This World Where You Exist

By elisestrella

5K 331 225

O N H O L D --- Isang author na may writer's block. Isang diwatang fangirl. Isang magic notebook na nagdal... More

unang kabanata
ikalawang kabanata
ikatlong kabanata
ika-apat na kabanata
ikalimang kabanata
ika-anim na kabanata
ika-pitong kabanata
ikasiyam na kabanata

ikawalong kabanata

330 29 40
By elisestrella

"The greatest part of a writer's time is spent in reading, in order to write: a man will turn over half a library to make one book." Samuel Johnson

---

ISASAMA ako ni Senyorita Rosario sa school nila nang Biyernes ng umaga kaya medyo excited ako kasi curious ako sa kung paano mag-aral ang mga kababaihan n’ung 1762. Sigurado naman na di siya katulad ng ngayon… well, n’ung “ngayon” ko bilang babae sa 2019 na kayang makipagsabayan sa mga lalaki. Ano kaya ang itinuturo sa kanila ano? Kung paano maglakad na nakabakya at kung paano magpaypay na hindi ka mukhang nag-iihaw ng barbecue kasi init na init ka na?

Sumunod ako kay Senyorita Rosario palabas ng bahay pagkatapos niya mag-almusal. Naghihintay na d’un sa labas ang isang karwahe.

Pa-karwa-karwahe pa eh sa Colegio del Buen Consejo lang siya nag-aaral. Kung madulas ako ngayon sa kinatatayuan ko, sa front door na n’ung school maglalanding ang bakya ko sa lapit n’un sa mansion. Pero di na ako nagsalita. Hayaan ko na sa mga kapricho nila sina ateng.

“Ikaw ba’y handa na para sa ating klase ngayon, Bising?” tanong niya sa ‘kin.

“Opo, Senyorita.”

Bumaba kaming dalawa sa mga baintang papunta sa karwahe ‘tapos ngumiti si Rosario kasi nakita niyang papalapit na si BFF Senyorita Isabella.

“Magandang umaga, Isabella!”

“Magandang umaga, Rosario.”

Umagang kay ganda, mga senyorita.

“Mang Erning, masyado pong maganda ang araw para magkarwahe,” sabi ni Rosario kay Mang Erning the Kutsero. “Kami’y maglalakad na lamang po.”

“Kung iyon po ang inyong nais, Senyorita.”

Tumango siya kay Mang Erning saka niya isinukbit ‘yung braso niya sa braso ni Isabella para maglakad na sila. 

Habang sumusunod ako, pinagmasdan ko na silang dalawa. Maganda sila pareho kahit magka-iba sila ng itsura. Mas maputi si Rosario at morena naman si Isabella. Matangos ‘yung ilong ni Rosario at si Isabella naman ay medyo pango. Mas matangkad din si Rosario pero mas curvy si Isabella kahit pa halos walang korte ‘yung baro’t saya niya. Parehong nakapusod ‘yung buhok nila at parehong may dalang abaniko pero hawak ni Rosario ‘yung sa kanya habang nakabitin lang sa pupulsuhan niya ‘yung strap ng abaniko ni Isabella. Pareho silang puwedeng model o kaya ay artista.

Mahilig ako sa connected stories at connected characters kaya naisip ko agad na puwedeng heroine ng sarili niyang kuwento si Isabella. Pagkatapos siguro ng kuwento ni Aleng, puwede ko—

“Si Francisco na naman ba ang ating pag-uusapan?” tanong ni Isabella.

Nalimutan kong pinag-aaralan ko silang dalawa n’ung marinig kong favorite topic ko pala ang pinag-uusapan nila.

“Nais ko siyang pag-usapan dahil malamang siya na ang aking pakasalan.”

“Hindi n’yo naman iniibig ang isa’t-isa,” sabi ni BFF.

“Hindi na mahalaga iyon. Hindi naman ito tungkol sa pag-ibig. Siya nama’y mabait,” sabi ni Rosario na mahina ang boses para si Isabella lang—at ako na may super human hearing kapag si Francisco ang topic—ang makakarinig. “Maginoo, magalang, mapagmahal sa kanyang mga magulang at kapatid.”

“Ako ba ang iyong kinukumbinsi o ang iyong sarili?” tanong ni Isabella.

Hindi agad sumagot si Rosario. Saglit pa kaming naglakad na tahimik lang bago siya bumuntong-hininga. “Hindi naman na masama kung siya na ang aking pakasalan.”

“Kung iyon ang iyong nais,” sabi ni Isabella.

Medyo kumunot ang ilong ko. May something kasi. Sandali, kontrabida ba itong si Isabella? Kaagaw ko rin ba siya—este, ni Rosario pala!—kay Francisco? Ang guwapo naman ng heartthrob ng sambayanan! Pinag-aagawan!

Hindi ko pa kasi talaga planado si Isabella. Hindi rin ako mahilig sa mga best friends as mang-aagaw subplot. Loyal kasi kami ni Tria sa isa’t-isa. Minsan na kaming nagka-crush sa iisang lalaki pero hindi kami nag-away o nag-agawan. Mas mahalaga ang relasyon namin kesa sa kahit na sinong lalaki. At n’ung siya ang niligawan n’ung crush namin, malugod akong nagparaya… ‘tapos sinamahan ko siyang mag-celebrate n’ung nalaman niyang a.hole pala ‘yung lalaki bago pa niya sinagot kaya binasted niya nang one million times.

Kaya itong si Isabella… Hmm. Di bale, cyst. Babantayan kita ngayon. Walang puwedeng umagaw kay Francisco kay Rosario.

Ako lang.

“Mabuti nga kasi siyang tao, Isabella,” giit ni Rosario. “Kung ako’y mapipilitang magpakasal sa isang lalaking hindi ko iniibig, nais ko sana na siya nama’y isang mabuting tao.”

Gh0rl, mabuting tao talaga si Francisco! Maniwala ka sa ‘kin. I know! Ako ang nag-design sa kanya. Wala ka nang makikita na tulad niya kahit maghintay ka pa hanggang 21st century. Hindi pala. Lalo na pala sa 21st century! At susko ka! Francisco na, nagdadalawang-isip ka pa? Bawiin ko ‘yun eh!

Bumuga ng hangin si Isabella at nilingon niya si Rosario. Nagbukas siya ng bibig pero naalala niyang sumusunod ako sa likod. Huminga na lang siya nang malalim saka nagkibit-balikat. Hindi na niya itinuloy ‘yung sasabihin niya.

Dumating kami sa school nila. Beaterio de Sta. Rita de Pasig pa siya ngayon, hindi pa CBC. Pumasok kami ng classroom at naupo ako sa pinakalikod. Dala-dala ko ‘yung magic notebook ko. Naisip kong kung anuman ang ituturo ni Mother Superior sa mga dalagang Pilipina ng 1762, malamang alam ko na ‘yun at malamang din eh nasuway ko na.

Hindi naman ako pinansin ni Sister habang nag-le-lecture/sermon siya tungkol sa chastity sa harapan ng lampas sampung mga estudyante. Hindi ko alam kung dahil ba hindi mahalaga ang immortal soul ko dahil poor lang ako. Puwede ring isang tingin lang niya sa ‘kin at naisip na niyang wala nang pag-asa pang mailigtas ako kaya hayaan na niya. Kaya isang tenga at kalahating utak ko lang ang nakinig habang nakatungo ako sa notebook ko, nag-e-edit ng mga susunod na pangyayari sa kuwento ko.

Bukas kasi pupunta sina Rosario sa bahay ng mga de Orellana. Sila naman ang makikikain. Andaya naman kasi nina Francisco na sila lagi ang bisita. Wala si Bising sa eksena bukas kasi hindi ko mahanapan ng dahilan para makasama ako… unless sasabit ako sa likod n’ung karwahe na parang nakasabit ako sa jeep ‘tapos stealth settings akong papasok sa mansion nila.

Nagdagdag ako ng ilang mga paragraphs sa kuwento saka ng ilang scene ideas sa outline page. At nang matapos na ang lecture, at nasiguro na ni sister na malinaw na sa mga dalagang Pilipina na inaaruga niya na totoo ang banta ng everlasting na pagkasunog ng kaluluwa sa impyerno kapag makita ng lalaki ang mga binti mo kapag hindi pa kayo kasal, natapos na ang lesson.

‘Yung sumunod eh mas praktikal naman. Sewing lessons ang sumunod at nagburda sila ng mga panyo. Pinasali ako ni Rosario doon, at nataranta ako dahil hindi ako magaling magburda. Running stitch lang ang alam ko talaga, saka natutunan ko rin sa school na mag-cross stitch. Kaya habang nagbuburda ng rosas si Senyorita sa panyo niya, nagtahi ako ng isang maliit na letter B sa kanto ng panyo na ibinigay niya sa ‘kin.

B ba ito o 8? Basta mukhang dalawang kahon siya na magkapatong. ‘Yun lang ang kinaya ng sewing skills ko talaga.

N’ung tanghalian na, sumunod ako ulit kina Senyorita Rosario palabas ng klase.

“Hindi ka na ba sasabay sa amin pag-uwi?” tanong niya kay Isabella.

“Hindi na. Magkita na lamang tayo mamaya.”
Tumango si Rosario at nagpaalam na, ‘tapos naglakad na rin si Isabella palayo sa ‘min. Pinanood siya ni Rosario hanggang sa makalayo siya, saka niya ako nilingon. Ngumiti siya sa ‘kin, ‘yung friendly na ngiti ng anghel kaya hindi mo talaga makuhang mainis sa kanya kahit pa likas kang hater.

“Tayo na, Bising,” aya niya saka siya nagsimulang maglakad. Sumunod ako sa bandang kanan at likuran niya. “Ikaw ba’y may natutunan sa leksyon natin kanina?”

Na pupunta po ako sa impyerno?

“Opo, Senyorita.”

“Ika’y aking isinama para sana mapagbuti pa ang iyong pagbabasa. Iyo bang nasundan ang pinabasa ng madre superiora?”

Na pupunta po akong impyerno?

“Opo, Senyorita.”

“Hayaan mo,” patuloy niya. “Ika’y ihihiram ko ng mga aklat kay Francisco.” Muntik akong matalisod n’ung marinig ko ‘yung pangalan ni crush. “Nabanggit kasi niya na may aklatan sila sa kanilang mansion.” Nilingon niya ako. “Inimbitahan sina Papa ng kanyang mga magulang na dumalaw sa kanila. Ako’y iyong sasamahan bukas sa pagbisita natin sa kanilang tahanan, hindi ba?”

“Isasama n’yo po ako?!”

Excited? Pero hindi kasi talaga ako kasama sa scenes na ‘yun, o sa bahay nina Francisco, at hindi ko talaga mahanapan ng dahilan kung paano ko isisingit si Bising doon. Kung ano na namang himala ito ng magic notebook ko, salamat!

“Oo. Akin nang ipinaalam kina Mama. Kung sakaling naisin ng mga magulang niya na maka-usap sina Mama, maaari mo akong samahan habang namamasyal sa kanilang hardin.”

Ay, chaperon! Chige po. Chama ako.

“Sige po, Senyorita.”

Hindi ko naitago ‘yung ngisi ko.

---

KINABUKASAN, para akong batang sasama sa field trip. Naligo ako saka nagbihis ng pinakabonggang baro’t saya ni Bising. May pa-choker pa akong nalalaman. Regalo iyon ni Rosario kay Bising n’ung birthday niya. Mabait kasi talaga itong si Senyorita kaya alaga rin niya si Bising. 

Anyway, sumakay kami sa karwahe. Magkatabi kami ni Rosario d’un sa upuan na nakatalikod sa daan kaya medyo nahilo ako nang slight. Tahimik lang naman ako at nakinig lang sa usapan nila hanggang sa makarating kami ng, siguro, kung nasa 2019 ako eh malapit na sa bandang Cainta.

Hindi gaya ng dikit-dikit na mga bahay sa 1762 version ng Kapasigan, mala hacienda ang feels ng lugar nina Francisco. May malawak na dirt road kaming nilikuan, dumaan sa ibabaw ng isang maiksing tulay na tumawid ng isang creek, saka pa lang sinabi ni Senyora na nakikita na niya ‘yung mansion ng mga de Orellana..

Gusto ko sana makisilip pero sarado kasi ‘yung bintana ng karwahe sa side ko. Ang sagwa naman na tumawid pa ako sa ibabaw ng kandungan ni Rosario para makita ko rin ‘yung mansion. Hinintay ko na lang na makarating kami.

At n’ung makababa kami sa tapat ng bahay, nalula ako. Shet. Bakit parang Malacañang ‘yung bahay nila? Oo, ako ang sumulat nito, pero iba pala siya kapag makita mo na.

Two-stories siya, may mga pillars sa ground floor, terraces sa second. Malalaki ang mga bintana na gaya n’ung sa bahay na kailangang i-slide para mabukas pero nagmukhang gawa sa tansan ‘yung mga panel sa bintana ng bahay namin kung ikukumpara sa mga bintana nila. Malalaki at mukhang mabigat din ‘yung mga pinto sa front entrance. Di kaya kinuha nila ‘yung kahoy na ‘yun sa ark ni Noah? Parang kasya ang mga elepante eh.

Sa sobrang pagkamangha ko sa bahay, hindi ko agad napansin si Francisco. Nakita ko na lang na nakababa na siya ng hagdan at tinutulungan nang umakyat sa mga baitang si Rosario.

Medyo masheket. Pero siyempre, siya ang tutulungan, gaga na ‘to! Alangan namang ako! Muntanga kasi na nag-se-selos at na-hu-hurt pa ako! Alam ko naman ‘yung lugar ko sa mundong ito. Pero utangnaloob, ouchie din talaga. 

Nakatungo ako na sumunod sa kanila hanggang sa itaas. Nakatungo kasi una, baka matapakan ko ‘yung saya ko o sumabit ‘yung bakya ko sa baintang. Baka mag-tambling na naman si Bising! Ikalawa, ayoko tingnan si Francisco na sobrang guwapo na naman pero sobrang hindi akin huhuhu

Mama ni Francisco ang nagbigay ng guided tour ng mga dinaanan naming silid. Sitting room, receiving room, kung anu-ano pang room na malalaki at magagara lahat.

Si Francisco ang escort ni Rosario at sila ang nagbubulungan habang nakasunod ako sa kanila. Alam ko nakasimangot ako eh. Damang-dama ko sa noo ko. Gusto ko ngang tisurin si Francisco na hindi man lang ako tiningnan ni isang beses. Ang effort ko pa naman sa bihis ko ngayon ah! 

‘Tapos n’ung dumating kami sa dining room, binulungan ako ni Rosario na doon na ako sa kusina para makakain na rin ako. Hindi nga pala ako puwede makikain sa mesa nila kasi alipin lang me.

Dinaan ko na lang sa extra rice ‘yung sama ng loob ko.
Pero ano bang ine-expect ko kay Senyorito? Na papansinin niya ako? Na sa ‘kin siya lalapit? After isang convo tungkol sa isang libro? Sa kuwento na ‘to, langit siya, at kamote ako. At hindi ako ang dapat niyang tingnan, kundi si Rosario na siya nga niyang tiningnan kanina. So it is as it should be.

Ipinagdiinan ko ‘yun sa isip ko habang kumakain, ‘tapos nagpasalamat ako sa mayordoma nina Francisco n’ung tumanggi siya na tumulong ako sa pagliligpit. Bisita raw ako eh. Di na baleng maid “lang” ako ni Rosario.

Sumilip ako sa dining room at nakitang kumakain at nagkukuwentuhan pa sila sa hapag. Dahil nasulat ko naman na ‘tong scene, alam kong nagpapahaging na ang papa ni Francisco tungkol sa pagsisimula na paghandaan ang kasal n’ung dalawa.

Ba’t gan’un? Okay lang sa ‘kin n’ung sinusulat ko siya pero ngayon parang mahapdi sa dibdib? Parang sugat na inasinan ‘tapos pinigaan ng kalamansi sabay pinisil-pisil.

Lumayo ako d’un sa dining room nila at naglakad-lakad. Kung kailangan naman na ako ni Senyorita, ipahanap na lang nila ako. Sasabihin ko na lang na naligaw ako or something. Maghahanap ako ng tahimik na lugar para i-review ‘yung kuwento.

At kung makakasulat ako, idadagdag kong natinik si Francisco, buwisit siya.

Inisa-isa ko ‘yung mga sitting areas. Ilan bang puwet meron sila at ang dami nilang sitting rooms?

Pero n’ung buksan ko ‘yung huling pinto para sumilip sa loob, nabawasan ‘yung inis ko kasi nahanap ko ‘yung library!

I love libraries. Sa palagay ko hindi ako magiging writer kung hindi ako madalas isama nina Papa sa library o sa bookstore n’ung bata ako. Sa tuwing may nababasa ako na hindi ko nagustuhan, nag-iimbento ako ng sarili kong scenes, ng sarili kong ending. Kaya ayan, naging writer ako. At n’ung writer naman na ako, sobrang na-enjoy ko ang mag-research. Minsan, dalawang oras ako magbabasa ng research material para lang masiguro na tama ‘yung isisingit kong isang linya sa isang libro. Pero madali pa nga iyon dahil sa Google at Wikipedia.

Itong library nina Francisco, isang version ‘to ng langit para sa ‘kin.

Hindi siya kasing impressive ng library sa Beauty and the Beast pero malaki na rin siya. Maraming bookshelves na puno ng libro. Karamihan sa kanila Spanish books pero meron ding iba na English… well, British English. Idinaan ko ‘yung mga daliri ko sa mga spines n’ung libro at nakita na leather-bound talaga sila. At nang marating ko ‘yung dalawang arm chairs na pumapagitna sa isang mababang mesa, inangat ko ‘yung libro na nakapatong d’un.

Napangiti ako n’ung mabasa ko ‘yung title: El Ingenioso Hidalgo Don Quijote de la Mancha. Naalala ko kasi ‘yung pinag-usapan namin ni Francisco. Ibinalik ko ‘yun sa mesa saka ako tumingin-tingin sa mga shelves. Humila ako ng isang libro at nang buklatin ko ‘yun, Spanish din siya at base sa kung paano nakasulat, hula ko mga tula sila.

TInitingnan ko kung may mga salita akong naiintindihan n’ung bumukas ‘yung mga pinto ng library at pumasok ‘yung mismong lalaking gusto kong matinik. Hindi ko alam kung ibabalik ko ba ‘yung libro sa shelf o ihahagis ko sa kanya para ma-distract siya nang makatakbo ako, pero nakita ko na ‘yung gulat sa mukha niya, pagkatapos ay ‘yung ngiti.

Eh ayun na. Napako na ako sa kinatatayuan ko.

“Bising.”

“Senyorito,” bati ko na rin sabay silip sa likuran niya kung nand’un si Rosario. N’ung makitang wala siyang kasama, sige na, hindi ko na siya titinikin. “Paumanhin po. Naglalakad-lakad lang po ako habang hinihintay na matapos kayong kumain. Nahanap ko po itong library… itong silid ng… silid…”

“Aklatan?” mungkahi niya na naka-angat pa rin ‘yung gilid ng mga labi sa isang maliit na ngiti.

“Opo! Paumanhin po,” sabi ko ulit na sinusubukang ibalik ‘yung libro ng mga tula kung saan ko siya kinuha.

Lumapit si Francisco at inabot ‘yung libro. “Nabanggit ni Rosario na nais niyang manghiram ng aklat para ipagpatuloy ang iyong pag-aaral sa pagbabasa kaya’t ako’y nagmagandang-loob nang kumuha ng ilang mga aklat para sa iyo.”

Sir, di lang loob mo ang maganda, promise.

“Talaga po? Sige po. Marami pong salamat.”

Tiningnan niya ‘yung librong hawak ko kanina. “Ikaw ba’y mahilig sa mga tula?”

“Hindi po masyado, Senyorito. Lalo na po kung hindi ko nauunawaan ang lenguwahe.”

Mahina siyang tumawa at nagpigil ako na mapakagat-labi. 

“Nais mo bang matutong mag-Espanyol?” tanong niya na nakatingin sa ‘kin.

Teka. Nilalandi ba ako ni Senyorito?

“Bakit po, Senyorito? Tuturuan po ninyo ako?”

‘Kala mo ikaw lang?

Ayan na naman ‘yung ngiti niya. “Maaari kitang turuan sa isang kondisyon.”

Medyo kinabahan ako. Sige na, sabihin na nating reflex ‘yun ng isang 21st century na babae na maging defensive. Sa panahon kasi natin, kapag may lalaking nagsabing “sa isang kondisyon”, usually bastos ‘yung kondisyon na gusto eh. Gusto ko ‘yung maginoo na medyo bastos pero medyo hindi pa kami gan’un ka-close ni senyorito para mag-“kondisyon” siya sa ‘kin ng kahit ano. Alam kong matagal ko na siyang binibiro sa isip ko pero sobrang ma-di-disappoint yata ako kung, halimbawa, hingan niya ako ng kiss kapalit ng Spanish lessons. Una, may almost-fiancée siya na gusto ng “mabuting tao”. Ikalawa, langit nga siya at kamote nga ako. ‘Yung may gan’ung kalaking power imbalance sa pagitan namin ‘tapos manghihingi siya ng kiss kapalit ng isang bagay? Hindi ako komportable sa gan’un.

“Ano pong kondisyon?” maingat kong tanong.

Please don’t disappoint me.

Malaki at excited ‘yung boyish niyang ngiti. “Iyong ikukuwento sa akin ang akdang iyong sinusulat.”

Natawa ako, ‘yung walang poise na tawa na maririnig mo lang sa sinehan kapag nannooood ka ng comedy movie kapag MMFF. Langya! Ayan kasi, paka-defensive sa mga bastos! Kahit tuloy ‘yung matinong lalaki eh pinagdudahan na.

Pero di mo rin kasi ako masisisi! Kahit aling century naman bastos ang mga lalaki eh! Kahit nga si Adan! Kasalanan naman niyang kumagat siya ng forbidden fruit pero si Eba pa rin ang sinisi niya! Kung di ba naman?!

Pagkatapos kong medyo mahulog pa lalo ng mga five feet para kay Francisco, saka naman ako nataranta kung paano ko ikukuwento sa kanya ‘yung sinusulat ko eh kuwento ‘yung ng love life niya? At paano ako makakatanggi eh nakatingin siya sa ‘kin na may puppy dog expression sa mukha na di ko mawari kung nagmamaka-awa o nanlalambing or both, at hindi ko alam kung paano ko tatanggihan!

Tumawa ako ulit. ‘Yung may poise naman na. “Naku, Senyorito, hindi ko pa po kasi alam ang buong kuwento ng akda. ‘Tsaka hindi ba hindi naman kayo interesado sa mga kuwento ng pag-ibig?”

“Ang sinabi ko ay hindi ko hilig ang magbasa ng mga akda na tungkol sa pag-ibig,” paalala niya. “Hindi na ako’y hindi interesado. At ako’y interesado sa iyong akda. Nais kong malaman kung ano ang iyong mga paniniwala tungkol sa pag-ibig.”

Hala siya! Bakit interesado ang mamang ito sa mga paniniwala ko tungkol sa pag-ibig?

“Aaaaaaahhhhhm.”

Ngumiti siya ulit. “Hindi ba’t ganoon ang madalas maganap kapag ika’y nagsusulat ng mga akda? Iyong inilalabas sa kuwento ang iyong mga paniniwala?”

“Hindi po lagi, Senyorito,” sabi ko na lang bago pa ako ulit ma-distract ng ngiti niya. “Minsan po may mga tauhan sa mga kuwento ko na taliwas sa mga pinaniniwalaan ko ang ginagawa.”

Ikiniling niya ang ulo sa isang banda. “At iyon naman silang pinagbibigyan?”

“Opo, kung makakatulong pong umusad ang kuwento.”

Gaya ngayon. Hinahayaan kong makipag-flirt ka sa ‘kin, Senyorito, kasi feeling ko uusad ang kuwento.

Tumango si Francisco. “Nais ko ring malaman kung paano mo naiisip ang iyong mga akda. Kung ika’y aking turuan ng Espanyol, ikaw ba’y papayag na ibahagi sa ‘kin ang iyong mga kuwento?”

Hmm. Tuturuan akong mag-Spanish ng guwapo at maginoong tutor na crush ko, at ang kapalit lang eh kukuwentuhan ko siya ala-Scheherazade from One Thousand and One Nights? Samahan lang niya ng gulaman at kutsinta, payag na ako!

“Kung iyon po ang inyong nais, Senyorito,” sabi ko na may ngiti na rin para sa kanya kasi baka isipin naman na napipilitan lang ako.

“Iyon ba ang iyong nais?” giit niya. “Ayokong isipin mo na ika’y pinipilit ko lamang. Kung talagang nais mong matuto ng Espanyon, maaari ko namang gawin iyon nang walang kapalit.” 

Naiiyak na ako ah. Ganito pa lang alam na niya ang konsepto ng consent! Huhu Pero malamang, Barbara. Ikaw ang nag-imbento sa kanya kaya alam niya ‘yun! Perfect guy mo nga siya di ba?

“Hindi, Senyorito. Gusto ko po talaga matuto. At ayoko naman po na hindi ko suklian ang kabaitan ninyo. Kung iyon lang po ang inyong hiling, handa naman po akong ibahagi ang mga akda ko kung iyon ang gusto ninyo. Kaya lang, Senyorito, hindi ako dalubhasa sa paghabi ng isang kuwento ah. Baka hindi mo magustuhan ang mga akda ko.”

Umiling siya at humakbang palapit pero may espasyo pa rin sa pagitan namin n’ung huminto siya. Siguro puwede pang mahiga sa Shaq sa laki ng agwat sa pagitan namin pero parang nararamdaman ko ‘yung init ng balat niya at sigurado kong naaamoy ko siya. Mabango siya ah. Amoy malinis talaga siya na para bang naliligo din siya sa ilog at naghihilod ng sabon galing Spain. Ako ‘yung gustong umabot sa kanya kasi likas naman akong touchy. Hugger ako eh. Pero baka ma-shock siya at mahimatay. Ako na nga rin kasi ‘yung nagduda sa kanya, ‘tapos ako naman ngayon ‘yung unang mag-ha-harrass.

Ibinalik niya sa ‘kin ‘yung libro ng mga tula saka siya may inabot na ilan pang mga libro at ibinigay ang mga iyon sa akin.

“Isa itong akda na isinalin sa wikang Tagalog ng isa sa mga kaibigan kong manunulat sa Espanya,” sabi ni Francisco saka itinuro ‘yung isa pang libro. “Ito ang orihinal na teksto. Kung nais mo, maaari mo nang simulan basahin ang dalawa para sila’y maipagkumpara mo. At ito.” Inabutan niya ako ng isa pang libro. “Isa itong aklat na para sa mga batang una pa lamang natututong magbasa. Alam kong ika’y marunong na ngunit makakatulong ito sa iyo dahil nagtuturo ito ng mga simpleng salita sa wikang Espanyol.”

Tinanggap ko ang mga iyon. “Salamat po, Senyorito. Pag-aaralan ko po sila.”

Tumango siya. “Tayo’y magkita na lamang bukas.”

Kumurap ako. “Bukas po?”

“Oo. Kung nais mo, magsimula na tayong mag-aral bukas. Ika’y aking pupuntahan sa inyong tahanan ng alas dos ng hapon kung maaari.”

Nakow, huwag po! Paano kita ipapaliwanag kay Amang at kay Kuya?

“Ah, Senyorito. Mabuti pa po siguro kung sa ibang lugar na lang po. May burol po sa dalampasigan sa likod ng bahay namin, ‘yung malapit sa ilog. Doon na lang po ninyo ako puntahan.”

Saglit na nag-isip si Francisco na para bang gusto pa niya tumanggi, pero sa huli pumayag na rin siya kahit pa mukhang nag-aalangan siya. “Kung iyon ang iyong nais.”

“Opo.”

Tumango siya. “Kung ga’yon, hanggang sa muli nating pagkikita, Binibini.”

Niyakap ko ‘yung mga libro sa dibdib ko at tumango na rin ako. “Hanggang sa muling pagkikita, Senyorito Francisco.”

Binigyan niya ako ng isang huling ngiti saka siya lumabas ng library at isinara ang pinto sa likuran niya. Noon ko napansin na nanginginig ‘yung mga tuhod ko sa ilalim ng saya ko. Bumuga ako ng hangin saka ako naupo d’un sa isa nilang armchair. Siguro kaya maraming sitting rooms sa bahay nila eh dahil madalas ding panginigin ng papa ni Francisco ang mga tuhod ng mama nila sa kilig kaya kailangan eh may malapit na upuan.

My God, wat is dis?

Ibinaba ko ‘yung mga libro sa mesa saka ko dinukot mula sa bulsa ko ‘yung magic notebook ko. Oo, may dala rin akong maliit na bote ng ink at panulat pero hindi ko na ‘yun kinuha. May ink at panulat din kasi d’un sa mesa kaya nanghiram na lang ako. Bigla kasi ako nagka-idea at kailangan ko siya ilista bago ko malimutan.

Binuklat ko hanggang sa huling page na may sulat para doon ilagay ang notes ko, pero napansin ko na medyo malayo na ako d’un sa expected page na gusto ko buksan. Binasa ko ‘yung huling mga pages at kumunot ang noo ko kasi bukod sa hindi ko penmanship ‘yung nasa page, iyon din ‘yung scene namin ni Francisco na nasa library na, hello! Hindi ako ang sumulat.

Nagsimulang kumabog ang puso ko nang may biglang naging malinaw sa ‘kin.

The story was writing itself pero hindi na kuwento nina Francisco at Rosario ang naroon kundi kuwento na naming dalawa ni Francisco.

Continue Reading

You'll Also Like

139K 5K 69
Elaine Hidalgos is stuck of being the richest person without her parents guide, but after dying at the car crash, she awakened in a fantasy world...
3.3M 106K 96
THANK YOU @thehappybutsad FOR THE BOOK COVER SET <3 LOVE IT SO MUCH! <3 #4 in Fantasy #3 in Fantasy
94.4K 4.9K 52
A woman that rules men got transmigrated to a Duchess who is a slave of a mere man. Language used: Tagalog and English Status: Completed Date Started...
21.4M 792K 78
She's not a gangster nor a mafia. Neither a lost princess nor a goddess. She's not a wizard or a guardian or other magical beings that exist in fanta...