Chapter 9

369 7 0
                                    

DINALA AKO ng pang-amoy ko sa pinangagalingan ng hindi nakikitang usok, kung saan nagmumula ang pagkalansing ng kutsara at pinggan. Inamoy-amoy ko ang nagkahalo-halong bango habang maingat kong itinutulak ang stroller.

"Whoa!" nagniningning ang mga matang puri ko sa mga nakahanda sa mesa.

Inuutusan ako ng utak kong dumampot ng isa sa mga cupcake, pero pinigilan ko ang sarili dahil hindi ko yatang puwedeng tikman.

"Naghahanda ka ng pagkain para sa mga empleyado mo?" tanong ko pagkaangat ng tingin. Dumampi ang labi niya sa noo ko sabay ngiti.

Pinansin ko ang paggupit niya sa tomato sauce na may markang sweet style sa ibaba. Nasa tabi naman niya ang nasala ng macaroni.

Umiling siya. "This is for us." Itinuro niya ang mga nasa mesa.

Siya pa ang nag-bake ng chocolate cupcakes na kanina pa pinupuntirya ng mata ko dahil ito ang paborito niyang i-bake kapag sinipag siya. Star shape oatmeal cookies, saka iyong aroma ng tinimplang kape sa tapat ko.

"Ginising mo dapat ako para matulungan kita," sabi ko.

Kagigising ko lang kasi kanina at binihisan din si Rosette matapos kong mapaliguan sa medyo may pagkamaligamgam na tubig. Katatapos ko lang ding mag-breastfeed, hindi ko napansing nandito pala siya sa kusina at abala nang nagluluto.

Hindi pa nakaabot sa kuwarto namin iyong mga inihanda niya kaya wala akong kaalam-alam. Wala rin sa manang sa bahay. Muli siyang ipinatawag ni Tita Vivian sa kanila. Mukhang nagiging hassle para kay manang magpabalik-balik sa bahay, lalo na at medyo may edad na rin.

"Naging madalas ang pag-uwi ko sa gabi nitong mga nakaraang araw kaya naisipan kong bumawi," sagot niyang nginitain ako nang matamis.

Ngumisi ako, tuwang-tuwa ang puso ko. Minsan lang siyang bumawi sa ganitong paraan simula noong maikasal kami. Palagi niya akong dinadala sa restaurant para kumain lang at mag-usap nang kaunti, tapos pag-uwi namin, matutulog agad siya.

Iyong dating nakagisnaan ko noong high school to college days pa lang kami, hindi na namin magawa-gawa. Gusto ko sanang panatilihin iyon kahit na habang lumilipas ang panahon ay may quality time pa rin kami sa isa't isa. Kaso. . . hinding-hindi ko na maibabalik iyon. Sa lahat ng pinagdaanan namin bago maabot itong bagong stage ng aming relasyon, masasabi kong nandoon iyong saya pero unti-unting nawawala ang sweetness. Siguro ganito talaga ang nangyayari kapag matagal na kayong magkasama.

"May maitutulong ba ako?"

Kumaway siyang sinabayan ng pag-iling. "No, just sit there."

Tumango ako at isinama ang stroller sa pag-upo ko sa upuan. "Iyong ginawa ko kagabi," panimula ko kahit hindi ako komportableng pinapanood lang siyang kumikilos. Tumikhim ako at sinabi ang sadya. "Sorry. Hindi ko na gagawin ulit."

Nagtama ang mata namin pagkaangat niya ng ulo. "Sorry rin kung medyo hindi maganda ang tono ko sa mga sinabi ko kagabi."

Ngumiti akong iwinagayway ang palad. Sanay na ako sa ganoong tono niya kapag may isang bagay siyang hindi nagustuhan.

"Kalimutan na natin iyon. Huwag na lang natin uulitin."

Tumango-tango siyang tinalikuran ako nang simulan niyang timplahan ang sauce ng gagawin niyang baked macaroni. Mas mabango talaga ang sibuyas kapag iginigisa kaysa sa bawang. Humalo ang amoy ng sibuyas sa isinunod niyang karne.

"Matalino iyong batang tinuturuan ko," kuwento ko para bigyan nang kaunting ingay ang paligid namin.

"What is his name again?" tanong niyang humarap para kunin ang sauce.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon