This World Where You Exist

By elisestrella

5K 331 225

ON HOLD --- Isang author na may writer's block. Isang diwatang fangirl. Isang magic notebook na nagdala kay... More

ikalawang kabanata
ikatlong kabanata
ika-apat na kabanata
ikalimang kabanata
ika-anim na kabanata
ika-pitong kabanata
ikawalong kabanata
ikasiyam na kabanata

unang kabanata

1.6K 56 27
By elisestrella

"To survive, you must tell stories."
Umberto Eco, The Island of the Day Before

Nanatiling nakabaling sa labas ng bintana si Rosario habang inaayos ng kanyang alalay na si Bising ang kanyang buhok. Malamlam ang sinag ng araw na naglalaro sa kristal na palamuting nakasabit sa bintana ng kanyang silid at nagsasaboy iyon ng maliliit na mga bahaghari sa makintab na sahig na gawa sa kahoy.

Ikinilos niya ang isang paa hanggang sa nasinagan ng isa sa mga bahagharing iyon ang kanyang mga daliri.

Alam ng dalaga na magiging maganda ang araw. Malinaw iyon sa kanyang pakiramdam. Siguro dahil nagbabadya ang magandang panahon sa labas ng kanyang bintana. O dahil nadarama na niyang magtatapat na ng pag-ibig ang kanyang si Francisco at na hihingin na nito ang kanyang kamay mula sa kanyang ama.

Lumukso ang kanyang puso sa kaisipan na iyon na nagdulot ng matinding ligaya.

Ang kanyang si Francisco...

Nang bumulong si Bising sa kanya na maayos na ang pagkakapusod ng kanyang buhok, nagpasalamat si Rosario at siya ay tumayo na. Pinagmasdan niya ang pagkaka-ayos ng kanyang baro't saya at sinigurong hindi nakikita ang kanyang paa mula sa laylayan ng kanyang palda. Matapos ay tinanggap na niya ang abaniko na iniabot ni Bising sa kanya.

Kung siya lamang ang naroon at tiyak niyang walang nagmamasid, baka tinakbo ni Rosario ang hagdan sa kagustuhang agad na masilayan si Francisco. Ngunit dahil alam niyang naghihintay rin sa ibaba ang kanyang mga magulang, pinilit ni Rosario na bagalan ang kanyang mga hakbang. Nang marating niya ang hagdan, napahinto siya sa paglalakad sapagkat agad niyang namataan ang lalaking nagmamay-ari ng kanyang puso. Naroon na sa ibaba si Francisco, napakaguwapo at napakakisig sa suot nitong barong, at nakatingin na sa kanya na tila ba hinihintay nito ang kanyang pagdating.

Nagtama ang kanilang mga paningin at sabay na namutawi sa kanilang mga labi ang mahiyaing mga ngiti. Huminto ang oras para sa kanilang dalawa at ang naroon lamang para kay Rosario ay si Franciso.

Ang kanyang si Francisco.

"Aww, shet, ano ba? Puro sa iyong si Francisco ka naman! Sige na, sa 'yo na!", gigil kong bulong sa sarili ko habang nakatingin sa screen ng laptop. Hindi ko na alam. Three weeks na akong ganito. Three weeks na akong tigang, tuyo at uninspired. Sa loob ng tatlong linggo, tatlong chapters pa lang ang nasusulat ko eh next month na ang deadline ko sa sarili ko. Kapal di ba? Mabilis ka magsulat, besh? Pero wala eh. Wala talaga. Puro sa kanyang si Francisco lang ang kayang sabihin ng babaitang main character ko.

Iyo na talaga! Walang aagaw! Grrrr!

At Lowrd! Ba't wala akong mahanap na solid na source material para sa 18th century fashion in the Philippines? Lahat ng mabasa ko sinasabing naka-barong Tagalog daw ang mga lalaki. As in barong talaga? Araw-araw? Kung may Onesimus na n'un ang laki siguro ng kita nila dahil everyday wear ang ngayon, in the year of our Lord 2019, ay pang-formal occasions na lang. Like pang-kasal o panlibing! Pakaguwapo pa naman ni Francisco para maagang maging bangkay!

Itinulak ko palayo ang laptop ko saka inuntog ang noo ko sa ibabaw ng mesa, pero quiet lang dahil nasa college section ako ng Pasig City Library, at ayoko namang mapalayas ng butihing librarian kung maingayan sa 'kin.

Isa sa mga pinakamahirap sa isang writer eh kapag may writer's block. Actually, hindi ako naniniwala sa writer's block. Kaya kahit sa kalagitnaan ng matinding block, sinasabi ko sa sarili ko 1) tinatamad lang ako magsulat, or 2) may mali sa kuwento. Utang na loob naman, nasa chapter three pa lang ako! Saan? Saan ako puwede magkamali sa chapter three?

Bumuntong-hininga ako at sinilip ang relo ko.

Shet!!! Ba't di mo sinabi? Kuwento pa ako nang kuwento eh male-late na pala ako sa klase!

Nilimas ko ang mga kalat ko sa ibabaw ng mesa at isinaksak ang lahat ng iyon sa backpack ko bago ko dinampot ang kawawa kong laptop na hindi ko na ni-shutdown. Isinara ko na lang 'yun at isinaksak sa bag bago ako nagmamadaling naglakad pababa. Paglabas ko ng library, kumaripas na ako ng takbo.

Oo, medyo malayo kung tatakbuhin ko ang school pero baka irapan ako ng tricycle driver kapag sabihin kong sa Pasic Catholic College lang ako dahil napakalapit lang naman kung sasakay pa. Isa pa, mas matagal pa ang hihintayin ko sa traffic!

Nang dumaan ako sa Dunkin Donuts, Pizza Hut, Jollibee, Red Ribbon at Greenwich, ipinaalala ng tiyan ko na hindi pa pala ako kumakain. Kaya nga ako lumabas di ba? Para magtanghalian? Eto naman ngayon at nag-si-sprint ako pabalik sa school na walang laman ang tiyan.

Tumawid ako sa intersection papunta ng Immaculate Conception Cathedral. Nag-sign of the cross pa ako para ipagdasal na hindi ako ma-late dahil may long quiz kami ngayon. Malayo pa lang natanaw ko na ang BFF kong si Tria na madilim ang ekspresyon sa mukha at halatang naiinip na.

"Ano ka ba naman, Barbara?" tili niya. Kapag buong Barrrbara ang tawag niya sa 'kin, alam kung may matinding emosyon sa likod n'yon. Madalas frustration. "Saan ka ba galing? Kanina pa ako tumatawag sa 'yo!" sabi niya nang huminto ako sa harapan niya at humingal. Umiling ako kasi hindi pa ako makahinga at itinuro ang general direction ng public library kung saan ko mas madalas gusto magtrabaho.

Hinablot niya ang braso ko saka ako kinaladkad papasok.

"Bilisan mo at baka ma-late tayo! Ayokong mabahiran ang maganda kong record!"

Nagpabitbit na lang ako sa kanya kasi hindi pa rin ako makahinga. Ni hindi niya pinansin na tagaktak ang pawis ko.

Hindi naman kami na-late. Wala pa si Sir Ivan nang pumasok kami sa malamig na classroom. Gaya ng inaasahan, maingay ang mga kaklase namin na nagkukuwentuhan at nagkukulitan na para bang wala kaming quiz ngayon.

Pinaupo ako ni Tria sa usual kong upuan sa harapan. Hindi ako bibo kid. Kung ako lang mas gusto ko sa likod pero itong si Demetria kasi, pabibo na nga, malabo pa ang mga mata kaya no choice ako kung gusto kong maupo sa tabi niya.

Pinagmasdan lang niya ako. "Saan ka nag-lunch?"

Umiling ako. "Di pa ako kumakain."

"Ha? Eh saan ka galing?"

"Sa library nga. Nagsulat ako."

"Luh! Hindi ka na kumain?" Hindi siya makapaniwala. Sa 'ming dalawa kasi, sagrado ang lunch time.

Umiling ako ulit.

"Ano ka ba naman, Barbara?" Ang lutong talaga! Barrrrbara talaga! "Baka naman kakasulat mo eh bigla ka na lang bumulagta d'yan sa labas ah. Baka pine-pressure ka masyado ng publisher mo," sabi niya kahit binubuksan na niya 'yung bag niya para kumuha ng baon. Lagi kasi siya may dalang pagkain dahil bukod sa gutumin ako, talagang madalas eh nalilimutan ko kumain kapag busy ako sa pagsusulat.

"Thank you," sabi ko nang iabot niya sa 'kin 'yung pakete ng Lavacake na binuksan ko naman agad. "At hindi nga nila ako pine-pressure. Kaya nga ako nahihiyang hindi magsulat kasi hindi nila ako kinukulit."

Mabait kasi talaga sila sa publishing company kung saan ako pinalad na ma-publish. Never nila ako pinressure o tinakot o kinulit na magpasa na ng bagong libro. Kaya ako naman, eto... abusado.

Saglit akong nag-isip habang ngumunguya. "Ri, mag-shift na lang kaya ako?"

IT kasi kaming dalawa ni Tria, isang course na walang silbi kung manuscript ko lang ang pag-uusapan...

Umikot ang nga mata niya. Sanay na siya sa 'kin. "Anong course na naman?"

"History, para mas madali 'tong sinusulat ko."

"Sige, 'tapos ituloy mo na sa law kapag may abugado kang character ah."

"Gagi! Ito, hindi man lang ako suportahan!"

Bumuntong-hininga ang best friend ko. "Nag-aalala lang kasi ako sa 'yo. Sabi ko naman sa 'yo huwag mong pilitin kung ayaw. Mas maganda ang output mo kung hindi pilit."

"Hindi kasi puwede."

"Eh hindi ka puwede nang hindi ka puwede, ilang chapters na ang binura mo dahil sinusulat mo nang sapilitan?"

Oo nga ano?

"Basta, hindi kasi talaga puwede. Kaya naman kasi ng disiplina. Kung madisiplina ko lang ang sarili ko, makakasulat ako araw-araw nang walang palya 'tapos maganda pa."

Itaga mo sa bato! As in. Period.

Dumating na rin si Sir Ivan kaya isiningit ko sa bulsa ng bag ko 'yung balot ng Lavacake saka ako kumuha ng papel at ball pen para sa quiz namin.

★・・・・・・★・・・・・・★

Nang hapon na iyon, naglakad lang kami pauwi ni Tria pero nagmakaawa muna akong kumain muna kami kasi hindi ko na kaya ang gutom. Pagkatapos mag-pizza, dumerecho na kami sa street namin. Mga limang bahay lang ang nasa pagitan ng mga tinitirhan naming dalawa pero bahay talaga ang tinitirhan ng pamilya nina Tria habang kami ng mama, papa at kuya ko eh nakatira sa isang six-story building na ipinagawa ng tatay ko nang mamana niya ang lupang kinatitirikan ng bahay ng lolo ko sa talampakan.

Nanghinayang ako d'un kasi sayang 'yung history n'ung lugar. 1700's pa lang kasi nakatayo na 'yung bahay na 'yun. Pero sabi ni Papa, hindi naman daw kasi praktikal. Lumang-luma na 'yung bahay. Eh malamang! Ang alam ko, ipinanganak ang lolo ko sa bahay na 'yun n'ung araw na barilin si Rizal sa Luneta. 'Yun lang, mas mahal daw kasi ipa-restore 'tapos kailangan din namin ng pagkakakitaan. Kaya ayan, nagpatayo ng building si Papa. D'un kaming buong pamilya sa penthouse.

Ang yabang! Penthouse! Pero sa sixth floor lang naman 'yun.

"Dito na 'ko!" tawag ko kasi tumuloy ako sa rooftop kung saan madalas nakatambay ang mga magulang ko nang ganitong oras.

"O, Barbie-cue! Kumain ka na? Gutumin ka pa naman," nakangising sabi ng tatay ko nang lumapit ako sa kinauupuan nila. Naglagay kasi si Papa ng bangko sa gitna ng rooftop garden na ginawa niya para kay Mama, para daw hindi makalimutan ni Mama 'yung first date nila. Ay sus!

Umikot ang mga mata ko pero ngumiti na rin ako kasi... totoo naman. "Opo, Pa," sabi ko bago tumungo para humalik sa pisngi niya.

"Bumili ng suman si Papa mo," dagdag ni Mama nang sa kanya naman ako humalik. "Hanapin mo na lang sa kusina."

"Yay! Tenk you! Lab you!"

"Tingnan mo 'to!" habol na tawag ni Papa kasi umalis na ako. "Hindi ko pa nakukumusta, iniwan na tayo para sa suman!"

Tumawa lang ako, kumaway, saka ako bumaba papunta sa apartment namin. I mean, suman! 'Tsaka isa pa, "date" kasi nila kapag ganitong oras. Homemaker/housewife si Mama at si Papa naman eh dating pulis na nagpa-discharge na kasi nabaril siya sa puwet. Seryoso! Tama na raw 'yung twenty years niya sa serbisyo bago pa ibang bahagi ng katawan niya ang mabaril. Kaya ngayon, full-time na niyang trabaho itong building. Mula pagkuwenta ng monthly bills hanggang sa pag-repair ng mga tumutulong tubo sa ilalim ng lababo, si Papa ang nag-aasikaso. Si Kuya Dan ko naman, third year college student siya sa UST. Nag-dorm na siya d'un malapit sa school kaya weekends na lang umuuwi. Nakakapagod daw kasi ang biyahe. Kaya nga dito na ako sa PCC pumasok eh. Maglalakad lang ako papasok at pauwi!

Dumerecho ako sa mesa ko sa may bintana. Medyo mas mataas sa mga katapat na building 'yung kuwarto ko kaya kahit paano langit naman ang view ko. Ibinaba ko 'yung bag ko saka ako naupo para hilahin palabas 'yung laptop kong malamang eh naghihingalo na.

Binuhay ko 'yun pagkatapos ay sinaksak ko na rin para ma-charge.

Sa labas, kulay orange na ang papalubog na araw.

Favorite ko talaga ang sunset. Favorite time of day ko ang twilight talaga, 'yung kapag nag-aagaw ang dilim at ang liwanag. Madalas nandito na ako kapag gan'un o kaya ay nasa rooftop para panoorin lang lumubog ang araw. Kaya sana walang magpatayo ng building na mas matangkad kaysa sa building namin kasi malulungkot talaga ako kapag mawalan ako ng view ng sunset sa kuwarto ko.

Nang tuluyan nang magdilim, binuhay ko na ang ilaw at binalikan ang manuscript ko. Nagka-stiff neck na siguro si Francisco ni Rosario dahil ilang oras nang nakatingala.

Madalas kapag may writer's block ako, nagba-backread ako. Minsan kasi may kailangan lang akong ayusin sa mga naunang chapters para tumakbo ulit 'yung kuwento. Gan'un na lang siguro ang gagawin ko. Baka may mali lang talaga akong ginawa. Maaayos ko rin naman 'to dahil para lang itong puzzle na kailangang ayusin at pagbalik-baliktarin para maging malinaw na kuwento.

Ganyan talaga ang buhay ng manunululat eh. Mahirap, matrabaho, pero alam mo? 'Yung desisyon kong maging manunulat na yata ang pinakamagandang desisyong ginawa ko sa buo kong buhay. Hindi ko kayang hindi magsulat eh. Masisiraan ako ng bait kung hindi ako magsulat at hindi 'yun exaggeration. Kaya sige, trabaho lang hanggang sa maayos ko ang kuwento. Dito naman ako masaya eh. Ito ang bumubuhay sa 'kin.

At kahit mahirap, I wouldn't give it up for anything in the world.

Tumungo na ako at, sa isip ko, bumalik ako sa nakaraan para tulungan si Rosario na makuha na sa wakas si Francisco niya. 

Continue Reading

You'll Also Like

14.1K 770 48
"Kasal lang tayo sa papel" he coldly said Nasa hapag kasi kaming dalawa "So" walang pake kong sabi Silent...... "At sana pinunit mo yung papel nayo...
2.1M 189K 211
Online Game# 2: MILAN X DION
2M 72.3K 116
Terrensia Academy. Isang paaralan para sa mga estudyanteng may angking kakayahan at kapangyarihan. Isang akademiya na siyang nakatirik sa mundo ng sa...
7.5K 560 40
The cruelty of the royalties, the bloody crown, and a woman who is feared by the death itself. In an empire where power is everything, people are di...