Chapter 26: The Revelation

690 9 1
                                    

7:39 ng umaga. Lunes. Makulimlim pa ng bumangon ako. Nagising sa tuloy-tuloy na bagsak ng ulan mula pa kagabi. Sinilip ko ang labas, medyo mataas na yung tubig. Mabigat ang patak ng ulan na kahit ang mga ninja e hindi makakaligtas. Nagkatotoo nga yung weather forecast kahapon. Pumasok na yung bagyo na magdadala daw ng pagbaha. Tsk tsk tsk…pahirapan na naman sa pagpasok. Sana lang hindi delubyo ang dala niya.

            Mag-iisang linggo na ang lumipas simula ng huli kaming magkita ni Hannah. Walang kahit anong paramdam. Gustuhin ko man siyang kamustahin sa text o tawag, hindi kaya ng sarili ko. Hanggang ngayon kasi palaisipan pa rin sa’ken yung eksena sa pizza parlor. Kaya parang natuyuan ako ng lakas ng loob para padalhan man siya kahit na ‘wrong sent text’. Sumisilip-silip ako sa inuupahan niya para dalawin siya kahit papano, pero parang walang tao. Minsan sinasadya ko pang lumabas-labas para tumambay sa harapan ng inuupahan niya. Walang kahit anong senyales na may tumatao. Isa, dalawa, tatlong araw, pinalipas ko. Nagbakasakaling nagpapalamig lang siya. Pero hanggang ngayon, ni amoy niya, hindi ko matunton.

            Hindi ako sanay. Nanahimik ang cellphone ko. Kung dati iniiwasan ko ang mga wala sa oras na pag-aaya niya, ngayon nami-miss ko. Hinahanap ko na. Hindi na ko nagpapatay ng cellphone. Baka sakaling may maligaw na text o tawag. May mga pagkakataon pa na napupuyat ako kakaantay ng tawag niya sa madaling araw para mag-aya kumain. Pero isang linggo na kong bigo at umaasa. Malapit na kong masanay na wala na nga siguro ang dating samahan o relasyon namin. Ngayon ko naramdaman ang halaga niya, kahit hindi ko naman siya nobya. Masakit din pala. Nakakapanghinayang. Nakakasama ng loob.

            Ilang araw ding hindi nagpapapasok si Dianne simula nun. At nung pumasok siya, hindi ko nagawang lumapit sa kanya para makiusyoso sa nangyari. Sa tuwing magkakasalubong kami, ngingitian niya lang ako na sinasagot ko din ng ngiti. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang kausapin siya para matapos na ang palaisipan sa utak ko. Pinili kong manahimik dahil inisip kong darating ang araw na mapag-uusapan din namin ni Hannah ang pangyayaring di inaasahan. Pero wala talaga. Tuliro pa rin ako sa nangyari.

            “Wala kang pasok?” tanong ko kay ate ng maabutan kong nagkakape at kasalukuyang nanunuod ng balita sa sala. Bibihira ang mga ganitong pagkakataon na naabutan ko pa siya pagkagising.

            “Hindi na ko pumasok. Medyo mataas na daw yung tubig sa kanto. Kahit yung mga pedicab hirap na dumaan,” Sagot niya. Humigop muna siya ng kape bago nagsalita ulit. “Papasok ka ba?”

            “Kung mahihirapan din naman akong sumakay, baka hindi na.” tumango na lang siya. Dumiretso naman ako ng banyo para maglabas ng likido sa pusod.

            Kung hindi naman ako papasok, ano naman kayang gagawin ko dito? Nakakapagod din naman ang maghapong pagtunganga, tulog at kain. Kung pipilitin ko namang pumasok, baka masayang lang ang isusuot ko kung pauwiin din akong basang-basa sa ulan at amoy tubig kanal sa baha.

            Hindi na lang ako papasok. Mananahimik na lang ako.

            Sinaluhan ko na si ate sa panunuod ng balita habang nagtitimpla ng kape. Matindi nga yung bagyo. Baha na sa maraming lungsod ng Metro Manila. Halos kalahati ng gulong yung sasakyan ang taas. Nagkansela na rin ng klase pati sa mga opisina ng gobyerno.

            Tumunog ang cellphone. Text galing sa line leader. Huwag na daw pilitin pumasok dahil mataas na ang tubig. Buti naman. May ‘go signal’ na kaya hindi na kelangang mag-alibi pa pagpasok. Ang sarap sa pakiramdam um-absent ng walang nararamdamang pangongonsensya.

            Nami-miss ko tuloy yung mga panahon na tuwang-tuwa ako pag kinakansela ang klase, lalo na sa college. Yung tipo na nakapasok ka na, tapos biglang ia-announce na suspindido na ang klase dahil sa bagyo. Automatic na ang yayaan, kung kanino mang bahay ang pwedeng tambayan. Kasunod na nun ang inuman session.

Ang Babae sa Kabilang PintoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon