Chapter Ten

2 1 0
                                    

An excerpt...


Chapter Ten

Ang tunay na kuwento.

HABANG PINAGMAMASDAN KO SIYA—naghihintay siya sa altar, nakangiti, puno ng buhay ang mga mata—pakiramdam ko parang ang sama-sama ko. Iiwan ko ba talaga siya ngayon? Ngayong alam kong masaya siya habang hinihintay niya ako roon? Lumunok ako. Pinagpapawisan ako. Parang masasayang ang make-up ko dahil sa pawis ko.

Mahigpit na ang hawak ko sa bouquet ko. Halos lahat ng mata ay nakatutok na sa akin. Pero, ni isa ay walang alam na aalis ako mamaya. Ni isa ay walang nakakaalam kung ano ang tumatakbo sa isip ko. Iiwan ko sila na puno ng tanong sa isip. Gusto kong lumuha pero pinipigilan ko. Parang ang apat na kanto ng simbahang iyon ay nararamdaman ko na palapit nang palapit sa akin. Sumisikip ang pakiramdam ko.

May hangin naman pero parang kulang 'yon para mabawasan at mabura ang pawis ko sa katawan at mukha ko. Bumuga ako ng hangin. Mali pala 'yon dahil aagos na rin pala ang mga luha ko.

Lumuwang ang pagkakahawak ko sa bouquet. Nahulog iyon pero hindi ko pinansin. Gumulong sa pulang carpet na hanggang altar at parang tatlo o limang segundo kong tinitigan ang paggulong niyon. Umingay ang mga tao sa simbahan. Gusto ko siyang lapitan—pero nahuli ng mga mata ko ang pagkunot ng noo niya, nagtatanong, nagtataka—para yakapin. Hindi ko na iyon ginawa. Tumalikod na ako, hawak ang laylayan ng gown para hindi ako matisod at tumakbo palabas ng simbahan. Umaagos ang luha ko. Halos hindi maampat ang mga luhang namamalisbis sa pisngi ko. Tinawag niya ako sa pangalan ko pero ni isang lingon ay hindi ko siya pinagkaabalahan. May humabol sa akin—si Papa o kaya si Mama? Hindi ko alam dahil ni minsan ay hindi ako lumingon. Nang makakita ako ng taxi ay pinara ko iyon. Huminto ang taxi sa harap ko. Bago ako sumakay doon ay sinulyapan ko ang pinto ng simbahan. Nakita ko si Mama. Tinawag niya ako pero hindi ako sumagot. Sumakay na ako ng taxi na umiiyak pa rin. Hanggang sa makarating ako ng bahay. Pumasok ako sa kuwarto at doon ako nag-iiyak.

Tama ba ang ginawa ko? Hindi ko alam kung ilang oras akong umiyak. Kapagkuwa'y tumungo ako sa harap ng salamin at tinitigan ang sarili ko. Tumulo ang luha ko. Ang gulo-gulo ng isip ko. Kinuha ko ang suklay ko, tinitigan ko 'yon. Pagkatapos ay sinuklay ko ang mahaba kong buhok. Inayos ko ang sarili ko.

Bakit ko siya iniwan? Mahal ko ba talaga siya? Ewan. Ang sakit-sakit ng dibdib ko kaya nasapo ko iyon. Pagkatapos ay umupo ako sa kama. Tinitigan ko ang larawan namin na kuha noong isang buwan sa Cagsawa Ruins. Nasa likod namin ang Mayon Volcano. Yakap niya ang likod ko, nakangiti kami pareho. Masaya naman kami. Pero sapat ba iyon? Sapat ba ang pagiging masaya sa pag-aasawa? Sapat ba ang pagiging masaya para magsama kami? Paano kung magbago ang lahat ng 'yon? Paano kung paggising ko sa isang umaga tapos mawala na ang ngiti ko, o ang ngiti niya? Magiging mag-asawa pa ba kami?

Kinuha ko ang larawang iyon at niyakap. Saka tumunog ang cell phone ko. Nakatanggap ako ng tawag kay Mama. Nagtatanong siya kung nasaan ako. Sinabi kong nasa bahay. Mag-uusap daw kami.

Ang sakit-sakit na ng lalamunan ko.

Tumutulo pa rin ang luha ko nang dumating sina Mama at Papa. Nagtanong siya kung bakit ako umalis, kung bakit ko iniwan ang magiging asawa ko na naghihintay sa altar. He was patiently waiting for me. He was excited waiting for me there. But I just turned back and runaway.

"Mama, hindi ko rin alam," ang sagot ko. "Basta, pag-apak ko ng simbahan pakiramdam ko, hindi tama ang ginagawa ko. Hanggang sa naglalakad na 'ko, gulong-gulo na ako, Ma. Ang dami ng tanong sa isip ko. Natanong ko sa sarili ko kung handa na ba talaga ako. Kung sigurado na ba talaga ako sa kanya. Kung tama ba iyong sagot kong 'oo' noong nag-alok siyang magpakasal na kami. Oo, masaya ako no'ng time na 'yon. Pero, parang hindi ko rin alam ang nangyayari sa akin."

Bumuntong-hininga si Mama. Umiyak na rin siya pati si Papa.

Bumalik ako sa kuwarto ko. Umiiyak pa rin. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang pag-iyak ko.

Maraming tawag sa akin, maraming tanong sa Facebook. Pero ni isa, ay wala akong kayang sagutin. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung magiging tama ba ang isasagot ko. Sasabihin ko bang, "Hindi ko rin alam. Sa tingin ko hindi pa ako handa?"

Pero nagdesisyon na akong walang sagutin sa kanila. Ang magiging asawa ko? Ni hindi siya tumawag. Alam kong nasasaktan siya ngayon, lalo na noong iniwan ko siya sa altar. At naiintindihan ko siya kung bakit hindi man niya ako kausapin ngayon. Pati ako, natatakot na kausapin siya ngayon.

Pinalipas ko ang ilang araw. Tinawagan ko na siya. Ngunit hindi siya sumasagot sa tawag ko. Pinalipas ko ang ilang araw at linggo. Wala pa rin, hindi ko siya ma-contact. Lumipas ang halos isang taon.

Hindi ko na kaya. Saan ko pa siya hahanapin? Ni wala na akong balita sa kanya. Ni pamilya niya ay hindi alam kung nasaan siya. Nang pakiramdam ko ay okay na ako, nagdesisyon na akong tawagan si Red—ang matalik niyang kaibigan. Alam kong si Red lang ang makakatulong sa akin para makausap ko siya. Noong una, hindi sinasabi ni Red sa akin kung nasaan siya. Nang iniyakan ko na, sinabi rin niya kung nasaan siya. I explained myself. Ilang oras lang daw ang biyahe. Nagdesisyon akong puntahan siya. Nagpaalam ako kay Mama. Ako ang gumawa ng problema, ako ang mag-aayos.

Dumating ako sa Batanes. May address na ako. Desidido akong magpaliwanag sa kanya. Kung hindi man niya tatanggapin ang mga paliwanag ko... Ah, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sumakay ako ng bus. Alas-sais na ng gabi. Isang pares lang ng damit ang dala ko. Isang bag at cell phone.

Halos ako na lang ang pasahero sa bus. Malayo raw ang address na nakasulat na dala ko. Kampante ako. Pero huminto ang bus sa walang katao-taong lugar. Kinabahan na ako. Lumapit sa akin ang konduktor. Nasaan daw ang pamasahe ko. Kumuha ako ng pamasahe. At habang kumukuha ako ng pera sa bag ko ay nararamdaman kong tinititigan niya ako.

"'Eto," sabi ko.

"Wala ka bang kasama?"

Umiling ako. Nakakaramdam ako ng kakaiba sa titig ng konduktor. Pinaningkitan ko siya. Hinawakan niya ako sa kamay. "Ah, miss, naubusan kami ng gasolina. Puwede ka nang bumaba."

"Ha? Dito? Walang tao dito, eh. Ano ba kayo? Pagkatapos kong mamasahe sa inyo? 'Wag mo nga akong hahawakan!" Tinanggal ko ang hawak sa akin ng konduktor.

"Aba malakas ka, ah. 'Yan ang gusto ko." Parang hayuk sa laman ang konduktor. Nakita ko ang driver na tumayo.

"Ano 'yan, Bogs?" tanong ng driver.

Nabuhayan ako ng loob. Mukhang hindi magkakampi ang mgaito. "Itong konduktor mo, ang bastos!"

Disrobe And Doubts by Rill MendozaWhere stories live. Discover now