TAHIMIK SA LOOB ng simbahan, tipong ang malaking elisi ng ceiling fan ang tanging maririnig nino man. Bukas ang kumpisalan ni Father Lito. Alas tres pa lang ng hapon. May misa mamayang alas sais ng gabi.
Nanlamig bigla ang kamay ko. Parating na ang parents ko. Nakita ko silang pumasok sa loob ng simbahan at nakita kaming dalawa ng nobyo ko. Pormal ang suot nilang dalawa. Seryoso ang mukha nila at nagpalitan sila ng mga tingin.
Kinuha ni Maki ang aking kamay, pinisil niya ito at hinilot. Dinala niya ito sa kaniyang bibig, at tinaniman ng mainit at matagal na halik. Nakaupo kaming dalawa sa harap ng altar, malayo sa mga tao.
"Ako ang mas kinakabahan," sabi ni Maki, hinihilot ang kamay ko, "Nandito tayong apat sa loob ng simbahan. Pinapunta mo sila dito kasi sabi mo may masasabihin kang importante. Nakikita mo itsura ng Papa mo? Pinagpapawisan. Dalawang bagay ang inaasahan niyang ibubunyag mo: 1) buntis ka, 2) magpapakasal na tayo."
"Shut up," sita ko sa kaniya, "Mas lalo akong kinakabahan."
Humagikgik si Maki, naninigkit ang mata. "Just remember our practice. It will be okay, babe."
Bumuntung-hininga ako at tinignan siya. "Will they forgive me?"
"Lalo ka nilang patatawarin kapag sinabi mong magpapakasal na tayo."
Ngumiti ako at hinalikan siya sa pisngi, "Alam na nila."
Naglakihan ang mga mata ni Maki. "Kailan mo sinabi?! Babe naman! Akala ko sabay nating sasabihin ngayon pagkatapos mo magsabi ng totoo?"
"Dumulas sa bibig ko. Bigla kasi akong kinabahan kagabi. Sorry!" sabi ko, "Tsaka masyadong halata sa singsing ko." Kuminang ang malaking bato sa aking daliri.
"Hindi kaya halata. Madalas ka sa Divisoria. Maraming peke na diamond doon."
"Sabi na nga ba, fake diamond ang binigay mo sa akin," sinimangutan ko siya, "Kuripot na Tsekwa ka."
Tumawa si Maki ng sarkastiko. "Peke daw... Gusto mong ipakita ko sa 'yo ang resibo? Naka-frame sa condo ko."
Sasagot sana ako kaso umupo na sa aming tabi ang parents ko. Pagkatapos ang small talk, dumiretsa si Papa sa main course. Mata sa mata, diniretso niya si Maki tungkol sa aming darating na kasal. Isang taon pa lang kaming magkasintahan, nakuha na daw niya kaagad na hingin ang kamay ko para iharap sa altar. Ngumiwi lang kaming dalawa. Sabay naming sinagot ni Maki ang tanong ng mga magulang ko tungkol sa paparating na kasal four months from now.
Lumingon ako kay Maki, namumuo ang butil ng pawis sa kaniyang noo kakasagot sa mga tanong ng parents ko.
"Saang simbahan? May petsa na ba kayo? Magkano ang budget?" mga tanong nila, "Sino ang mga invited?"
"Ma? Pa? Bago natin 'yan pag-usapan nang husto, may kailangan ako sabihin."
Humigpit ang kapit ni Maki sa kamay ko—daliri sa daliri. "You got this," bulong ng mahal ko, "I'm here, babe."
Kumunot ang noo ni Mama. "Buntis ka ba?!"
"Sinasabi ko na nga ba!" ani ni Papa. "Kaya kayo magpapakasal agad."
Umiling si Maki. "Hindi po siya buntis. Huminahon po kayong dalawa. May importanteng sasabihin si Jaja."
Tumahimik sila.
Yumuko ako at tinignan ang magkabuhol naming kamay. Sa totoo lang, wala akong maapuhap na takot. Kasi may hawak akong baterya. Kasama ko siya—katawan at kaluluwa. Sapat na 'yon.
"Ma? Pa?" tinignan ko sila, "May nangyari sa akin sa Malaysia..."
Buksan ang puso, isip, at kaluluwa. Haluin. Saka lang gigising ang kaluluwa mo.
EUROPA JONES
WAKAS