Chapter 5.2

153 5 0
                                    

Mabilis din ang naging pagtayo ni Rafael. Pigilan man niya 'ko o magpumilit siya na ihatid ako ay hindi ako papayag. Wala na akong mukhang ihaharap pa sa kaniya pagkatapos kong sabihin ang mga iyon.

Lakad-takbo ang aking bawat hakbang. Ang matunog na mga yapak na tila nakasunod ay hindi ko na pinansin. Pumapatak ang mga luha ko habang lumilisan.
Hanggang pagdating sa apartment ay nadala ko ang pagkapahiya at inis sa sarili. Kung bakit naroroon pa rin ang sakit ng ginawa ni Toby. Ang hirap kalimutan ng mga masasakit na salitang binitiwan niya. Nailabas ko pa tuloy iyon kay Rafael.

Nagtalukbong ako ng kumot paghiga ko sa kama. Sumasagi sa isip ko ang mga tingin ni Rafael. Hindi ko malimutan ang guwapo niyang mukha, ang maamo niyang mga mata. Naiinis ako sa labi niya, sa kisig ng kaniyang katawan. Kahit nga pagtawa niya ay naririnig ko.

Hahanap ako ng ibang mapapasukan. Kahit saan. Kahit ano pa iyon. Pero hindi na kay Rafael. Nararamdaman kong nag-iiba na ang pagtingin ko sa kaniya. Nalilito ako. Mali ito. Sa napakabilis na sandali na muli ko siyang nakaharap ay nagkaganito na ako. Anoman ito, habang nagsisimula pa lamang, habang kaya ko pa ay dapat ko nang putulin agad.

Dalawang oras lang marahil ang naging tulog ko sa buong magdamag na nagdaan. Plano kong magsimulang muli. Bahala na. Kahit saan ako mapadpad sa araw na ito, susubok ako. Ganoon naman talaga. Hindi ako dapat umasa sa iba.

Pinupunasan ko ng tuwalya ang basa kong buhok nang may marinig akong marahang mga katok. Sumagi agad sa isip ko si Aida.

Mabilis akong tumayo upang pagbuksan si Aida. Ngunit hindi si Aida ang iniluwa ng pinto. Sa susunod na buwan pa nga pala ang balik niya. At ang nasa harap ko ngayon ay ang lalaking laman ng isip ko buong magdamag.

"R-Rafael? Bakit ka nandito?" nagulantang kong tanong.

Sumilay ang ngiti sa labi niya. "Uh... G-Good morning?" bati niya.

Ikinurap-kurap ko ang mga mata. Ang guwapo-guwapo niya! May iba pa, bukod sa simpleng polo na suot niya at maong. Maliban sa basa pa niyang buhok. Namumula kasi ang kaniyang pisngi at parang nauutal siya.

"Good morning, din..." wala sa loob na sagot ko rin.

"Hindi mo ba 'ko papapasukin?" Hinawakan niya ang kaniyang batok na parang nahihiya.

Tila hinahalukay ng mga insekto ang tiyan ko. Iniawang ko naman ang pinto at binigyan siya ng daan.

Akala ko ay mapapansin niya agad ang gulo ng mga gamit ko rito sa apartment. Pero hindi natanggal ang tingin niya sa akin. Tumayo ang mga balahibo ko nang lumandas ang kaniyang mga mata sa dibdib ko. Bumaba pa iyon. Kinagat niya ang pang-ibabang labi at agad na nagdilim ang tingin sa akin.

Halos lumuwa ang mga mata ko nang maalala na suot ko pa rin ang manipis na pantulog. Banaag sa damit ko ang mga panloob na suot. Subalit wala nang panahon upang magbihis.

"B-Bakit ka..." Tumikhim muna ako. Hindi ko maapuhap ang mga tamang salita. "Bakit ka nga nandito?" Sinubukan kong maging kaswal ang tinig pero parang halata pa rin ang nerbiyos ko.

May dinukot siya mula sa kaniyang bulsa at iniabot sa akin ang isang tarheta. Kinuha ko naman iyon at agad doon itinutok ang mga mata.

Ang manipis na hangin sa pagitan naming dalawa ay mas numipis pa dahil sa kaniyang paghakbang palapit...

Teach Me, Use MeWhere stories live. Discover now