Chapter 1.1

369 5 0
                                    

HINILA ko pababa ang laylayan ng suot kong kulay pulang bestida. Naging dahilan iyon upang mas lalong lumitaw ang hiwa sa pagitan ng aking dibdib.
Aburido akong napatitig sa aking hitsura sa harap ng singtangkad kong salamin.

"Ano bang klaseng damit ito, Aida? Sobrang labas na ang kaluluwa ko rito. Ang ikli pa! Baka mapagkamalan akong bayaring babae nito," reklamo ko kay Aida.

"Ganyan ang damit ng mga waitress doon sa hotel. Kailangan mong isuot iyan kung gusto mong mapansin ka ni Rafael," giit ni Aida. Kumuha siya ng pulang laso at saka niya sinikop ang buhok ko. "In fairness, ha. Hindi lang super, black, and shiny itong buhok mo. Silky soft din. Ang suwerte talaga ni Toby." Bumungisngis siya.

"Huwag mong mabanggit ang pangalan ng taksil na iyon!" saad ko. Abala rin ako sa pagsuot ng de-takong na sapatos. Hindi ako sanay magsuot ng stilleto dahil nakatapak lang naman kami kapag lumulusong sa bukid o kaya ay umaakyat sa puno ng mangga.

"Bakit hindi? Gagawin mo nga ito para sa kaniya, hindi ba? Para pagbalik mo ay magaling na magaling ka na?" paalala niya.

Sobrang sikip ng pagtali ni Aida sa buhok ko kaya pinandilatan ko siya. Ngumuso lang siya at ipinagpatuloy ang ginagawa.
Bumuga ako ng hangin. "Hindi ako sigurado sa sinasabi mo, Aida. Kakausapin ko si Rafael para isauli ang perang ibinigay niya kina Tatay at Nanay. Hindi para gawin iyang iniisip mo." Kunot-noo akong sinipat ang mga paa kong hirap pa rin sa pagtayo dahil sa taas ng takong.

Pinamaywangan niya ako. "Sabi mo, gusto mong gumanti?"

Bumuga muli ako ng hangin. "Gustong-gusto ko, Aida."

"Iyon naman pala. Bakit nagdadalawang-isip ka pa? Bakit ka ba ipinagpalit ni Toby? Nakalimutan mo na ba ang ipinamukha niya sa 'yo? Ayaw niya sa mga walang muwang. Ayaw niya sa mga pa-virgin at mga konserbatibong probinsiyana. Si Rafael! Babaero iyon. Maraming alam ang Monte Carlo na iyon..." paglalahad niya.

Oo, gusto kong gantihan si Toby. Ngunit hindi ko inakalang mag-iisip at magpapayo si Aida nang ganito. Sampung taon na kaming magkaibigan. Pareho kaming lumaki sa bukid at sa palibot ng mga puno ng mangga. Magkaklase kami simula pa elementarya at katulad ko'y may pagkamakaluma rin siya. Pareho na kaming beinte-dos anyos. Balingkinitan ang aming katawan. Mas mapusyaw lang ang balat ko kaysa sa kaniya. Pinahaba namin hanggang baywang ang aming mga buhok pero madalas naman naming ipusod dahil sa mainit na panahon. Isa sa mga nagustuhan ni Toby sa akin ang buhok ko. Naisip ko tuloy kung mahaba rin kaya ang buhok ng babaeng ipinalit niya sa akin?

"Patunayan mo kay Toby na kaya mo ring maging liberated at malandi kagaya ng ipinalit niya sa 'yo!" Nanggigigil si Aida na para bang siya ang pinagtaksilan.

Halos isang taon kong naging kasintahan si Toby. Pero isinampal niya sa akin kung gaano ako kawalang alam pagdating sa pagsisiping. Ibinahagi ko ang lahat ng iyon kay Aida. Sa tagal at dami ng mga pinagdaanan namin, hindi na ako nahiya na magtapat sa kaniya ng tunay na dahilan ng paghihiwalay namin ni Toby.

Huminga ako nang malalim. "Hindi ako lalandi, Aida." Kinuha ko ang makapal na sobre at sinigurong nasa loob iyon ng handbag na katerno ng suot ko.

"Lalandi ka!" seryosong sabi niya.

"Hindi!" giit ko. Isinukbit ko ang bag sa nakalitaw kong balikat.

"Hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko kay Toby..." Napayuko ako at nagkunwaring inaayos ang suot.

Masakit pa rin. Tila may tumutusok na maliliit na karayom sa dibdib ko kapag naaalala ko ang mga sinabi sa akin ni Toby...

Teach Me, Use MeWhere stories live. Discover now