Reincarnated as the Seventh P...

By Airosikin

1.2M 58.7K 28K

Reincarnated as the Seventh Princess Book 1 (Trilogy) Despite the clichè title, a breath-taking story is yet... More

Ang Katapusan
Kabanata I
Kabanata II
Kabanata III
Kabanata IV
Kabanata V
Kabanata VI
Kabanata VII
Kabanata VIII
Kabanata IX
Kabanata X
Kabanata XI
Kabanata XII
Kabanata XIII
Kabanata XIV
Kabanata XV
Kabanata XVI
Kabanata XVII
Kabanata XVIII
Kabanata XIX
Kabanata XX
Kabanata XXI
Kabanata XXII
Kabanata XXIII
Kabanata XXIV
Kabanata XXV
Kabanata XXVI
Kabanata XXVII
Kabanata XXVIII
Kabanata XXIX
Kabanata XXX
Kabanata XXXI
Kabanata XXXII
Kabanata XXXIII
KABANATA XXXIV
KABANATA XXXV
KABANATA XXXVI
KABANATA XXXVII
KABANATA XXXIX
KABANATA XL
KABANATA XLI
KABANATA XLII
Kabanata XLIII
Kabanata XLIV
Kabanata XLV
Kabanata XLVI
Kabanata XLVII
Kabanata XLVIII
Kabanata XLIX
Kabanata L
Kabanata LI
Kabanata LII
Kabanata LIII
Kabanata LIV
Kabanata LV
Kabanata LVI
Kabanata LVII
Kabanata LVIII
Kabanata LIX
Author's Note

KABANATA XXXVIII

16.2K 838 578
By Airosikin

ELIANA'S POV

KASALUKUYAN kaming nagkaharap-harap ngayon sa opisina ni Maestra Zora matapos kong ipagamot ang aking mga sugat at gayun din ang  natamo ng mga babaeng kaharap ko. Inis na nakatingin sa akin si Caitrionna at Kiara habang ang mga bugbog sarado na sina Hillary at Regina ay nakatungo lamang at nanginginig pa rin sa takot. Panay din ang sulyap nila sa akin ngunit tuwing nagtatama ang mga mata namin ay bigla silang nangangatog at iiwas. Ang laki ata ng epekto ng mga suntok ko. Buti naman ng magtanda naman.

Prente lamang akong nakaupo sa malambot na sofa ni Maestra at katabi si Sereia na tahimik lamang at nakakrus ang mga braso. Ang mga kababaihan na binayaran naman ni Caitrionna ay nakatayo lamang sa tabi at nakaposas ng mga bakal na nababalutan ng parang kuryente o kidlat.


Nabasa ko ito sa isang libro at ang tawag dito ay Empyrean o ang posas sa mundong ito na oras na nagsinungaling ka kapag ikaw ay tinanong ay maglalabas ito ng enerhiya na wari'y kinukuryente ang iyong pagkatao at kapag nagmatigas ka pa ay kamatayan din ang iyong kahahantungan. Nararamdaman din nito ang pulso ng tao kaya nalalaman agad kung ikaw ay nagsisinungaling. Nakakabilib lamang dahil may ganitong posas sa mundong ito at mukhang hindi kayang ipaliwanag ng agham kung paano ito nagawa o ano ang nagpapagana dito bukod sa mahika.

Hindi na rin naman ako nagtaka na nilagyan sila ng mga ganito dahil ang kilos at pag-iisip ng mga babaeng ito ay maihahalintulad din sa isang kriminal. Papatay sila para lamang sa ilang pirasong ginto? Nakakadiri.

Sandali pa kaming naghintay at aminado ako na naiinip na ako pero tinatamad bumuka ang aking bibig dahil sa sugat na nasa aking labi. Sa isipan na lang tuloy ako nagmumura at nagrereklamo. Nakakainis. Ilang minuto pa ba nila kaming paghihintayin?! Mahigit limang minuto na rin akong nakaupo dito pero wala pa rin ang pesteng Maestra na pimatawag pa ni Maestro.

Sinulyapan ko naman saglit si Caitrionna habang nakapilig ang aking ulo. Nakakabanas tingnan na wala man lamang siya maski isang bangas habang kami ay puno ng sugat at galos. Dapat pala initsa ko na ang patalim sa mukha nito para may marka naman siya ng katarantaduhan niya pero dahil kay Eryx, ang Eryx na iyon, humarang-harang pa kasi!

Ewan ko ba pero kinabahan din naman ako ng binitawan ang pana dahil alam kong asintado ito sa puso ko pero ng dumating si Eryx at nakita ko ang nakakapang-init ng ulo niyang gintong buhok, biglang kumalma ang sistema ko at naiinis ako dahil naramdaman ko iyon! Pero aminado naman ako na utang ko talaga sa kanya ang buhay ko dahil wala akong balak iwasan ang pesteng pana na iyon basta asintado si Caitrionna sa bungo ng patalim ko.

"Anong tinitingin-tingin mo?" Mataray na tanong sa akin ni Caitrionna pero sinagot ko muna siya ng isang irap.

"Naaasar ako sa mukha mo. Wala man lang galos." Salubong ang kilay na pahayag ko sabay kuha ng patalim sa aking binti at pinaglaruan ito sa aking kamay.

"Anong gagawin mo?" Kinakabahang tanong ni Caitrionna sa akin pero hindi ko siya sinagot at inilipat ang aking paningin sa patalim na hawak ko saka marahan itong pimaglaruan sa aking kamay. Dama ko naman na nakatingin silang lahat sa akin maging si Sereia na blangko lamang ang ekspresyon ng mukha ngunit nakamasid sa bawat paggalaw ng daliri ko. Saglit ko pa itong pinaglaruan hanggang sa mabilis ko itong initsa sa itaas saka sinalo at tinutok kay Caitrionna na malakas naman napatili.

"Kabado ka naman masyado." Natatawang pahayag ko sa kanya ngunit ang mga mata ko ay nanatiling malamig at nanlilisik. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang kademonyohan niya sa araw na ito lalo na ang ginawa niyang pagtangka sa buhay ni Aera para lamang mapatay ako. Ganoon din naman ang tingin ko sa hayop na si Kiara na hindi talaga nadadala at namanatiling mahaba ang sungay.

"Hayop ka! Tingin mo ba nakakatuwa iyon?!" Galit na sigaw sa akin ni Caitrionna ngunit nagkibit balikat lamang ako sabay tago na ng aking patalim.

"Oo." Prangkang sagot ko sa kanya na mahihimigan ang galit at pagkasarkastiko sa aking boses. Natigilan naman siya sa sinabi ko kaya bahagya akong lumiyad palapit sa kanya. "Hindi ba nakakatuwa kapag pinaglalaruan ang buhay ng tao? Tuwang-tuwa ka nga kanina e." Sarkastikong saad ko pa dahilan para mapakagat-labi naman siya sa inis. Inirapan ko naman siya dahil mukhang natameme siya sa sinabi ko. Minabuti ko ka rin ang umayos ng upo na sakto rin pagbukas ng pintuan hudyat na dumating na ang mga pinakahihintay ng lahat.

Naunang pumasok si Maestra Zora kasunod si Maestro ngunit natigilan ako ng maging si Eryx ay pumasok din sa loob. Marahan naman nagsiyukuan sa kanya ang mga kriminal na babae maging sina Kiara at ang mga kaibigan niya. Si Caitrionna naman ay hindi halos makatingin sa kanila habang kami ni Sereia ay nananatiling tahimik lamang at mayabang na nakaupo.

Lumingon sa gawi namin si Eryx dahilan para magtama ang mga mata namin ngunit agad din siyang nag-iwas ng imuwestra sa kanya ni Maestro ang kanyang uupuang trono sa tabi. Paespesyal talaga ang lalaking ito kahit kailan.

"Magandang gabi, mga binibini." Mahinahon ngunit kahit pagbati lamang ay bakas pa rin ang otoridad sa tinig ni Maestra Zora.

Nanatili namang tahimik ang lahat at wala man lamang nag-abalang sumagot. Hindi rin naman ako babati pabalik kahit sino pa ang kaharap ko kaya huwag na nilang asahan na gagawin ko iyon. Sandaling katahimikan ang nangibabaw sa amin ngunit agad din naman tumikhim si Maestra ng mapagtanto niyang wala talagang babati sa kanya pabalik.

"Bueno, pasensya na kung natagalan kami dahil binisita pa namin ang mag-aaral na si Binibining Aureole Era Poyraz. Pamilyar naman siguro siya sa inyong lahat tama ba?" Sarkastikong pahayag ni Maestra Zora habang nakataas na rin ang kilay niya at nagmamalditang nakatingin sa gawi nina Caitrionna na pawang mga nakayuko lamang.

"Wala ba talagang sasagot sa inyo?" Mataray na pahayag ni Maestra Zora na kababakasan na rin ng inis at pagkainip ang kanyang boses.

"O...Opo, Maestra Zora." Natataranta at mautal-utal na sagot naman ng mga alipores ni Kiara sa tabi.

"Hindi ko inaasahan na nangyayari na pala ang mga ganitong kaganapan sa ating akademya! Biruin niyo, ang mga mag-aaral mismo ang nagpapatayan sa loob mismo ng paaralan! Nakakahiya!"

"Binibining Kiara! Ikaw ay anak ng isang Duke mula sa Umoewin tama ba?!"

"Opo, Maestra."

"At ikaw naman Binibining Regina ay anak ng isang Count at si Binibining Hillary ay anak ng isang Baron mula sa parehas na kaharian. Mula kayo sa marangya at kilalang mga pamilya pero bakit ganito ang pag-uugali ninyo? Nagawa ninyong pagtangkaan ng masama ang inosenteng kamag-aral ninyo! Sabihin niyo sa akin, ano ang dahilan kung bakit umabot sa ganito ang inyong alitan?! Ha?! Dahil sa lupa? Selos? Inggit? Ranggo? Ano?!"

"At ikaw naman Prinsesa Caitrionna, magkapatid kayo hindi ba pero bakit kayo nagpapatayan?! Dinig ko kay Maestro na hindi maganda ang ugnayan ninyong magkapatid pero dahil sa personal ninyong hidwaan ay maraming taong nadadamay! Hindi niyo dapat ito dinadala sa paaralan! Alam ba ito ni Haring Dareios? Ng mga magulang ninyo?!"

"Oo alam na alam ito ng magulang namin pero wala silang pakialam." Matigas kong pahayag kay Maestra na agad naman nagpasalubong ng mga kilay niya. Kita ko rin ang pagbalatay ng inis sa kanyang mga mata na para bang hindi niya nagustuhan ang tono ng pananalita ko.

"Eliana..." Nagbabantang sita sa akin ni Maestro pero inirapan ko lamang siya at pinagkrus ang aking mga braso.

"Hindi ka ba marunong gumamit ng paggalang, Prinsesa Eliana?" Mahinahon ngunit bakas ang inis na tanong sa akin ni Maestra dahilan para taasan ko naman siya ng kilay.

"Hindi." Diretsahan kong sagot at hindi na siya makapagpigil pa at agad napuno ng galit ang mga mata niya.

"Aba't bastos kang bata---"

"Bastos na kung bastos pero ganito ako makipag-usap. Ngayon, kung ayaw mo sa bastos makipag-usap, wala kang aasahang kasagutan mula sa akin." Prangka kong pahayag na mas lalong nagpapula ng pisngi niya dahil sa galit.

Simula pa lamang ay ayoko na sa otoridad ng Maestra na ito dahil masyado siyang matapang pero wala naman akong pakialam doon hangga't hindi niya ako sinisita pero ngayon, mukhang nadali niya ang isa sa pinakaayaw kong ginagawa sa akin - ang paninita ng kahit anong parte ng pagkatao ko mula sa tono ng pananalita, tindig, hitsura, kilos, ugali o maging takbo ng pag-iisip ko. Ayoko ng sinisita ako.

"Wala kang modo!" Gigil niya pang duro sa akin pero inirapan ko lamang siya na mas lalong magpausok ng kanyang ilong. Magaling sana si Maestra pero masyadong mainit ang ulo. Tsk. Tsk.

"Zora, pakiusap, huminahon ka..." Pakiusap pa sa kanya ni Maestro pero hindi pa rin nagpapigil si Maestra Zora at si Maestro naman ang binalingan niya ng inis sa akin.

"Ito ba ang pinagmamalaki mong bata na pinasok sa akademyang ito, Maestro Mageius?! Napakabastos! Walang galang! Wala na rin siyang ibang dinala sa akademyang ito kundi ang problema!" Sunod-sunod niyang panlalait sa akin pero hindi iyon ang pinansin ko kundi ang huli niyang sinabi.

Wala na akong ibang dinala sa akademyang ito kundi problema? Teka, parang mali naman ata? Wala ng ibang dinala ang akademyang ito sa buhay ko kundi problema! Kasalanan ko ba na marami lang talagang masama ang ugali at inggitera dito at ako ang pinupuntirya? Masisisi rin ba nila ako na ginagantihan ko ang mga kumakanti sa akin gayong sinusubukan ko lang naman mamuhay ng tahimik at normal? Mag-isip ka nga, Maestra!

"Zora..." Mahinahon na saway naman ni Maestro kay Zora nang mapagtanto nito na hindi na maganda ang mga sinasabi niya. Nanatili naman akong tahimik at nakataas pa rin ang kilay sa kanya.

"Napag-alaman ko na hindi lamang ito ang unang beses na nakipag-buno siya sa mga mag-aaral! Pangatlo o pang-apat na ata ito ayon sa talaan na nasa opisina ni Maestra Antonette!"

Tuluyan ng nagpantig ang tenga ko sa sinabi ni Maestra. Pakiramdam ko ay dinidiin niya sa akin ang mga bagay na hindi naman kasali sa usapang ito para lamang masabing may kasalanan ako o kasalanan ko ang lahat. May problema ba siya sa akin? Dama kong ayaw niya mismo sa ugali ko pero bakit parang kumukulo ang dugo niya sa akin gayong wala naman akong maalala na atraso sa kanya. Papansin lang ba siya?

"Teka nga Maestra, bakit parang ako ang iniipit mo sa isyung ito? Namemersonal ka ba?" Inis ko ng tanong sa kanya at napatayo na rin ako dahil masyado na niyang inuungkat ang mga kasalanan ko na walang kinalaman sa isyung ito.

"Sumasagot ka pa! Maupo ka, Prinsesa Eliana!" Galit niyang sita sa akin pero nanatili akong nakatayo at pagkakataon ko naman para ipaliwanag ang opinyon ko. Namemersonal na masyado e. Inaano ko ba siya? Huwag niya akong simulan dahil sinasabi ko talaga ako ang tatapos sa usapang ito kapag ininis niya pa ako.

"Manahimik ka, Maestra Zora!" Inis ko rin na sigaw sa kanya na labis niya namang ikinagulat ngunit bago pa siya makapagsalita ay tinuloy ko na ang aking sasabihin. "Bakit parang kasalanan ko na ang lahat ng nangyari porke't sinagot kita ng Oo? Nakilala mo na ba ang buong pagkatao ko dahil lamang sa isang salita? Hindi ko tinatanggi ang mga kasalanang ginawa ko noong nakaraan pero tama ba na ungkatin mo iyon ngayon gayong wala naman kinalaman ang mga iyon dito? Kahit bastos ako, hindi sapat iyon para isakdal mo ako na napakasamang tao kaya huwag mo akong iniipit dito." Gigil kong sagot sa kanya. Bagama't hindi kalakasan ang boses ko ay siniguro kong may diin ang bawat salita ko. Oo bastos ako! Oo magaspang ang ugali ko pero kung gagamitin niya lang ang mga iyon para ako ang sisihin dito, ha?! Hindi ako bobo para hindi mahuli ang ginagawa niya. Sino ba kasi siya at ako agad ang pinuntirya niya?!

"Eliana, tama na, pakiusap huminahon ka na, iha." Pagsusumamo pa sa akin ni Maestro pero hindi ko siya pinansin at nanatili lamang kaming nagtititigan ni Maestra Zora. Bakas sa mga mata niya ang matinding inis dahil sa kabastusan na ginawa ko ngunit nanduon din ang pagkapahiya.

"Ayusin mo ang panghuhusga sa kasong ito dahil sinasabi ko sa'yo, marami akong saksi at itataya ko ang buhay ko mapatunayan lamang iyon." Banta ko pa sa kanya saka pasiring na inalis ang aking tingin at bumalik sa aking upuan.

Nagtama naman ang mga mata namin ni Eryx at mukhang hindi niya rin nagustuhan ang tono ng pananalita ko pero wala na akong pakialam doon. Hindi mahalaga ang opinyon niya. Bahala siya sa buhay niya.

Nabalot ng katahimikan ang silid ngunit nanatili lamang sa kung saan ang paningin ko. Hindi na ako nag-abala pang tingnan ang buwisit na Maestra dahil sinira na niya ang imahe niya sa akin at inilagay ko na siya sa listahan ng mga kinaiinisan kong nilalang sa mundong ito katabi nina Sunniva at Orianna.

"Zora..." Pagbasag ni Maestro aa katahimikan dahilan para mabalik naman sa reyalidad si Maestra. Tumikhim pa siya at parang napapahiyang nabalik sa reyalidad.

"Naiintindihan ko." Mahinahon ngunit bakas ang inis at panlalamig na pahayag niya. Napairap naman ako sa kawalan dahil dito.

"Hindi kita iniipit dito, Prinsesa Eliana. Hindi ko gusto sa batang walang modo. Ayoko lamang sa bastos na bata." Mahinahon na niyang paliwanag sa akin na para bang iyon lamang ang pinaghuhugutan niya gayong dama ko naman na may mas malalim pa siyang dahilan doon.

Marahas ko naman siyang nilingon saka nanlilisik ang mga mata na tiningnan.

"Puwes, ayoko rin sa bastos na matanda." Gigil kong pahayag at tulad kanina, muling bumalatay ang galit sa mga mata niya ngunit mukhang pinipigilan na niya ang magsalita. Ayan, tama iyan, wala dapat personalan dito. Napaghahalataan na ayaw mo talaga mismo sa akin, Maestra.

"Eliana!" Nagbabantang sita sa akin ni Maestro pero inirapan ko lamang siya saka muling tumingin sa kung saan.

Muli naman tumikhim si Maestra at mukhang wala na siyang balak na pagtuunan o pag-initan ang kabastusan ko kaya agad na siyang bumaling kay Caitrionna na para bang walang naganap na sagutan sa pagitan namin. Paano, napahiya kasi siya.

"Prinsesa Caitrionna." Kalmadong tawag ni Maestra kay Caitrionna dahilan para nagtataray na nag-angat naman ito ng tingin sa kanya. Hindi man lamang siya kababakasan ng tao gayong siya ang pinakademonyo sa aming lahat. Pero ano nga bang aasahan ko? Kapag mahaba rin ang sungay, wala talagang sasantuhin.

"Ang mga kababaihang ito, bakit mo sila pinasok sa paaralang ito? Hindi mo ba alam na mahigpit itong ipinagbabawal sa batas ng akademya! Ang pagpapasok ng sino mang kahina-hinalang mga tao ay lubos na paglabag sa patakaran na mayroon dito kaya Prinsesa Caitrionna, bakit mo sila pinapasok dito at sino ang may otoridad na ginamit mo para magpapasok sa kanila?!" Galit na sigaw sa kanya ni Maestra habang ang boses nito ay umaalingawngaw halos sa buong silid. Nanatili naman tahimik si Caitrionna at parang may pinagkakainteresan ito sa kuko niya dahil nandoon ang buong atensyon niya.

"Hindi ka ba sasagot?!" Naiinip na pahayag sa kanya ni Maestra sabay malakas na palo pa nito sa lamesa dahilan para mapatalon din si Caitrionna sa gulat. Inis naman niyang nilingon ang Maestra sabay tiim bagang.

"Ako! Ako ang nagpapasok sa kanila para saktan ang walang kuwentang babaeng iyan!" Inis na rin na pahayag ni Caitrionna sabay turo sa akin ng may nanlilisik na mga mata. Hindi naman na nagulat si Maestra sa sagot niya.

"At bakit ba gustong-gusto mong saktan ang kapatid mo na nagawa mo pang mandamay ng mga inosenteng tao?! Ha?!" Galit muli na tanong nito ngunit nag-iwas lamang ng tingin si Caitrionna at mukhang walang balak na sagutin ang katanungang iyon. Simple lang naman ang sagot, masama talaga ang ugali niya tulad ni Sunniva!

"Zora..." Pagtawag sa kanya ni Maestro dahilan para agad naman itong lingunin ng Maestra. "Masyadong personal ang katanungan na iyan at mas mabuti kung si Antonette na lamang ang hahawak ng mga ganitong uri ng diskusyon." Mahinahon na paliwanag pa nito kay Maestra dahilan para mapagtanto niya rin na hindi maganda sagutin ang tanong na ito na masyadong personal sa harap ng ganito karaming tao.

"Sige, Pasensya na Prinsesa Caitrionna. Pero..." Muling pagtikhim ni Maestra at diretso muling binalingan si Caitrionna. "Hindi katanggap-tanggap ang mga ginawa mo Prinsesa Caitrionna. Kahit prinsesa ka ng kaharian ay hindi ko palalagpasin ang ginawa mong paglabag sa mga patakaran ng aking akademya." Seryoso at bumalik muli ang pagiging maotoridad ng boses nito.

"Prinsipe Eryx, ang mga kababaihang ito ay napag-alamang mula sa tribo ng Sierosa, ang tribo ng mga kriminal sa Archelaos, ano ang karampatang parusa na igagawad sa kanila?" Baling niya naman kay Eryx na nananatili lamang tahimik sa tabi at nanonood sa kaganapan sa kanyang harapan. Bakit ba kasi nandito iyan?!

"Susunduin sila ng mga kawal ng Elior maya-maya lamang at dadalhin sa palasyo ng Elden. Ako at ang konseho na ang bahalang duminig ng kaso nila." Mahinahon na paliwanag sa kanya ni Eryx na ikinatango naman ni Maestra. Muling bumalik ang paningin nila parehas sa harapan at sa ikatlong pagkakataon ay nagtama na naman ang mga mata namin ni Eryx. Inirapan ko naman siya at hindi na muling tumingin sa gawi niya. Bakit ba siya tingin ng tingin? Nakakairita na e.

"Salamat Prinsipe Eryx..." Ani Maestra.

"Kung gayon ay ang mga kababaihan na ito ay makukulong din sa kulungan, Prinsesa Caitrionna. Ngayon naman, para sa kaparusahang igagawad ko sa inyo..." Sunod siyang bumaling kina Kiara at sa dalawang alipores nito na nagsimula nang humikbi. Akala naman nila ay kamatayan na ang ihahatol sa kanila! Ang O.A. din pala ng dalawang ito. Pero baka nga kamatayan na? Tsk. Sana naman.

"Si Binibining Kiara kasama ang kanyang mga kaibigan ay masususpinde ng dalawang linggo sa akademya." Maotoridad at seryosong pahayag niya dahilan para manlaki ang mga mata ni Kiara sa gulat at pangamba. Maging ako ay nagulat sa desisyon na ito ngunit tinikom ko muna ang bibig ko. Nag-iyakan naman sina Hillary at Regina sa kaniyang tabi ngunit hindi man lamang sila nilingon ni Kiara at nahihintatakutan lamang na nakatingin ito kay Maestra.

"Pero---"

"Ipapatawag din namin ang mga magulang niyo at harapan naming kakausapin kasama ang magulang ni Binibining Aera. Ipapasa rin namin kay Prinsipe Zephyr ang kasong ito upang maibigay ang karampatang parusa na naaayon sa inyong Kaharian. Didinggin pa namin ng ibang mga Maestra ang kaso niyong tatlo kung dapat pa ba kayong manatili sa akademyang ito o hindi na."

Mas lalo naman naiyak ang dalawang bruha sa pahayag ni Maestra lalo na ng banggitin nito na maaari silang maalis sa akademya dahil sa ginawa nila kay Aera. Maaalis lamang sila sa Akademya? Pero hindi sila makukulong? Bakit?! Mababaw na kaparusahan na iyon kung ihahalintulad sa tindi ng ginawa nila pero kung makangawa silang dalawa parang sila pa ang nalagay sa bingit ng kamatayan.

"Pakiusap, Maestra Zora, huwag niyo po akong paalisin sa Akademya! Ito lamang po ang akademyang nais kong pagtapusan kaya pakiusap, ayos na po ang masuspende ako pero---"

"Sana ay naisip mo ang bagay na iyan bago niyo tinurok ang tinik ng Okrulyum kay Binibining Aera, Binibining Kiara." Sarkastikong pahayag niya habang ang ekspresyon ng mukha ay nananatiling malamig

"Pero, Maestra---"

"Tama na Binibining Kiara, buo na ang desisyon ko. Mas lalo lamang malalagay sa alanganin ang kinabukasan mo kapag nagpumilit ka pa." Matigas na pahayag sa kanya ni Maestra dahilan para bumagsak naman ang balikat ni Kiara at tuluyang naluha dahil sa takot at pagkadismaya. Ilang sandali lamang ay marahas siyang humarap sa akin ng may galit na galit na mga mata.

"Kasalanan mo itong lahat, Eliana!" Duro sa akin ni Kiara na may namumula at nanlilisik na mga mata. Umayos naman ako ng upo saka nagtaas ng kilay sa kanya.

"Bakit ako? E sino bang tanga ang kumampi sa isa pang tanga?" Mataray na pahayag ko rin sabay irap ng matindi.

"Hayop ka!" Gigil niya pang sigaw at mukhang sasampalin niya pa ako pero nanatili lamang akong malamig na nakatingin sa kanya. Kasalanan ko pa? Ako ba ang nilamon ng inggit at galit? Ako ba ang tanga? Lumaban lang ako sa para sa buhay na hindi naman akin.

"Binibining Kiara!" Sigaw sa kanya ni Maestra dahilan para matauhan naman si Kiara at napapahiyang nag-iwas na lamang ng tingin. Humihikbi na lamang siya na naupo katabi ng mga kaibigan niyang walang tigil sa pag-iyak. Ngayon iiyak sila pero kanina wala man lang ako nakitang pagsisisi sa mga mata nila para sa tangang si Aera. Nakakasuka.

Saglit na napahilot si Maestra sa sentido niya na parang sumasakit na ito sa mga nangyayari. Nananatili namang tahimik ang karamihan sa amin habang ako naman ay taas noo lamang na nakatingin kina Caitrionna na abala pa rin sa pagkutkot sa kanyang kuko.

"Prinsesa Caitrionna, isususpende ka rin namin ng isang linggo at dahil kasama ang personal na isyu sa problemang ito, ipapatawag din namin ang mahal na hari ng Cymopoleia upang dinggin ang kaso niyo." Napaismid naman ako sa sinabi ni Maestra bago magsalita.

"Hindi rin naman pupunta iyon." Bagot kong sagot habang nakakrus ang mga braso at diretsong nakatingin kay Caitrionna. Wala naman pakialam ang Dareios na iyon sa mga anak niyang babae kaya nasisiguro kong hindi pupunta ang hari na iyon. Lalo pa ang huling pagkikita naming dalawa ay hindi rin naman ganoon kaayos.

"Ano ang ibig mong sabihin, Prinsesa Eliana?" Kunot-noong baling sa akin ni Maestra pero inirapan ko lang siya.

"Tsk. Tinatamad ako magpaliwanag." Bagot kong sagot saka humikab upang ipakita na nawawalan na ako ng gana sa usapang ito.

"Prinsesa Eliana!" Galit na naman na sita sa akin ni Maestra pero hindi ko na siya pinansin. Karapatan ko naman hindi magsalita at isa pa, bakit ko ikukuwento sa kanya? Sapat nang alam niyang hindi pupunta ang haring iyon para naman hindi na siya magsayang ng papel sa pagpapadala ng sulat.

"Zora, ukol sa bagay na ito, nais ko sanang ako na ang humarap kay Dareios pagka't abala ito sa pamamahala ng mga usapin sa kaharian ng Cymopoleia. At isa pa, sa akin din naman ibinilin ni Dareios ang kanyang mga anak kaya nasisiguro kong makakarating ito sa kanya." Pakiusap sa kanya ni Maestro pero hindi agad nakapagsalita si Maestra na parang nag-iisip pa. Nagkatinginan kami ni Maestra at kita ko sa mga mata niya na nagsasabing siya na ang bahala sa lahat. Tinitigan ko lamang siya saglit saka pairap na inalis ang tingin ko. Huwag na sana niyang uulitin ang pagpapapunta ng buwisit na haring iyon dito tulad ng ginawa niya noong nakaraan. Paiinitin niya lang ang ulo ko.

"Pero..." Nag-aalangang pahayag pa ni Maestra pero hinawakan ni Maestra ang balikat niya na parang huwag nang mabahala pa.

"Zora, huwag na natin gambalain ang hari na abala sa kanyang nasasakupan. Makakarating ito sa kanya sa madaling panahon at makakausap niya rin ang kanyang mga anak." Pagsisiguro pa niya na agad naman ikinatango ni Maestra na wari'y naiintindihan niya ito.

"Sige, Maestro, pero nais ko pa rin makausap ang mahal na hari sa lalong madaling panahon."

"Masusunod." Nakangiting pahayag ni Maestro na para bang nakahinga siya ng maluwag sa pagpayag ni Maestra Zora sa kanya. Teka, bakit ba mas mataas ang posisyon ni Maestra Zora kay Maestro? Hindi ba mas matanda si Maestro? Ano nga bang mayroon kay Maestra Zora at siya na ang namahala sa Akademyang ito. May mga kababaihan din pala niya na nakakaangat sa lipunan at mayroong kapangyarihan mamahala pero paano? Bakit?

Pinakatitigan ko si Maestra at kahit makitid ang utak niya minsan, hindi maaalis ang awtoridad at tapang sa mga mata niya na wari'y handang harapin ang anumang pagsubok o problemang kahaharapin niya. Noong una ko pa lang siya nakita ay alam kong hindi na siya basta-basta pero bakit? Ayoko man aminin pero ang tindig at dating niya ay maihahalintulad ko sa akin noong ako pa si Yvonne. Possible nga bang maging katulad niya ang tindig at katayuan ng mga kababaihan dito?

"Bukod dito, para kina Prinsesa Eliana at Prinsesa Sereia..." Pagbabalik naman ni Maestra sa usapan dahilan para magsalubong naman ang nga kilay ko at napaayos ng upo.

"Hindi pa ba tapos?" Inis kong tanong nang marinig ko pa ang pangalan ko. Paparusahan din ako? Biktima rin naman ako ah!

"Maaatasan kayong maglinis sa Bayan sa susunod na araw dahil sa ginawa niyong----"

"At bakit ko naman gagawin iyan?!" Malakas kong sigaw sa kanya para matigil siya sa sasabihin niya. Ako? Maglilinis? Sa bayan? Ha! Kalokohan! Bakit ko naman gagawin iyan?! Ako na ang biktima, paparusahan pa ako? Anong biro iyan?!

Napatigil naman si Maestra sa pagsigaw ko at naniningkit ang mga matang tinitigan ako. Tiningnan ko rin siya pabalik at parehas na kaming nagsusukatan ng talim ng titig hanggang sa una rin siyang nag-iwas. Ako pa ang lalabanan niya e pagdating sa titigan ako ang nananalo!

"Dahil hindi maitatanggi na may kasalanan ka rin Prinsesa Eliana. Binugbog mo ang mga kamag-aral mo, ganon din ang ginawa mo Prinsesa Sereia kay Kiara." Parang nauubusan ng pasensya niyang pahayag sa amin ni Sereia ngunit nanatiling nakasimangot lamang ako habang si Sereia ay parang wala lamang pakialam na nakatitig sa kawalan. Buti nga binugbog ko lang sila at isa pa, pagtatanggol ang tawag doon!

"Nakiusap na lang sa akin si Prinsipe Eryx na huwag masyadong pabigatin ang inyong mga parusa dahil may dahilan naman ang inyong ginawa at biktima rin lamang kayo ngunit hindi ko pa rin ito mapapalagpas." Dugtong pa ni Maestra dahilan para matigilan naman ako dito at mapalingon kay Eryx. Blangko lamang ang mga mata niya ngunit sinasalubong niya ang mga titig ko.

Tinulungan niya kami para mapagaan ang parusa namin? Dapat ba akong magpasalamat? Syempre hindi! Ayos lang sa akin maparusahan kami lalo na ako dahil dinawit ko lang naman si Sereia ng kahit anong kaparusahan pero ang hindi makulong sina Caitrionna sa kasalanang mas mabigat pa sa pagkakakulong ang parusa at manatiling nakakalaya ay hindi ko matatanggap. Kung ikukulong niya ang demonyita kong kapatid at sina Kiara, baka magpasalamat pa ako pero itong ginawa niya? Asa siya!

Saglit ko munang tinitigan ng masama si Eryx at parang nagbago ang ekspresyon ng mga mata niya mula sa blangko ay bigla itong nagtaka. Marahil ay naguguluhan siya kung bakit masama pa rin ako tumingin kahit tinulungan niya ako sa pinakawalang kuwentang paraan.

"Iyan lamang ang nais kong marinig ng lahat. Bueno, may katanungan pa ba kayo? Malinaw na ba sa inyo ang lahat?" Nagpapalit-palit ang tingin sa amin ni Maestra Zora ngunit salubong lamang ang kilay ko hanggang sa umayos ako ng pagkakaupo.

"Hindi. Hindi malinaw sa akin lahat." Nagbabanta kong pahayag dahilan para lahat sila ay nagtatakang napalingon sa akin maging si Maestra Zora na salubong na rin ang kilay.

"Prinsesa Eliana?" Nagtataka niyang tanong.

"Bakit hindi makukulong ang mga babaeng iyan?!" Galit kong sigaw habang nakaduro kina Caitrionna at Kiara na gulat naman sa pinahayag ko. Bakit hindi ko narinig ang pinakahihintay kong kaparusahan sa kanila? Bakit hindi sila nakulong?! "Dahil ba anak sila ng Duke? Ng Count? Ng Baron? Ng hari? Dahil ba dugong bughaw sila?" Sunod-sunod kong tanong kay Maestra ngunit nanatili lamang siyang tahimik at bahagyang gulat sa mga sinasabi ko. Bigla namang natakot sina Kiara sa tono ng boses ko habang si Caitrionna ay nagmamaldita lamang na nakatingin sa akin habang nakataas ang kanang kilay. Kaya pala kampante at tahimik lang ang babaeng ito dahil alam niya naman pala ang mangyayari sa kanya. Nakakapanginig laman!

"Hindi ko maintindihan ang sistema sa mundong ito kung ang buhay ba ng isang tao ay ganoon na lamang kadali palitan para hindi makulong ang mga may sala." Bawat salitang sinambit ko ay may diin at s

"Prinsesa Eliana, ganoon ang mangyayari sa kanila kung sakaling binawian ng buhay si---"

"Anong katarantaduhan iyan, Maestra Zora?!" Gigil ko pang sigaw sa kanya dahilan para tuluyang magulat si Maestra sa tono ng boses ko. Galit ako. Naiinis ako. Bakit ganyan kakitid ang utak niya sa mga ganitong bagay?! Kung ganyan ang sistema dito, bakit hindi siya magkaroon ng sariling desisyon?! Mahina!

"Eliana, huwag kang bastos sa Maestra!" Sigaw din sa akin ni Maestro pero hindi ko siya pinansin at marahas din akong tumayo at hinampas ang lamesa na masa harapan ni Maestra. Napatalon naman siya sa gulat dahil sa ginawa ko maging ang mga tao sa loob ay nagitla sa lakas ng pagkakahampas ko. Yumuko pa ako ng bahagya para makaharap ng mas malapitan si Maestra at matitigan ang mga takot at malihim niyang mga mata.

"Dahil hindi namatay si Aera?! Dahil. Hindi. Namatay. Si. Aera?! Ganoon ba iyon? Ibig sabihin, kailangan may mamatay muna bago may ikulong?! Ang intensyon niyang pumatay ng tao, ang ginawa niyang pagtarak ng tinik, hindi ba tangkang pagPATAY iyon?! Pagtatangka iyon sa buhay ng tao na kung hindi ikukulong ay maaari pang makapaminsala pero dito, hindi niyo sila ikukulong? Bakit? Dahil hindi pa namamatay si Aera?! Kagaguhan!" Madiin at gigil ko pang pahayag ngunit nanatili lamang siyang tahimik at hindi makapagsalita. Nakakamangha lamang na hindi niya pinuputol ang tingin niya sa mga mata ko na wari'y inaaral niya ang bawat emosyon na nandito.

"Eliana!" Sigaw muli sa akin ni Maestro at sa pagkakataong ito ay marahas ko siyang nilingon at dinuro.

"Manahimik ka, Maestro! Sasabihin ko kung ano ang gusto kong sabihin dahil karapatan ko iyon at isa pa, nagtanong siya hindi ba?! Sumasagot lang ako!" Inis ko pang pahayag sa kanya. Hindi naman siya agad nakasagot at kita ko pa sa mga mata niya na may nais pa siyang sabihin pero ibinalik ko ang tingin kay Maestra at umayos ng tayo.

"Hindi niyo na kailangan sumagot dahil alam ko naman ang dahilan.  Nahihiya kayong aminin dahil totoong hindi niyo sila kinulong dahil mga dugong bughaw." Malamig kong saad habang taas noo at nanlilisik ang mga mata ko kay Maestra Zora.

Nangibabaw naman ang katahimikan sa buong silid. Nanatiling tahimik si Maestra at Maestro maging si Eryx ay nakasandal lang sa kanyang upuan na wari'y nag-iisip ng malalim. Hindi ko na hinintay pang may magsalita dahil marahas akong tumalikod sa kanila at naglakad tungo sa pinto. Nasabi naman na nila ang kaparusahan ko. Tapos na ang layunin ko dito dahil nabigo na akong marinig ang pinakahihintay kong kaparusahan sa mga katulad nina Caitrionna.

"Eliana!" Dinig ko pang tawag sa akin ni Maestro kaya naman tumigil din ako sa paglalakad ngunit hindi siya ang nilingon ko kundi si Eryx na sa akin din pala nakatingin. Nilabanan ko ang mga titig niya ngunit ngayon sisiguraduhin kong dama niya ang pagkadismaya at galit ko.

"Baguhin mo ang sistemang ito, Eryx. Nakakadismaya at nakakahiya sa parte mo bilang pinuno na may pagpapahalaga 'kuno' sa hustisya." Madiin ko pang pahayag at hindi ko na tiningnan ang reaksyon niya dahil nasisiguro ko naman na inis lamang ang makikita ko doon at wala na akong pakialam.

Ano bang klaseng mundo ito?! Pang-bobo mag-isip ang mga tao, mga walang pagpapahalaga sa buhay! Nakakagigil! Konti na lang talaga...Konti na lang at...

"Ewan!" Inis ko pang pahayag sabay pasada ng suklay sa aking mahabang buhok dahil pagod na rin ang utak ko mag-isip.

Isinantabi ko na muna ang mga nangyari sa opisinang iyon dahil sumasakit lamang ang ulo ko kapag iniisip pa ang mga problemang nadagdag na naman sa walang kuwenta kong buhay. Masyado ng marami ang nangyari sa araw na ito at gusto ko na rin magpahinga.

Saktong paglabas ko naman ng opisina ay sumalubong sa akin ang mga kapatid ko na mukhang kanina pa naghihintay. Nakasandal lamang si Caedmon sa pader at nakakrus ang mga braso habang si Adelrick naman ay nakaupo sa upuan at nakayuko na parang malalim ang iniisip. Sabay naman silang napalingon sa akin ng lumabas ako at naunang lumapit si Adelrick. Anong ginagawa ng mga bugok dito?

"Eliana! Anong nangyari? Ayos ka lamang ba? Puro sugat ka na naman!" Sunod-suno na tanong sa akin ni Adelrick habang pinapasadahan ang kabuuan ko. Napatingin pa siya sa benda na nasa balikat ko at ang mga sugat at pasa na nasa mukha at buong katawan ko. Hindi ko naman siya sinagot at nanatiling blangko ang mukha ko habang sinasalubong ang blangko niyang mga mata.

Sandali pa niyang tiningnan ang kabuuan ko hanggang sa mapagtanto niyang wala rin naman akong balak sumagot sa kanya. Napabuntung hininga muna siya bago magsalita.

"Nalaman ko ang lahat..." Mahinang pahayag niya bakas ang pagkadismaya at lungkot sa boses at mga mata niya. Mukhang sinisisi na naman niya ang sarili niya dahil hindi niya agad napigilan ang ganitong klaseng pangyayari. E paano niya nga naman malalaman? Mas ahas pa sa ahas kung kumilos ng pataksil ang kapatid niya!

"Nasaan ang ate mo? Kakausapin ko si Caitrionna." Tiim bagang at may halong pagbabanta na pahayag ni Adelrick pero hindi ko pa rin siya sinasagot. Tinatamad na ako makipag-usap at gusto ko na lang talaga magpahinga.

"Eliana..." Pagtawag niya pa sa akin kaya naman inis ko siyang tiningnan at sinalubong muli ang mga nag-aalala at nagsusumamo niyang mga mata.

"Nasa loob! Bakit ba kasi kayo nandito?! Kung si Caitrionna ang pakay niyo, wag niyo na akong buwisit dahil nasa loob pa ang demonyo." Ubos pasensya kong pahayag kay Adelrick at kita ko naman na parang inaasahan na niya ang magiging sagot ko ngunit bahagya pa rin siya natigilan sa tono ng boses ko. Inis ko naman siyang inirapan saka nag-iwas ng tingin.

"Sinusundo ka namin, Eliana. Ihahatid ka na ni Caedmon sa dormitoryo mo at ako na ang bahala kay---"

"Wala akong pakialam! Hindi ko kailangan ng TANGApagsundo dahil hindi ako baldado!" Dugtong ko pa saka ako naglakad paalis pero agad din akong natigilan ng biglang gumalaw si Caedmon sa puwesto niya at humarang sa nilalakaran ko. Nanlilisik ang mga mata ko na nag-angat ng tingin sa kanya dahil matangkad ang bugok na ito.

"Ano namang kailangan mo?" Inis kong tanong sa kanya ngunit hindi siya agad sumagot. Malamig at blangko lamang ang mga mata niya na nakatingin sa akin wari'y binabasa niya kung ano ang iniisip ko. Nakipag-laban din naman ako ng titigan sa kanya pero ako rin ang unang umiwas dahil aminado ako na nakakaintimida ang mga tingin ni Caedmon kumpara kay Adelrick. Pakiramdam ko nababasa niya lahat ng naiisip ko at ayaw na ayaw ko ang ganoong klaseng tingin.

"Anong nangyari sa loob?" Bagamat mahinahon ay may himig ng panlalamig at pagbabanta ang boses ni Caedmon. Para bang sinisindak niya rin ako sa mga titig niya pero syempre hindi ako nagpatalo.

"Pakialam mo?" Pairap kong sagot sa kanya saka pinagkrus ang aking mga braso wari'y lalaban ako ng pakikipagmalditahan sa kanya.

"Tinatanong kita." Malamig na buwelta niya pa.

"Puwes ayokong sumagot." Pagtataray ko naman saka muli siyang inirapan. Bakit ba gusto niyang malaman?! Bakit hindi na lang nila itanong kay Caitrionna!

"Eliana." Nagbabantang pagsambit niya pa sa pangalan ko at ewan ko ba pero dama ko ang kilabot sa boses ni Caedmon at kapag hindi ako sumagot ay babangasan na niya ako.

"Hindi ako sasagot." Pero syempre, matigas ako. Bahala nga siya dyan.

Naglaban naman kami ng titigan ni Caedmon at naiirita talaga ako dahil bukod kay Eryx, siya lamang ang kayang-kaya lumaban sa nakakatakot kong mga mata. Bakit sila ganyan!

"Caedmon..." Pagtawag ni Adelrick sa kapatid kong bato dahilan para umiwas na rin ng tingin si Caedmon at salubong ang kilay na nilingon ang kanyang Kuya.

"Hayaan mo na si Eliana. Ihatid mo na lang siya sa dormitoryo niya dahil nasisiguro kong pagod na rin siya. Si Maestro na lang ang tanungin natin ukol dito." Mahinahon at wari'y pagsuko na rin na pahayag ni Adelrick kay Caedmon. Tinaasan ko naman ng kilay ang kapatid ko bilang pang-aasar. Oh ayan! Tumigil ka na raw sabi ng kapatid mong pakialamero.

"Tsk. Masyado mong kinukunsinti ang batang ito, Kuya." Inis ngunit malamig pa rin na pahayag ni Caedmon sabay tingin sa akin at binigyan din ako ng isang irap. Ewan ko pero napatanga ako dahil ikatlong beses na niya akong iniirapan at hindi ko iyon matanggap! At teka, anong tawag niya sa akin? Bata?!

"Anong bata?! Hoy, hindi ako bata! Para sabihin ko sa'yo,  bente--- este disi-sais na ako at mas matino pa ako mag-isip kaysa sa'yo!" Inis kong buwelta sa kanya. Tinaasan niya naman ako ng kilay bago sumagot. Aba't, minamalditahan niya na naman ako!

"E bakit ganyan ka umasta? Tinatanong ka ng maayos pero pinipilosopo mo ako. Daig ka pa ng bata na mas maayos kausap." Pang--aasar niya pa sa akin dahilan para mas lalong mag-init ang bunbunan ko sa inis. Hindi nga sabi ako bata! Parang tanga!

"E ayoko ngang magpaliwanag! Hindi naman ako obligado di ba?!"

"Obligado ka dahil nagtatanong ang kapatid mo." Buwelta ko pa na agad ko naman ikinaismid. Kailan pa naging obligasyon sa akin ang pagsagot ng tanong niya?!

"Puwes desisyon kong hindi magpaliwanag." Mataray kong pahayag saka ko siya nilagpasan. "Tsk. Alis nga diyan, babalik na ako ng dormitoryo ko!" Inis ko pang pahayag habang naglalakad palayo. Peste, ubos na ubos na ako sa araw na ito, mambubwisit pa si Caedmon. Wala na bang matinong tao sa mundong ito bukod kay Zephyr?

"Sige na, Caedmon, ihatid mo na si Eliana." Dinig ko pang utos ni Adelrick dahilan para muli akong mapatigil sa paglalakad at marahas na lumingon sa kanilang dalawa. Anong hatid-hatid?!

"Huwag na nga sabi e! Kaya ko ang sarili ko dahil nakakalakad naman ako! At isa pa, ayokong magpahatid dyan sa batong iyan." Duro ko pa kay Caedmon na blangko lamang nakatingin sa amin habang nakapamulsa at mayabang na nakatayo. Napakaangas talaga!

"At sino naman gusto mong maghatid sa'yo? Si Zephyr?" Dinig ko pang inis at sarkastikong singit ni Caedmon at ewan ko ba pero biglang kumalabog ang puso ko matapos marinig ang pangalan ni Zephyr. Bakit nasingit si Zephyr?! Ano bang pakialam niya sa amin?!

"A...Ano bang pinagsasabi mo dyan?! Bakit ako magpapahatid doon?" Inis at salubong ang kilay kong sagot at ewan ko ba pero gusto ko ng murahin ang sarili ko dahil hindi nakaligtas ang pagkautal ko dahilan para mas lalong magdilim ang mga mata ni Caedmon. Bakit ba siya nagagalit?! Siya ang nagsingit kay Zephyr sa usapan at hindi naman ako?!

"Bakit nga ba, Eliana?" Sarkastiko niya pang tanong at ayon sa tono niya para bang may hinuhuli siya sa akin. Maski mga mata ko pinag-aaralan niya at sana nag-iwas na lang ako ng tingin dahil hindi rin ako makasagot sa kanya.

"Huwag mo kong gaguhin." Matigas ko na lang na pahayag para hindi masyado halata na natigilan talaga ako sa tanong niya. Ang isyu nito! Wala naman namamagitan sa amin ni Zephyr.

Tatalikod na sana ako para layasan na ang bato kong kapatid ng may biglang magsalita na pamilyar na lalaki.

"Prinsesa Eliana..." Mahinahon ngunit bakas ang pag-aalala na pahayag ni Zephyr. Gulat ko naman siyang tiningnan ngunit kalmado lamang siyang nakatingin sa akin at tinitingnan ang mga sugat na natamo ko. Bakit siya nandito? Anong ginagawa niya dito?!

"Ikaw pala Prinsipe Zephyr!" Nakangiti at magalang na pahayag ni Adelrick saka bahagyang yumuko bago naglakad palapit sa kinatatayuan ni Zephyr.

Bigla naman akong natahimik at hindi malaman ang aking gagawin. Narinig kaya niya ang usapan namin ni Caedmon? Pero ano naman kung narinig niya. Wala naman ako dapat pakialam doon.

Nilingon ko naman saglit si Caedmon at kita ko sa ekspresyon niya ang pagkadisgusto habang nakatingin sa malayo at mukhang walang balak lingunin si Zephyr. Nakatiim bagang din siya at mas lalong nanlalamig ang mga mata niya. Ano na naman ang problema niya? Bakit ba kasi ang init ng ulo niya pagdating kay Zephyr?!

"Magandang gabi, Prinsipe Adelrick." Nakangiti at magalang na bati ni Zephyr sa kapatid ko saka marahang yumuko.

"Magandang gabi rin, Prinsipe Zephyr. Ano palang ginagawa mo dito?" Mahinahon at nakagiti rin na tanong sa kanya ni Adelrick. Sinulyapan naman ako ni Zephyr bago sumagot sa kapatid ko. Sino pa bang iba niyang pakay dito kundi ako lang naman di ba?! Alangan naman si Caitrionna e di kinalbo ko ang babaeng iyon.

"Ah...narinig ko mula kay Aspen ang nangyari kay Binibining Aera at---"

"Oh, bakit ka nandito? Hindi ito pagamutan." Pagpuputol naman ni Caedmon sa sinasabi niya dahilan para samaan ko naman ng tingin ang bato kong kapatid. Bakit ang epal niya? Ganyan ba talaga siya kainis kay Zephyr at ang bastos niya makipag-usap?!

Binalik ko naman ang tingin ko kay Zephyr at kasalukuyan siya ngayong nakikipagtagisan ng titig kay Caedmon. Para bang may namamagitang tensyon sa pagitan nila kahit kalmado lamang ang mga mata ni Zephyr at hindi man lang ito kababakasan ng angas o panghahamon. Kabaliktaran naman iyon ng mga mata ni Caedmon na bakas ang inis at pagkadisgusto sa kanya. Ano bang mayroon sa kanilang dalawa?!

"Nadalaw ko na si Binibining Aera, si Prinsesa Eliana sana ang sadya ko dito." Matapang na sagot ni Zephyr at ang mga mata niya ay diretso pa rin nakatingin sa kapatid ko. Pero mabilis niya rin itong inilipat sa akin at ginawaran ako ng isang matamis na ngiti. Napasimangot naman ako dito dahil pakiramdam ako ang kinakabahan sa ginagawa niya. Nararamdaman ko mula sa puwesto ko ang nagbabagang mga mata ni Caedmon bagama't wala siyang sinasabi ay alam kong hindi niya nagugustuhan ang pinapakitang pagngiti-ngiti sa akin ni Zephyr. Teka, kailan ko pa ba inintindi ang kinikilos ng kapatid ko? Ano ba naman iyan!

"Anong kailangan mo sa kapatid ko?"  Paepal naman na sagot ni Caedmon dahilan para sumingit na ako sa usapan niya. Siya ba ang hinahanap?!

"Teka nga, bakit ka ba nakikiepal? Ikaw ba hinahanap?" Mataray na tanong ko sa kanya pero malamig niya lamang akong tiningnan ng may salubong na mga kilay.

"Bakit ka nakikisingit? Ikaw ba ang kausap?" Pagtataray niya pa sa akin kaya napatanga na lang ako. Ang maldita niya!

"Tsk. Duon ka nga! Pakialamero!" Inis ko na lang na pangtataboy sa kanya at akmang hahakbang na sana ako palapit kay Zephyr ng bigla na naman siya magsalita. 

"Akala ko ba babalik ka na sa dormitoryo mo?" Kunot noong pahayag niya sa akin na may tono pang nagbabanta. Inirapan ko naman siya bago sumagot.

"E anong pakialam mo? Bawal na ba magbago isip ko?" Inis ko pang sagot sa kanya at di ko na siya hinintay pang sumagot dahil naglakad na ako palapit kay Zephyr. Bakit ba kasi nandito siya? Alam niya naman na ayaw sa kanya ng kapatid ko. Masyadong bida!

"Prinsesa Eliana, kumusta na ang---" Hindi na natuloy pa ni Zephyr ang sasabihin niya dahil bigla akong hinawakan ni Caedmon sa pulupulsuhan. Gulat ko naman siya na nilingon ngunit nakay Adelrick ang mga mata niya.

"Aalis na kami, Kuya." Paalam niya pa sa kapatid namin saka ako kinaladkad paalis. Duon lamang ako natauhan kaya agad akong pumalag ngunit humigpit lamang ang hawak niya sa akin.

"Hoy ano ba! Bitiwan mo nga ako! Hoy!" Inis ko pang sigaw sa kanya habang pinapalo ang kamay niya at sinusubukan makawala sa mahigpit niyang hawak pero hindi man lang ito lumuluwag! Sapakin ko kaya? Tsk. Ano bang problema niya at palagi na lang siya ganito kapag nandito si Zephyr!

Bigla naman siyang napahinto sa paglalakad saka muling humarap kay Zephyr na gulat lamang na nakatingin sa aming dalawa. Sumulyap pa siya sa akin ngunit muling ibinalik ang mga mata kay Caedmon.

"Umalis ka na at huwag ka ng lalapit sa kahit na sino sa mga kapatid ko, Zephyr, dahil sinasabi ko sa'yo, hindi mo magugustuhan kapag napuno ako." Matigas at malamig na pagbabanta ni Caedmon kay Zephyr na nananatili lamang kalmado at tahimik na nakatingin sa amin. Mukhang hindi naman siya apektado pero bago pa man siya makasulyap sa akin ay marahas na naman akong hinila ni Caedmon paalis. Nilingon ko na lang siya habang sinusubukang pumalag kay Caedmon at tanging pagkaway na lang ang naisukli niya sa akin. Punyeta naman!

"Ano ba, Caedmon! Bitiwan mo sabi ako!" Gigil ko ng sigaw sa kanya pero hindi man lang siya natinag at tuloy-tuloy pa rin sa paglalakad. Bingi ba siya o sinasadya niya talaga?!

"Masakit ang pilay ko ano ba! Bitaw sabi!" Pagdadahilan ko na lang sa pag-asang maniniwala siya pero hindi niya pa rin ako nililingon.

"Nasa kanan ang pilay mo, kaliwa ang hawak ko. Sinungaling." Malamig niyang pahayag dahilan para mapasimangot naman ako. Ang galing niya! Grabe.

"Gago ka e! Bitiwan mo sabi ako! Ano bang problema mo kay Zephyr at ganyan ka na lang makaasta sa kanya?!" Pagpupumiglas ko pa sa kanya pero dire-diretso pa rin siya sa pagkaladkad sa akin.

"Wala." Tipid at tamad niyang sagot. Sinungaling! 

"Anong wala?! Huwag mo nga akong ginagago! Palagi ka na lang nag-aalburoto kapag nandyan si Zephyr. Mag-kaaway ba ---" Hindi ko na natuloy pa ang sinasabi ko dahil bigla niyang binitiwan ang pulu-pulsuhan ko sabay marahas na humarap sa akin ng may nanlalamig na mga mata. Muntik pa akong mapaatras dito pero nanatili akong matapang at sinalubong ang tingin niya.

"Hindi ba sinabi ko na sa'yong huwag ka ng lalapit sa lalaking iyon?" Tiim bagang niyang tanong sa akin. Bagama't kalmado at malamig ang boses niya ay hindi pa rin naaalis sa tono nito ang inis at pagbabanta.

"Bulag ka ba?! Ako ba ang lumapit? Kita mong siya ang nagpunta doon di ba?!"

"Hindi ka pupuntahan ng lalaking iyon kung hindi kayo malapit sa isa't isa." Pangangatwiran niya pa dahilan para mapairap naman ako.

"Pakialam mo ba kung magkaibigan kami?!" Buwelta ko naman. Oo na, hindi ko na itatanggi na kaibigan ko ang unggoy na iyon dahil para saan pa ang pag-iinarte ko sa ulan kung magsisinungaling din naman ako sa sarili ko.

Nangunot naman ang noo ni Caedmon sa sinabi ko at halata talaga sa mukha niya na hindi niya ito nagustuhan.

"At kailan ka pa natutong makipagkaibigan?" Naghihinala niyang tanong. Inismiran ko naman siya bago ako sumagot.

"Pakialam mo?! Tsk! Huwag mong pakialaman ang buhay ko, Caedmon, dahil hindi ako natutuwa sa ginagawa mo."

"Wala naman akong pakialam kung matuwa ka o hindi basta sumunod ka sa sinabi ko." Pagmamatigas niya pa at literal na napanganga ako sa kakapalan ng mukha niya. Ganyan ba talaga kataas ang kumpiyansa niya sa sarili?!

"Ayoko!" Matigas kong pahayag. Bakit ako susunod sa kanya?!

"Layuan mo ang lalaking iyon."

"Hindi ko inuulit ang sinasabi ko. Alam mo na ang sagot ko dyan." Pagmamatigas ko muli. Hindi naman siya agad sumagot hanggang sa mangunot ng todo ang noo niya at bahagyang yumuko upang mapantayan ako.

"May gusto ka ba sa kanya?" Sarkastiko at naghihinalang tanong niya. Natigilan naman ako dito at bahagya pang nanlaki ang mga mata ko pero mabilis din akong sumagot para hindi niya mahalata na natigilan ako.

"Wala!" Sigaw ko pa.

"Sigurado ka?" Taas kilay niyang pahayag at ewan ko ba kapag kung bakit pero naiinis talaga ako kapag tinataasan niya ako ng kilay. Ang maldita niya pero bagay sa kanya! Lalaking-lalaki pa rin ang dating ni Caedmon at mas nagmumukha lang siyang masungit! Nasaan ang hustisya?!

"Oo! Ano ba! Ang isyu mo naman!"

"Hangga't maaga pa, Eliana, itigil mo na ang pantasya mo." Mataray niyang pahayag. Nagsalubong naman agad ang kilay ko at naniningkit ang mga mata na binalingan siya.

"Pinagsasabi mo?! Anong pantasya? Baka ikaw ang nagpapantasya dyan dahil kung anu-anong kapraningan ang iniisip mo!" Asar ko pa sa kanya pero inilingan niya lang ako na para bang nadidismaya siya sa akin.

"Hindi makakabuti sa'yo ang lalaking iyon." Muli niyang paalala na hindi pa rin nagbabago ang panlalamig ng boses niya.

"Bakit?! Magkaibigan lang naman kami. Ang dami mo nang satsat!" Ang isyu niya! Nakakainis!

"Lumayo ka sa kanya. Tapos."

"Tingin mo ba susunod ako dyan sa kagustuhan mo?!"

"Oo." Taas noo at mayabang niya oang sagot na muli kong ikinaismid.

"Ha! Ano ako tanga?!" Pagtataray ko sa kanya pero ngumisi lang siya ng nakakaloko at agad din bumalik sa batong ekspresyon ang mukha niya.

"Magiging ganyan ka na kapag nagmatigas ka pa." Malamig niyang pahayag pero hindi niya ako binabantaan dahil parang suguradong-sigurado siya sa sinasabi niya. Siraulo talaga!

"Aba't, ano bang sinasabi mo---" Hindi ko na naman natuloy ang sinasabi ko dahil tinalikuran niya ako. Ang bastos niya kausap. Hayop!

"Manahimik ka na at bilisan mong maglakad. Inaantok na ako." Tamad niyang pahayag at hindi man lang ako hinintay makasagot dahil iniwan na niya ako sa kinatatayuan ko at nauna nang naglakad paalis.

Napapadyak na lang tuloy ako sa inis saka buwisit na buwisit na sinundan ang bato kong kapatid.

-----

- ERYX -

HATINGGABI na ngunit abala pa rin si Eryx sa pagbabasa ng mga aklat ukol sa mga batas politika. Saglit niyang tinanggal ang suot na salamin at marahang hinilot ang tungki ng ilong dahil sa pagod na nararamdaman. Magmula ng umalis siya sa opisina ni Maestra Zora ay dumiretso na siya sa kanyang opisina at nagsimulang magbasa ng mga libro ukol sa batas. Hindi niya maamin sa sarili na tumatak sa isipan niya ang sinabi ni Eliana kanina bago ito umalis ng opisina.

Baguhin mo ang sistemang ito, Eryx. Nakakadismaya at nakakahiya sa parte mo bilang pinuno na may pagpapahalaga 'kuno' sa hustisya

Alam niya sa sarili niya na sarkastiko ang pahayag nito at nasisiguro niyang hinuhusgahan na siya ng prinsesa sa kakayahan niyang mamuno ng isang kaharian. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya napagsalitaan ng ganoon at hindi niya mapagkakaila na maging siya, kinuwestyon niya na rin ang kanyang kakayahan bilang pinuno na wala rin halos magawa sa mga patarakang ipinatutupad ng sistema sa mundong ito - ang mga patakaran na mismong mga ninuno nila ang gumawa at nakataga na sa kultura, politika, at pamumuhay sa mundong ito na bagama't kakikitaan ng mga kamalian at diskriminasyon ay hindi niya rin magawan ng aksyon.

Nasa kalagitnaan naman siya ng pag-iisip ng marinig niya ang katok mula sa pinto na nasisiguro niyang si Estevan.

"Mahal na Prinsipe, dinalhan kita ng kape." Saad pa nito mula sa labas.

"Pasok." Kalmado namang saad ni Eryx saka muling sinuot ang kanyang salamin.

Marahan naman bumukas ang pintuan at maingat na pumasok ang nakapantulog na si Estevan dala ang tray na naglalaman ng Kape at ilang biskwit. May karagdagan din itong mga libro na dala na hinanap niya pa sa aklatan upang makatulong sa prinsipe. Yumuko naman siya saglit sa prinsipe bilang paggalang at tanging pagtango lamang ang sagot ni Eryx.

"Dito mo na lang ilagay, Estevan. Iinumin ko na rin iyan maya-maya, Salamat." Turo ni Eryx sa lamesa sa gilid dahil puno na rin ng libro ang lamesa sa kanyang harapan. Sinunod naman ito ni Estevan habang sinusulyapan ang Prinsipe na abala pa rin sa pagbabasa ng isang makapal na libro.

"Hindi pa po ba kayo matutulog, mahal na prinsipe?" Nag-aalalang tanong ni Estevan matapos mailagay ang tray sa lamesa. Nilingon naman siya ni Eryx bago sumagot.

"Mamaya na lang siguro. Gusto ko tapusin ang isang Kabanata nito." Taas pa niya sa libro na binabasa. Napabuntung-hininga naman si Estevan dito.

"Kung hindi niyo mamasamain ang aking katanungan pero, bakit niyo po ba naisipang magbasa ng ganitong oras? May bumagabag ba sa isipan mo, Prinsipe Eryx?" Nagtatakang tanong ni Estevan dito. Hindi naman na bago sa kanya ang pagpupuyat ng prinsipe pero iyon ay dahil sa mga papeles na pinipirmahan ngunit ngayon ay nagbabasa ito ng libro patungkol sa mga batas.

Napatigil naman si Eryx sa pagbabasa saka muling nag-angat ng tingin at napabuga na lamang ng hangin wari'y pagod na ito.

"Hindi naman bumabagabag ng todo pero, napapaisip ako." Makahulugang sagot naman nito habang inaalala na naman ang mga sinabi ni Eliana at nadagdagan pa ang kanyang isipin ng mga suliranin ngayon sa Elior.

"Tungkol saan po ba iyan? Baka matulungan kita." Pagpiprisinta naman ni Estevan sabay ayos ng tayo upang hindi ito mangawit sa pakikipag-usap.

"Tingin mo ba, Estevan, karapat-dapat ako maging susunod na hari ng mundong ito?" Bagama't nag-aalinlangan magtanong ay hindi na rin naman ito kinikimkim pa ni Eryx dahil hindi na rin naman iba sa kanya si Estevan. Wala rin naman pag-aalinlangan ma sumagot ang binata ng may ngiti sa labi.

"Aba syempre naman! Matalino ka mahal na prinsipe, masipag, mabait, matapang, lahat na ata ng 'M' nasa iyo na kahit ang pagiging magandang lalaki." Pagbibiro pa nito na bahagyang ikinatawa ni Eryx.

"Binobola mo naman ako, Estevan." Iiling-iling na pahayag nito habang tinatanggal ang salamin at hinihilot ang batok na nangangalay na.

"Biro lamang mahal na prinsipe. Pero totoo ang sinabi ko na karapat-dapat kang maging susunod na hari ng mundong ito. Sa nakikita ko pa lang na pagsisikap at pagpupursigi mo, tiyak ko na mahihigitan mo pa ang nagawa mg iyong ama." Determinado at makahulugang pahayag nito. Bakas din naman sa mga mata ni Estevan ang sinseridad dahil palagi naman siya kasama ni Eryx at walang salita ang makakapaglarawan kung gaano kasipag ang prinsipe at kung gaano nito kamahal ang kanyang nasasakupan.

"Pero pakiramdam ko, kahit ako ang susunod na hari, wala pa rin akong kapangyarihan sa mundong ito." Mahinahon ngunit may himig ng lungkot na pahayag ni Eryx dito. Nangunot naman ang noo ni Estevan sa tinuran nito.

"Baka masyado lang kayong nag-iisip, mahal na prinsipe." Makahulugang pahayag ni Estevan sa kanya dahilan para muli siyang lingunin ni Eryx ng may naguguluhang mga mata.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ganito kasi iyan mahal na prinsipe, bata ka pa lamang kung tutuusin at ang iyong ama pa rin ang kasalukuyang namumuno dito. Natural lamang na wala ka pa talagang malakas na impluwensya sa iyong nasasakupan dahil hinahanda ka pa lamang bago mo ito tuluyang pamunuan." Mahabang paliwanag ni Estevan sa kanya ngunit nanatiling tahimik at nag-iisip lamang si Eryx.

"Huwag kang mag-alala, Mahal na Prinsipe! Baka kaya nararamdaman mo iyan dahil marami ka nang napapansin sa mundong ito at nais mo na agad iyon baguhin. Huwag ka po magmadali dahil mas mabuting inaalam mo muna kung anong nasa paligid mo bago mo pamunuan ang mundo. Lahat naman ng bagay nagsisimula sa maliit at paisa-isang hakbangin at balang araw, maabot mo rin kung anong klaseng pagkatao ang nais mo maging o kung anong klaseng mundo ang pinlano mo para sa Elior." Nakangiting pahayag sa kanya ni Estevan dahilan para matigilan naman si Eryx dito.

Siguro nga ay tama siya. Marami na nga talaga siyang napapansin at nakakadagdag pa ang mga salita ni Eliana para mas lalo siyang mamulat sa sistema na mayroon ang mundo nila. Sinanay siya simula pagkabata na lahat ng bagay ay kailangan nasa ayos kaagad at kinakailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya para maplantsa ang gusot na mamamataan niya agad. Nagmamadali na rin siguro siya pamunuan ang kaharian ng Elior dahil ito lamang ang tanging paraan niya upang maayos ang sistema ng mundong ito gayong dapat niya pala munang simulan sa sarili niya at sa mga bagay na abot-kamay niya muna.

"Salamat, Estevan. Mas magiging magaling ka pa atang pinuno sa akin dahil sa galing mo magbigay ng payo." Pagbibiro pa ni Eryx sa binata na agad naman ikinatawa ng malakas ni Estevan.

"Hindi naman! Kasabay lang talaga kita lumaki kaya kilalang-kilala na kita. Sanay ka ng pinagdududahan ang sarili mo kahit alam mo naman na nagsisimula ka pa lamang at natural lamang ang kamalian." Makahulugan muli nitong sagot na ikinatango naman ni Eryx. Bahagya na rin siyang nalinawan sa mga sinasabi nito at hindi siya nagsisi na ipinaalam ito kay Estevan.

"Siguro nga, masyado talaga akong nag-aalala. Kakaiba talaga magsalita ang babaeng iyon." Wala sa sariling naibulalas ni Eryx ngunig huli na ng mapagtanto niya iyon dahil mabilis agad nagbigay ng reaksyon si Estevan.

"Babae?! Pinagsalitaan ka ng isang babae?! Tungkol saan naman iyan, Mahal na Prinsipe?!" Gulat na bulalas ni Estevan dahil ito pa lang ata ang ikalawang beses na may nasabi ang prinsipe na patungkol sa isang babae. Ang una ay noong may kakaiba itong tinanong tungkol sa pakikipagtalik. May babae bang gumugulo kay Eryx o may napapansin bang babae ang prinsipe na kilala niyang ilag sa mga kababaihan?

"Wala. Sige na, Estevan, magpahinga ka na." Iiling-iling na depensa naman ni Eryx ngunit hindi nakaligtas kay Estevan ang marahang pamumula ng tenga nito na mas lalong nagpausbong sa hinala ni Estevan.

"Kaya ka ba nagkakaganito dahil may nasabi sa'yong hindi maganda ang isang babae?" Naghihinala na tanong ni Estevan dito habang nang-aasar pang tinitingnan si Eryx.

"Hindi..." Seryosong pagtanggi ni Eryx ngunit hindi mapakali ang mga mata nito hudyat na nagsisinungaling ito. Lalo naman lumako ang ngisi ni Estevan dahil dito. Dumating na rin ang araw na may babaeng nakaagaw ng pansin sa batong prinsipe! Maisisingit na rin niya sa pang-aasar kay Eryx ang babaeng ito kahit hindi pa naman niya tukoy kung sino ito.

"Sus! Kilala kita Prinsipe Eryx! Sino naman iyang babaeng pinagsalitaan ka ng kung ano at napabasa ka agad ng mga batas." Mapang-asar na pahayag ni Estevan dito ngunit hindi naman siya nililingon ni Eryx at kalmado kunwaring isinasara at nililigpit ang mga libro.

"Tumigil ka na, Estevan. Wala nga iyon." Kunwari'y nagsusungit na pahayag ni Eryx pero ang totoo ay hindi talaga siya sanay na inaasar sa isang babae.

"Tsk. Malalaman ko rin iyan pagdating ng panahon." Bulong na lang ni Estevan na ikinailing naman ni Eryx.

"Matulog ka na, Estevan."

"Oh basta mahal na prinsipe, huwag ka masyado magpuyat dahil nakakapangit iyan." Bilin pa nito habang naglalakad na rin palabas ng kanyang opisina.

"Oo na." Iiling-iling naman na pahayag ni Eryx at nagpapasalamat na rin siya at hindi na nakipag-asaran pa si Estevan dahil wala na siyang enerhiya depensahan ang sarili dahil sa antok. Ngunit muli niyang tinawag si Estevan ng may maalala itong katanungan.

"Estevan..."

"Bakit mahal na prinsipe?" Lingon naman ng kanyang kanang kamay.

"Susuportahan mo ba ako kapag binago ko ang sistema sa mundong ito oras na maupo ako sa trono?" Makahulugan at seryosong tanong ni Eryx kay Estevan. Umayos naman ng tayo ang binata at bahagyang yumuko sa prinsipe bilang paggalang.

"Kahit ano pang gawin mo mahal na prinsipe, susuportahan kita, namin, dahil kaibigan at kakampi mo kami at may tiwala kami sa kakayahan at talino mo pamunuan ang kahariang ito." Sinserong pahayag naman ni Estevan dito at sapat na iyon para kahit papaano'y madagdagan ang tiwala ni Eryx sa kanyang sarili.

"Salamat..." Ipinapangako niya na pagpupursigihin niya pa ang paghubog sa kanyang sarili bilang mabuting tao at magaling na pinuno dahil alam niyang may mga taong nagtitiwala sa kanya ng buo.

----- ●

ELIANA'S POV

NAGPAPASALAMAT ako dahil hindi na masyado masakit ang pangangatawan ko kahit na kahapon ay halos bugbog sarado talaga ako. Marahil ay kumpleto ang tulog ko at maganda ang gising ko kaya ganito kagaan ang aking pakiramdam.

Kasalukuyan ako ngayon patungo sa pagamutan upang tingnan kung humihinga pa si Aera. Wala rin akong klase ngayong araw dahil nagpatawag daw ng pagtitipon si Maestra Zora sa lahat ng Maestra at Maestro sa akademya matapos ng nangyarimg kaguluhan sa amin kahapon. Mukhang mas hihigpitan na niya ang seguridad sa akademya at ang pagtuturo ng kabutihang asal sa mga mag-aaral.

Nasa bungad na ako ng pagamutan ng makita ko ang isang pamilyar na lalaki na naglalakad palapit sa akin. Nagbabasa na naman siya ng libro ngunit mukhang naramdaman niya na may nakatingin sa kanya kaya agad siyang nag-angat ng tingin at nagtama ang mga mata namin. Tinaasan ko naman siya ng kulay habang siya naman ay sinuklian ako ng isang matamis na ngiti. Kumpleto na ang araw ko, ano ba iyan.

"Magandang umaga, Prinsesa Eliana." Mahinahon at may ngiti sa labi na bati ni Zephyr. Inirapan ko naman siya bilang tugon.

"Anong ginagawa mo dito?" Pagtataray ko naman sa kanya pero ang totoo ay natutuwa naman ako na nakita ko ang pagmumukha niya ngayong araw matapos ng nangyaring kabaliwan ni Caedmon kagabi.

"Bibisitahin ko sana si Binibining Aera bago ako pumasok sa aking klase. Ikaw din ba?"

"Tss. Tara na." Pag-aya ko na lang sa kanya dahil wala rin naman akong masabing dispensa matapos niya mapahiya kagabi kay Caedmon. Hindi uso sa akin ang humihingi ng tawad.

"Kumusta ka na pala?" Kalmado at kaswal niyang tanong sa akin habang magkatabi kaming naglalakad papasok sa pagamutan. Saglit ko naman siyang nilingon bago sumagot.

"Buhay pa naman" Kaswal ko pa rin na sagot sa kanya na bahagya niya naman ikinatawa. Nakakatawa ba iyon?

"Ang ibig kong sabihin ay ang pakiramdam mo, ang mga sugat mo, masakit pa rin ba?" Napalingon naman ako sa kanya dahil sa tono ng boses niya at hindi nga ako nagkamali sa emosyong nakikita ko sa mga mata niya. Nag-aalala na naman siya sa akin. Bakit ba palagi siyang nag-aalala?

"Hindi na. Puwede ko na ngang mapatay si Kiara." Sarkastikong pahayag ko ngunit nakakapagtaka na hindi siya tumawa tulad ng kadalasan niyang sagot. Napalingon naman ako sa kanya at natigilan ako ng makita ang pagsisisi sa kanyang mga mata.

"Patawarin mo ako, Prinsesa Eliana." Malungkot niyang pahayag habang diretsong nakatitig sa mga mata ko.

"Ha?" Naguguluhan kong tanong sa kanya. Anong problema niya? Hindi ba ako ang dapat humingi ng tawad dahil binastos siya ng gunggong na si Caedmon?

"Ipinangako ko sa'yo na poprotektahan kita pero nabigo ako. Hindi ko alam ang nangyari at nagagalit ako sa sarili ko dahil kasalanan ko na hindi ko man lamang naramdaman ang masamang bagay na iyon na---"

"Manghuhula ka ba?" Mabilis akong sumingit sa pagsasalita niya. Sinasabi ko na nga ba at sisisihin na naman niya ang sarili niya. Kaya rin siguro niya ako pinuntahan kagabi upang kausapin ukol dito.

"Ha?" Natigilan naman siya sa tanong ko at naguguluhan akong tiningnan.

"Hindi ko inuulit ang sinasabi ko." Pairap kong sagot habang nakakrus ang aking mga braso. Tumigil na rin kami sa paglalakad at nanatiling magkaharap sa may gilid ng pasilyo. Maaga pa naman kaya wala pa masyadong mag-aaral o tao sa pagamutan kaya ayos lang na magkaroon kami ng eksena dito. Wala rin naman akong pakialam sa opinyon ng iba kung huhusgahan nila ako na kasama si Zephyr.

"Hindi." Agaran niya rin sagot. Tamo, narinig naman pala.

"Oh? E bakit sinisisi mo sarili mo? Hindi ka naman pala manghuhula kaya paano mo malalaman na mangyayari ang bagay na iyon." Kaswal kong sagot sa kanya at kita ko naman na natigilan siya sa sinabi ko at napaisip. Para siyang tanga. Gwapo pa naman kaso parang ewan din itong si Zephyr.

"Pero---"

"Hindi ba sinabi ko sa'yo na huwag mong akuin ang kasalanan ng iba? Ano ka ba? Alkansya?" May himig ng inis na pahayag ko sa kanya dahil mukhang pipilit na naman niyang akuin ang kasalanan ni Kiara.

"Hindi. Bakit mo naman ako kinumpara sa alkansya?" Inosente niyang tanong sa akin dahilan para mapairap naman ako sa kawalan.

"Hilig mo mag-ipon e. Mag-ipon ng kasalanan. Baka maging makasalanan ka nyan kakaipon mo, dahan-dahanin mo lang." Sarkastikong pahayag ko pero ilang sandali lang ay napangiti rin siya sa paliwanag ko. Bakit? Totoo naman ah! Kung may katulad ni Caitrionna na ayaw umako ng kasalanan, siya naman, kuha ng kuha. Parang mga ewan. 

"Prinsesa Eliana naman..." Nakangiti at iiling-iling niya naman na pahayag pero inismiran ko lang siya. Huwag niya akong ngitian ng ngitian dahil kinikilig talaga ako.

"Huwag mong aakuin ang kasalanan ni Kiara dahil kanya iyon, naiintindihan mo? At isa pa, kung nakokonsensya ka talaga dahil sa nangyari sa amin ni Aera, isa lang ang puwede mong magawa para makabawi." Makahulugang pahayag ko habang mataman siyang tinitingnan. Bigla namang naging seryoso at determinado ang mga mata niya.

"Ano iyon?" Puno ng kuryosidad na tanong niya. Bahagya naman akong tumingkayad para makalapit sa tenga at agad kong naamoy ang natural na amoy ng Mint sa kuwelyo niya dahil punyeta ang tatangkad ng mga lalaki sa mundong ito.

"Ipakulong mo ang mga babaeng iyon." Seryoso at may diin kong pahayag ngunit hindi pa man ako nakakaayos ng tayo ay mabilis na siyang sumagot sa akin na ikinatigil ko naman.

"Gagawin ko." Seryoso at determinadong sagot niya habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. Hindi naman ako agad nakasagot at saglit din na tumitig sa mga mata na wari'y inaaral kong sinsero ba ang pahayag niya.

"Bilis mo naman sumagot." Natatawa ko namang pahayag ng matiyak na seryoso mga siya sa sinasabi niya. Buti mabilis siya kausap. Dagdag puntos iyan sa kaguwapuhan niya!

"Dahil iyon ang nakikita kong tama at naaangkop na kaparusahan sa ginawa nina Binibining Kiara. Buhay ng nasasakupan ko ang inilagay nila sa panganib at hindi ko mapapalampas iyon." Seryosong pahayag niya sa akin at ewan ko ba pero kusang gumuhit ang isang kuntentong ngiti sa aking labi. Gusto ko ang sagot niya! Kung may korona lang ako dito ay ipapatong ko na ito sa kanya. Sana ganyan ka rin mag-isip, Eryx! Hindi iyong puro pagsusungit ka sa akin! Buwisit!

Kita ko naman na natigilan siya at napatitig sa akin ngunit sinuklian niya rin ako ng ngiti. Ano ba! Ang aga-aga nagngingitian kami dito parang mga ewan.

"Buti naman tumatalino ka na." Pang-aasar ko na lang sa kanya sabay iwas ng tingin dahil pakiramdam ko namumula na naman ang pisngi ko.

"At isa pa, hindi ko sila mapapatawad sa ginawa nilang paglagay sa panganib ng buhay mo." Seryosong dagdag pa niya dahilan para manlaki ang mga mata ko sa kilig este sa gulat. Bakit nasama na naman ako?

"Aga mo naman bumanat." Asar ko na lang dahil masyado siyang seryoso sa usapan namin at siningit na naman niya ako.

"Pero seryoso ako, Prinsesa Eliana. Hindi ko nais makita na ganito na naman ang hitsura mo, na puro ka na naman galos, sugat, pasa, na sinaktan ka na naman." Bakas ang tono ng sinseridad at pag-aalala sa mga mata niya dahilan para lumagabog na naman ng todo ang puso ko. Huwag siyang ganyan magsalita dahil baka iba ang maisip ko.

"Kikiligin na ba ako? Tumigil ka na nga---" Asar ko pa sana pero pinutol niya rin ang sinasabi ko. Aba, namimihasa na siya sa pagputol sa mga sinasabi ko.

"Hayaan mo na akong protektahan ka, Prinsesa Eliana, dahil gagawin ko ang lahat mailayo ka lamang sa kapahakaman." Sinserong pahayag niya pa at ewan ko ba pero dama ko na talaga ang pamamawis ng palad ko at ang pagdagundong ng puso ko.

"Bakit mo sinasabi iyan? Sabog ka ba?" Depensa ko muli. Kaibigan niya lang ako. Magkaibigan lang kami. Pero ganiyan ba dapat mag-isip ang magkaibigan dito? Hindi naman di ba?!

Akmamg sasagot na sana siya sa akin ng may biglang magsalita sa tabi namin.

"Zephyr? Prinsesa Eliana?" Nagtatakang tanong sa amin ni Aspen dahilan para sabay namin siyang lingunin ni Zephyr. Bigla rin akong napaatras dahil malapit pala kami masyado sa isa't isa.

"Magandang umaga, Aspen." Paunang bati ni Zephyr sa kanya dahil nagtataka pa rin na nakatingin sa amin si Aspen. Inirapan ko naman siya ng magtama ang mga mata namin dahil ang epal niya! Sinira niya ang dapat sanang magandang pagkakataon!

"Ah! Magandang umaga, Zephyr, Prinsesa Eliana. Ano palang ginagawa niyo dito?" Nagtatakang tanong niya pa rin sa amin ngunit hindi tulad kanina na nang-uusisa ang mga mata niya dahil ngayon ay bumalik na ulit ito sa pagiging inosente.

"Hindi ba dapat ako ang nagtatanong nyan? Anong ginagawa mo dito? May dadalawin ka rin ba?" Makahulugan at may himig ng pang-aasar na tanong sa kanya ni Zephyr. Napataas din ang kilay ko ng mapagtanto ko kung ano ang ibig sabihin ng mapang-asar na tanong na iyan.

"Ah...dadalawin ko sana si Binibining Aera." Tipid at nahihiyang pahayag ni Aspen dahilan para mas lalong mapataas ang kilay ko.

May namamagitan ba sa kanila? Pero ang isyu ko naman masyado kung ganyan ako mag-isip. Baka magkaibigan lang naman sila. Oo, baka magkaibigan nga lang pero ano nga bang pakialam ko sa buhay pag-ibig ni Aera?! Iyong akin nga gulong-gulo na ako tapos poproblemahin ko pa yung kanya.

----- ●

AUTHOR'S NOTE:

HAPPY 50k reads sa story na ito! Sending hugs and kisses sa lahat ng readers huhu more power sa atin at sana hanggang dulo kasama ko pa rin kayo. Magtiwala lang kayo sa story dahil hindi kayo bibiguin nito. Maraming salamat! ❤❤

Continue Reading

You'll Also Like

1.2M 53.9K 87
[Villainess Series 01: Ellesmeere] One day, I got into an accident, remember my past and reincarnated in the novel as the villainess who got her bitt...
64.3K 2.1K 34
Highest Rank on WP: #5 in undead😉 Mula sa normal na pamumuhay, naging masalimuot kinabukasan. Na sa isang iglap. Lahat ng kinaadikan mo ay mangyayar...
90.7K 2.4K 51
A complete story Marrying a man that you didn't love? Would you accept him? Me? No, that's why I leave my own kingdom and live with a normal life. Wi...
803K 51K 68
Book 2 of Reincarnated as the Seventh Princess (Trilogy) READING THE FIRST SEASON IS A MUST❗ Language: Filipino Genre: Fantasy | Romance | Action | R...