Babaylan

By Fangsie

25.5K 1.6K 573

Magtapang-tapangan ka na sa kanyang harapan... dahil hindi ka niya sasantuhin. More

Balik-tanaw
Chapter 1: Kaisang-dibdib
Chapter 2: Sa Piling ng Angkan
Chapter 3: Silip sa Nakaraan
Chapter 4: Pangulo
Chapter 5: Pagbabalik
Chapter 6: Pasaylo
Chapter 7: Hiling
Chapter 8 : Giraram
Chapter 9 : Takas
Chapter 10: Ama, Ina, Anak... Alamid!
Chapter 11 : Paghahanda
Chapter 12: Malabagyo
Chapter 13 : Pasiya
Chapter 14: Pagdukot
Chapter 15: Siklab
Chapter 16: Mahay
Chapter 17: Saloobin
Chapter 18: Dayo at Dalantao
Chapter 19: Tambalan
Chapter 20: Awit
Chapter 21: Laban at Bawi
Chapter 22: Buhay
Chapter 23: Ulan
Chapter 24: DUKOT
Chapter 25: Kaduluman
Chapter 26: Pagbalik
Chapter 28: UHA
Chapter 29: BINHI
Chapter 30 : LIHIM
Chapter 31: Sinugdanan (Umpisa)
Chapter 32: MATA NG BAGYO
Chapter 33: UNANG PAGKIKITA
CHAPTER 34: BAGSIK NG ARAW
Chapter 35: DAKOP
Chapter 36: *HALAD
Chapter 37: Pildi-Daog

Chapter 27: PASLIT

551 33 6
By Fangsie

Chapter 27

Paslit

Magara pa sa kasal ni Kuntan ang handaang isinagawa ni Datu Molavi para sa kanyang pinaka-Alamid. Halos ang lahat ng Pugot-ulo ay dumalo sa kumbira, maging ang mga naturingang nagtaksil sa buong Makiyas, ang mga Gamu-gamo. Naroon rin ang mag-asawang Dalisay at Aristan, na kasalukuyang ipinagbubuntis ang panganay na anak.

"Pinatataba mo ang kasingkasing ko, Datu," masayang wika ni Ulan nang magkasarinlan sila. Napangiti ang huli.

"Inaalagaan mo ba nang husto ang aking dating asawa?" May tukso ang tono ng tanong.

"Ha! Mukha ba siyang naghihikahos? Dapat ang kalagayan ko ang tinatanong mo, Molavi, dahil sa kalisod na dinanas ko sa Mamamana-ung iyan. Kaya pala malugod mo siyang ipinamigay sa akin nang hingin ko ang kamay niya sa iyo." Natawa si Molavi.

"Huwag mo'ng kalimutang nasa isla si Dahongpalay. Nakararating sa akin ang "hirap" na dinaranas mo kay Amila."

Bahagyang namula ang pisngi ng Alamid, ngunit nakahuma rin at napangisi.

"Malipayon ako sa magandang daloy ng aming panag-uban sa karon, Molavi. Noong hindi ko pa kayang magbalik-anyo, naisip ko nang layuan si Amila, ngunit sadyang mabait sa akin si Gurama-un." Sa narinig ay mariing pinisil ni Molavi ang balikat ng kapwa-mangungubat.

"Marami tayong hindi naiintindihan sa mundong ibabaw subalit hindi ito sapat na dahilan upang panghinaan tayo ng loob."

"Marami akong natutunan sa karanasang ito, Datu. At higit sa lahat, hindi ako iniwan ng buong angkan at ng mga mahal ko sa buhay." Matunog na tinapik ng datu ang balikat ng Alamid.

"Magdiwang na tayo!" Masayang anyaya ng ama ng Makiyas.

Masaya ang salubungan ng magkakapatid na Gamu-gamo. Matagal-tagal ring hindi nakauwi sa Iwata ang tagapagmana kaya ganoon nalang ang pagbating natanggap niya sa mga kapatid sa ama. Maraming tanong ang mga kapwa bata kay Sumiklab at malugod naman itong sinagot ng panganay nilang kapatid.

"Natutuwa ako at masaya sa Sinagbato ang anak ko, Babaylan," nakangiting wika ni Su-ama. Tumango lang ang Mamamana habang nakapukol ang mapagmasid na tingin sa umpukan ng mga kalalakihang Gamu-gamo sa di-kalayuan.

"Masama ang tingin ng lalaking iyon sa anak mo, Su-ama," mahinang wika ni Amila sabay nguso sa lalaki. Napabuntunghininga ang huli matapos sundan ng tingin ang tinuro ng babaylan.

"Si Kasag, isa sa mga pinsan ni Sumandig, at nais akong maging kabiyak. Alam ko ang binabalak niya kaya wala siyang makukuha sa akin," angil ng bae.

"At ano ang balak niya sa iyo?"

"Sa akin? Wala. Sa tagapagmana, tiyak kong mayroon." Kapwa nila pinagmasdan si Sumiklab sa di-kalayuan. "Balang araw, mamumuno sa Iwata ang tagapagmana ni Sumandig at kapag pumayag akong pakasal kay Kasag, magiging ama-in siya ng anak ko. Malakas ang kutob ko'ng may balak siyang masama sa aming mag-ina."

"Naiparating mo na ba ito kay Molavi?"

"Uh... hindi pa. Kutob pa lang ang lahat, Babaylan. Ayaw kong pagtawanan pag nagkataon," bahagyang namula ang pisngi ni Su-ama.

"Nakikita ko si Sumandig sa timawang iyan... kaya naniniwala ako'ng tama ang kutob mo."

"Ano ang maayong buhaton?"

"Nasa pangangalaga ni Ulan ang anak mo, at kasalukuyang sumasabak sa maraming uri ng pagsasanay. Nasa likod ni Sumiklab ang buong angkan ng Alamid. Sa tingin mo ba'y may panama si Kasag sa kanila?"

Napangiti ang nakababatang ina.

"Nakalimutan ko rin yata'ng may mabagsik na Mamamana-u ring umaaruga sa kanya?"

"Ah, oo nga pala," napangiti na rin si Amila. "Anyayahan mo kami'ng pumasyal sa Iwata, Su-ama. Nais kong makita ang inyong nasasakupan... at makilala ang tusong matsing na nagbabalak ng masama sa inyong mag-ina."

Kumabog ang dibdib ng babayeng Gamu-gamo. Nakita niya ang mapanganib na kislap sa mga mata ni Amila.

Sumilay ang ngiti sa labi ni Sumiklab nang mapasok na nila ang sentro ng Iwata. Puno ng pananabik ang anyo ng binatilyo lalo pa't naghihintay na sa kanilang pagdating ang ina at mga kapatid ni Sumiklab. Patakbo nitong binati ang mga naroon.

"Malipayong pagdating, Ka Ulan. Babaylan..." Salubong ni Su-ama sa mag-asawa, kasunod nito'y mga dating asawa ni Sumandig. Sumalubong sa dalawa si Sumiklab at yumakap sa mga ginang. Sumilay ang ngiti sa labi ng mga babaye, halatang nagulat sa pagmamagandang-loob ng tagapagmana ni Sumandig.

"Pinag-alala mo kami, Sumiklab," ani Biguen, ang pangatlong asawa ni Sumandig.

"Maayos po ang kalagayan ko, Nana Biguen."

"Pumanhik na tayo sa balay at maraming pagkain ang naghihintay sa inyo," paanyaya naman ng dating pangalawang asawa ni Sumandig.

Matapos ang masayang salo-salo ay nilibot ng mag-asawa ang Iwata kasama ni Su-ama. Maraming Gamu-gamo ang naglabasan sa kanilang balay at nakiusyoso sa mga bagong dating. Gaya ng inaasahan nila, malamig ang tinging ipinukol ng mga taga-Iwata, na sinuklian naman ni Amila ng nakapapasong tingin. Para namang walang nakita si Ulan at mas piniling pagmasdan ang kapaligiran ng nasasakupang bayan ng Makiyas.

"Balang araw, magiging kay Sumiklab ang lahat ng ito," may pagmamalaking wika ni Ulan sa kanila. "Nawa'y mapalaki natin siya'ng isang magiting na mamumuno."

"Sa tingog mo'y nararamdaman ko ang pagmamahal mo sa aking panganay, Ka Ulan?" May halong pagkagulat at tuwa ang anyo ni Su-ama. Bahagyang natawa si Amila, lalo't pilit itinago ng kabiyak ang namumulang pisngi.

"Daig pa niya ang inahin," tukso ng babaylan. "Isa siyang maayong amahan sa anak mo, Bae."

"Kung gayo'y mapayapa na ang aking kasingkasing. Daghang salamat sa inyong dalawa," naluluhang ngiti ng ina. "Nais niyo ba'ng makita ang aming taniman?"

"Natatandaan mo pa ba ako, pamangkin?" Anang boses sa likuran ni Sumiklab habang nakikipaglaro siya sa kanyang mga kapatid. Dahan-dahang pumihit ang binatilyo at hinarap ang lalaki.

"Opo, Kaka. Isa kayo sa mga piling kawal ni Ama noong nabubuhay pa siya...." Sa hindi malamang dahila'y sumama ang pakiramdam ni Sumiklab, tila may kung ano'ng nais kumawala sa kanyang katawan nang mga sandaling iyon. Sapo ang dibdib, pilit pinakalma ng batang Gamu-gamo ang sarili. "Ma...ayong adlaw, Ka Kasag..." Napansin niya'ng nanahimik rin ang mga kapatid at tila nakapila sa kanyang likuran.

"Kay putla mo'ng bigla, bata. Hindi na ba hiyang sa iyo ang hangin dito sa Iwata?"

"Marami lang akong nakain kanina kaya marahil sumama ang aking sikmura," sagot. Nagtapunan sila ng tingin. "May sadya po ba kayo?" Paangil ang boses ni Sumiklab. Sa narinig ay napangiti si Kasag.

"Masama ba'ng alamin ko ang kalagayan mo ngayon, Sumiklab? Nagbago na ba ang tingin mo sa amin ngayong nasa pangangalaga ka na ng mga Alamid?"

"Maayos po ang kalagayan ko, Kaka. Salamat sa pag-aalala."

"Ipatingin mo kay Supila ang iyong kalagyan, upang malunasan kaagad."

"Ngayon din po," mahinang wika ng binatilyo. Pinagpawisan ang kanyang noo at muling nagsirko ang sikmura. Sumenyas siya sa mga kapatid at pinilit ang sariling tahakin ang daan pauwi.

"Sumiklab," habol-tawag ng tiyuhin sa kanila. Napakagat-labi si Sumiklab sa makirot na sensasyon. "Ibayong pag-iingat habang naririto kayo sa Iwata. Ang Gamu-gamo ay hindi nakalilimot sa nakaraan." May bagsik ang tingin ng tagapagmana nang muling lingunin ang tiyuhin.

"Tama kayo, Kaka. Mahirap makalimot."

Inip na pinitik ni Kasag sa kawalan ang upos ng kanyang nilukot at muling nagmasid sa madilim na kapaligiran. Kanina pa siya naghihintay sa tagpuang napag-usapan nila ng kanyang mga kasama, ngunit ni anino ng mga ito ay walang sumulpot. Akmang aalis na siya nang marinig ang mahinang yabag na papalapit sa kanyang kinatatayuan. Humuni siya gaya ng isang ibon at sumagot rin ng huni ang paparating. Nakahinga ng maluwang si Kasag.

"Bakit ang tagal nin...yo...?" Ang puna ay napalitan ng pagkagulat nang magsindi ng sulo ang bagong dating at tumambad kay Kasag ang anyo ng isang babae. Napatda ang Gamu-gamo sa kanyang paglapit, at napalitan ng galit ang anyo nito. "Ano'ng ginagawa mo rito, Mamamana-u?"

"Ako na ngayon ang katagpo mo, timawa." Nagbaba ng tingin si Kasag at napansin ang mahabang hinagibang nakatali sa baywang ng babaylan. Sinalat niya ang sariling sandata.

"Wala akong balak makipag-usap sa isang kaaway. Umalis ka na sa atubangan ko!"

Malahayop ang ungol na narinig nila nang sandaling iyon. Napasinghap si Kasag, luminga-linga.

"Tinatakot ba ako ng iyong Alamid, babaye? Sa tingin mo ba'y madali akong malinlang? Tandaan mo, mangangasong angkan kaming Gamu-gamo. Marami na akong hayop na nahuli." Ngunit sa kabila ng tapang ng lalaki'y nagawa pa rin nitong luminga-linga sa kapaligiran na wari'y may hinahanap.

"Ang hinihintay mo'ng mga kauban ay sininop na ng Alamid."

"Ano ba ang sinasabi mo? Nagpapahangin lang ako..." Lumihis ang mata ni Kasag nang maaninag ang isa pang anyo sa likuran ng babaylan. Sumipol ito, at nanlaki ang mga mata ni Kasag.

Tumambad sa malapitan ang tagapagmana ng angkan. Wala itong saplot pantaas at nakasalawal lamang ng kulay itim. Dilaw ang mga mata ni Sumiklab!

Napaurong sa pagkagulat si Kasag.

"Magandang gabi... Kaka."

"Ano'ng... ano'ng ibig sabihin nito, Sumiklab?"

"Isa itong babala sa mga katulad mo'ng nagbabalak angkinin ang minanang katayuan ni Sumiklab dito sa Iwata, hangal," ani Amila. "Bago pa tuluyang mamahay sa iyong utak ang kasakiman ng iyong kasingkasing, susupilin na naming ito at magsisilbi kang palatandaan na kailanma'y hindi kayo mangingibabaw hangga't may hininga ang tunay na tagapagmana." Sa narinig ay napaatras ang Gamu-gamo at hinugot ang sariling sundang sabay tutok sa pamangkin.

"Walang batayan ang mga pasangil mo, Mamamana! At ikaw, paslit, subukan mong lumapit at matikman ang talim ng aking..." Simbilis ng hangin nang tapikin ni Sumiklab ang hinagibang hawak ng tiyuhin... gamit ang kanyang nagbagong-anyong kamay alamid! Tumilapon sa damuhan ang sundang. Napalunok-singhap si Kasag.

"Ngayo'y alam ko na kung bakit sumama ang sikmura ko kanina, Kaka." May ngiti sa labi ng nakababatang Gamu-gamo, kumikinang ang mga dilaw na mata, ngunit mabagsik ang anyo. "Hindi dahil sa nakain ko... kundi dahil may namamahay sa aking katauhan. Ibig nitong kumawala at nais kang makilala..."

Nagpalit-anyo ang Tagapagmana... at sinagpang sa leeg ang tiyuhin bago pa man ito nakatakbo!

Nakabibingi ang sigaw ni Kasag bago pa man ito tuluyang nanahimik sa gitna ng gabi.

"Magbalik-anyo ka na, paslit!"

Bahagyang nilinga ni Amila ang asawang papalapit sa kanila. Nagbalik-anyo na ito at nang makalapit sa alamid ay pahilang hinawakan sa magkabilang tainga ang kinikilalang anak. Saka pa lang kumalas sa leeg ni Kasag ang paslit. Galit na ungol ang ganti nito sa ama.

"Buhay pa ba ang isang iyan?" Tanong ni Amila. Dahan-dahang nagbalik-anyo ang bata hanggang sa tuluyan itong maging taong muli, hapo ang katawang naupo sa damuhan at habol ang hininga. Maya-maya'y patakbo itong kumubli sa puno at nasuka.

Dinala nila sa Gamu-gamong mananambal ang walang ulirat na si Kasag at kinabukasa'y alam na ng lahat ang sinapit nito sa mabagsik na kamay ng isang Tagapagmanang Alamid.

Ipinatawag ni Sumiklab ang angkan. Marami sa kanila ng dumalo sa pulong, may takot ang mga mata.

Tumambad sa kanilang harapan si Sumiklab. Gaya ng dati'y wala itong pantaas na saplot at nakasalawal ng itim. Matama nitong pinagmasdan ang angkan.

"Makinig ang lahat!" Malaking boses ang lumabas sa bibig ng tagapagmana, sabay sa pagpapalit ng kulay ng kanyang mga mata. Napasinghap ang mga nakasaksi. "Babalik ako sa tamang panahon upang pamunuan ang Gamu-gamo. Sa mga magbabalak pabagsakin ang aking pamumuno... maaari ninyong dalawin ang Kakang Kasag sa kubo ni Apo Unik. Sasapitin niyo rin ang sinapit niya! At sa mga nagbabalak ng masama sa aking mga ina't kapatid... masahol pa kay Kasag ang ipalalasap ko sa inyo."

"Hindi kami katulad ni Kasag, lakan," mahinahong wika ng isang nakatatandang lalaki. "Hihintayin naming ang iyong pagbabalik rito sa Iwata. Isa lang ang nais naming malaman... sino ang tatayong pinuno hangga't wala ka?"

"Ang dati pa'ng nagpapatakbo rito sa Iwata, ang aking ina! Hangga't wala ako'y siya ang kahalili ko. Kaya iiwanan ko na kayo ng banta sakaling may balakin kayong masama laban sa kanya."

"Huwag mo kami'ng itulad sa iyong ama, bata!" Galit na bunghalit ng iilan.

"Iisa lang ang aking ama... at ito ay isang Alamid!"

Sa di-kalayua'y nakamasid lamang ang mag-asawa. Marahang pinisil ni Amila ang kamay ni Ulan. Gumanti naman ito, di mapigilang ang ngiti sa labi habang may pagmamalaki'ng nakatitig sa anak.

"Napili na siya ni Gurama-un, kung ganoon?" Dahil sa kakayahang magpalit-anyo ni Sumiklab ay nasiguro na ang kanyang katayuan sa angkan ng Alamid.

"Sa tingin ko'y nangyari ito dahil sa ginawa ni Heulii noong una siyang makarating sa Sinagbato. Napili ng alamid si Sumiklab."

"Balang araw lilisanin niya ang Sinagbato, Ulan."

"Pinaghahandaan ko na ito ngayon pa lang, Amila. Tiyak, mangungulila ako sa kanya ngunit may katungkulan na si Sumiklab sa kanyang angkan bago pa man siya ipinagkaloob ni Molavi sa akin." May lungkot ang mga mata ni Ulan. Masuyong hinimas ng babaylan ang magkabilang braso ng Alamid. May lungkot rin ang ngiti ni Amila.

"Mangungulila rin ako sa kanya, Ulan. Isa siyang mabuting bata at nakatulong magpamulat sa aking mga mata bilang isang ina."

"Ibig ko'ng makita kang maging ina muli, mahal ko..." Usal ng Alamid. Naumid ang babaylan at biglang nilihis ang mga mata. "Amila..." Nag-angat ito ng tingin at naroon ang takot sa anyo nito.

"Huwag mo'ng hanapin ang hindi na marahil mangyayari pa," paiwas na wika ng asawa. Akmang aalis si Amila ngunit mabilis siyang hinatak pabalik sa tabi ni Ulan.

"Natatakot ka ba'ng maging ina muli? Pinipigilan mo ba'ng magkaanak tayo?"

"Hindi ko naibigan ang tanong mo, Alamid! Wala ako'ng ginagawa sa aking katawan."

"Ngunit maaari ka pa'ng magbuntis, hindi ba?"

"Matanda na ang katawang ito, Ulan..."

"Amila..."

"Maghilum ka na!"

Naging tahimik ang kanilang paglalakbay pauli sa Sinagbato. Maging si Sumiklab ay walang kinausap sa sinuman sa mga magulang. Nagtaka ngunit nagsawalang-kibo na lamang ang angkan sa nasaksihan.

"Amila," pabulong lang ang boses na nagpamulat sa mata ng babaylan. Kasalukuyan na silang namamahinga sa lalim ng gabi at parehong nagpapakiramdaman lamang kahit magkatabi sa papag. "Patawad kung ikinagalit mo ang sinabi ko sa Iwata... bugso lamang ito ng una nating napag-usapan tungkol kay Sumiklab." Matagal bago tinugon ng asawa ang Alamid. Pumihit ito at hinarap siya.

"Hindi mo maaalis sa aki'ng panghinaan ng loob. Hindi na bata ang iyong napiling mapangasawa. May daga na sa aking dibdib tungkol sa bagay na ito, Ulan. Naiintindihan kita at pinatatawad."

"Mahal kita, babaye... kahit ano pa man ang iyong katauhan."

And dating mahilom na tubig ng ilog ay biglang umalon ngunit saglit na wari'y may dumaan lamang.

Continue Reading

You'll Also Like

26.7K 536 84
[ NCT EPISTOLARY SERIES #6 ] A Liu Yangyang ff In which a girl mistaken a boy from someone else. "Bastos ka! Akala mo hindi kita mahahabol!" "Huh? Ka...
M By Maxine Lat

Historical Fiction

6.3M 290K 17
#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical viole...
2.3K 452 86
Isang ordinaryong estudyante, na ang gusto lang ay makapagtapos ng pag-aaral. Makamit ang kaniyang pangarap. Maging masaya sa buhay na pinili niya. M...
14.7K 709 35
[COMPLETED] Taong 2040 na kung saan ang mamamayan ng Pilipinas ay nahati sa pagkakakulong sa tatlong santuwaryo laban sa nagbabadyang panganib sa lab...