Chapter Two

3 1 0
                                    


An excerpt...


Chapter Two

"MODEL AKO. SA BATANES Resort kami nag-photo shoot para sana sa isang calendar. Tapos na ang photo shoot nang may pumasok sa inuukopa kong kuwarto. Gagahasain nila ako. Mga lasing sila. Mabuti na lang at nakita ko ang isang lamp shade para ipukpok 'yon sa ulo ng photographer. Si Mark. Mga hayop sila! Mga demonyo sila! Nakalabas ako ng kuwarto, punit ang damit ko. 'Yong nakita mong punit na damit ko, 'yong labas ang pusod ko, sila ang may gawa n'on. Hindi na ako pumunta sa pulis. Malayo ang police station, 'di ba?"

Tumango ako. Habang nagsasalaysay si Kim ng mga nangyari sa kanya kahapon ay naikuyom ko na lamang ang mga kamay ko. Gusto kong lusubin ang mga lalaking 'yon para pagsusuntukin. O kaya patayin mismo.

"Ano pa?" tanong ko, kahit tumutubig na ang mga mata ko.

Humagulgol si Kim. Nang makabawi ay nagsalita ulit siya. "Sabi nila, kahit magsumbong ako sa pulis, walang maniniwala. May kasabwat silang pulis. 'Yong isa sanang gagahasa sa 'kin, 'yong kasama nila, pulis 'yon. Natatakot ako. Natatakot ako, Seb. Paano kung bumalik sila? Paano kung makita nila ako?" nanginginig siya sa takot.

Sa paraan nang pagkasambit niya ng pangalan ko ay parang sanay siyang sambitin iyon.

Ah, ewan.

Nilapitan ko si Kim para yakapin. Gumanti rin siya ng yakap sa akin. Napakabango ng buhok niya. Kulang ang sabihing maganda si Kim. 'Di hamak na mas maganda siya sa Kim na nang-iwan sa akin sa altar. Ah, bitter lang yata ako. Bago ko pa man maisip ang ibang bagay na kanina pa kumukulit sa katawan ko ay kumalas na ako ng yakap.

"Pasensiya ka na... ikaw pa ang naistorbo ko," hinging-paumanhin niya, tinutuyo niya ang luha niya gamit ang tissue na ibinigay ko kanina sa kanya.

"Wala 'yon. Tutulungan kita. Itatago kita rito kung 'yon ang kinakailangan," pagbibigay ko ng lakas ng loob.

"Salamat. Napakabait mo."

Ngumiti ako, nang sa ganoon ay ngumiti na rin siya. 'Yon nga ang ginawa niya.

"Walang gagalaw sa 'yo rito. Pangako ko 'yan sa 'yo."

Ngumiti ulit si Kim pagkatapos ay kumain na. Naubos niya yata ang sinangag ko na kakainin ko pa mamayang tanghali at mamayang gabi. Paubos na rin pala ang bigas ko. Hindi pa ako nakakapag-grocery. Teka, may grocery ba rito? Wala yata.

Pagkatapos ay bumalik na siya ng kuwarto. Pumasok na rin ako sa kuwarto ko. Ilang saglit lang ay naririnig ko na ang paghikbi ni Kim. Gusto ko siyang katukin pero naisip kong kailangan niya ng oras ngayon. Kailangan niyang iiyak ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Tulad ko noon. Kailangan kong umiyak para maibsan ang sakit sa puso ko.

Hindi naman sa nagbibinabae ako. May mga bagay lang sigurong, daig ng pag-iyak ang pagmumukmok. May mga bagay na mas maiging isa-luha mo na lang ang mga nararamdaman mo. Dahil, aminin man natin o hindi, may mga tao talagang dumarating at iiwan lang din tayo.

♜♚♛

Disrobe And Doubts by Rill MendozaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon