Chapter 22: Buhay

642 55 11
                                    

Chapter 22

Buhay

Ilang araw na ang mi-agi matapos ang panghitabo sa Ibayo ngunit hindi pa rin nagigising sina Ulan at Silaw. Nagkamalay na ang tatlo pang samaran ngunit si Amihan ay hindi pa makatayo at makakain ng maayos. Nananatili si Amila sa Ipil at matamang hinihintay ang muling pagmulat ng mga mata ni Ulan. Paminsan-minsa'y naiiyak siya at nawawalan ng pag-asa dahil hindi basta-basta ang mga sugat na tinamo ng mga mandirigma, lalo na si Ulan. Kung natagalan pa ang pagdating niya'y huli na ang lahat at malamang nagluluksa na siya ngayon. At kung hindi sa tulong ng angkang Agapai, wala nang buhay ang kalalakihan.

"Kumain ka muna, Amila," anang boses sa likuran ng babaylan. Nakaakbo sa gilid ng papag ang Mamamana-u habang nakasalampak sa sahig at masuyong hinahagod ang braso ni Ulan.

"Hindi po ako nagugutom, Nana Vana," paanas na wika ni Amila sabay pahid sa luhang dumaloy sa pisngi. Narinig niyang bumuntunghininga ang mananambal at namalayang sumalampak rin ito sa sahig katabi niya. Nag-angat ng tingin ang babaylan. May dalang mangkok si Vana, inalo siyang higupin ang sabaw para magkalas ang katawang nangayayat. Napilitang sumunod ni Amila.

"Nakakalakaw na sina Alab at Abalon ngunit hinay-hinay muna at hindi pa nila kayang lumayo sa kanilang tinutuluyan. Nais nilang makita ang iyong Alamid. Nakikita ko sa kanilang mga mata ang matinding pag-aalala para sa kanilang pangulo."

"Bakit hindi pa siya nagkakamalay hanggang ngayon, Nana?" Muling nangilid ang luha sa mata ng babaylan at minabuti na lang niyang ilapag ang mangkok. Nawalan na siya ng ganang kumain.

"Malalalim ang mga sugat na natamo ni Ulan. Kung hindi sa tulong ni Agaw-kislap, hindi namin kakayaning gamutin sila. Maraming dugo rin ang nawala sa asawa mo't mga kasama niya."

"Natatakot ako sa maaaring mangyari..."

"Manalig kang malalampasan nilang lahat ito."

"Ano ang nangyari sa Mananawag?"

"Nakapiit siya ngayon dito sa Ipil. Mukhang gulilat pa ang batang iyon hanggang ngayon at hindi pa nakukuhang magsalita. Sinubukan nilang pakainin ngunit nakatulala lamang ito sa isang tabi."


Kinagabiha'y naisipang dalawin ni Amila ang iba pang kasama ni Ulan na patuloy ring nagpapagaling. Una niyang dinalaw ang kapatid ni Lin-aw. Nakaratay pa rin si Amihan sa papag, halatang natuwa ito nang makita si Amila'ng pumasok sa silid. Walang salita'ng namagitan sa kanilang dalawa ngunit sapat na ito sa mandirigma bago muling ipinikit ang mga mata at tuluyang nakatulog. Sunod namang dinalaw ni Amila sina Abalon at Alab na nasa iisang silid lamang. Nagkumahog umupo sa kani-kanilang higaan ang mga Alamid nang malamang nais silang makita ni Amila. Nagtatanong ang mga mata ng kalalakihan nang pumasok sa silid ang babaylan. Napahinga ng malalim si Amila at umiling.

"Hindi pa rin siya nagkakamalay hanggang ngayon." Kaagad naghimutok ang dalawa, may galit at takot sa mga anyo. "Natutuwa ako't maayos na ang kalagayan ninyo mga igsuon." Nag-angat ng tingin si Abalon, may luhang nangilid sa mga mata.

"Nauna kami ni Alab sa paglapit sa patibong ngunit hinila niya kami, kaya...." Napayuko ang matalik na kaibigan ni Ulan, nakuyumos ang palad. "Patawad, Babaylan."

"Kung magsalita ka'y parang hindi mo lubos na kilala si Ulan. Laging panghuli ang sariling kaligtasan para sa kanya. Tayo ang laging nauuna, kaya wala kang dapat ihingi ng tawad. Likas lamang ito para sa pangulo ng Alamid."

"Bakit hindi kayang pagalingin ni Agaw-kislap si Ka Ulan?" Inip na tanong ni Alab.

"Hindi siya diyos," tanging sagot ng babaylan.

BabaylanWhere stories live. Discover now