PROLOGO

2.6K 51 19
                                    

1851, Manila

"Wala na bang ibang paraan, mama?" tanong ni Anthea sa ina.  Seryoso ang kanilang usapan sa caida tungkol sa napipintong pakikipag-isang dibdib ni Anthea sa anak ng kanilang kaibigan na si Lorenzo Prieto.

"Kung mayroon pang ibang paraan, hija, pero wala.  Ikaw lang ang tanging makakatulong sa iyong ama.  Anthea, walang lugar ang pagiging mapag-imbot sa dinadanas na sakit ng ating pamilya."

Nasaktan si Anthea sa sinabi ng mama niya.  "Mama, alam ninyong gagawin ko ang lahat para kay papa at para sa pamilya natin.  Paumanhin po kung inaakala niyong sakim ako dahil hindi ko nais magpakasal kay Lorenzo--"

"Yoon lang ang natatanging paraan, hija," mariing tugon ni Victoria sa anak.  "Kailangan mong makipag-isang dibdib kay Lorenzo.  Higit na makakatulong ang kanyang pamilya upang makalaya ang iyong ama.  Isa pa, guwapo at simpatiko si Lorenzo.  Marami mga kababaihan ang nanaisin maging kabiyak niya."  Tugon ni Victoria sa kanyang anak.

"Marahil iba ako sa mga babaing yoon."  Hindi niya gustong makasal sa lalaking tulad ni Lorenzo.  Alam niyang hindi ito magiging tapat sa kanya.  Marami na siyang naririnig na usap-usapan tungkol sa mga nobya at nababalitang babaing niloko nito.

"Ayoko pong makasal sa taong hindi ko mahal, mama." Tahimik na tugon ni Anthea sa ina.  Naawa si Victoria sa anak. Hindi niya gustong ipilit ipakasal si Anthea sa lalaking hindi nito gusto.  Alam din niyang maaring magalit si Antonio kapag nalaman nitong ipinakasal ang kanilang panganay sa taong hindi nito mahaldahil sa kanya.  Wala nang ibang paraan.

"Kung ipagbili ko po ang mga ipininta ko?  Maraming nagsasabi na kakaiba daw ang mga yun.  Sabi ni Callasandra maari ko raw po ipagbili ang mga yoon.  Pwede niya akong tulungang ipagbenta ang aking mga naipinta."  Pagsusumamo ni Thea sa ina.

"Hindi ko alam, Thea.  Hindi magiging sapat ang mga yun.  Isa pa, alam mo naman na hindi nabibigyan ng parangal o pagkilala ang mga babae sa larangan ng pagpipinta.  Hija, ako man din ayokong ipakasal ka sa taong hindi mo mahal, pero ano ang magagawa natin?  Wala nang ibang paraan."

"Kung pumunta na lamang po ako ng Espanya?  Kakausapin ko po ang Reyna at ipapaliwanag ko sa kanya ang totoong nangyari.  Walang kinalaman ang ama sa mga ibinibintang sa kanya.  Alam ng kaharian ng España na tapat ang ating pamilya sa kanila."  Napabuntong hininga lang siya dahil naisip niyang ang panahon ng pagbiyahe niya.  "Pero, matatagalan po yoon, mama."  Napatayo mula sa upuan si Anthea at naglakad lakad sa may caida.

"Nagkakasakit na po ang ama sa loob ng piitan.  Hindi ko na po  alam ang aking gagawin.   Ayoko talagang  makasal kay Lorenzo."  Bumuntong hininga si Anthea sa kanyang tugon.  "Hindi ko siya mahal," pahabol sa sabi niya sa kanyang ina.  Alam niyang tigib sa problema ang kanilang pamilya dahil nasa kulungan si Don Antonio Olondres sa salang hindi niya ginawa.

"Hija, dati rin akong ipinagkasundo ako sa iyong ama noong labingwalong taong gulang pa lamang ako.  Noong una, hindi ko mahal ang iyong ama, pero noong lumaon, natutunan ko na din siyang mahalin."  Tumayo si Victoria at  lumapit sa anak niya.  "Ganun din siguro ang mangyayari sa iyo, matutunan mo ding mahalin si Lorenzo, hija." Hinawakan ni Victoria ang braso ng anak niya.

Damang dama niya ang init ng pagmamahal ng mama niya nang hawakan nito ang kanyang braso.  Pero sa panahong yoon, tila nababalutan ng niyebe ang puso niya.

"Hindi ko po alam, mama.  Hindi ko po alam.  Hindi ko kayang magpakasal sa lalaking hindi ko mahal.  Hindi po siya ang gusto kong makasama habang buhay, mama."

"Hija, nabubuhay ka sa isang pantasya.  Hindi uso sa ating estado na magpakasal nang dahil sa pag-ibig."

"Alam ko po mama, pero..."  Hindi niya alam ang kanyang sasabihin.  Ayaw niyang magpakasal kay Lorenzo dahil hindi niya gusto ang mga lalaking tulad ni Lorenzo.  Gwapo nga ito at mayaman ngunit isa itong mujeriego--hindi tapat sa mga nagiging nobya niya.

Nais niyang magpakasal sa lalaking tulad ng papa niya.  Isang lalaking tapat sa asawa niya at sa kanyang pamilya.

"Hija---"

"Mama," sabad niya sa ina.  "Pupunta lamang po ako sa aking silid." Malungkot na sabi niya sa kanyang ina.  Niyakap ni Victoria ang anak.  Batid niya ang pinagdadaanan ng kanyang anak, pero wala nang ibang paraan kundi ang pagpapakasal ni Anthea kay Lorenzo.

Nagpaalam na si Thea sa kanyang ina at umakyat na ng kanyang silid.  Umupo siya sa harap ng kanyang Caballete, at tinignan ang kanyang ipininta.  Ipininta niya ang larawan ng isang babae na suot ang kwintas na Fide et Amor.  Ito ang kwintas na ipinagkaloob  sa kanya ng papa niya noong nag dise-otso anyos siya.  Tumayo siya mula sa kinauupuan at nagpunta sa kanyang baño.  Pagdating sa loob, inurong niya ang tapayan at binuksan ang isang baldosang may uwang.  Dito nakatago ang pinakamamahal na kwintas.  Ibinigay ito ng Haring Ferdinan sa kanyang ama noong bumisita  ito ng España.  Ito ang tanda ng katapatan ng pamilya Olondres sa kaharian ng España.  Ang tawingwing nito ay isang kulay rosas na brilyante at napapalibutan ng mga malilit na  diamante.  Kabilin bilinan ng ama niya na pakaingatan ang kwintas.  Kaya inilagay niya ito sa isang lugar na lingid sa kaalaman ng iba.

"Ito ang tanda ng katapatan ng ating pamilya sa España.  Tanda ito ng walang hanggang pagmamahal.  Kung mawala man ako sa iyong tabi, pagmasdan mo lang ang kwintas na ito at ipapaalala nito kung gaano ko kayo kamahal ng iyong mama."  Nagbalik sa alaala niya ang sinabi ng papa niya nang ibigay nito ang kwintas sa kanya.  Napaluha lamang siya ng maalala ang mga sinabi ng kanyang papa.  Huwag kang mag-alala, papa, gagawin ko ang lahat upang makalaya ka, kahit katumbas nito ay ang pagpapakasal sa taong hindi ko mahal, napaluhang sabi niya sa sarili.  Ibinalik niya muli ang kwintas sa lagayan nito ang bumalik ng kanyang kama.

***

Bisperas bago ang kanyang napipintong pakikipag-isang dibdib, lumuhod siya sa harapan ng altar ng kanyang silid.  Mataimtim siyang nanalangin habang hawak-hawak ang ipininta niyang larawan.  Ayaw niyang matuloy ang kanyang kasal at mas nanaisin niyang maglaho kaysa makipag-isang dibdib sa lalaking hindi niya mahal.

Bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo at nanlalabo ang paningin niya.  Bumilis ang tibok ng puso niya nanginig ang kanyang kalamnan.  Unti-unting lumalabo ang larawang tangan niya pati na rin ang mga kamay at braso niya.  Sinubukan niyang tumayo at pumunta ng kanyang kama ngunit nagdilim ang kanyang paligid.  Pinigilan niya ang sarili na huwag tumumba ngunit wala na rin siyang nagawa.  Dahan dahang gumuho ang mga tuhod niya at napahiga sa sahig.  Hindi pa ako maaring mamatay.  Kailangan kong sagipin ang papa, sambit niya sa isip niya.  Ngunit nakakita siya ng isang natatanging liwanag.  Ramdam niya ang pagbigat ng mga mata niya at sumuko sa nakakasilaw na ilaw.

Fide et Amor [TimeTravel Romance] hiatusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon