Chapter 4: May batas ba ang social life sa Pinas?

745 13 0
                                    

Makalipas ang humigit-kumulang na isang oras na stroll at debate tungkol sa kahalagahan ng pagkain para sa mga taong hindi mapakali sa kung ano ang gusto, narating din naman ang nasabing lugar. Hindi siya common. Para siyang lugar kung saan madalas ginagawang dating site ng nagliligawang kontrobersyal na mag-love team. ‘Yung lugar na hindi mo ‘halos’ maitapak ang sapatos mo kasi parang ibang mundo.

            Sosyal ang lugar.

            Isa-isa na rin kami nagbabaan. Naiwan si Precy na busy sa pag parada ng kotse. Teka, asan ako? Tanong ko sa sarili. “Kala ko ba kakain lang? Bakit parang may magpapadespedida ‘ata?”

            “Wag ka ngang OA! Dito gusto ko eh!” sarkastikang sagot ni Gemma. Dire-diretso itong pumasok ng ‘lugar-kainan’ para sa mga taong, ehem..di ata ako bagay. Gutom na nga ang bata.

            “Tara, gutom na din ako eh..” yaya ni Precy sa’ken matapos makapagdesisyong ayos na ang porma ng pagkaka-parking niya ng kanyang auto. Napansin niya kasing halos ‘di ako gumagalaw sa kinatatayuan ko. Nakatapak ata ako ng chewing gum. Cement flavor. Nagsunuran na rin ang ibang kasama na busy sa pagkalabit ng touch screen cellphone. Ako? Busy sa pagpunas ng pawis. Para akong may vertigo.

            “Pagpasensyahan mo na ang bata. May topak ata. Kanina pa ‘yan ganyan.” Sabay tapik sa balikat naman ni Bino sa’ken. Ok lang, sanay na ko sa kanya.

“Hello Ma’am, Sir, welcome to “Social Climbers Spot Only”. Ilan po ba sila?” pambungad bati ni Ate Magandang Receptionist na parang kakatapos lang pumapak ng lechon sa sobrang shiny ng nguso. Ganda ng pag-welcome.  Pati ‘yung amoy ng lugar, maganda din. Tsaka nakaka-halina ‘yung amoy ng mga bagong lutong pagkain sa kung saan mang mesa ‘yun. Tsaka kumakalam na talaga sikmura ko.

            “Bale anim kami.” Sagot naman ni Gemma matapos magbilang. Nasa bandang likod ako ng pila. Nakatitig lang kay ate. Wala lang.

            “This way ma’am…” at ginabayan niya kami sa aming paglalakad na para bang matatalisod kami anumang oras. Iba talaga ang treatment pag ganito ang lugar. Pati ata tamang pwesto ng toilet bowl na gagamitin mo isa-suggest nila sa’yo, maging komportable ka lang. Medyo malapit sa gawing bintana ‘yung mesa na kasya ang sampung tao. Nasa harap namin ang flat screen tv. Sports ang palabas. Hindi gaanong matao ang lugar. Hindi rin gaanong maliwanag. Saktong para ka lang nanaginip na hindi mo maintindihan. Walang gaanong display na naglalakihang hamburger at masasayang mukha na nage-enjoy sa malalangis na pagkain. Ayos lang din ang volume ng pag-uusap. Nakapang-god-damn-it ang uniporme ng mga waiter/waitresses.  At ang mga materyales: mula kubyertos at mantel ng mesa, hanggang sa mga nakasabit na kung ano-anong burloloy, hindi mo mabibili sa Baclaran. Tapos yung kilos ng mga tao, kakaiba. Mula pagsubo, paghawak ng kubyertos, pagpunas ng nguso, paginom, pananalita, gesture, maneerism at blah blah blah…iba talaga. Hindi ako sanay. Naguunahan tuloy ang pawis ko sa kili-kili. Hindi naman ako bibitayin pero parang ganun ang pakiramdam ko. Parang nakakahiya tuloy umutot.

            Nakaupo na kami. Bale ako yung huling naupo kasi slow-mo yung galaw ko. Nasa dulong kanan ako ng mesa. Tapos mabilis lumapit ‘yung isang waitress na…ow yeah. Inabot ang tatlong menu. Ngumiti at kinuha ang ballpen at papel, “Ano po ang order nila Ma’am?”. At talagang ma’am lang ang binaggit niya. Sabagay, mas mukha naman silang kaaya-aya tingnan. Busy kasi ang dalawang ‘sir’ sa pagkalkal ng mga laro sa cellphone. Mabuti na lang talaga at naimbento ang cellphone. Marami ng dahilan para maging busy at maiwasan ang nasasayang na oras.

            “Ahm…tawagin ka na lang namin.” Tanging nasagot ni Gemma na busy ang mata sa menu. Hinahanap ang hanap ng sikmura. Nagtataray na ang batang gutom. Ngiti na lang ang reply ng waitress at mabilis na tumalikod.

Ang Babae sa Kabilang PintoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon