ako ng mahaba. At tuloy-tuloy.

            Diretso na ko sa taas. Pinakiramdaman ko pa kung gising na si Hannah. Tahimik. Tulog pa ata. Sarado ang dalawang pinto. Pero hindi ko naman talaga inaasahang makakasalubong ko siya. Kung magkaganun man, siguro tatanguan ko lang sa hilo at antok na nararamdaman ko ngayon. Okey lang kahit simangutan ako. E sa wala ako sa wisyo e, ano magagawa ko?

            Pagkalapag ng gamit, hubad ng damit, ayos si higaan, bukas si electric fan, diretso higa. Ang sarap humilata. Para akong galing sa marathon sa pagod. Itutulog ko na talaga to.

            *           *           *           *           *

Iilang oras pa lang ata ako nakakatulog ng gisingin ako ng uhaw, gutom at pawis. Nanlalagkit ang batok at likuran ko. Tagaktakan. Pinilit ko pang makatulog, pero wala na talaga. Natunaw na yung antok sa init. Yung buga ng electric fan, hindi na rin maganda. Maga-alas tres pa lang ng hapon. Inaasahan ko pa namang madilim na ko babangon. Talo na naman ako. Ang tagal ng pagdating ng tag-ulan. Nakakainip.

Ang Babae sa Kabilang PintoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon