Reincarnated as the Seventh P...

By Airosikin

1.2M 58.5K 28K

Reincarnated as the Seventh Princess Book 1 (Trilogy) Despite the clichè title, a breath-taking story is yet... More

Ang Katapusan
Kabanata I
Kabanata II
Kabanata III
Kabanata IV
Kabanata V
Kabanata VI
Kabanata VII
Kabanata VIII
Kabanata IX
Kabanata X
Kabanata XII
Kabanata XIII
Kabanata XIV
Kabanata XV
Kabanata XVI
Kabanata XVII
Kabanata XVIII
Kabanata XIX
Kabanata XX
Kabanata XXI
Kabanata XXII
Kabanata XXIII
Kabanata XXIV
Kabanata XXV
Kabanata XXVI
Kabanata XXVII
Kabanata XXVIII
Kabanata XXIX
Kabanata XXX
Kabanata XXXI
Kabanata XXXII
Kabanata XXXIII
KABANATA XXXIV
KABANATA XXXV
KABANATA XXXVI
KABANATA XXXVII
KABANATA XXXVIII
KABANATA XXXIX
KABANATA XL
KABANATA XLI
KABANATA XLII
Kabanata XLIII
Kabanata XLIV
Kabanata XLV
Kabanata XLVI
Kabanata XLVII
Kabanata XLVIII
Kabanata XLIX
Kabanata L
Kabanata LI
Kabanata LII
Kabanata LIII
Kabanata LIV
Kabanata LV
Kabanata LVI
Kabanata LVII
Kabanata LVIII
Kabanata LIX
Author's Note

Kabanata XI

25.3K 1.1K 382
By Airosikin

ELIANA'S POV

Nagising na lang ako ng kusa nang maramdaman ang paghinto ng karwahe. Dinig ko pa ang bulungan nina Stella at Leandra habang nagtutulakan kung sino ang gigising sa akin. Natahimik naman sila parehas ng magdilat na ako ng mga mata saka sila sinamaan ng tingin.

"Mahal na prinsesa, nandito na po tayo sa Akademya." Bungad sa akin ni Stella sabay dungaw sa bintana ng karwahe na may nagniningning na mga mata.

Nag-inat naman ako saka saglit na dumungaw sa labas ng karwahe pero agad din akong napalayo ng biglang bumungad sa akin ang pagmumukha ni Maestro Mageius. Nakakagulat naman ang matandang ito! Kung hindi pa ako lumayo ay baka nagkauntungan na kami ng noo.

"Nasiyahan ka ba sa tanawin mula sa himpapawid, Eliana?" Nakangisi niyang tanong sa akin pero inirapan ko lang siya at nag-hintay na buksan ang pinto.

Nabuwisit naman ako ng makitang wala ata siyang balak buksan ang pinto ng karwahe at mukhang hinihintay niya pa yung sagot ko kaya nag 'tsk' na lamang ako at inis siyang tiningnan.

"Nakatulog ako kaya hindi ko nakita ang tanawin. Ayos na ba?" Asik ko sa kanya pero tumawa lang siya ng malakas saka pinagbuksan na ako ng pinto.

Iniabot niya sa akin ang kanyang kamay para alalayan ako. Balak ko pa sanang balewalain ito pero binulungan ako ni Leandra na masamang binabalewala ang kamay ng isang lalaki kapag aalalayan nito ang babae lalo na at si Maestro Mageius na mismo ang tutulong sa akin. Napairap naman ako sa kawalan bago kinuha ang kamay ng matanda. Kita ko naman na natawa siya sa pagtataray ko na mas lalong ikinainis ko na lamang. Mainit talaga ang dugo sa kanya dahil hanggang ngayon, labag pa rin sa kalooban ko ang punta sa akademya na ito.

"Ikinalulugod kong ipakilala sa iyo ang bago at pangalawa mong tahanan, Eliana. Ang Akademia La Magiea." Magiliw na pagpapakilala sa akin ni Maestro habang nakalahad pa ang mga kamay nito.

Napaangat naman ako ng tingin sa napakatayog na malapalasyong paaralan sa harapan ko. Hindi ito nalalayo sa itsura ng isang palasyo na pinalilibutan ng mga puting ulap. Kahit papaano ay nasabik naman ako makapasok sa loob dahil mukhang napakalawak nito sa loob at napakaganda ayon pa lamang sa itsura nito sa labas.

"Napakalaki ng Akademya! Makakapasok na tayo sa wakas Leandra!" Narinig ko naman na napatili si Stella habang niyuyugyog si Leandra.

Napatingin tuloy sa kanya ang mga kapatid ko dahil sa pagkaignorante niya. Sinamaan ko siya ng tingin para manahimik at buti naman ay nakaramdam siya kaya napapahiyang yumuko na lamang siya at humingi ng tawad. Nangibabaw naman bigla sa amin ang malakas na tawa ni Maestro dahilan para lumingon kami sa kanya.

"Huwag mo naman masyado samaan ng tingin ang iyong tagasilbi, Eliana. Hindi ka rin ba namangha sa akademya na iyong papasukan?" Nakangiting tanong sa akin ng matanda.

Sasagot na sana ako nang bigla kong marinig ang matinis at panget na boses ni Caitrionna.

"Oo nga naman, Eliana. Hindi ba namamangha ang ignoranteng katulad mo na sa wakas ay makakapag-aral ka na kung saan pumapasok ang mga mag-aaral na natatangi at magagaling lamang?" Pang-iinsulto sa akin ni Caitrionna sabay ngisi ng nakakaloko.

Napaismid naman ako sa sinabi niya saka siya tinaasan ng kilay.

"Hindi na nakamamangha pagka't may mga katulad mo pala na nag-aaral dito. Nakakasira ka lamang ng imahe ng akademyang ito kaya manahimik ka na lang." Pagtataray ko sa kanya na agad ikinapula ng kanyang mukha dahil sa galit at pagtitimpi. Balak pa sana siyang sumagot pero agad siyang pinigilan ni Daewon.

"Tama na iyan, Caitrionna. Nandito ang Maestro kaya huwag kang magpakita ng abilidad mo dito." Nagulat naman siya sa sinabi ng kanyang kuya pero agad din siyang nanahimik at sinamaan na lamang ako ng tingin.

Napatingin naman ako kay Daewon dahil sa ginawa niyang pangingialam sa pagitan namin ng maldita niyang kapatid pero kay Maestro na siya nakatingin at nakikipag-usap dito.

Nginisihan ko naman si Caitrionna ng nakakaasar saka hinawi ang buhok ko at tumalikod sa kanya. Nasupalpal na naman siya ngayon. Nakakatuwa naman.

Nagsimula na kaming maglakad papasok sa akademya. Pero bago iyon ay isang matayog na tarangkahan na gawa sa bato ang bumungad sa amin. Nagulat ako ng bigla pa itong magsalita na animo'y isang tao. Malaki ang bibig nito na siya maaaring daan papasok sa akademya.

"Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?" Magalang nitong tanong sa amin gamit ang malalim nitong boses.

Gusto ko tuloy matawa dahil hindi ako makapaniwalang makikipag-usap kami sa isang tarangkahan na gawa sa bato.

"Ako ito, Bubba. Ikinagagalak kong makita ka muli." Tumabi naman ako ng biglang sumulpot si Maestro mula sa likod ko. Mukhang siya lang ang makapagpapapasok sa amin sa loob dahil kilala niya ang bato na ito.

"Aba! Ikaw ba yan, Maestro Mageius? Nagbalik ka na! Tapos mo na ba tipunin ang mga mag-aaral para sa isa na namang taon sa akademya?" Tuloy-tuloy na salita ng bato habang gumagalaw pa rin ang napakalaki nitong bunganga. Natawa naman si Maestro dito saka marahang tinapik si Bubba.

"Oo, Bubba. Ito na ang huling pamilya na sinundo ko para sa taong ito. Sa tingin ko ay kilala mo naman sila hindi ba?" Nakangising tanong ni Maestro sa tarangkahan kaya bigla itong nagdilat ng kanyang mga itim at bilog na mga mata.

Nagulat ako ng bahagya sa ginawa niya at napaatras pa ako saka lumapit kina Stella at Leandra na nakanganga lamang at namamanghang nakatingin sa bato. Gumalaw ito ng bahagya na animo'y inililibot ang kanyang paningin.

"Oh! Nandito ang mga Prinsesa ng Agrigent at syempre si Prinsipe Daewon! Ikinagagalak ko kayong makita muli!" Natatawang bati nung bato saka ngumiti pa ng malawak sa mga kapatid ko na tumatawa lamang sa kanya.

"Oh siya, tama na ang pakikipag-usap, Bubba at kailangan nang magpahinga ng mga prinsesa at prinsipe." Saway naman sa kanya ni Maestro na tinatapik tapik muli ang bato. Tumawa naman sa Bubba sa kanya pero kalaunan ay pinayagan na rin kami pumasok.

"Oh sige, ipagpaumanhin ninyo ang aking kadaldalan. Maaari na kayong pumasok sa aka-- teka, hindi pamilyar sa akin ang magandang babae na ito. Hindi kita maaaring papasukin pagka't isa ka pang estranghera para sa akin." Natigilan naman ako sa paglalakad dahil sa sinabi ng bato. Nakatingin ito sa akin habang isinasara ang kanyang bibig.

Napatingin rin sa akin ang mga kapatid ko at si Ellionoir ay tumabi pa sa akin.

"Kapatid namin siya, Bubba. Siya ang ikapitong prinsesa ng Cymopoleia. Si Prinsesa Eliana." Pagtatanggol sa akin ni Ellionoir habang hawak niya pa ang balikat ko.

Tumaas naman ang kilay ng tarangkahan o sa tingin ko ay tinaasan niya ako ng kilay pagka't hindi siya naniniwala sa sinabi ni Ellionoir. Tumikhim naman ako saka tiningnan si Maestro Mageius na nakangiti lamang habang pinanonood ang ginagawang pagtanggi sa akin ng kanyang Bubba.

"Hayaan mong ipakilala ko siya sa'yo, Bubba. Siya si Prinsesa Eliana Soleil Eurydice Agrigent, ang bunsong anak at ikapitong prinsesa ni Haring Dareios." Pagpapakilala naman sa akin ni Maestro kaya tinaasan ko na ng kilay yung tarangkahan dahil naiinip na rin ako kahihintay.

"Bunsong anak ni Haring Dareios? Pero bakit ngayon lamang siya nakapasok ng akademya gayong siya na ay isang dalaga!" Napairap naman ako sa pagiging tsismoso ng bato na ito. Kailangan ba talaga niya malaman lahat bago magpapasok ng tao?

"Dahil wala siyang kapangyarihan, Bubba. Ikinakahiya siya ng aming Ama kaya ngayon lamang siya makakapasok dito pagka't kailangan niya mag-aral ng kabutihang asal." Pagtataray ni Caitrionna kay Bubba habang sinasamaan pa niya ako ng tingin. Inirapan ko naman siya saka binalikan muli ng atensyon ang bato.

"Kung ayaw mo akong papasukin ay walang problema sa akin. Sinabi na nila ang pangalan at rason ng pagpasok ko dito kaya magtatanong ka pa ba o pagpapahingahin mo na kami?" Pagtataray ko sa kanya habang nakataas ang aking kilay at nakakrus ang aking braso.

Naging bilog naman ang kanyang bibig na animo'y nagulat saka siya bumalinghat ng napakalakas na tawa na halos dumagundong sa buong kinatatayuan namin.

"Nakakatuwa naman ang katapangan ng prinsesa na ito." Namamanghang pahayag niya sa akin na ikinairap ko na lamang.

"Nakuha niya ang pagiging masungit ng kanyang Ama, hindi ba Maestro?" Segunda niya pa sabay baling kay Maestro na nakangiti lamang sa akin.

"Parang ganun na nga!" Sabay pa sila humalakhak na lalong nagpainit ng bunbunan ko.

Napatiim bagang na lamang ako saka sinamaan ng tingin si Maestro na mukhang nakuha naman ang pinahihiwatig ng mga titig ko. Maging ang mga kapatid ko rin kasi ay naiinip lalo na si Neola na kahit tahimik lamang ay halata na ang inis sa maganda niyang mukha.

"Oh sige, tama na ang introduksyon at malapit na rin magdilim. Kailangan na rin magpahinga ng mga anak ng hari kaya maaari mo na ba kaming papasukin?" Pagtatanong muli ng Maestro sa bato habang naglalakad pa ito palapit sa bunganga.

Ngumiti naman si Bubba sa amin bago sumagot.

"Ikinagagalak kong makilala ka, Prinsesa Eliana. Maligayang pagdating para sa iyo at maligayang pagbabalik sa iyong mga kapatid dito sa Akademia La Mageia."

Unti-unti nang bumukas ang bunganga ng bato kaya nagkaroon na kami ng pagkakataon makapasok dito. Mistulang isang kuweba ang kanyang bunganga na mayroong makukulay na ilaw na animo'y mga alitaptap na lumilipad. Namangha naman ako sa ganda nito pero pinanatili ko ang seryoso kong mukha hanggang sa makarating kami sa dulo ng tarangkahan.

Bumungad sa amin ang isang nakakasilaw na liwanag na bahagyang nakapagpapikit sa akin. Nang masanay na ang aking paningin ay muli akong dumilat at halos mapanganga na lamang ako sa ganda ng paligid. Napakalawak ng damuhan ng paaralan habang nakapalibot ang naglalakihan at mistulang palasyo na mga gusali.

Hindi ko pa tanaw ang dulo pero nasisiguro kong malawak pa ito at marami pang makikita sa paligid. Nakamasid lamang ako sa paligid habang sinasabayan maglakad si Ellionoir. Namamangha pa rin kasi ako sa ganda ng mga gusali dito. Napakayapa pa rin ng paligid at parang hindi pa ito isang paaralan dahil wala halos mag-aaral.

"Bakit wala man lamang mga mag-aaral dito?" Nagtatakang bulong ko habang patuloy pa rin ako sa pagmamasid sa pag-asang may makikita man lamang akong mag-aaral pero wala.

Mukhang narinig naman ako ng kapatid ko kaya nilingon ako ni Ellionoir at ngumiti muna sa akin.

"Lahat sila ay nasa loob na ng dormitoryo at nagpapahinga pagka't malapit na rin naman lumalim ang gabi. Ang iba naman ay may mga tahanan sa labas ng akademya lalo na ang mga naninirahan sa kapitolyo lamang ng Elior kaya baka bukas pa sila dumating." Pagpapaliwanag sa akin ni Ellionoir na ikinatango ko na lamang.

Mabuti at wala pa gaanong tao ngayon dahil ayoko rin naman makakita pa ng mga maldita at masasamang ugali na mga dugong bughaw.

Nagdirediretso kami sa paglalakad tungo sa dormitoryo na kulay rosas ang pintura nito at may mga sanga na nakapalibot sa haligi. Agad nagpaalam sa amin si Daewon pagka't sa kabilang gusali pa ang kanyang dormitoryo na kulay asul dahil pawang mga kalalakihan ang nakatira dito. Bago pa siya umalis ay sinulyapan niya pa ako kaya tinaasan ko naman siya ng kilay. Napailing pa siya bago maglakad ng tuluyan paalis. Ano naman kayang problema ng lalaking iyon? 

"Dito ang dormitoryo ng mga kababaihan. Alam na ng iyong mga kapatid ang kanilang dormitoryo pagka't dito sila namamalagi kapag panahon na ng pag-aaral." Sabay-sabay naman kami pumasok ng mga kapatid ko at Maestro Mageius.

Nagpaalam na sila kay Maestro pagka't magkakaiba pala kami ng silid na lubos kong ipinagpapasalamat. Ayoko talagang makasama sina Caitrionna at Neola sa iisang silid utang na loob lang.

"Magkita na lamang tayo bukas sa ating klase, Eliana. Magpahinga ka na at matulog ng mahimbing." Malambing na paalam sa akin ni Ellionoir na binigyan pa ako ng isang mahigpit na yakap.

Hindi naman agad ako nakagalaw dahil nagulat din ako sa ginawa niya. Nang makabitaw na siya ay isang tipid na ngiti na lamang ang naisukli ko hanggang sa nagpaalam na kami ng tuluyan sa isa't isa. Mukhang sa kabilang dulo pa ng palapag na ito ang silid niya kaya sa kabilang direksyon siya nagtungo.

"Mukhang si Ellionoir lamang ang iyong kasundo sa mga kapatid mo, tama ba?" Pagtatanong sa akin ni Maestro na mukhang sinusubukan niyang magbukas ng pagkakataon na makapag-usap kami.

Medyo maayos na rin naman ang pakiramdam ko at nasa wisyo ako makipag-usap kaya sinagot ko na rin siya.

"Halata ba?" Mataray kong sagot sa kanya na muli ay ikinatawa na naman niya.

"Nakakatuwa ka talaga, Eliana. Ngayon lamang ako nakatagpo ng dalaga na ganyan na lamang magsungit sa akin. Nakakalungkot at hindi kita nakilala ng mas maaga pa." Natatawa pa niyang sambit sa akin pero hindi na rin ako sumagot.

Nilalandi ba ako ng matandang ito? Mukhang hindi naman dahil natural naman siyang maloko at mabait kaya ayos lamang siguro na ituloy ko na lamang ang pakikipag-usap sa kanya.

Sinulyapan ko saglit sina Leandra at Stella na nasa likod ko lamang at bitbit ang aking mga gamit. Tahimik lamang silang naglalakad habang nagmamasid sa paligid. Kapansin-pansin din kasi ang mga kakaibang karakter na nakaukit sa dingding ng mahaba at malawak na pasilyo. Tanging mga liwanag na nakalagay sa babasaging baso at nakadikit sa dingding ang nagsisilbing tanglaw sa buong paligid.

"Bueno, ito ang iyong silid, Eliana."

Huminto kami sa isang pintuan na gawa sa kahoy at sakto lamang ang laki. Wala itong nakalagay na numero kaya mukhang maglalagay pa ako ng palandaan para malaman ko na akin ang silid na ito.

Binuksan ni Maestro ang pintuan at bumungad naman sa akin ang isang maayos na kuwarto. May malaki itong kama sa gitna, isang dalawang palapag na kama para sa aking mga tagasilbi sa bandang gilid, isang lamesa para sa pag-aaral, lamesa para sa hapag, sofa, lababo, aparador, at isa pang pinto na sa tingin ko ay banyo.

Nauna nang pumasok sina Leandra sa loob dahil mukhang nabibigatan na sila sa gamit habang ako naman ay pinalabas muna saglit ni Maestro para makapag-usap.

Isinara ka muna ang pintuan at hinayaan sina Leandra na mag-ayos ng aking gamit. Pinagkrus ko ang aking kamay at hinarap ang Maestro saka siya bagot na tiningnan habang hinihintay ang kanyang sasabihin.

"Ang iyong mga uniporme ay nasa loob na ng aparador, ang mapa ng paaralan at ang listahan ng oras ng iyong mga klase ay nasa lamesa na rin. Maagang magsisimula ang klase bukas upang batiin kayo ng punong maestra ng akademya kaya oras na marinig mo ang malakas na tunog ng kampana ay kinakailangan mo nang pumanhik sa labas. Bawal din magdala ng mga tagasilbi sa oras ng klase. Maaari lamang makalabas ang iyong mga alalay kapag tapos na ang iyong klase o di kaya'y may iniutos ka sa kanila o pinasama mo sila sa iyong mga lakad. Ang pagkain ay makukuha rin sa isang gusali na makikita mo sa mapa." Mahabang paliwanag sa akin ni Maestro.

Kahit papaano ay nakinig naman ako sa kanya dahil importante rin naman ang mga sinasabi niya.

"May katanungan ka pa ba, Eliana?"

Huminga muna ako ng malalim bago sumagot sa kanya. Ito na siguro ang oras na hinihintay ko magmula kahapon.

"Bakit mo ako dinala dito?" Seryoso at mataray kong pagtatanong sa kanya.

Umayos pa ako ng pagkakatayo at pumameywang bago magpatuloy.

"Nasisiguro kong hindi lamang kabutihang asal ang iyong dahilan kaya nais ko sanang malaman kung bakit." Malamig kong tanong sa kanya habang nakakunot ang aking noo at blangko siyang tinitingnan.

Bakas naman sa mukha ni Maestro ang gulat sa aking tanong. Kahapon ko pa nabubuo ang ganyang mga katanungan pero naghahanap lamang ako ng pagkakataon na matanong siya. Ayoko kasi ng pinaglalaruan lamang ako.

"Matalino ka ngang bata." Nakangising pahayag niya sa akin na mas lalong nakapagpakunot ng noo ko.

"Sa ngayon ay isipin mo na lamang na iyon ang aking dahilan, Eliana. Pero nasa iyo na ang desisyon kung nais mo pang ungkatin ang aking totoong layunin. Magandang gabi, Eliana." Misteryoso niyang sagot sa akin saka siya nagpakawala ng isang nakakasilaw na liwanag.

Napapikit na lamang ako dahil sa sobrang pagkasilaw pero pagkadilat ko ay wala na siya sa aking harapan. Nagpalingon lingon pa ako sa paligid at napapadyak na lamang ako sa inis dahil hindi ko nakuha ang kasagutan na nais ko.

Simpleng katanungan lamang iyon pero bakit hindi man lamang masagot-sagot ni Maestro?! Ano ba talagang pakay niya sa akin? Kay Eliana?!

Naiinis na pumasok na lamang ako sa loob ng aking silid at padabog na sinara ang pintuan dahilan para sabay na mapalingon sa akin sina Leandra at Stella.

Naabutan ko naman sila na inaayos na ang aking mga damit sa aparador. Ipinakita pa sa akin ni Stella ang isang unipormeng kulay itim at para talaga sa babae. Maganda ang disenyo nito at halatang pangmayayaman talaga ang magsusuot. Mahaba naman ito sa akin pagka't lagpas ito sa aking tuhod at mahaba ang manggas na nagpapanatili sa pagiging konserbatibo ng mga kababaihan dito.

"Napakaganda ng iyong uniporme mahal na prinsesa! Tiyak na mas lalong mangingibabaw ang iyong ganda oras na sinuot mo na ito!" Masayang pahayag ni Stella habang namamangha pang nakatingin at hinihimas ang aking uniporme.

Tiningnan ko lamang ito at nagkibit balikat na rin dahil hindi na rin masama ang itsura nito na kahit papaano ay pasok sa panlasa ko.

"Napakalaki at napakaganda ng Akademya, mahal na prinsesa! Nakakatuwa naman maglibot dito sa totoo lang!" Sabik naman na pahayag ni Leandra dahilan para mapatigil ako sa paglalakad tungo sa aking lamesa.

"Hindi kayo maaaring lumabas ng aking silid hangga't hindi ko sinasabi. Maaari lamang kayo sumabay sa akin kumain o kung ano man ang nais kong gawin na kailangan ko kayo pero bukod duon ay mananatili lamang kayo sa aking silid." Seryoso kong pahayag sa kanila habang inililibot ang aking mga mata sa kabuuan ng kuwarto.

Kita ko naman ang lungkot sa mukha nilang dalawa dahil mukhang sabik talaga sila mamasyal sa buong paaralan. Napairap naman ako sa kawalan dahil pakiramdam ko ay kasalanan ko pa.

"Wag niyo ako simangutan. Si Maestro Mageius ang naghabilin nito sa akin pero papayagan ko naman kayong lumabas minsan kung may iuutos ako sa inyo." Mataray kong pahayag saka sila muling tinalikuran.

Dama ko pa ang muling pagliwanag ng kanilang mukha at ang kanilang mga ngiti na animo'y mga bata. Napailing na lamang tuloy ako saka naglakad tungo sa aking lamesa. May iilang libro dito na mukhang mga aklat sa aking mga asignatura. Isang kuwaderno na may pabalat na gawa sa kahoy, pluma at tinta. May mga papel rin sa ilalim ng mga libro na nasisiguro kong ang mapa ng akademya at mga asignatura ko.

Agad kong kinuha ang mga papel saka isa-isa itong tinitigan. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko habang tinititigan ang kapiraso na papel na hawak ko. Nais kong matawa dahil dito lamang ako nakakita ng mga nakakatawang mga asignatura. Lalo na at may asignatura na akong pagsasayaw ngayon at paano maging isang edukadong babae?! Nakakatawa talaga! Nadismaya din ako dahil halos buong araw ang gugugulin ko sa pag-aaral ng mga walang kuwenta sa mundo na ito. Pinagmasdan ko rin yung mapa na kasama ng isang Manual na naglalaman ng lahat ng alituntunin at paalala sa akademya.

Malaki talaga ang akademya na ito. Siguro kung ikukumpara sa mga Unibersidad sa mundo ko noon ay maaari itong maihalintulad sa isang sikat na Unibersidad sa Amerika na Harvard o di kaya ay Yale dahil sa lawak at dami ng pasilidad nito.

Mayroon kasing mahigit kinseng gusali dito, dalawa ay dormitoryo para sa lalaki at babae, tig-iisang gusali sa mga mag-aaral mula una hanggang ika-apat na taon, isang gusali para sa mga nakapagtapos na pero nais pa rin magsanay, silid-aklatan na isang gusali rin, at ang ibang mga gusali ay para na sa mga pasilidad ng paaralan. May nakita rin ako na malawak na anyong tubig sa gilid ng isang gusali na animo'y swimming pool kung tatawagin sa aking mundo, may malawak din silang field para sa mga kung ano-anong gawain, may hardin, arena, at kung anu-ano pa na makikita sa isang prestihiyosong paaralan.

"Mahal na prinsesa, ayon po sa pagkakarinig ko noon ay hiwalay ang mga babae at lalaki sa akademyang ito. Iilan lamang po ata ang asignatura na mahahalo kayo sa kanila."

Abala ako sa pagbabasa ng marinig ang tinig ni Leandra. Napatingin naman ako sa kanya ng bigla siyang magsalita. Nakakamangha naman na mayroon siyang kaalaman ukol sa akademyang ito.

"Paano mo nalaman yan gayong unang beses mo pa lamang nakakapasok dito hindi ba?" Masungit ngunit kahit papaano ay interesado ako malaman kung saan nakuha ni Leandra ang impormasyon na iyon. Nakapasok na ba siya dito?

Nag-iwas naman siya bigla ng tingin at biglang namula. Napataas na lang tuloy ako ng kilay habang hinihintay ang sagot niya.

"Madalas po kasi magkuwento ang Unang Prinsipe na si Prinsipe Adelrick sa aming mga tagapag-silbi noon. Nabanggit niya po na hiwalay nga raw po ang babae at lalaki sa akademya kaya bibihira niya mabantayan ang iyong mga kapatid." Nauutal at hindi halos mapakali na sagot niya sa akin.

Namumula si Leandra ng todo ng mabanggit ang pangalan ng kapatid ko. Mukhang pinagpapantasyahan ng katulong ko ang isang prinsipe. Gusto ko tuloy matawa sa reaksyon niya.

"Kung gayo'y magiging maayos naman pala ang buhay ko dito." Nakangising pahayag ko habang pinagmamasdan ang mapa na mayroon ngang mga gusali na para lamang sa mga kalalakihan at para lamang sa kababaihan ang iba.

Tama lang naman na paghiwalayin ang mga kalalakihan sa amin dahil una, ayoko talagang makasalamuha ng mga sakit sa ulo na mga lalaki at ikalawa, hindi angkop ang mga pinag-aaralan namin kung sasama sa amin ang mga lalaki kaya maayos naman ang sistema na ginawa nila. Pero mukhang sa karamihan na bahagi ng akademya ay makakasalubong o makakasalamuha ko talaga sila dahil sa ilang aktibidad na gagawin namin.

"Mahal na prinsesa, papanhik na po ba tayo sa kantina para maghapunan? Mukhang oras na po para kumain dahil may iilang tao na po ang pumupunta duon." Pagtatanong ni Stella na mukhang gutom na gutom na bata na nakadungaw sa bintana at sinisilip ang mga taong naglalakad.

Niluwagan ko naman ang aking sinturon saka hinubad ang ilang butones ng aking suot na bestida. Nakaramdam naman ako ng kaginhawaan sa ginawa ko na ilang oras ko rin tiniis ang sikip ng aking kasuotan.

"Kayo na lamang ang kumain. Dalhin niyo ito kapag may nagtanong sa inyo kung sino ang inyong pinagsisilbihan." Pagod kong sagot sa kanilang dalawa.

Inabot ko sa kanila ang aking papel na naglalaman ng patunay na isa na akong opisyal na mag-aaral ng akademya na ito. Mabilis talaga sila magproseso ng mga papel na mukhang pinaghandaan nila ang aking pagdating.

"Pero mahal na prinsesa, hindi ka rin po nagtanghalian kanina at nasisiguro kong gutom ka rin matapos ng napakahabang byahe natin." Nag-aalalang tanong ni Leandra habang mahigpit na hinahawakan ang kapiraso na papel na ibinigay ko. Nahiga naman ako sa kama saka dumapa dito. Napapikit na lamang ako ng maramdaman ang matinding pagod.

"Wala akong gana. Makakaalis na kayo."

Huli kong sabi saka muling ipinikit ang aking mga mata at dinama ang lambot ng unan at ng kama. Dinig ko pa ang pagbuntong hininga nilang dalawa bago rin sila nagdesisyon lumabas na ng aking silid. Napadilat akong muli saka kinapa ang patalim na nakakabit sa aking binti at muli itong hinugot saka tinitigan.

"Mukhang ikaw lamang ang kasangga ko para mabuhay ako sa akademyang ito." Mahinang bulong ko habang tinititigan ang patalim nito na kumikinang dahil sa ilaw.

Unti-unti ay nakaramdam na rin ako ng antok hanggang sa pumikit na ang aking mga mata at ako'y nakatulog na ng tuluyan.

Kinabukasan ay maaga akong binulabog nina Leandra at Stella para maghanda na sa asembliya sa unang araw ng pasukan. Sinadya talaga nilang gisingin ako ng maaga para makapag-agahan pa raw ako sa Kantina. Sukdulan naman ang pagsusungit ko sa kanila dahil nabulabog ang masarap kong pagkakatulog pero wala na rin akong nagawa dahil kailangan ko talagang kumilos kahit na tamad na tamad akong pasukan lahat ng klase ko aa araw na ito.

Tinulungan nila akong maligo kaya nagawa ko pang pumikit habang kinukuskos nila ang buhok ko. Inalalayan din nila ako habang isinusuot ang eleganteng uniporme dahil mukhang mawawarak daw ito sa gaslaw ko magsuot ng mga damit.

Nang maisuot na nila ito sa akin ay halos punutin ko na ito sa sikip sa may bandang dibdib. Biniyayaan kasi ng sobrang hinaharap itong si Eliana kaya hindi normal ang sukat ng dibdib ko kesa sa normal na sukat ng dibdib sa unipormeng ito. Nainis lang tuloy ako lalo. Maghapon ko na pagtitiisan ang masikip at nakakasakal na unipormeng ito.

"Ayan, tapos na! Ang ganda ganda mo talaga prinsesa Eliana!" Nagtitili si Leandra sa tabi ko habang tinititigan ang itsura ko sa salamin.

Tiningnan ko rin naman ang repleksyon ko at kahit papaano nakuntento naman ako sa ayos ko. Inayos kasi ito ni Leandra na parang pang-prinsesa upang bumagay sa aking uniporme ang buhok ko.

"Sige na, lumayas na kayo sa harapan ko at aalis na ako." Pagtataray ko sa kanila sabay tayo sa aking kinauupuan at kinuha na ang mga papel na importante.

May dala rin akong isang maliit na sling bag na lalagyanan ng maliit na kuwaderno at pluma.

"Mag-iingat ka prinsesa Eliana ah!" Masayang paalam sa akin ni Leandra habang sinusuklay pa rin ang buhok ko sa dulo kahit naglalakad na ako.

"Galingan mo sa iyong mga klase at huwag mong aawayin ang mga kaklase mo!" Natatawang sambit ni Stella na agad ko rin namang inirapan pero kahit papaano ay natawa ako duon.

Possible bang hindi ako mang-away ng mga tao? Parang hindi naman ako kilala ng mga ito.

Lumabas na ako ng aking silid matapos kong magbilin sa kanila na huwag lalabas hangga't hindi ko sinasabi. Huwag rin sila gagawa ng gulo dahil sisiguraduhin kong malilintikan sila sa akin kapag pinahamak na naman nila ang mga sarili nila. Huwag nilang sayangin ang halos pagsira ko sa buong pamilya ko mailigtas lamang sila.

Naglakad na rin ako palabas ng dormitoryo. Muntikan pa akong maligaw sa mga pasikot-sikot dito buti na lamang at matalino ako at marunong magbasa ng mapa.

Una kong tinungo ang kantina dahil nais ko rin munang mag-agahan bago ko simulan ang mala-impyernong araw na ito. May mga nakakasabay din akong ilang kababaihan na nakauniporme at mukhang kakain din dito. Halata sa kanila na anak talaga sila ng mga dugong bughaw at may mga kaya sa buhay base pa lamang sa kanilang itsura at mga kilos.

Nakarating ako sa tapat ng isang gusali na para na namang kastilyo ang disenyo. Dito pumapasok ang karamihan ng mga mag-aaral mapa-babae man o lalaki at may mga dala ang ilan na pagkain paglabas kaya sa palagay ko ay ito ang kantina.

Naglakad na ako papasok at bumungad sa akin ang malawak na espasyo na puno na ng mga mag-aaral. May mga kalalakihan na rin dito na nakikisalamuha sa ilang kababaihan. Mayroong kumakain ng mag-isa, dalawahan, isang grupo, o di kaya'y bumibili lamang at agad din namang lalabas.

Nagsimula na akong maglakad tungo sa bilihan ng mga pagkain. Binasa ko sa Manual na ang patakaran dito ay kukuha ka lamang ng kahit na anong nais mong kainin o di kaya'y gamitin basta nasa loob ng akademya.

Pumila na ako saka kumuha ng sarili kong plato at tray para sa aking pagkain. Nakakita ako ng tinapay na may palamang gulay kaya agad ko itong kinuha saka isang kape. Hindi ako sanay nang nagkakanin at ulam sa umaga kaya ito talaga ang sinasadya ko kapag agahan. Gusto ko pa ngang pumalakpak sa saya dahil sa kauna-unahang pagkakataon magmula ng mapunta ako sa mundong ito ay nakapamili rin ako ng sarili kong pagkain at hindi na isda at tuyot na gulay ng Cymopoleia.

Habang nakapila ay tiningnan ko naman ang mga estudyante na kasabay ko. Nakakatawang isipin na mga prinsesa, prinsipe, o di kaya'y mga anak ng nasa matataas na posisyon ang nandito pero nagagawa naman nilang manilbihan sa kanilang sarili at kumuha ng pagkain. Iniisip ko tuloy na kung masasanay pala ako na wala sina Leandra at Stella na nagsisilbi sa akin ay maaari ko na sila palayasin at pabalikin sa pinanggalingan nila. Pero mukhang matatagalan pa iyon dahil wala nang magpapaala sa akin ng mga kailangan ko gawin at malaman sa mundong ito. Matagal pa akong magtitiis sa kanilang dalawa.

Nang matapos ako kumuha ng pagkain ay naglakad na ako papunta sa mga upuan at lamesa. Naghahanap ako ng bakante at walang kahit na sinong katabi at buti naman ay nasaktuhan ko ang isang bakanteng lamesa sa gilid na wala halos nakaupo. Naglakad na ako palapit dito at naupo saka nilantakan ang pagkain ko.

Ngayon lamang ako nakaramdam ng gutom dahil wala pala ako halos kinain maghapon kahapon. Nakamasid lamang ako sa paligid ko at inoobserbahan ang mga bagay-bagay. Wala naman talaga akong pakialam sa kanila pero dahil hindi naman uso dito ang cellphone at earphones ay lilibangin ko na lang ang aking sarili sa panglalait ng mga mag-aaral na dumadaan o di kaya'y malapit sa akin.

Nang halos mauubos ko na ang pagkain ko ay may biglang tumabi sa akin at umupo sa upuan na nasa kanan ko. Nasa pinakadulo ako ng lamesa nakaupo at napakarami pang bakante sa ibang lamesa kaya sino itong lapastangan na tumabi sa akin?!

Hindi ko siya nilingon o kinibo man lamang dahil wala rin naman akong pakialam sa kanya. Tatapusin ko na lang ang pagkain ko at lalayas na ako dito.

"Hi!" Medyo nagulat ako nang biglang magsalita yung katabi ko. Tinapik niya pa ng medyo malakas ang balikat ko dahilan para mabitawan ko ng bahagya ang sandwich ko at malaglag ito sa plato.

Hindi ko naman siya nilingon at pinulot ko na lang muli ang kinakain ko at kinagatan ito. Babalewalain ko na lang ang ginawa niya dahil hindi talaga maganda ang ugali ko kapag umaga.

"Uy! Hindi mo ba ako narinig? Uulitin ko na lang! Hi!" Muli niyang pangungulit sa akin dahilan para mapapikit na lamang ako sa inis saka siya nilingon at sinamaan ng tingin.

Bumugad sa akin ang isang babae na may tipikal at ordinaryong pagmumukha. Halos bilugan ang hugis ng mukha niya dahil medyo matambok ang kanyang pisngi, matangos ang ilong, bilugan ang mga mata, at manipis ang labi. Makinis naman siya at hindi sobrang kaputian. Mukha na sana siyang tao para sa akin kung hindi niya lang ako binubuwisit.

"Wow! Ang ganda mo pala lalo sa malapitan!" Bulalas niya habang magiliw na nakatingin sa pagmumukha ko.

Nilapit niya pa ng konti yung mukha niya sa akin dahilan para bigla ko siyang maitulak ng mahina. Nangunot ang aking noo saka mas lalong naningkit ang mga mata ko dahil sa ginawa niya.

"Ano bang kailangan mo?" Mataray kong tanong sa kanya habang sinasamaan pa rin siya ng tingin.

Lalong lumawak ang mga ngiti niya sa labi. Masasabi kong naweweirduhan na ako sa kanya at ayoko nang makita ang pagmumukha niya.

"Ang sarap din pakinggan ng boses mo! Kaya gusto na kita maging kaibigan eh! Pagpasok mo pa lamang kanina nakuha mo na agad ang atensyon ko! Napapatingin din sayo ang ibang mga estudyante dahil bali-balitang nandito na raw ang bunsong anak ng hari ng Cymopoleia! Ikaw pala iyon!" Humagikgik pa siya at marahang pumalakpak dahil sa saya.

Napairap na lang tuloy ako sa kawalan dahil sa ginagawa niya. Ayoko talaga makipag-usap sa mga katulad niyang tao na masyadong maingay at mukhang weirdo kaya hangga't maaari ay gusto ko nang umalis sa harap niya.

"Ako nga pala si Aureole Era Poyraz. Anak ako ng isa sa mga pinuno ng mga tribo sa Umoewin. Tawagin mo na lang akong Aera tutal magkaibigan naman tayo." Inilahad niya ang kamay niya sa akin habang may malawak na ngiti sa labi.

Lumabas lalo ang dalawang biloy sa magkabila niyang pisngi na tulad ng sa akin. Siraulo ba ito o sadyang papansin lang talaga siya? Ano bang pinagsasabi niya? Kaibigan? Eh hindi ko nga gusto makipagkilala sa kanya. Nakakainis.

Tiningnan ko lamang ang kamay niya na nakalahad sa akin saka siya tinaasan ng kilay.

"Hindi tayo magkaibigan at wala akong pakialam kung sino ka man." Mataray kong sagot sa kanya saka muling ibinaling ang atensyon ko sa aking kinakain.

Iniwan ko siyang nakanganga sa tabi ko habang gulat sa sinabi ko. Pero makalipas ng ilang segundo ay narinig ko ang kanyang hagikgik na nagpagulat at nagpalingon sa akin.

"Grabe. Hindi ka lamang maganda kundi yung pag-uugali mo ay kakaiba! Mas lalo kong ginugusto na mapalapit sa'yo." Weirdo niyang pahayag habang malawak pa rin ang pagkakangiti.

Kinilabutan naman ako sa sinabi niya kaya nilingon ko siya saglit pero nakangiti lamang siya habang kinakain ang sandwich niya. Hindi ko na talaga kaya ang kakapalan ng mukha na taglay niya. Saan niya ba nahuhugot ang lakas ng loob para sabihin ang mga pinagsasabi niya?

"Alam kong nagtataka ka kung bakit nilapitan kita. Pero totoo na nais ko lamang makipag-kaibigan sa'yo dahil wala pa talaga akong nakakasundo dito sa totoo lang." Malungkot niyang pahayag sa akin.

Hindi naman ako sumagot sa kanya at nagpatuloy lamang ako sa pag-inom ng aking medyo malamig ng kape. Wala naman talaga akong pakialam sa kanya at mas lalong ayokong makipag-kaibigan. Inuubos ko na lamang itong kape ko at lalayasan ko na rin siya.

"Mukha ka naman mabait kaya ikaw agad yung nilapitan ko, at isa pa, totoong nagandahan ako sa'yo!" Muli siyang humagikgik na ikinairap ko na lamang sa kawalan.

Ang kulit talaga niya. Sagad na sagad ang kamanhidan niya dahil hindi pa rin siya tumitigil kahit binabalewala ko na siya. Hindi talaga ako makikipag-usap sa katulad niyang isip-bata.

"Kaya kita tulungan dito. Basta papayag kang maging kaibigan ako. Alam ko ang pasikot-sikot sa akademyang ito at kilala ko na halos lahat ng tao." Napalingon naman ako sa kanya dahil sa biglaan niyang sinabi.

Hindi na siya nakangiti sa akin, sa halip ay naging seryoso na ang kanyang mukha at halatang interesado talaga siya maging kaibigan ako. Sino ba itong babaeng ito na bigla-bigla na lang lalapit at makikipag-kaibigan? Hindi ba uso sa kanya ang hiya o ang makiramdam man lamang sa kausap niya. At isa pa, ano naman ngayon kung kilala niya lahat? Pakialam ko ba sa kanila.

Continue Reading

You'll Also Like

90.5K 2.4K 51
A complete story Marrying a man that you didn't love? Would you accept him? Me? No, that's why I leave my own kingdom and live with a normal life. Wi...
20.3K 1.3K 51
π€π‚π€πƒπ„πŒπ˜ π’π„π‘πˆπ„π’ #2: 𝐓𝐇𝐄 π”πππ‘π„πƒπˆπ‚π“π€ππ‹π„ π’πŽπ‘πˆπ€π YESHIN ESREAL, a daughter of a well known Sorian lives a normal life a...
43K 326 2
Paano kung isang araw bigla nalang sakupin ng mga zombies ang buong mundo, anong gagawin mo? Gagawa ka ba ng patibong? Mag-iipon ng weapons? Tatago s...
176K 7.6K 54
Zheinna, the only girl in Melendev's family. A lonely girl who lives in peace together with her family. But, they don't know what really zheinna is...