Chapter 2.1

256 3 0
                                    

PUMAILANLANG sa loob ng elevator ang kanta ni John Legend na All of Me. Malakas naman ang aircon dito subalit pakiramdam ko ay pinagpapawisan ako. Ganoon ba katapang iyong ininom kong complimentary wine kanina para mainitan ng ganito?

Hinigpitan ko ang hawak sa bitbit kong sapatos pati na rin sa bag ko. Bahagya pa akong gumalaw upang bigyan ng espasyo ang katabi ko. Nalanghap ko ang pabangong panlalaki. Parang gusto kong pumikit at hayaang bumaybay ang amoy na iyon sa aking ilong.

There's something with Rafael Monte Carlo that could give me a kind of feeling I couldn't explain. Ang espasyo namin ay tila hindi sapat sa aming dalawa. Alam kong kayang-kaya niya akong buhatin dahil sa tangkad at sa laki ng kaniyang katawan. Pero ang tensiyon na biglang namayani sa dibdib ko ang nagpapasikip ng lugar na ito.

Ipinilig ko ang ulo at tinitigan ang namumutlang mga kuko sa aking mga paa.

"What are you doing here, Maze?" he asked with a stern voice.

Ikinurap-kurap ko ang mga mata.  Naghanap ako ng mga tamang salita kung paano ako magsisimula. Ilang beses na kinabisa ko ang sasabihin sa paghaharap naming ito pero balewala lahat iyon. Hindi ko pa rin alam kung paano makikipag-usap sa kaniya.

"Nandito ka ba para sa 'kin?" tanong niyang muli.

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Hindi... Uh, Oo..." natatarantang sagot ko.

Uminit ang pisngi ko. Gusto kong sabunutan ang sarili para kumalma at huwag ganito kung umakto sa tabi ni Rafael.

Tumikhim siya bago muling nagsalita, "Ganoon ba?"

Tumango ako at dumiretso ng tingin. Nakalimutan kong salamin ang dingding ng elevator kaya nagsalubong muli ang aming mga mata roon.

"Empleyado ba kita?" usisa niya. Kinagat niya ang gilid ng labi. Doon pa rin ako nakatuon sa salamin.

Umiling ako. "Sana..." sabi ko.

Kumunot ang noo ni Rafael. "Sana?"

"Uh... Naghahanap kasi ako ng mapapasukan. Nagbabakasakali lang..." paliwanag ko. Umiwas ako ng tingin. "Pasensiya ka na. Nasira ko ang tanghalian mo."

Hindi siya nagsalita. Kumakabog ang puso ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Bakit kasi nakatitig pa rin siya sa akin sa salamin?

Dalawang taon ang tanda sa akin ni Toby. Ang alam ko ay isang taon naman siyang mas bata kaysa sa matalik niyang kaibigan na si Rafael. Taga kabilang nayon sila na nakilala ko noong nag-aaral na ako sa kolehiyo sa Bayan. Ang tingin ko noon ay masyadong mature si Rafael kumpara kay Toby. Maaga kasi itong natutong lumusong sa bukid kaya ganyan ang mga muscle niya sa katawan. Batak siya sa trabaho at sobrang seryoso sa pag-aaral. Madalas siyang tumulong noon sa pag-aani ng mga bunga ng mangga kahit pa walang bayad. Sikat siya sa mga kadalagahan dahil sa angkin niyang kakisigan. Hindi ko malilimutan ang tanong niya sa akin noon. Hindi ko rin malilimutan ang naging sagot ko.

May bumikig sa lalamunan ko nang may maalala ako. Ilang ulit akong lumunok.

Bumukas ang elevator. "Sige, Rafael," nagmamadali kong paalam.

Hahakbang na sana ako palabas nang harangan ako ni Rafael ng  kanyang braso.

Teach Me, Use MeWhere stories live. Discover now